DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagtapos na ang tatlong araw na UP Solidaridad Bi-Annual Congress 2026B na ginanap mula ika-3 hanggang ika-5 ng Agosto sa UP Mindanao.
  • Nakamit ng Tanglaw, UPLB Perspective, at The Staple ang iba’t ibang posisyon matapos ang isinagawang eleksyon para sa susunod na slate ng UP Solidaridad National Executive Council.
  • Matagumpay na naipasa ang apat na resolusyong kabahagi ang mga pahayagan sa UPLB na nagsusulong ng mas mapanuri, demokratiko, at makamasang pamamahayag.

Sa huling araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) 2026B, iba’t ibang panawagan ang matagumpay na naisulong ng tatlong pahayagan ng UPLB, ika-5 ng Agosto sa UP Mindanao.

Kasama sa mga panawagang ito ang pagpapalakas ng mapanuri at makamasang pamamahayag, demokratikong pamamahala, at pagbibigay ng suporta sa mga pangkolehiyong publikasyon.  

Kaugnay nito, nakamit din ng tatlong pahayagan ang iba’t ibang posisyon matapos ang ginanap na eleksyon para sa panibagong UP Solidaridad National Executive Council (NEC).

Si Leonard Z. Magadia, editor-in-chief ng Tanglaw, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng College of Development Communication (CDC), ang naluklok bilang bagong Consul-General ng UPLB, habang si Weather Alfonso naman ng UPLB Perspective, ang pangkampus na pahayagan ng UPLB, ang nahalal bilang Executive Vice President, at si Charles Rosel naman mula sa The Staple, ang pahayagan ng College of Economics and Management (CEM), para sa Media Safety Officer ng Luzon.

Tangan ni Magadia ang planong paggabay sa mga pausbong pa lamang na pangkolehiyong publikasyon sa pamantasan, kasabay ng pagsusulong ng mga panawagan para sa pagkakaroon ng pondo ng mga college publication

Binigyang-diin din niya ang umano’y lumalalang pasismo at iba pang malalaking suliraning panlipunang kinahaharap ng UPLB at ng mas malawak na rehiyon ng Timog Katagalugan, na aniya’y dapat patuloy na ilantad at bigyang-prayoridad sa pag-uulat ng mga peryodista sa kani-kanilang mga kampus. 

Nanindigan naman si Alfonso na hindi kailanman mahihiwalay ang pamamahayag sa malawak na pakikibaka ng bawat mamamayan. Kaya’t layon niyang mas pagtibayin ang pagbabalita ng mga kasaping publikasyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at iba’t ibang sektor, kasabay ng pagpapalakas ng mga publikasyong hindi umano magpapatinag at patuloy na lalaban sa kabila ng krisis sa edukasyon at panunupil sa malayang pamamahayag.

Binigyang-halaga naman ng mga mamamahayag ang matagumpay at masikhay na pagsisikap ni Rosel sa pagpapatibay ng publikasyon nito—mula sa pagbabalangkas ng konstitusyon at mga tuntunin nito hanggang sa pagpapayabong ng ugnayan ng Tanglaw at The Staple bilang dating Consul-General ng UPLB. Anila, ang diwa ng mga karanasang ito ang nagsisilbing pundasyon ng layunin niyang higit pang paunlarin ang pagkakaisa ng mga pahayagan upang tugunan ang tumitinding panggigipit ng estado sa mga batayang sektor ng Timog Katagalugan.

Mga naipasang resolusyon

Bukod sa pagkakahalal ng tatlong mamamahayag sa NEC, matagumpay ring naipasa ang apat na resolusyon kung saan kabahagi ang Tanglaw, UPLB Perspective, at The Staple, katuwang ang iba pang mga pahayagang kasapi sa UP Solidaridad. 

Sumentro ang mga resolusyon sa pagpapatupad ng livestream sa proseso ng pagpili ng ika-43 na Student Regent (SR), pagbibigay ng suporta sa mga pangkolehiyong publikasyon ng UP System, pagpapatibay ng alituntunin sa pag-uulat ng mga midya tuwing may kalamidad, at pagpapalakas ng mga balita sa mga usaping tulad ng Pax Silica. 

