DAPAT MONG MALAMAN
- Nagpatawag ng isang public hearing ang SunAsia Energy Inc. sa Barangay San Antonio covered court sa Bay, Laguna noong Agosto 20 upang magbukas ng dayalogo sa mga residenteng mangingisda hinggil sa panukalang floating solar farm project.
- Dumalo sa nasabing public hearing ang ilang mga lokal na residente ng Bay, Laguna kasama ang iba’t ibang samahan na naglalayong ipaglaban ang pangangalaga sa lawa at karapatan ng mga mangingisda.
- Nagkaroon ng mga kontradiksyon sa pagitan ng ulat ng SunAsia Energy Inc. at ang mga ibinahaging danas ng mga mangingisda at mga lokal.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga mangingisda ng Bay, Laguna at iba pang batayang sektor sa planong pagtatayo ng mahigit 2,000 ektaryang floating solar farm ng SunAsia Energy Inc. sa Laguna de Bay, sa ginanap na public hearing noong Huwebes, ika-20 ng Agosto, sa loob ng covered court ng barangay.
Ang naturang public hearing ay inorganisa ng SunAsia Energy Inc., katuwang ang subsidiary company nitong Nortesol IV Inc., upang mabigyan sila ng pormal na pagkakataon na talakayin ang umano’y mga layunin at mekanismo ng panukalang solar farm project. Sa kabila nito, naging lunsaran din ng mga katanungan ang pagdinig tungkol sa mga potensyal na pinsalang dala ng proyekto sa kabuhayan at kalikasan.
Mga inisyal na layunin ng proyekto
Pangunahing layunin umano ng 131.789 Megawatt Peak Bay 2 Floating PV Power Plant, o mas kilala bilang floating solar farm project, ang pagtataguyod ng alternatibong paraan sa paglikha ng malinis at renewable na enerhiya. Hangad umano nitong mabawasan ang pagdepende sa pagsusunog ng fossil fuels—isa sa mga pangunahing sanhi ng climate change, polusyon sa hangin, at ang malawakang pagkasira sa kalikasan.
Bukod dito, layon din umano ng proyekto na tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa rehiyon ng Timog Katagalugan, partikular na sa mga apektadong komunidad ng Barangay San Antonio, Maitim, at Tagumpay. Bahagi rin umano nito ang pagsisikap na mapababa ang pinapasang bayarin ng mga konsyumer ng kuryente.
Ayon sa project description, ilan sa mga inaasahang benepisyo ng proyekto ay ang pagbuo ng halos 190M kWh na enerhiya sa unang taon ng operasyon na maaaring makapagbawas ng 112,000 tons na carbon emissions.
Kaakibat nito, inaasahan ding papasok ang malaking pamumuhunan sa local government units (LGUs) sa pamamagitan ng mga fiscal revenue at magbibigay ng karagdagang kita sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Direktang epekto ng pribatisasyon sa kabuhayan
Sa kabilang banda, inaasahang sasakop ang floating solar farm project ng mahigit 2,000 ektarya sa katubigan ng Laguna de Bay, kung kaya’t ang pangunahing pangamba ng mga mangingisda ay ang patuloy na pagliit ng kanilang pook-pangisdaan at ang posibleng pagbaba ng kanilang huli at kita sa araw-araw.
“Malaki ‘yung magiging epekto sa supply ng pagkain at kabuhayan. Dahil nga binawasan mo ‘yung pook-pangingisdaan ng mga mangingisda. Tapos gastos [at] dagdag sa gasolina,” saad ni Ronnel Arambulo, isang mangingisda at ang kasalukuyang vice chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas).
Bagama’t iginiit ng SunAsia Energy Inc. sa kanilang presentasyon na maaaring lumikha ng mahigit 80% na oportunidad sa trabaho ang proyekto para sa mga lokal na mangingisda at residente ng Bay, Laguna, inaasahang magiging salat at limitado umano ito kung ikukumpara sa likas at pangmatagalang kabuhayan na patuloy na makukuha sa pagpreserba sa yamang tubig ng lawa.
“Eight thousand na mga mangingisda ‘yung apektado. Hindi pa kasama riyan ‘yung mga hindi talaga mangingisda, ‘yung mga nagtitinda…na umaangkat ng isda. So, mas malaking bilang ‘yung mawawalan ng trabaho. At kung nandiyan ‘yung lawa kasi, tuloy-tuloy ‘yan. Anytime, pwede ka d’yang pumunta, pwede ka d’yang kumuha ng isda,” saad ni Arambulo.
