Aninaw


Hindi pa rin talaga natatapos ang pagkabilanggo ng Pilipinas sa kamay ng mga imperyalista, dahil ang layunin ng mga naghaharing-uri sa bansa ay patuloy na sambahin ang kapitalistang sistema. Ito rin ang siyang nagbubukas sa pintuan para pagsamantalahan at pagkakitaan ng mga dayuhan ang likas na yaman ng bansa. 

Muling nahahatak ang Pilipinas sa teknolohikal at geopolitikal na estratehikong interes ng mga makapangyarihang bansa nang bumunsod ang pagmomonopolyo ng Estados Unidos at Tsina sa pandaigdigang industriya ng semiconductor. Sa ganitong interes nagbunga ang isang inisyatiba ng US na kung titingnan ay hamak na pangangamkam na nagtatago sa likod ng pangakong pag-unlad para sa mamamayang Pilipino.

Ang inisyatibang ito ay kilala bilang Pax Silica na naglalayong kontrahin ang teknolohikal na sektor ng pagmamanupaktura ng Tsina. Layunin nito na magtayo ng mga imprastraktura para sa artificial intelligence sa Pilipinas at kumuha ng mga kritikal na mineral upang makagawa ng mga semiconductors

Opisyal na naging kabilang ang Pilipinas sa Pax Silica matapos pirmahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino S. Rodolfo ang kasunduan kahit walang naganap na anumang konsultasyon sa masa. Ayon kay US Undersecretary of State of Economic Affairs Jacob Helberg, magbubunga raw ito ng mas maunlad at mayaman na Pilipinas. 

Bilang isang developing country, mabigat na layunin para sa Pilipinas ang maging maunlad. Tinatanaw natin ang mga proyektong saklaw sa ganitong layunin na susi para sa magandang kinabukasan ng ating lipunan. 

Ngunit hindi maiiwasan ang paglitaw ng katanungan kung ang mga inisyatibang tulad ng Pax Silica ay tunay bang hinahangad ang kaunlaran ng mga Pilipino, lalo na kung ang estratehiyang ito ay pawang panlilinlang lamang para sakupin ng mga imperyalistang bansa ang ating kalupaan.

Kung pagbabatayan ang ating kasaysayan, malinaw na hindi kailanman naging kakampi ng Pilipinas ang US mula sa iba pang mga uri ng makapangyarihang bansa tulad ng Spain at Japan. Mas pinatitibay ng nakaraan ang reyalidad na mapagsamantala ang US—inaabuso nila ang kanilang kapangyarihan laban sa mga bansang katulad ng Pilipinas.

Mula noon hanggang sa kasalukuyang administrasyon, patuloy na nananalaytay ang panloloko ng estado sa mga Pilipino pagdating sa usaping pangkaunlaran. Ilang pagsusuri na nga ang nagpapatunay sa kung ano ang karahasang ikinukubli sa likod ng mga proyektong kanilang isinusulong.

Iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang patuloy nakararanas ng pagnanakaw ng kanilang kalupaan at karahasan mula sa estado. Sa Timog Katagalugan, ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro, Quezon, at Rizal ang pinakanaiipit dahil sa malubhang intimidasyon at terorismo ng estado na malinaw na lumalabag sa International Humanitarian Law

Isang malinaw na halimbawa ng masahol na hangarin ng gobyerno na kamkamin ang mga lupain sa kanayunan ay ang kaso ng isang magsasaka mula sa San Jose, Occidental Mindoro na si Juan Sumilhig. Brutal siyang dinakip at pinatay ng 4th Infantry Battalion of the Philippine Army. Walang hiyang inakusahan ng militar si Sumilhig bilang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) na mariing itinanggi ng mga kapwa niya magsasaka. 

Noong Agosto 2025 naman, binomba at pinaulanan ng bala ng 16th Infantry Battalion at 2nd Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Barangay Maguibay, Tangkyawan sa Quezon Province na nagbigay ng matinding takot at pangamba para sa maraming magsasakang nakatira doon. 

Ang mga ito ay ilan lamang sa halimbawa kung gaano kasukdulan ang malupit na estado sa mga katutubo at magsasaka. Ipinapakita ng mga ito ang walang-sawang pagpapahirap ng militar sa kalayaan at karapatang-pantao, at kung paano nito ginagamit ang kaunlaran bilang panakip-butas sa kanilang karahasan. 

