Isinulat nina Airon Villanueva at Reign Aoalin
DAPAT MONG MALAMAN
- Tatlong buwan matapos ang demolisyon sa Purok 6B, Barangay Bambang, Los Baños, nananatili umanong walang konkretong resolusyon hinggil sa usapin ng permanenteng relokasyon at pabahay, ayon sa mga residente.
- Isiniwalat din ng mga mamamayan ang kasalukuyang kalagayan ng Barangay Tadlac, Los Baños, na nahaharap din umano sa banta ng panibagong demolisyon.
- Iginiit ng mga residenteng naapektuhan ng demolisyon na hindi sapat ang aksyon ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang mga kinaharap na suliranin ng mga mamamayan, dahilan upang patuloy nilang ipatambol ang panawagan para sa kanilang karapatan sa ligtas at disenteng tirahan.
Tatlong buwan matapos ang malawakang demolisyon sa Purok 6B, Barangay Bambang, Los Baños, nananatili ang panawagan ng mga apektadong residente para sa karapatan sa disenteng tahanan, kasabay ng pagtutol sa nakaambang panibagong demolisyon sa kalapit na Barangay Tadlac.
Matatandaang tumagal mula ika-14 hanggang ika-16 ng Abril ang marahas na demolisyon sa Purok 6B, kung saan laksa-laksang pamilya ang napilitang umalis sa lugar sa kabila ng pakiusap na bigyan sila ng karagdagang palugit bago tuluyang tibagin ang kanilang mga tahanan.
Ngunit matapos ang isinagawang paggiba sa kabahayan ng mga residente sa Barangay Bambang, parehong sitwasyon din ang pinangangambahang maranasan ng mga mamamayan ng Barangay Tadlac.
Sa ginanap na pagpupulong noong ika-23 ng Abril sa pagitan ng mga residente kasama ang Sangguniang Bayan at Francona Development Corporation (FDC), ipinataw sa mga taga-Tadlac ang apat na buwang palugit bago tuluyang isagawa umano ang demolisyon sa lugar upang bigyang daan ang nakatakdang pagtatayo ng isang pribadong subdivision.
Gayunpaman, mas umigting ang tensyon sa komunidad nang ipagpatuloy ang pagbabakod sa hangganan ng Purok 6B, Barangay Bambang at Purok 1A, Barangay Tadlac noong ika-1 ng Hunyo sa kabila ng umiiral umanong Cease and Desist Order at kawalan ng kaukulang fencing permit.
Iniwang bakas ng demolisyon
Tatlong buwan na ang nakalipas ngunit nananatili umanong mabigat ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Purok 6B, Barangay Bambang dulot ng patuloy na paghihintay sa konkretong tugon mula sa lokal na pamahalaan sa kasalukuyan nilang kalagayan.
“Tatlong buwan, 90 days. Para sa iba, ito ay mga araw lamang na lumipas sa kanila, pero ang tatlong buwan para sa atin na nawalan ng bubong ay isang mahaba, puno ng puyat, pagod, at walang katapusang pangamba kung saan ba tayo lulugar sa mga susunod na araw. Nang gibain ang ating mga bahay, oras lamang ang lumipas…hindi lamang pader at yero ang nawasak sa atin, winasak din nito ang katatagan ng bawat isa lalo na ang mga may anak na nag-aaral at lumalaki sa gitna ng kawalan at tiyak na matutulugan,” giit ni Cris Huerte, residente ng Purok 6B.
Sa kasalukuyan, pansamantalang naninirahan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan sa loob ng covered court ng Barangay Bambang—ito ang nagsisilbing evacuation center habang patuloy na naghihintay ng balita sa resolusyon hinggil sa relokasyon at pabahay ng lokal na pamahalaan ng Los Baños.
Kapansin-pansin ang pagsisiksikan ng mga matatanda’t bata, maging ang mga alaga nilang hayop, sa loob ng masikip na espasyo ng evacuation center. Tanging mga tent, kumot, at nakasampay na damit lamang ang nagsisilbing hangganan ng bawat pamilyang pansamantalang naninirahan doon.
“Hindi naman maraming subdivision ang hinihingi namin, kundi isang lugar [lang] kung saan hindi [na] namin kailangan mangamba na baka bukas makalawa, palalayasin na naman kami [o] baka bukas makalawa, gigibaan na naman kami ng bahay,” pahayag ni Huerte.
Dahil dito, bukod sa paninirahan sa evacuation center, napilitan ding magkahiwa-hiwalay ng tirahan ang ilang mga pamilya habang ang iba naman ay nakikitira o nangungupahan sa iba’t ibang lugar.
“Ito rin ang pinaka nakakalungkot kasi sa nangyari sa pamilya namin, nagkahiwa-hiwalay kami. Ako, since kaya ko naman nang bumukod at may sarili na rin naman [na] akong trabaho, ngayon [ay] nasa Malinta ako. Tapos ang aking nanay or parents, may nagpahiram na ng bahay sa kanila, thankfully, kaya dun muna sila ngayon sa may Anos, and ‘yung kuya ko naman [ay] sa may Calamba naman sila. So, sobrang nagkakalayo-layo ‘yun,” paglalahad ni Ryan Paul Delfin, isa sa mga apektado ng demolisyon.
Sa kabilang banda, apektado rin ang pag-aaral ng mga kabataan dahil sa sapilitang paglipat ng tirahan at paaralan kasabay ng pagharap sa bigat ng dagdag na gastusin sa pamasahe.
“‘Yung pamangkin ko ngayon, dati siya [ay] nandito sa Bambang Elementary School. Ngayon, dun na siya sa Calamba. So, syempre, andun ‘yung pag-a-adjust nung mga bata. Sila rin mismo ‘yung nagsasabi sa amin na ‘kuya, nakaka-miss din pala ‘yung dati kong kaibigan, hindi ko na makikita.’ Tapos grade six ka na [pero] mawawala ka pa kasi, kumbaga, mag-gra-graduate na sila. So, ang nababanggit niya is another adjustment,” pahayag ni Delfin.
Ayon naman kay Joyce Anne Trillo, isa ring residente ng Purok 6B, nahihirapan umano ang mga kabataan sa evacuation center dahil walang sariling palikuran at limitado lamang ang akses sa mga pangunahing pasilidad, kumpara noong mayroon pa silang sariling tahanan.
Kaugnay nito, naging hamon din ito sa kabuhayan ng mga residente sa Purok 6B matapos mapilitang lumiban sa trabaho ang iba at ang iba’y tuluyan nang nawalan ng hanapbuhay.
“‘Yung iba sa amin nung demolition [ay] napilitan na mag-leave…tapos ‘yung iba is [nakararanas ng] “Oh, bat? Bakit nag-leave ka tatlong araw?” [Tapos] hindi mo masabi kung anong dahilan. Minsan, kahit alam na nila na na-demolish ‘yung bahay [ay] napapagalitan pa din. May mga instances talaga na may natanggal. So, syempre another hanap na naman ng panibagong trabaho,” pagbabahagi ni Delfin.
Panibagong banta ng demolisyon
Hindi naiiba ang konsumisyong pinapasan ng Barangay Tadlac sa danas ng mga taga-Bambang, sapagkat kasalukuyan na ring nakararanas ng banta ng demolisyon ang mga residente mula sa Francona Development Corporation (FDC), na ipinipilit na sila umano ang nagmamay-ari ng lupa kung saan nakatayo ang tahanan ng mga lokal.
“Ang malalaking problema na darating diyan sa lupang Francona, sa [Purok] 1D, [ay] o biro mo, dekada na kami diyan. Bigla silang sumulpot na magbabayad ng tao para umalis lang kaagad. Malaki ang naging epekto nung pagdating ng mga tao diyan na pagkuha ng lupa. Dahil lahat nagkagulo, nag-isip, saan kami titira, saan kami pupunta? Lahat nag-isip sila,” wika ni Miguel (hindi niya tunay na pangalan), isang lokal na residente ng Barangay Tadlac.
Walang habas umano ang pananakot at panggigipit ng mga naturang indibidwal sa mga residente nang puwersahin umano silang pumayag na gibain ang kanilang mga tahanan kapalit ng P50,000 bayad.
“Hanggang ngayon, nangangamba pa rin ‘yung ibang mga tao kagaya namin dahil hindi pa namin alam kung ano magiging resulta ng aming pinaglalaban doon sa lupang ‘yun. Pati ‘yung mga tao na pinaalis nila na binayaran ng tig-kalahati, hanggang ngayon [ay] hindi pa rin naman binabayaran. Pero kaya naman nagpabayad ‘yung mga ‘yun [ay] dahil tinakot nila na pagka ‘yan ay natalo kayo, makukulong kayo, magbabayad pa kayo. ‘Yan ang naging resulta noon. Tapos ‘yun nga, nangangamba nga kami na baka matalo kami doon,” saad pa niya.
Dagdag pa niya, mas maigi pa umano na ang tunay na nagmamay-ari ang humarap at bumawi ng lupa kaysa pakitaan sila ng dokumentong wala namang matibay at konkretong basehan.
Napagtanto rin ng ilang residente na palsipikado umano ang mga nasabing papeles sapagkat sa kabila ng patuloy na pagbabanta, wala namang maihain na pormal na court order ang mga naturang indibidwal laban sa mga residente.
“Palibhasa kami, pinapaliwanagan namin sila [na] huwag kayong matakot. Hangga’t hindi lumalabas ang court order, matatag kayo diyan. Huwag lang kayong magpabayad. Hanggang ngayon, hinihintay namin ‘yung court order,” pahayag ng residente.
Pangakong nanatiling pangako
Matatandaang inaprubahan sa ika-36 sesyon ng Sangguniang Bayan noong ika-20 ng Abril ang 11 na resolusyon bilang tugon sa mga apektadong residente sa Purok 6B, Barangay Bambang.
Sa kabila nito, ayon sa mga residente, bagama’t nangako ang lokal na pamahalaan ng relokasyon at pabahay, nananatiling walang klaro na timeline o implementasyon ang mga ito. Sa halip, hearing, mga resolusyon, at limitadong ayuda pa lamang umano ang nailalatag na sagot sa kanilang kalagayan.
“Hindi sila ganun ka-sigurado dun sa mga sinasabi nila about sa resolution. Hindi nila tinutupad yung mga resolution na pinapangako nila. Puro resolution lang pero hindi nila tinutupad. Bukod sa hearing na ginagawa nila tsaka sa mga sinasabi nilang resolution kuno na hindi naman nila kayang i-implement…wala kaming nakikitang ibang ginagawa nila bukod dun sa pinamigay nilang cash assistance noon. Pero hindi naman enough ‘yung cash assistance nila,” pagpapatibay ni Trillo.
Samantala, inihayag din ni Matt (hindi niya tunay na pangalan), miyembro ng Bambang Homeowners Association at kasalukuyang naninirahan sa evacuation center na “wala na kaming narinig doon sa pabahay na ‘yon.”
Saad din niya, “Ngayon [ay] talagang mahirap na gawa sabi ni Kapitana, nag-meeting kami nung nakaraang linggo. Sabi, hanggang katapusan na lang daw po kami…pati nagbigay yata ng papel ang munisipyo [dahil] tumatagal na raw kami dito sa [covered] court.”
Ayon naman kay Analie Estricomen, residente mula sa Barangay Tadlac, “nakikipag-coordinate sila sa pamamagitan ng salitang ‘magpabayad na kayo’ pero nung nagsabi ako at nagtanong ako, ang tanong ko ay gan’to, ‘konsi, ano po ba ang magiging ambag ng LGU sa mga nangyayari sa amin ngayon?’ malinaw ang sagot niya na wala.’’
Dahil dito, panawagan ng mga residente na mas higit nilang kailangan ang malinaw na plano’t resolusyon para sa permanenteng relokasyon na may sapat na serbisyo at malapit sa kanilang kabuhayan.
“Ang pinaka hinahanap namin ngayon is konkretong solusyon at konkretong resulta…kahit sabihin nila na lahat daw ginagawa [at] nagawa na nila, eh [pero] sa mismong mga mamamayan, ba’t kung nagawa na nila lahat [ay] ba’t nandito pa rin yung ibang mga residente sa evacuation center? Ba’t yung karamihan [ay] kumbaga, nakaupa pa din? Bakit wala pa ring nakakalipat sa mga relocation sites na sinasabi nila? So, ayun, talagang kulang na kulang pa kami.” saad ni Delfin.
Dagdag pa ni Huerte, “ito lang naman ang hinihiling namin makalipas ang tatlong buwan. Ibigay ang nararapat at permanenteng relokasyon na may kuryente, tubig, at malapit sa kabuhayan. Pakinggan at isama ang boses ng mga masa sa bawat plano at desisyon, hindi ‘yung magugulat na lang kami sa mga Facebook Live na may pinapasa na palang resolusyon ang Sangguniang Bayan pero wala kaming balita kung tungkol saan iyon.”
Nagpahayag naman si Estricomen na ang kailangan nila ay tunay na malasakit at pananagutan mula sa mga nanunungkulan upang tugunan ang kanilang kalagayan sa gitna ng krisis.
“Ang gusto ko lang sana [ay] maging patas ang ating gobyerno lalong-lalo na dito sa lalawigan ng Los Baños. Gusto ko sana na ‘yung lahat ng mga nanunungkulan ay magkaroon ng tunay na malasakit doon sa kanilang nasasakupan. Gusto ko rin sana na ang magiging tulong nila sa amin ay tapat, ‘yung bukal sa kanilang kalooban na walang halong pag-iimbot [at] walang halong pagkukunwari kasi ang tao sa ngayon [ay] napakadaling tapalan ng pera,” aniya.
Sa huli, tiniyak ng mga residente na hindi matatapos ang kanilang laban hanggang sa makamit ang kanilang karapatan sa sapat, ligtas, at disenteng tirahan.
“Ang tunay na pag-unlad ng isang bayan ay hindi sinusukat sa mga nagtataasang building o [mga] malilinis na kalsada o mga pathway na pinaganda kung ang kapalit naman nito ay pagkatapos sa mga maralita. Hindi natatapos ang kuwento ng Purok 6B sa paggiba ng mga bahay namin. Patuloy kaming mananawagan, patuloy kaming mangangalampag, patuloy kaming magbabantay, at patuloy kaming lalaban hanggang sa makuha ng bawat pamilya ang hustisya ng pabahay na nararapat sa bawat isa,” pagpapatibay ni Huerte. ■
KUHA NI FREESIA GRANDE


