DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkasa ng serye ng mga pagkilos ang komunidad ng UPLB, kasama ang iba pang progresibong grupo ng mga batayang sektor, sa kahabaan ng Junction at Olivarez Plaza, Los Baños kasabay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa bansa.
- Inalala ng mga kalahok sa mobilisasyon ang mga naging karanasan ng mamamayan sa ilalim ng Batas Militar, at kung paanong hindi ito umano nalalayo sa kalagayan ng sambayanang Pilipino sa kasalukuyan.
- Mula sa Los Baños, binitbit ng hanay ang mga panawagan at kampanya patungong Crossing, Calamba upang dumugsong sa mas malawak na rehiyunal na mobilisasyon ng Timog Katagalugan.
“Never Again to Martial Law!”
‘Yan ang sigaw ng sangkaestudyantehan ng UPLB, kasama ang iba pang progresibong pormasyon, sa serye ng mga mobilisasyon na ikinasa sa Los Baños at Calamba bilang paggunita sa ika-54 na taon magmula nang ideklara ang Batas Militar sa bansa, ika-21 ng Setyembre.
Ngayong taon ay hinati sa mga desentralisadong pagkilos sa iba’t ibang rehiyon ang pambansang paggunita ng deklarasyon ng Batas Militar. Nagkaroon ng mga pagkilos sa iba’t ibang probinsya sa Timog Katagalugan kabilang ang Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, at Quezon.
Pangunahing kampanyang bitbit ng mga nagsilahok sa hanay ang pagkalampag sa rehimeng Marcos Jr. at mariing pagkondena sa mga suliraning bitbit ng mga batayang sektor sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa rito, iginigiit din sa mga pagkilos na hindi umano nalalayo sa naging danas ng mga Pilipino noong pamamahala ng diktador na si Marcos Sr. ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng kaniyang anak.
Panimulang programa sa kahabaan ng Junction
Sinimulan ng mga mag-aaral ng UPLB ang programa sa isang desentralisadong mobilisasyon na ikinasa sa Junction, Los Baños upang ipatambol ang iba’t ibang krisis na umiiral sa pamantasan, kabilang na rito ang krisis sa edukasyon, red-tagging sa mga lider-estudyante, at talamak na naitatalang campus press freedom violations (CPFVs) sa mga pangkampus na mamamahayag.

Binigyang-pugay ni Matt Miclat, tagapagsalita mula sa National Union of Students of the Philippines – Southern Tagalog (NUSP-ST), ang mga kagitingan ng mga kabataang nag-organisa, nanguna sa mga pagkilos, at lumaban sa kabila ng banta ng pasistang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Lima sa labinlimang pamantasan [sa Timog Katagalugan] ang haharap po sa milyon-milyong budget cuts. Dagdag pa sa budget cuts na ‘yan, ang pagtitipid sa resources ng Commission on Higher Education [CHED] para maging madulas ang pagpapatupad ng reframed general education curriculum…upang palabnawin ang panlipunang kamulatan ng mga kabataan,” ani Miclat.
Pinalitaw rin ni Miclat ang talamak na red-tagging laban sa mga kabataan. Kabilang ang mga bantang natanggap nina Martin Esperanza mula sa Rise 4 Education – UPLB, Sharina Macilag ng ANAKBAYAN – Cavite State University (CvSU), at ang patong-patong na kaso ng intimidasyon, supresyon, at militarisasyon sa Laguna State Polytechnic University (LSPU) – San Pablo.
Samantala, mariing iginiit ni Vera Criste, tagapagsalita ng College Editors Guild of the Philippines – Southern Tagalog (CEGP – ST), na walang pinagkaiba ang pamamahala ni Marcos Sr. noon at ni Marcos Jr. ngayon, kaugnay ng pareho nilang taktika sa patuloy na panunupil laban sa mga alagad ng midya.
Sa kasalukuyang administrasyon, pahayag ni Criste ang limpanang pang-aatake sa hanay ng mga mamamahayag, kabilang na rito ang kaniyang dating pinamunuang publikasyon, ang UPLB Perspective. Aniya pa, malinaw na isa ito sa mga taktika ng estado na palabnawin ang kampanya ng mga peryodista tungo sa malayang pamamahayag.
“Marami pang mga student publication ang hindi kinikilala ng kanilang mga pamantasan. Patuloy ang kriminalisasyon ng libel at pagpapatupad ng mga batas na patuloy na nagpapaliit ng ating mga demokratikong espasyo tulad ng Anti-Terror Law, Anti Disinformation Bill, at marami pang iba,” sigaw ni Criste.
Sa ikahuling bahagi ng programa, siningil ng hanay ang mga opisyal ng pamahalaan na nasa likod ng malawakang katiwalian na sanhi umano ng patuloy na krisis sa iba’t ibang sektor, kabilang na ang sektor ng edukasyon.

“Punong-puno ng kasinungalingan ang ating gobyerno sapagkat nagpapatuloy ang paghahari ng mga burukrata-kapitalista sa ating pamahalaan. Mga burukrata-kapitalista na itinuturing ang ating gobyerno bilang isang negosyo, bilang isang lunsaran ng kanilang interes upang yumaman, habang ang mamamayang Pilipino ay patuloy naghihirap,” giit ni Andre Alcala, tagapagsalita ng UP Action Network – Los Baños (UPAC-LB).
Matapos ang paunang programa, binagtas ng mga kalahok ang kalsada mula sa Junction patungong Olivarez Plaza upang ipagpatuloy ang mobilisasyon.

Pagpapatuloy ng programa sa tapat ng Olivarez Plaza
pang buksan ang programa sa kahabaan ng tapat ng Olivarez Plaza, naghandog ng awit-galaw ang Umalohokan Inc. at Isko’t Iska 50 na may pamagat na “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot”. Kasunod nito, sentro sa naging programa ang mga panawagang bitbit ng hanay para sa sektor ng mga kababaihan, estudyante, at mga magsasaka at katutubo.
Kinuwestyon ni Theya de Leon, chairperson ng Gabriela Youth – UPLB, kung tunay nga bang golden age ang Batas Militar habang libo-libo naman umano ang naitalang kaso ng sexual harassment at at pang-aabuso sa mga kababaihan.
Pinagpugayan din sa pagkilos si Maria Lorena Barros, isa sa kababaihang minartir noong Batas Militar, na siyang bumuo ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka).

Ibinahagi rin ni de Leon na lumipas man ang 54 na taon matapos ang malagim Batas Militar, talamak pa rin ang sex trafficking sa mga lugar na pugad ng mga base militar ng Estados Unidos katulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
“Kaya naman, hangga’t may inaabusong kababaihan, hindi rin mauubos ang kababaihan sa lansangan. Hindi mauubos ang kababaihan sa kanayunan na mag-aalsa at magsusulong ng tunay na mapagpalayang lipunan,” saad ni de Leon.
Mariin namang kinondena ni Gab Javar mula sa AGHAM Youth – UPLB (AY-UPLB) ang mga nagaganap na development aggression sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, na ikinukubli umano sa salitang “kaunlaran”.
Aniya, hindi lamang mapaminsala ang mga panukalang proyekto kundi malinaw itong paglabag sa karapatan ng mamamayan sa usapin ng kanilang kabuhayan, kultura, tradisyon, at maging sa karapatan nila sa kanilang lupain at tahanan.
“Ipinagmamalaki ito [Pax Silica] ng gobyerno bilang oportunidad daw para sa ating industriya, at may dala raw itong libo-libong trabaho. Ngunit ang kapalit ng huwad na pangako ng industriyalisasyon ay ang pagbubungkal ng lupain, pagkakalbo ng ating kabundukan, pagkatuyo ng ating katubigan, at pagkawala ng ating saribuhay,” sigaw ni Javar.
Sinuhayan din ni Renzo Puntanar mula sa Lupa ay Buhay (LAB) ang panawagan sa pagpapatigil ng Pax Silica.
“Mga kababayan, sa rehiyon ng Timog Katagalugan ay nagpapatuloy ang malawakang land use conversion…Noon pa lamang kay Marcos Sr., naganap na ang isa sa pinakamalaking panloloko sa lupain ng Pilipinas na kung saan, ibinigay sa IRRI [International Rice Research Institute] sa [halagang] piso kada square meter ang lupain sa UPLB,” aniya pa.
Dagdag pa ni Puntanar, ang ganitong uri ng panloloko sa kasaysayan ay tila nais pang daigin ni Marcos Jr. nang malugod niyang tinanggap ang Pax Silica sa kabila ng maraming bilang ng mga katutubong magsasaka na tumutol dito.
“Two-hundred eighty times ng [UPLB] Freedom Park ang mga lupang agrikulturang sakahan na balak ibenta sa U.S. nang libre. Mga kababayan…ang Pax daw ay kapayapaan. Pero tandaan ninyo, walang kapayapaan kapag papalayasin ninyo ang 20,000 na Ayta at magsasaka sa Pilipinas,” giit pa ni Javar.
Aniya pa, pambobomba, pang-iintimida, at karahasan ang sagot ng estado sa mga magsasakang iginigiit ang kanilang karapatan sa lupang ninuno.
Pagdugsong sa mas malawak na hanay ng Timog Katagalugan
Bitbit ang mga panawagan ng mga batayang sektor, sumanib ang mga kalahok ng mga naunang serye ng pagkilos sa mas malawak na hanay ng Timog Katagalugan upang magkasa ng sentralisadong mobilisasyon sa Crossing, Calamba.

Sa kabila ng pabago-bagong lagay ng panahon, hindi nagpatinag ang mga progresibong mamamayan na ipagpatuloy ang rehiyunal na programa. Bilang panimula, naghandog ng kultural na pagtatanghal ang Limalay Productions habang sinundan naman ito ng pagtatanghal ng Umalohokan Inc. sa kantang “Aklasan.”
Kaugnay nito, nagbigay ng pahayag si Grace Arias, tagapagsalita mula sa Bayan Muna – Timog Katagalugan (BM-TK) hinggil sa palpak na tugon ng pamahalaan sunod-sunod na kalamidad na nararanasan ng lipunan, na umano’y mas pinalala pa ng maanomalyang flood control projects at demolisyon sa mga kabahayan.
“Ang mga biktima ng demolisyon sa Bambang, Los Baños ay nananatili pa rin sa kanilang evacuation [centers]. Na para bang napakadaling humanap ng malilipatang bahay. Na para bang pinakamadaling kumuha ng ayuda mula sa panggigipit ng gobyerno,” aniya pa.
Sa usapin naman ng ekonomikal na kalagayan ng lipunan, pinalitaw ni Antonio Fajardo, tagapagsalita mula sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK – KMU), ang danas ng mga manggagawa noong Batas Militar, at ang kasalukuyang lagay nila sa gitna ng lipunang namamayani ang mga kapitalistang makapangyarihan.

“[Libo]-libong mga manggagawa [ang pinaslang] sa panahon ng Martial Law…Kaya sa ngayon, ang mga manggagawa sa TK [Timog Katagalugan] ay magpapatuloy na magtayo ng unyon upang sama-sama na magbigkis ang bawat isa para ipaglaban ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa at kaniyang pamilya,” ani Fajardo.
Hindi rin pinalampas sa pagkilos ang pagpapatambol sa isyu na kinakaharap ng mga pesante sa pyudal na sistema ng lipunan. Mariing kinundena ni Ron Jasanero, tagapagsalita ng Kalikasan – Timog Katagalugan, ang umano’y mapaniil na estadong nagdudulot ng pangamba sa mga katutubong magsasaka, magbubukid, at maging sa mga environmental defenders.
Bahagi ni Jasanero, hanggang ngayon, ang Pilipinas pa rin ang nangunguna bilang pinakamapanganib na bansa para sa mga environmental defenders. Mariin ding tinututulan ni Jasanero ang mga umano’y ipinapaketeng renewable energy sources bilang “kaunlaran” kuno upang ikubli umano ang pagiging tuta ng administrasyon sa imperyalistang interes ng Estados Unidos.
Dagdag pa ni Jasanero ang ikinababahalang kasunduan sa pagitan ng U.S. at ng administrasyon hing il sa nilagdaang Memorandum of Understanding on Critical Minerals na aniya’y “nagbibigay ng karapatan sa U.S. upang lubusang pigain ang ating likas na yaman.”
Ayon naman kay Mics Briones ng Anakbayan – Southern Tagalog, humigit-kumulang 97 bilanggong politikal ang nakakulong sa kasalukuyan at pinagbabayaran ang mga gawa-gawang kaso na ipinataw ng estado.
Dagdag pa niya, kapansin-pansin ang prayoritisasyon ni Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang termino ng pagpapalakas ng militarisasyon sa bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng mas mataas na pondo para dito sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga serbisyong panlipunan.

Sa ikahuling bahagi ng programa, ipinatambol ng hanay ang mga panawagang kontra-burukrata kapitalismo at anti-imperyalismo na binigyang-pahayag ni Justin Umali, mula sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Laguna.
“Nananatiling terorista ang estado. Kung dati noong panahon ng Marcos Sr. ay lantaran ang patayan, hanggang ngayon ay tuloy-tuloy ang human rights violations, tuloy-tuloy ang paglabag sa international humanitarian law sa buong bansa,” ani Umali.
Upang pormal na lagumin ang programa sa kahabaan ng Crossing, Calamba, isinagawa ang isang prop gimmick sa pamamagitan ng pagtupok sa apoy ng mga larawan nina Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte bilang tanda umano ng kakayahan ng mamayang pabagsakin ang kasalukuyang sistema, habang maalab na tinutugtog ang awiting “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot.” ■
KUHA NI YESHA MELITON



You must be logged in to post a comment.