Isa pang halimbawa ng marahas na proyekto ng pamahalaan na nakakubli sa likod ng naratibo ng kaunlaran ang Laguna Lake Road Network (LLRN), na matagal nang mariing tinututulan ng mga grupo ng mangingisda dahil sa bantang dala nito sa kanilang kabuhayan. Maihahalintulad ito sa Pax Silica dahil sa pareho nitong layunin na isaalang-alang ang mga mamamayan at ang kalikasan na kanilang inaasahan bilang pinanggagalingan ng kanilang araw-araw na pamumuhay.

Hinahabi ng bawat istorya ng inhustisya ang kabuuan ng sistemang mapang-api sa masa. Gaya ng inisyatibang Pax Silica, may mahabang kasaysayan ang estado at mga imperyalistang amo nito ng pagmamarka gamit ang magarbong pangalan sa kanilang pagnanakaw ng lupang pinamumuhayan ng mga Pilipino saan mang bahagi ng bansa.

Habang ang maraming katutubo at magsasaka ay mulat sa kaisipan na ang pinag-uugatan nila ay ang kanayunan, mayroong mga ganid na sumusunod sa malapyudal na sistema at naniniwala na ang lupa ay dapat pinaghaharian. Ngunit sa katotohanan, alam natin na walang panginoon ang lupa. 

Bagkus, ang lupa ay buhay. 

Bilang parte ng lipunan at bansa, marapat lamang na masiguro na ang mga susunod na henerasyon sa atin ay tiyak na may madadatnang lupang nasa mabuting kalagayan. Sapagkat kung titignan, walang sinuman—maging ang lipunan o bansa—ang may pagmamay-ari ng lupa dahil ang bawat isa sa atin ay may pananagutan na maging tagapangalaga lamang nito. 

Kaya’t malinaw na hangga’t may nananatiling naghaharing-uri sa isang bansa, hindi ito kailanman magwawagi sa ninanais nitong maging mayaman kung ang kapalit ng huwad na karangyaan ay ang kalidad ng buhay ng mga taong naninirahan dito. 

Bukod sa punto hinggil sa pangangamkam ng lupa para sa proyektong Pax Silica, importante ring siyasatin ang pinoprontang layunin nito na pagpapalaganap sa makabagong teknolohiya .Mula sa litro-litrong tubig na kinakailangan para palamigin ang mga server at ang malaking kuryenteng kinokonsumo nito, hanggang sa degradasyong tinatamo ng mga komunidad sa sektor ng agrikultura, malinaw na may malalang epekto ang AI sa ating kalikasan. 

Malagim din ang epekto sa kapaligiran ng Pax Silica, na mapapakita sa pag-apruba ng estado sa pagtatayo ng 4,000 acres ng mga industrial hub sa Luzon Economic Corridor upang maisakatuparan ang produksyon at distribusyon ng mga kritikal na mineral at iba pang mga produktong kinakailangan ng US mula sa Pilipinas. Tinuturing din ito bilang Economic Security Zone dahil sa pang-alyansang manupaktura na umano’y magbubunga ng oportunidad at mga trabaho para sa maraming Pilipino. 

Subalit kung titingnan, ang Luzon Economic Corridor ay destinasyon para mas mapalawak ang militarisasyon ng US sa bansa, kahit pa nakasaad sa ating Konstitusyon na ipinagbabawal ang ganitong aktibidad. Kung susuriin, ang sariling retorika ng US ay siya ring nagbubunyag sa kasinungalingan at pandaraya nila sa mga Pilipino.

Kitang-kita sa mga desisyon ng administrasyong Marcos kung para kanino sila naglilingkod—sa halip na pakinggan nila ang umaalingawngaw na mga higanteng panawagan ng masa, mas pinipili nilang maging tuta ng mga imperyalista. Bagama’t pinagsisigawan ng mga katutubo na ang lupa ay buhay, walang-hiya kung ipamigay ng ating estado ang mga likas na yaman ng bansa. 

Sa kabila ng pagbabalik ng pormal na demokrasya matapos ang diktadura ni Marcos Sr., mailap pa rin ang kalayaang matagal nang isinisigaw ng mga magsasaka. Patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran ng masang anakpawis para sa kanilang batayang mga karapatan bilang manggagawa.

