DAPAT MONG MALAMAN
- Ipinakalat ng mga dating ahente ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina Antonio Parlade Jr. at Lorraine Badoyang ang mga malisyosong online attack at red-tagging post sa Facebook laban sa mga mag-aaral ng University of the Philippines Rural High School (UPRHS) matapos isagawa ang isang programang kaugnay ng UP Day of Remembrance noong ika-21 ng Setyembre.
- Nagkakaisang kinondena ng mga progresibong grupo, institusyon, organiasayon, at ng kaguruan at mga mag-aaral na bumubuo sa komunidad ng UP ang mapaminsalang alegasyon sa institusyon at sa mga indibidwal na saklaw nito.
Serye ng mga red-tagging post at malisyosong online attacks laban sa University of the Philippines Rural High School (UPRHS) ang ipinakalat ng Facebook accounts ng mga dating personalidad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos magsagawa ng programa kaugnay ng UP Day of Remembrance noong ika-21 ng Setyembre.
Pinangalanan ng UPRHS sina Lorraine Badoy at Antonio Parlade Jr., mga dating bahagi ng NTF-ELCAC, bilang pinagmulan ng mga mapaminsalang pahayag laban sa naturang paaralan. Ito ay matapos na ibahagi ng pahayagang The Ruralite, ang opisyal na pahayagan ng UPRHS, ang mga litrato at balita hinggil sa pakikiisa ng mga estudyante at kawani sa paggunita ng UP Day of Remembrance kasabay ng komemorasyon sa ika-54 taon mula nang maitatag ang Batas Militar.
Kasunod nito, naglabas ng opisyal na pahayag ang UPRHS upang mariing kondenahin ang harap-harapang pan-re-red-tag ng mga naturang Facebook account sa mga mag-aaral at guro. Giit ng paaralan, ang UP Day of Remembrance ay isang “institutionalized” na aktibidad na layong alalahanin ang naging malagim ng pagkakatatag ng Batas Militar at sariwain ang mga sugat ng kasaysayan sa ilalim ng rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Anila, dumaan sa masusing proseso ang pagsasagawa ng programa; kaugnay rito ang paghingi ng opisyal na permiso sa mga magulang at pag-apruba ng mismong institusyon ng pamantasan. Binigyang-diin ng UPRHS na pawang boluntaryo ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa nasabing aktibidad.
“We believe in developing learners who can think critically and engage with the complex problems confronting Philippine society affecting their [students’] basic rights to education, a decent life, and human dignity,” pahayag ng UPRHS.
Samantala, hindi natapos dito ang malisyosong pagkalat ng mga posts, dahil lumabas ang direktang pagdidiin ni Badoy sa isang miyembro ng UPRHS faculty na si Asst. Prof. Arnold Tristan L. Buenaflor na umano’y “deputy spokesperson” ng Communist Party of the Philippines (CPP) na ginagamit umano ang Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) bilang “legal front” kuno nito.
Mariing tinutulan ng SCMP ang pahayag ni Badoy at iginiit na “Ang red-tagging ay hindi isang adbokasiya; isa itong sandatang bahagi ng arsenal ng reaksyonaryo’t neokolonyal na estado sa digma nito laban sa mamamayan.”
Anila, nararapat na panagutin si Badoy at buwagin ang NTF-ELCAC, lalo na ang patuloy na pagpopondo ng estado para dito.
Kaugnay nito, kinondena ni Buenaflor ang panghahamak nina Badoy sa kanilang paaralan. Giit niya, sa araw pa mismo ng pagkilala sa mga kaguruan, pinasiklab ang hindi makatotohanang alegasyon laban sa kaniya.
Pahayag ni Buenaflor, sa halip na pagkaabalahan nina Badoy ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa, inuna pa nilang mang-atake sa gurong katulad ni Buenaflor, isang PWD, kasapi ng komunidad ng LGBTQIA+, manunulat, at unyonista.
“Hindi krimen ang magturo. Hindi krimen ang magtanong. Hindi krimen ang mag-organisa…At lalong hindi krimen ang turuan ang mga estudyante na suriin ang mundong kanilang ginagalawan, at tanungin kung paano ito maaaring gawing mas makatarungan,” aniya pa.
Sa kabilang banda, noong ika-21 ng Setyembre, nakatanggap din ng mapaminsalang alegasyon si Dr. Reynele Bren Zafra ng Department of Humanities (DHum) sa ilalim ng College of Arts and Sciences (CAS). Ito’y nang nagbigay siya ng reading activity ng artikulong “Kawalan ng trabaho sa Pilipinas, nagtulak kay Mary Jane Veloso na mangibangbansa – Gabriela” na sulat ni Pher Pasion, upang ipatimo sa mga estudyante ang kakulangan ng oportunidad ng kabuhayan sa Pilipinas na nagdudulot ng mayoryang kapasyahan ng mga mamamayang lumisan ng bansa.
Kaugnay ng lahat ng ito, noong taong 2024, idineklara ng Supreme Court na ang “red-tagging, vilification, labelling, and guilt by association threaten a person’s right to life, liberty, or security” ay maaaring gawing batayan ng biktima na humiling ng writ of amparo.
Ang writ of amparo ay isang legal remedy na maaaring gamiting sandata ng biktima laban sa anumang pagbabanta sa kaniyang buhay, kalayaan, at seguridad.
Samantala, nananawagan ang All UP Academic Employees Union-Los Baños (AUPAEU-LB) na magkaroon ng agarang aksyon ang administrasyon ng Unibersidad hinggil sa pagbibigay ng proteksyon sa demokratikong karapatan ng mga kawani kaugnay nito ang partisipasyon ng Committee on the Protection and Promotion of Academic Freedom and Human Rights (CAFHR) at ang paninindigan ng pamantasan sa Safe Haven Resolution.
Bukas, Oktubre 12, ay nakatakdang magtungo ang mga representante ng UPRHS sa Commission on Human Rights (CHR) upang magsampa ng kaso laban sa mga indibidwal na nagpakalat ng red-tagging posts. ■
LARAWANG KUHA MULA SA UP RURAL HIGH SCHOOL FACEBOOK PAGE


