Ganito pala mag-commute sa Pilipinas: mainit, masikip, nakapapagod, at nakauubos ng dignidad. Kapag kasi komyuter ka, hindi lang ‘yung mga paa mo ang maaaring matapakan, kundi pati na rin ang iyong buong pagkatao.
Naumpisahan kong isulat ang piyesang ito habang nakatayo sa isang bus na may sakay na humigit-kumulang 100 pasahero. Binilang ko talaga ito—halos 40 kaming nakatayo at 50 ang nakaupo. Sa paglibot ng mga mata ko sa mga taong nakasakay, iba’t ibang uri ng karanasan at istorya ang aking nakita.
May umiiyak na bata. Tinatanong niya sa nanay niya kung malapit na ba sila sa Jollibee. “Oo,” sambit ng kanyang nanay, na nagpatahan sa kanya matapos ang ilang mga segundo. Kahit ang totoo, siguro, ay hindi naman talaga ro’n ang babaan nila.
Nakita ko rin ang isang empleyadong tingin nang tingin sa bintana at parang balisa. Siguro, nag-aalala dahil mahuhuli na siya sa trabaho at magagalit pa ang boss niya. Isang estudyante rin ang nakatayo, kaharap ang kanyang papel at nag-re-review. Sumakay pa ang mga nagtitinda ng buko pie at tubig. Kahit masikip, sinusubukan pa rin nilang makapasok sa pagbabakasakaling magkaroon sila ng kita.
Ako naman, sa buong byahe ko, hindi ako mapakali dahil kaunti na lang male-late na ako. Nangangatog na rin ang aking mga tuhod sa mahigit isang oras na pagtayo. Naiilang din ako kasi malapit na kaming magkapalit ng mukha ng aking katabi.
Dahil nga sa dami namin sa loob ng sasakyan, hindi ko na maiangat ang kamay ko para tumukod sa upuan tuwing pe-preno ang driver, kaya makailang beses na akong humingi ng pasensya sa ibang pasahero dahil paminsan ay natatapakan ko ang kanilang mga paa o ‘di kaya’y aksidenteng natutulak. Ni iyong earphones na nakasalpak sa mga tainga ko habang tumutugtog ang bandang Up Dharma Down ay hindi ako magawang pakalmahin ako. Hindi rin mabawas-bawasan ang hirap na dinaranas ko.
Ang pinakamasaklap dito, pagkababa ko pa ng bus at pagdating ko sa campus ay pagod na ako. Kumakalam ang aking sikmura at wala na akong ganang makinig sa klase. Tuwing bumabyahe ako ay parang unti-unti akong nauubos—paliit nang paliit ang enerhiya sa katawan ko at nagiging blanko ang aking utak.
Ang bukod-tanging ginawa ko lamang sa buong byahe ay magtiis, yumuko, humingi ng tawad, manahimik, at hindi magreklamo—sapagkat dala-dala ko ang munting pag-asa na kaunti na lang, makakababa na rin ako at makakarating sa campus.
Iba’t iba man ang danas naming mga pasahero, nagtatagpo kaming lahat sa parehong hinagpis. Ang batang umiiyak, ang empleyadong balisa, ang estudyanteng nag-re-review, ang mga nagtitinda, at pati na rin ako—lahat kami ay may kanya-kanyang istorya at dahilan kung bakit pinili namin ang manatiling nakasakay sa bus kahit mahirap.
Marahil hindi lamang pala ito tungkol sa isang simpleng byahe. Mas marami pa kasing sinasabi ang aking araw-araw na karanasan sa mga problema sa bansa kaysa sa nakaraang SONA ng pangulo sa Batasang Pambansa. Kung ga’no siya kabilis nangako sa taumbayan ay gano’n naman kakupad ang proseso ng pagtupad ng administrasyon niya rito—kung tutuusin, mas mabagal pa sa daloy ng trapiko ang mga inisyatiba ng gobyerno ngayon.
Ang ending tuloy, nagmimistula tayong stuck sa traffic—hindi lamang sa kalsada, kundi maging sa isang bansang hindi umuusad.
Hindi lamang kasi ito tungkol sa bus o sa kahit anong sasakyan. Hindi rin ito tungkol sa isang oras kong pagtayo. Tungkol ito sa isang sistemang paulit-ulit tayong pinaniniwala na normal lamang mapagod, ma-late, magtiis, at magsiksikan sa kakarampot na mga espasyo.
Nakagagalit.
Palagi na lamang tayong sinasabihan ng “Konting tiis pa,” “Makakarating din tayo,” at “Darating din ang ginhawa.” Inaasahan nilang tatanggapin na lang nating kailangan nating maging matatag sa lahat ng panahon, na tama lang na pilitin nating hindi bumigay ang ating mga tuhod.