Tiyak na nakakabalisa ang pagsali ng Pilipinas sa Pax Silica lalo na’t tampok ang kalokohan na ito raw ay magbibigay ng anumang seguridad sa kaunlaran ng ating bansa. Malinaw na malaki nga ang panganib na ipinapataw nito sa ating soberanya at sa buhay ng maraming Pilipino. 

Kung tutuusin, ginagamit lang ang inisyatibang ito para mas palalalimin pa ang operasyong pang-militar ng US sa ating bansa. Hindi lamang sa pagbubutas ng kalupaan natin o kahit sa pananamantala ng mga naghaharing-uri natatapos ang malaking problema na bitbit ng inisyatibang ito. 

Sa paglipas ng panahon, mayroong mga responsibilidad na maaaring hindi matakasan ng Pilipinas dahil dito. 

Ayon sa pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kahingiang tutulan ang Pax Silica dahil ito ay isang uri ng “war production”. Ang mga semiconductor kasi, na nangangailangan ng kritikal na mineral mula sa ating lupa, ay isa sa mga pinakamahalagang bagay upang mapagana ang AI na siyang ginagamit din mismo ng US at Israel sa pambobomba nila mga bansang api kagaya ng Palestine, Iran, at Lebanon. 

Matagal nang kompirmado na gumagamit ng AI system ang US at Israel bilang warfare machine, na mas kilala bilang Palentir Movement Smart System NATO. Sa katunayan, ginamit ng US ang sistemang ito upang tudlain ang mahigit 1,000 na tao sa unang araw ng giyera nila sa Iran. 

Kung susumahin ang mga kontekstong ito, mahalagang tanungin kung saan ba talaga tayo nais ilagay ng mga inisyatiba gaya ng Pax Silica. 

Maiuugnay ang pakikipag-alyansa ng Estados Unidos sa Pilipinas sa banta ng Tsina, na isa ring makapangyarihang bansang nagnanais kamkamin ang ating mga lupain. Ngunit bagama’t ginagamit itong palusot ng estado, hindi maitatanggi na sa bawat produksyon ng semiconductors sa ating bansa may katumbas na pagtulong sa isang napakarahas na krimen laban sa mga inosenteng tao sa iba pang bayang kagaya nating nakikibaka para sa paglaya. 

Maliban sa pang-aalipusta ng isang makapangyarihan at imperyalistang bansa sa atin, may pananagutan ang estado sa mga susunod pang panunupil ng tambalang Estados Unidos at Israel sa iba’t ibang bansa dahil sa tulong na ibinibigay ng ating likas na yaman sa kanila..

Hangga’t kayang sikmurain ng estado ang ganitong pakikipag-ugnayan, makikita na hindi tayo kailanman makakaalpas sa mahigpit na kapit ng mga imperyalistang bansa sa atin. Mananatiling huwad ang kasarinlan ng ating bansa kung walang gulugod ang mga taong nasa poder ng kapangyarihan para ipaglaban ang interes ng bayan,  hindi ng naghaharing mga gahaman 

Hindi natin iniluluklok sa posisyon ang ating mga politiko para sapawan ang masa. Pinipili sila ng masa upang magkaroon ng pananagutan at tumuwang sa mga pangangailangan ng taumbayan. 

Oras na para lumaya ang estado sa mga makapangyarihang bansa at gawing pangunahing prayoridad ang interes ng sambayanang Pilipino. Tigilan na ang pagtingin na  ang buhay ng sangkatauhan ay negosyong p’wedeng abusuhin at pagkakitaan ng mga imperyalista. 

Dahil tunay lang na uunlad ang ating bansa kung may lakas ng loob na ang estadong tumayo nang hindi nagpapaalipin sa ibang bansa at marunong gawing prayoridad ang pagbibigay protekta sa mga magsasaka at katutubo, at sa mga taong pumoprotekta sa kanila. Kung hindi ngayon ay pinapatunayan lamang ng mga kagaya ni Marcos Jr. at Ceferino Rodolfo ang kahinaan ng estado ipaglaban ang Pilipinas. ■

DISENYO NI CLARE MARPURI


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya