DAPAT MONG MALAMAN
- Sa loob lamang ng tatlong linggo, umabot na sa 10 ang bilang ng mga suspendidong araw ng klase sa UPLB dulot ng walang humpay na pag-ulan bunsod ng hanging Habagat.
- Naantala at nanganib ang pagkatuto’t kaligtasan ng mga mag-aaral bunsod ng sunod-sunod na mga suspensyon, kasabay din ng paglipat sa online synchronous o asynchronous na paraan ng pagtuturo.
- Ayon sa pahayag ng mga estudyante, ang hindi klaro na oras sa pagsuspinde ng klase ay nangangahulugang hindi rin klaro kung kailan magiging ligtas na bumiyahe, umuwi, o manatili sa kampus.
- Nanawagan ang sangkaestudyantehan para sa mas maagap, tiyak, at pangmatagalang solusyon mula sa administrasyon ng UPLB.
Tatlong linggo pa lamang mula nang buksan ang panibagong akademikong taon sa pamantasan, umabot na sa 10 ang bilang ng mga araw na suspendido ang klase bunsod ng walang humpay na pag-ulang bunga ng hanging Habagat.
Matatandaang nilubog ng baha ang iba’t ibang parte ng Luzon dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat. Dalawang bagyo rin ang dumaan sa bansa ngayong buwan, kabilang ang Bagyong Maymay at Neneng, na nagkaroon ng matinding epekto sa pagkatuto at kaligtasan ng sangkaestudyantehan ng UPLB.
Kaugnay nito ay ang naturang mga suspensyon na direktang nagmumula sa anunsyo ng administrasyon ng UPLB, ni Gobernador Sol Aragones, at ng Malacañang. Gayunpaman, nagpahayag ng pangamba ang mga mag-aaral hinggil sa umano’y hindi makaestudyanteng sistema ng anunsyo sa pagsusupinde ng klase.
Sa kasalukuyan, dalawang panibagong Low Pressure Area (LPA) naman ang binabantayan sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na naging dahilan umano sa patuloy na paglakas ng Habagat at mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Pagkatutong naipit sa suspensyon
Dahil sa tuloy-tuloy na suspensyon ng klase, nagkaroon ng pagbabago sa paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa paglipat sa online synchronous at asynchronous bilang paraan ng pagtuturo, dumaranas sila ng samu’t saring hamon na nakaapekto sa kanilang pag-unawa at partisipasyon sa mga aralin.
Para kay Jiro Angelo Flores, isang freshman mula sa College of Development Communication (CDC), naging mahirap ang pag-a-adjust niya sa sistema ng pamantasan bilang bagong pasok na estudyante, kasabay ng paglobo ng mga akademikong gawain.
“Talagang napakalala ng adjustments na ginawa po namin for these past few days. Napakahirap mag-adjust bilang isang estudyante na kapapasok pa lamang ng UP and yet para na kaming binabara ng maraming mga activities at dinudumog na kami ng mga deadlines,” pahayag niya.
Inilarawan naman ni Kimberly Guy, isa ring mag-aaral ng CDC, bilang “uncertain” at “anxiety-inducing” ang naging epekto ng mga nagdaang suspensyon ng klase para sa mga estudyanteng tulad niya. Aniya, bagama’t naging angkop ang online modality bilang agarang tugon sa kalamidad, hindi pa rin ito epektibo bilang pangmatagalang alternatibo sa face-to-face na pagkatuto.
Pagbibigay-diin niya, “naging suitable naman siya sa current na nangyari sa atin na binagyo nga tayo. So, mas maganda na mag-opt for online classes. Pero, na-realize ko na hindi talaga siya favorable at hindi rin siya naging helpful in the long run. Hindi rin siya naging efficient at hindi magiging efficient in the long run.”
Dagdag pa ni Guy, mababa rin umano ang retention ng mga mag-aaral sa online classes dahil hindi kailanman napapalitan ng readings at recorded materials ang aktuwal na interaksyon sa pagitan ng guro at estudyante. Bagaman nauunawaan umano nila ang mga araling binabasa, nananatiling mababaw at malabo pa rin ang kanilang pag-intindi sa mga ito dahil hindi sila nabibigyan ng sapat na pagkakataong maproseso nang maayos ang mga natutuhan.
Pinagtibay naman ni Angelika Mae Cagadas, isang mag-aaral din ng CDC, ang naging sentimyento ni Guy, na aniya’y patuloy na naging mahirap ang pagpapanatili ng atensyon at aktibong partisipasyon sa online setup dahil sa umano’y kakulangan ng pisikal na interaksyon at mas mababang motibasyon ng mga estudyante.