Dagdag pa niya, marami na rin umanong mga nakaraang proyekto na sumira sa lawa na naging rason sa malaking pagbagsak at pagkalugi sa pang araw-araw na kitang naiuuwi ng mga mangingisda sa kanilang pamilya.
“Kami sa PAMALAKAYA, sawang-sawa na kami sa ganyang mga pangako. Dahil batay sa aming buhay at karanasan, marami nang mga naunang proyekto na ganyan din ang sinasabi, pero after nang maraming taon ay hindi totoo at nagsisisi ‘yung mga mangingisda,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ni Arambulo sa open forum na mahirap umano panghawakan sa ngayon ang mga pangakong trabaho na nais ihandog ng SunAsia Energy Inc., sapagkat ang tinatayang 10,500 na construction jobs ng proyekto ay pansamantala lamang, dahil 18 buwan o higit isang taon lamang ang itatagal.
Habang ang 1,700 na operations at maintenance jobs naman ay kakarampot lamang din umano kung ikukumpara sa mahigit 8,000 na mangingisda na maaapektuhan ang kabuhayan, kabilang din rito ang mga maliliit na negosyo sa pamilihan at ang mga apektadong komunidad na direkta ring umaasa sa likas na yaman ng lawa.
“Kasi sa SunAsia [Energy Inc.], merong kang amo, merong nagmo-monitor sa ‘yo. ‘Pag may mali kang nagawa batay sa kanila, pwede kang tanggalin. Samantalang sa pangingisda ay tuloy-tuloy hanggang sa susunod na henerasyon. Tapos, eco-friendly talaga ‘yung pangingisda, hindi katulad ng sa SunAsia [Energy Inc.]. At ‘yan ay dahil ‘yan ay pribado, hindi ‘yan public,” dagdag pa niya.
Pagkagambala sa ekolohikal na siklo ng lawa
Kinuwestyon din ni Arambulo ang katuwiran ng SunAsia Energy Inc. na ang pagkitid ng pook-pangisdaan ay katumbas umano ng mas masaganang huli, bunsod ng paglikha ng fishing sanctuary sa ilalim ng proyekto na magsisilbi raw na ligtas na lugar para sa paglaki at pagpaparami ng mga isda.
Ngunit sa katunayan, ang nasabing proyekto ay maaaring magdulot umano ng pagkagambala sa natural na balanse ng ekolohikal na siklo ng lawa at sa daloy ng proseso sa akwakultura.
Partikular umano rito ang pagharang ng mga floating solar panel sa pagtagos ng sikat ng araw sa ilalim ng tubig. Dahil dito, posibleng hindi makapag-photosynthesis ang mga halamang-tubig na nagsisilbing isa sa mga pangunahing pagkain ng mga isda.
Kaugnay nito, maaari din umanong palubhain ng proyekto ang impestasyon ng invasive species sa lawa kagaya ng knife fish, sapagkat mas lalakas umano ang kakayahan nito na magparami sa madidilim na bahagi ng tubig.
Para sa mga mangingisda, hindi umano ito magandang pangitain dahil ang mga knife fish ay malakas kumain ng mga native na isda kagaya ng tilapia, bangus, kanduli, at ayungin na ‘di hamak umano na mas mataas ang halaga sa merkado.
Binanggit rin ni Arambulo na humigit kumulang 700 kilos na maliliit na native na isda at hipon ang nauubos para sa bawat kilo ng paglaki ng invasive na knife fish na mababa lamang ang presyo sa pamilihan.
Nagbabadyang panganib sa pagpalaot
Kabilang din sa presentasyon ng SunAsia Energy Inc. ang pagtalakay sa disenyo ng kanilang navigational lane o ruta, na naglalayong maglaan ng sapat na puwang sa pagitan ng mga bloke ng solar panel upang hindi umano maging balakid sa malayang pagpalaot ng mga bangka ng mga mangingisda.
Ngunit sa pahayag ni Arambulo, “Nangangamba rin kami na mapanganib na pumunta roon ‘yung mga mangingisda ‘pag napadpad sa solar floating panel. Bagamat sinasabi ngayon sa public hearing na walang panganib, hindi kami naniniwala doon. Dahil sa karanasan ay babantayan talaga ‘yan at merong mga perimeter ‘yan kung gaano kalayo ang distansya sa solar floating panel. Yung mga kable na nakikita mong nakatali, ‘yung kadena ay pwedeng makasira ‘yun sa mga elisi ng mga mangingisda. Kaya hindi ka rin pwedeng talagang dumikit doon. Kasi may mga perimeter.”
Base sa pag-aaral ng SunAsia Energy Inc., inaasahan na magiging sapat umano ang 55 hanggang 67 metro na navigational lane upang malayang makapalaot ang mga mangingisda, sapagkat sinasabing ang pangkaraniwang sukat ng kanilang regular na bangka ay 40 metro lamang.
Bagama’t simple at madali pakinggan ang mekanismo ng navigational lane sa presentasyon, para kay Arambulo, kung ang pagbabatayan ay ang pang-araw-araw na karanasan nilang mga mangingisda sa pagpalaot, hindi umano siya kampante na magiging ligtas at ganoon ka payak ang naturang ruta.
Desproporsyonadong representasyon sa datos
Sa patuloy na paggulong ng open forum, kinwestyon din ng ilang lokal na residente ng Bay, Laguna kung tunay nga bang nirerepresenta ng mga datos na ibinahagi ng SunAsia Energy Inc. ang mas malawak na persepsyon ng mga mamamayan hinggil sa pagtatayo ng naturang proyekto.
Dahil para sa kanila, nananatiling palaisipan kung matibay nga bang basehan ang isinagawang perception survey noong Oktubre at Nobyembre, 2024 na nagtala ng 69% na pagsang-ayon at 4% na pagtutol, lalo’t umabot lamang sa 194 ang naging respondente—kakarampot na porsyento ito kung ikukumpara sa 69,802 na kabuuang populasyon ng Bay, Laguna batay sa opisyal na senso.
Kaugnay nito, halos pitong taon na rin ang nakalipas nang isagawa noong 2019 ang unang yugto ng pilot testing para sa solar farm project, ngunit lumitaw sa parehong ulat ang malaking agwat umano sa impormasyon kung saan 37% lamang ang may inisyal na kaalaman hinggil sa proyekto, samantalang ang nalalabing 56% ay nabatid lamang umano ang naturang inisyatiba habang gumugulong ang sarbey.
Kakulangan sa tunay na konsultasyon
Kapansin-pansin din sa mga residente na ang SunAsia Energy Inc. ay nakadaan na umano sa mga malaking hakbang tulad ng inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong nakaraang taon na komprehensibong alituntunin na dapat sundin hinggil sa magiging operasyon at mekanismo ng naturang floating solar farm project.
Mayroon na ring hawak na Solar Energy Operating Contracts (SEOC) mula sa Department of Energy (DOE) ang SunAsia Energy Inc. at ang kasosyo nitong Blueleaf Energy.
Bukod pa rito ang pag-apruba ng LLDA sa mahigit 2,000 ektaryang sasakupin ng inisyatiba na nakabatay sa LLDA Board Resolution No. 600, Series of 2021 o ang mas kilalang Laguna de Bay Renewable Energy Resources Utilization Act of 2021.
Ngunit sa kalagitnaan ng open forum portion, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang ilang mga kalahok sa kakulangan ng tapat at masusing konsultasyon sa pagitan ng kumpanya at ng pamahalaan sa mga komunidad na apektado.
Ayon sa pagsasalaysay ni Arambulo, dulot umano ng kawalan ng pampublikong konsultasyon noong mga nakaraang taon, ang mga kinatawan na mismo ng PAMALAKAYA ang pumunta sa LLDA upang personal na makipag usap sa awtoridad noong 2024.
Aniya, “Ngayon lang ‘yan nagka-public hearing. Tapos ang ginawa ng LLDA, para magmukhang may consultation, isinama niya ‘yung mga lider ng [Fisheries and Aquatic Resources Management Council] FARMC. Kasi ang FARMC, na-organize na ng LLDA para sabihin…na may consultation. Pero don sa komunidad na pinuntahan namin, kasama namin ‘yung mga mangingisda, sinasabi talaga nila na walang consultation.”
Gayunpaman, ipinahayag pa rin ng ilang mga kalahok sa open forum na hindi sila ganap na tutol sa nasabing proyekto—basta’t tunay na nakaugat ito sa ikabubuti at ikauunlad ng mga ordinaryong mamamayan sa komunidad, kung kaya’t binigyang-diin nila ang kahalagahan na mayroong bukas na dayalogo at mainam na pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga nasa batayang sektor, lalong-lalo na sa mga mangingisda.
“Isa rin siguro sa kinababahala—pero feeling ko naman ay kayang tugunan—ay iyong bukas at malayang komunikasyon sa pagitan ng mga involved or mga stakeholders kung tawagin. Dapat kasama palagi sa pagpapasya ang mga mangingisda, mga apektadong sektor, [at yung] mga [kung] tawagin ay host community, siyempre,” pahayag ni Hannah Delos Reyes mula sa Kasama Ka: Laguna, isang Non-governmental Organization. ■
KUHA NI DAN ALEXANDER ABAS


