DAPAT MONG MALAMAN
- Nag-ulat ang mga publikasyong kasapi sa UP Solidaridad ng kanilang term reports upang talakayin ang mga naging danas ng bawat publikasyon sa nagdaang semestre, sa unang araw ng SoliCon 2026B.
- Lumantad sa mga ulat ang mga hamon hinggil sa kakulangan sa tao, pondo, at lumalalang red-tagging at trolling laban sa mga pangkampus na mamamahayag.
Sa pag-arangkada ng unang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) 2026B, muling nagtipon ang mga pahayagan ng buong UP System upang butbutin ang kani-kanilang term report at iulat ang mga kinahaharap na suliranin ng bawat miyembrong publikasyon, sa Lorenzo Hall, UP Mindanao noong ika-3 ng Agosto.
Pinangunahan ni UP Solidaridad National Executive Council (NEC) chairperson Vyan David Abella ang pag-uulat ng term report para sa nagdaang semestre. Batay sa kaniyang ulat, tinatayang nasa 34 pahayagan at organisasyon ang nananatiling aktibong kasapi ng alyansa. Kinilala rin ang mga bagong miyembro kabilang ang The Gridlines, Libertas, at ang Writer’s Club ng UP Open University.
Sa kabila ng tagumpay na ito, tinalakay ni Abella ang natiyak nilang walong kaso ng Campus Press Freedom Violations (CPFVs). Sa isinagawang pag-aanalisa, kalakhan ng mga iniulat na kaso ng CPFVs ay nakaugat sa kagagawan umano ng marahas na estado na kung saan, nagkalat ang mga online troll kasabay ng lumalalang red-tagging at panggigipit sa mga peryodista sa tuwing nag-uulat ng mga kilos-protesta.
Upang mas pagtibayin ang kampanya sa malayang pamamahayag, ibinahagi rin niya ang layunin ng mga inilunsad nilang inisyatiba katulad ng complaint intake bilang espasyo para sa hinaing ng mga mamamahayag at higit sa lahat, ang esensya ng CFPV database na nagsisilbing paraan para sa mga mamamahayag na maiulat ang kanilang sitwasyon sa oras na malabag ang kanilang mga karapatan.
Samantala, matapos talakayin ni Abella ang kabuuang lagom ng nakaraang termino, binuksan ang bulwagan para sa pagkakataong maihayag ng bawat publikasyon ang kanilang publication report na tatalakay sa naging danas ng mga kasapi.
Kahirapan sa pagmomobilisa ng mga tao
Ibinahagi ng The Public Herald ng UP Manila – College of Public Health (CPH) na walong miyembro lamang ang aktibong nagtatrabaho para sa operasyon ng pahayagan, habang may tatlong mag-aaral naman ang nagpakita na ng interes na maging bahagi ng publikasyon kaugnay ng kanilang ipinasang aplikasyon sa ika-2 wave of membership—isa sa mga aktibidad na layong mas paramihin ang mga estudyanteng makikibahagi sa kanilang publikasyon.
Hindi rin nalalayo rito ang danas ng The Cursor ng UP Open University dahil mula sa kabuuang 44 staffers, tanging 12 na mamamahayag na lamang ang aktibong kumikilos dahil sa materyal na kondisyon ng ibang mga miyembro. Dagdag pa rito, nananatiling bakante ang ilang mga position sa kanilang kanilang editorial board.
Bagaman may 55 na mamamahayag ang UP Baguio Outcrop, naantala ang paglalathala ng dalawa nilang isyu noong nagdaang termino dahil sa kahirapang pagtugmain ang schedule ng kanilang mga miyembro upang maisakatuparan ang nakaplanong mga release.
Samantala, isa rin sa mga pangunahing pagsubok ng Himati mula sa UP Mindanao ang pagpapanatili ng puwersa ng pahayagan sa tuwing may mobilisasyon at partisipasyon sa mga ikinakasang protesta.
Kagaya sa mga naging danas ng mga pahayagan, sumasalamin din ito sa kinakaharap na sitwasyon ng Tanglaw, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng College of Development Communication (CDC) ng UPLB, kung saan naging hamon na pagbuklurin ang puwersa ng mga miyembro noong kasagsagan ng midyear dahil ang kalakhan ay wala sa campus.
Kakulangan sa pondo
Bukod sa kakulangan sa tao, ibinahagi rin ng Tanglaw ang kasalukuyan nitong kalagayang pinansyal matapos magtala ng negatibong balanse sa kanilang pondo. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamahayag ng publikasyon na personal na sagutin ang kanilang mga gastusin sa tuwing may mga news coverage at iba pang mahahalagang aktibidad katulad ng taunang UP SoliCon at General Assembly of Student Councils (GASC).