“As someone na may kahirapan na mag-focus kahit face-to-face [class], ‘yung full attention, mas grabe ‘yung hirap kapag may online [class] kasi nasa dorm room ka lang buong araw [at] nakakababa kasi siya ng motivation so naaapektuhan non ‘yung pagtanggap mo sa mga information na pinadadala ng Prof. tuwing online classes. Iba rin kasi ‘yung set up ng face-to-face [class] na nakikita mo ung mga kaklase mo at ‘yung Prof. [ay] nakakasalamuha mo sila. Mas active kasi yung nagiging discussion and engagement natin tuwing face-to-face classes.”
Samantala, iginiit naman ni Guy ang bigat ng ilang araw na suspensyon sa mga unang linggo ng semestre, kung saan dapat umano binubuo at inaaral ang pundasyon ng mga mahahalagang aralin ng kurso.
Aniya, “ngayon na ang baba-baba ng retainment ng information sa mga naging lessons natin, saan tayo huhugot ng foundation sa magiging future courses?”
Kaugnay nito, naging balakid din sa mga mag-aaral ang akses sa internet connection, dahilan upang maapektuhan ang kanilang pagdalo sa online classes at pagsasakatuparan ng mga akademikong gawain.
Pagbabahagi ni Flores, malaking problema ang mabagal na internet sa kaniyang dormitoryo dahil sa sabay-sabay na paggamit ng mga residente na pare-parehong dumadalo sa kanilang synchronous classes at nagsasagawa ng iba pang responsibilidad sa pamantasan.
Sinuhayan naman ito ni Cagadas at isinaad na “last week, buong linggo ako nasa labas lagi tuwing may online class o tutugunan na academic requirements [dahil] sa internet, since ‘di ko alam kung dahil ba sa sunod-sunod na pag-ulan pero humihina ‘yung internet namin sa dorm. So, araw-araw akong nasa CDC Reading Room noong nakaraan kasi sure ako doon na malakas ang internet.”
Gayunpaman, bilang residente ng isang dormitoryo ng Unibersidad, inihayag ni Guy na hindi lamang mabagal na internet ang kaniyang naging sulirain, kundi maging ang tuluyang pagkawala ng wi-fi, tubig, at kuryente na nagtulak sa kaniya na mapilitang humanap ng coffee shop upang makadalo sa mga pagpupulong at makahabol sa mga gawain.
Kaligtasang naipit sa suspensyon
Kaugnay sa usapin ng dormitoryo, nagdulot din ng panganib at kawalan ng katiyakan sa kaligtasan ng sangkaestudyantehan ang sunod-sunod na suspensyon ng klase.
Ayon sa kanila, bilang mga mag-aaral na nagmumula sa malalayong lugar, ang hindi klaro na oras sa pagsuspinde ng klase ay nangangahulugang hindi rin klaro kung kailan magiging ligtas na bumiyahe, umuwi, o manatili sa kampus.
Binigyang-diin ni Cagadas na ang hindi maagap at bungi-bungi umanong anunsyo ng suspensyon ay mas lalo lamang nagpapahirap sa pagpapasya ng mga estudyante kung paano tutugon sa pabago-bagong sitwasyon ng panahon.
“Unfortunately, pangit ang sistema na meron tayo regarding sa mga class suspension, lalo na [noong] last week. Kita natin na late magpatupad, kalagitnaan [na] ng araw, kung kailan karamihan ng [mga] estudyante [ay] nakapasok na o kaya naman ‘yung mga pang-umaga ay nakauwi na. Kung hindi naman late [mag-announce] ay bungi-bungi ‘yung pag-suspend..andon pa ung risk na ma-stranded habang nasa byahe,” saad niya.
Dahil dito, ang mga mag-aaral ang direktang pumapasan umano ng bigat kung ano ang gagawin sa gitna ng masamang panahon, kung saan may mga estudyanteng nagpasyang manatili sa bahay ngunit hindi tiyak kung kailan babalik sa pamantasan, habang mayroon din namang mga nasa kampus na pero hindi rin tiyak kung magiging ligtas na umuwi.
Danas na danas ni Flores ang sentimyentong ito na nagmula pa sa probinsya ng Quezon at apat na dyip pa umano ang kinakailangang sakyan patungong Los Baños.
Para sa kanya, “parang lalong inilalagay [lang] ‘yung mga estudyante sa kapahamakan rather na maging safe sila katulad ng sinasabi po nila sa mga announcements.”
Samantala, bagaman nananatiling ligtas sa dormitoryo si Guy, hindi pa rin ito sapat dahil patuloy ang pangangamba niya para sa pamilyang naiwan sa probinsya, lalo na’t wala siyang agaraang paraan upang malaman kung ligtas sila sa hagupit ng bagyo.
Mga solusyong naipit sa suspensyon
Bagaman maaaring maging alternatibong solusyon ang suspensyon upang ilayo ang mga estudyante sa panganib ng matinding panahon, nananatili ito umanong hindi sapat at nagsisilbing “band-aid solutions” lamang upang tugunan ang patong-patong na problemang bitbit ng mga mag-aaral.
Giit ni Cagadas, maaring makatulong ang suspensyon, ngunit hindi pa rin nito masosolusyonan ang mismong ugat ng problema.
“Just because ‘di siya masama and nakakatulong siya, [it] doesn’t mean sapat na siyang solusyon…merong kakulangan sa pagtugon sa mga ibang pangangailangan natin bilang [mga] mamamayan in general,” pagpapatibay niya.
Sa karanasan naman ni Guy, hindi lamang natin dapat tingnan ang suspensyon bilang usapin ng paghihinto ng klase dahil sa panahong ilipat sa online ang moda ng klase, maaaring ilayo umano nito ang atensyon ng mga estudyante sa mismong epekto ng bagyo at sa reyalidad na nararanasan ng bansa.
Aniya, “hindi siya long-term solution. Tapos na kasi ‘yung oras natin para yakapin ‘yung resiliency, like, gising na tayo sa katotohanan na nilulubog na tayo ng ganitong klase ng tipo ng edukasyon at binubulag na tayo ng pag-aaral para maging malabo ‘yung katotohanan na tahasan na tayong pinagsasamantalahan…itong online classes sa gitna ng bagyo, it’s a way for us to get blinded with the fact na bumabagyo [at] with the fact na nine-neglect tayo ng sistema.”
Dahil dito, kinuwestyon ni Guy ang nawawala umanong pananagutan ng gobyerno sa mga pinsalang dulot ng kalamidad at kung bakit ang mga estudyante pa mismo ang kailangan pumasan ng mga problema sa ganitong sitwasyon.
“Nasaan ‘yung pananagutan ng gobyerno kasi bumabagyo? Nasaan ‘yung pananagutan sa mga bahay na sinira, nilubog, inanod, [at] nilipad? Lumabas tayo sa konteksto ng pagiging estudyante at tumingin tayo sa lente ng pagiging tao [at] pagiging anak. Nasaan ‘yung pasensya o nasaan ‘yung sorry nila sa mga buhay na nawala? Kasi hindi na natin ‘yun nakita eh. Kinulong tayo ng sistema ng edukasyon na meron tayo para hindi makita na mali sila….grabe ‘yung bagyo, grabe ‘yung bahay na nasira, grabe ‘yung buhay na nawasak, at grabe ‘yung pangarap na nilunod,” paninindigan niya.
Panawagan para sa mas kongkretong aksyon
Sa halip na umasa na lamang sa mga suspensyon ng klase bilang pangunahing tugon sa kalamidad, nanawagan ang mga estudyante para sa mas maagap, tiyak, at pangmatagalang solusyon upang magkasabay na maisulong ang kanilang kaligtasan at pagkatuto.
Ayon kay Cagadas, kinakailangan umano ng mga estudyanteng tulad niya ang mas inklusibong sistema na isinasaalang-alang ang kanilang mga kalagayan, lalo’t higit ang mga walang sapat na akses sa internet at teknolohiya.
Iminungkahi rin niya ang pagsusulong at pagpapalitaw ng kahalagahan ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) na lokalisado at nagbibigay-halaga sa partisipasyon ng mga mamamayan, upang mas matutukan umano ang pangangailangan ng kinabibilangan nilang komunidad dahil ang “bawat komunidad [ay] may sari-sariling pangangailangan [at] problema na hinaharap.”
Sa huli, nanindigan si Guy na bilang mga estudyante, nararapat umano tayong maging mapanuri sa bawat suliraning kinahaharap, sapagkat ang mga karanasan sa loob ng pamantasan ay hindi nalalayo sa mas malawak na reyalidad ng lipunan.
“Magsimula tayo maging kritikal. Ilapat natin ‘yung mga sarili natin sa mga ganitong klase ng isyu [at] tingnan natin ‘yung sitwasyon hindi bilang estudyante, kundi bilang tao…apektado tayo ng lahat at dapat una natin gawin ay kilalanin, alamin, [at] ipanawagan na hindi dapat tayo nagpapakasapat kasi hindi natatakot ‘yung gobyerno eh. Ang dami nang nasayang sa palpak na gobyerno [at] ang dami nang pangarap na nawawala kasi ano ba naman ang gobyerno hindi mapagkalinga? ‘Yun ‘yung dapat natin kilalanin na tama na [at] hindi na tayo mapapakasapat.” ■
KUHA NI JHYANNE ALMENANZA