Sapagkat para sa mga namumuno sa kasalukuyang bulok na sistema, kailangan muna nating maubos bago tayo maging karapat-dapat sa ginhawa.
Naalala ko tuloy ang batang tinanong ang kanyang nanay kung malapit na ba sila sa Jollibee.
“Malapit na.”
Tumahan ang bata dahil naniwala siya.
Pero siguro, hindi naman talaga sila pupunta sa Jollibee—ginawa lang iyon ng kanyang nanay upang tumahan siya.
Napagtanto ko tuloy, parang gano’n lang din ang ginagawa sa atin ng gobyerno. Ginagawa tayong parang mga bata—nangangako sila ng iba’t ibang klaseng solusyon upang pansamantala tayong patahimikin. Paulit-ulit tayong pinaghihintay at pinagtitiis habang sinasabing malapit na ang ginhawa at may magbabago na.
At naniniwala naman tayo. Hindi dahil uto-uto tayo, kundi dahil kapag ang isang sistema ay sirang-sira na, paghihintay at pananalig na lamang ang natitira nating sandalan—umaasang baka bukas makalawa, maging maayos din ang lahat.
Ngunit, hanggang kailan tayo magiging ganito?
Hanggang saan aabot ang pagtitiis natin sa ganitong kalbaryo? Sa matagal nating paghihintay ay mas humahaba lamang ang biyahe—mas sumisikip ang mga espasyo, mas umiinit ang paligid, at mas nauubos tayo.
Kung ganitong klase nga naman ng gobyerno ang nagmamaneho sa ating byahe patungo sa inaasam nating kaunlaran, tiyak akong wala ng pag-asang makakarating pa tayo sa ating patutunguhan. ‘Di kalaunan ay matatanggal na ang nagmamadaling empleyado sa kanyang trabaho, mahihirapan nang makapag-aral ang estudyanteng nag-re-review, at mauubusan na ng kinita ang mga nagsusumikap na nagbebenta sa loob ng bus.
Palala nang palala.
At sa pagpapatuloy nito, mas lalo lamang tayong makukulong sa isang siklo ng paulit-ulit na ruta: ang rutang nakatayo sa isang mapang-abusong sistema.
Ngayong harap-harapan na tayong niloloko at pinapaikot ng mga pangakong hindi naman nakakarating sa nais nating destinasyon, sasakyan pa ba natin ito? Sasakay pa ba tayo sa isang byaheng walang-awa tayong pinagsisiksikan at pinapahirapan?
Pagod, galit, at sawa na tayo sa mga kasinungalingan ng estado, kung kaya’t kahingian ang mangalampag at kumilos. Kapag kasi nasanay tayong tiisin na lang ang lahat, mas nasasanay lamang ang mga naghaharing-uri na magsinungaling at magbitiw ng mga gawa-gawang pangako.
Hindi na tayo dapat manahimik.
Metapora ng buhay ang estado ng ating mga kalsada. Habang umaandar nang paunti-unti ang mga sasakyan, gano’n din ang pakiramdam ng pag-usad ng buhay ng karaniwang Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Ang tanong ngayon: Hanggang kailan ba tayo mag-aantay, gayong ilang dekada nang nakatigil ang ating sasakyan sa parehong mga problema?
Marahil ang mas malalim na sagot ay hindi na makikita sa kung kailan tayo makaaandar sa gitna ng trapiko, kundi sa kung kailan tayo magpapasyang bumaba.
Para sa’kin, sabay-sabay na dapat tayong bumaba—bawiin natin ang ating mga binayad at maningil tayo para sa tunay na pagbabago. Ipamukha natin sa kanilang mga mapang-abuso na kailanman ay hindi normal ang matinding pagtitiis at sobrang pagsasakripisyo.
Kaya sa susunod na sabihin nilang “Malapit na,” tandaan natin ang tanong na, “Malapit na saan?” Siyasatin natin kung sino ang nagsasabing kailangan nating magtiis para makarating sa kaunlaran. Huwag natin hayaang gawin nila tayong parang mga bata na madaling lokohin at paikutin.
Ako, ang estudyanteng nag-re-review, ang empleyadong balisa, ang mag-ina, at ang mga tindero sa bus—lahat tayo ay may karapatang makarating sa ating mga paroroonan nang may kaginhawaan at kapangyarihang kontrolin ang manibela. ■
Si Crissa Lee Liwanag ay isang sophomore student mula sa ASDC na may malalim na paniniwala na ang pagsulat at pagbabalita ay may kapangyarihang magbukas ng isipan ng bawat mamamayan at magpalaya sa isang bansa. Sa kanyang pag-aaral sa Unibersidad, layunin niyang gamitin ang komunikasyon bilang isang instrumento para sa pagbabago at pagpapalaganap ng makatarungan at tapat na impormasyon.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.
LARAWANG KUHA NI LUKE CERDENIA