Hindi nag-iisa ang Tanglaw sa pagharap sa kakapusan sa pondo. Ibinahagi rin ng UP Vista mula sa UP Tacloban na matagal na nilang nararanasan ang kaparehong suliranin. Ayon sa kanila, nakatakdang makatanggap ng semestral na pondo ang kanilang pahayagan, ngunit hindi ito naipagkakaloob dahil sa mga burukrasyang humahadlang sa pag-access dito.
Bunsod nito, higit na nakatuon ang UP Vista sa online releases nitong nagdaang semestre dahil sa kakulangan sa pondo at mga kinakailangang rekurso upang maisakatuparan ang paglilimbag ng kanilang mga dyaryo.
Habang ang mga pahayagang Sinag ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) ng UP Diliman, Lanog ng College of Communication, Art, and Design (CCAD) mula sa UP Cebu, The Staple ng College of Economics and Management (CEM) sa UPLB, at The Public Herald ay nanatiling walang opisyal na funding sources.
Dagdag pa rito, bagaman ang ibang publikasyon ay may mga pondo para sa kanilang operasyon, naaantala naman ang paggamit at reimbursement dahil sa burukrasyang sistema. Kagaya ng Sinag na pinupuntirya umano ng kanilang Office of the Student Projects and Activities (OSA) hinggil sa kanilang pagkamit ng financial autonomy para sa pahayagan. Dagdag pa ang pandidikta ng opisina kaugnay ng lalamanin ng kanilang finance resources.
Limitadong espasyo
Sa usapin ng pagkakaroon ng maayos na opisina ng mga pahayagan, nananatiling walang opisina ang Tibud ng UP Visayas School of Technology, The Staple, at The Public Herald, na humahadlang sa produktibong operasyon ng kanilang publikasyon.
Samantala, ang iba namang pahayagan na nabigyan ng espasyo ay nagtitiis sa kanilang maliliit na opisina. Kagaya ng himpilan ng Tinig ng Plaridel ng College of Media and Communication (CMC) ng UP Diliman, Tanglaw, at Sinag na kung saan hindi kayang i-accommodate ang bilang ng mamamahayag sa liit ng opisina. Dagdag pa ang mabagal na internet access o kawalan ng signal connection na siyang pinakamahalaga sa online releases ng pahayagan.
Kaugnay nito, kasalukuyan namang may isinasagawang renovation sa gusali ng kolehiyo ng The Public Herald na dagdag sa hamon ng mga mamamahayag na isagawa ang kanilang operasyon sa limitadong espasyo.
Lumalalang red-tagging laban sa mamamahayag
Ibinahagi ng Philippine Collegian, pahayagan ng UP Diliman, ang pagdami ng mga online troll sa kanilang mga social media pages magmula noong pumutok ang balita hinggil sa Toboso 19.
Habang mas lalong tumindi rin ang pamamasista at pang-iintimida laban sa mga peryodista lalo na sa mga onsite news coverages katulad ng mga pagkilos at pagpunta sa mga komunidad. Danas ito ng mga publikasyon katulad ng Tanglaw, Lanog, The Public Herald, The Cursor, at ang iba pang mga pahayagan.
May mga naging ulat na umaabot ang pang-aatake sa personal accounts ng ilang mga miyembrong indibidwal. Kagaya ng pahayag ng Sinag, malaki ang naging epekto ng panggigipit ng estado sa kanila na umabot na sa puntong kinakailangan nilang tanggalin ang byline ng manunulat upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mamamahayag.
Kung babalikan ang walong kaso ng CPFVs, nabanggit ang naging karanasan ng isang mamamahayag mula sa Tinig ng Plaridel, na kung saan ay marahas siyang tinulak ng pulis habang kumukuha ng litrato sa nagaganap na mobilisasyon. Walang pakundangang inutusan pa umano ang mamamahayag na tigilan ang pagkuha ng litrato.
Kabilang din sa mga naging kaso ang natanggap na email ng isang staff member noong Abril mula sa The Manila Collegian, ang pahayagan ng UP Manila, na naglalaman ng marahas na pananalita at red-tagging laban sa naturang miyembro.
Sa kabila nito, sinisikap ng mga pahayagan na makapagsagawa ng mga debriefing session kasama ang miyembro pagkatapos ng mga onsite news coverage katulad ng mga malawakang pagkilos upang masiguro ang kapakanan ng mga peryodista.
Samantala, magpapatuloy ang SoliCon 2026B hanggang ika-5 ng Agosto para sa nalalapit na eleksyon ng mga bagong kasapi ng NEC, pag-amyenda ng kasalukuyang konstitusyon,n at pagpulungan ang mga ipapasang resolusyon. ■
KUHA NI AERLIND DOMINGO NG TINIG NG PLARIDEL