Kabilang sa mga naipasa ay ang Resolution No. 2026-013 na may pamagat na “A RESOLUTION URGING THE UP SOLIDARIDAD TO LIVESTREAM THE STUDENT REGENT SELECTION PROCESS DURING THE CONVENTION OF THE GENERAL ASSEMBLY OF THE STUDENT COUNCILS” na magkatuwang na isinulat ng UPLB Perspective at Tanglaw. 

Layon nitong isulong ang “transparency” at partisipasyon ng mas malawak na komunidad ng UP System sa nalalapit na proseso ng SR selection sa pamamagitan ng livestreaming tuwing General Assembly of Student Councils (GASC), habang kaakibat ang pagpapatupad ng mga pamantayan sa media safety, teknikal na paghahanda, at pag-uulat ng mga publikasyong kasapi ng UP Solidaridad.

Inaprubahan din sa plenaryo ang Resolution No. 2026-014 na may titulong “A RESOLUTION TO DEVELOP A SYSTEMATIC RECOGNITION FRAMEWORK FOR COLLEGE-WIDE UP SOLIDARIDAD MEMBER PUBLICATIONS” sa pangunguna ng Tinig ng Plaridel kasama ang iba pang publikasyon kabilang ang Tanglaw, Lanog, Union of Journalists of the Philippines – UP Diliman, Ang Tagamasid, at The Staple.

Itinatakda ng resolusyong ito ang isang sistematikong balangkas upang kilalanin ang mga publikasyong pangkolehiyo sa UP System at tiyakin ang akses sa pondo at institusyonal na suporta habang hindi pinababayaan ang kanilang kalayaan, kaligtasan, at mga karapatan sa pamamahayag.

Pinaboran din sa pagpupulong ang Resolution No. 2026-010 o “A RESOLUTION URGING UP SOLIDARIDAD TO ADOPT GUIDELINES ON CALAMITY REPORTAGE AND MEDIA ETHICS AMONG ITS MEMBER STUDENT PUBLICATIONS” na inihain ng UPLB Perspective. 

Nakatuon ito sa paglalatag ng pamantayan sa pagbabalita sa panahon ng kalamidad upang matiyak ang mapanuri, etikal, at makataong pamamahayag ng mga kasaping pahayagan, kabilang ang paggamit ng mga beripikadong siyentipikong sanggunian, pagpapatupad ng media safety protocols, at pagpapatibay ng trauma-informed reporting.

Isinulong din ng The Manila Collegian, The Staple, at Scientia ang Resolution No. 2026-008 na pinamagatang “A RESOLUTION URGING UP SOLIDARIDAD AND ITS MEMBER PUBLICATIONS TO DENOUNCE PAX SILICA AND INTENSIFY NUANCED REPORTAGE ON THE DETRIMENTAL EFFECTS OF ARTIFICIAL INTELLIGENCE.

Bitbit ng resolusyon na paigtingin ang kritikal at komprehensibng pagbabalita sa mga negatibong dulot ng Artificial Intelligence (AI) at Pax Silica tulad ng pagkasira ng kalikasan, likas na yaman, at mga komunidad na direktang naaapektuhan ng proyekto—na nararapat umanong ilantad sa pamamagitan ng masusi at mapanuring pamamahayag.

Samantala, pinagtibay rin ang iba pang mga resolusyong naglalayong palakasin ang kampanya para sa hustisya ng Toboso 19 at iba pang biktima ng pasistang estado, kondenahin ang hindi makatarungang pag-aresto sa Cordillera 8, paigtingin ang pagbabalita hinggil sa community health workers, tutulan ang panukalang Anti-disinformation Bill, labanan ang isyu sa Cyber Harassment, ituloy ang pagbibigay konteksto at pagpapaingay sa paglilitis kay Bise Presidente Sara Duterte, at isulong ang malawakang kampanya sa UP System ukol sa paggamit ng nuclear energy sa ilalim ng PhilATOM Bill.

Para sa kumpletong listahan ng mga naipasang resolusyon, bisitahin lamang ang link na ito: https://www.facebook.com/share/p/19BcZfRJDP/. ■

LARAWANG KUHA MULA SA UP SOLIDARIDAD FACEBOOK PAGE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya