May bakas pa rin ng hapis at pagluluksa sa akin habang isinusulat ko ang kolumn na ito. Bagaman sunod-sunod ang mga hagupit sa politika, at iginagapos ako ng mga obligasyon sa akademya sa gitna ng nagdaang linggo, may pakiramdam akong hinding hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag magpalamon ako sa pagkamanhid, sa desensitization.

Sigurado akong para sa maraming kabataang katulad ko, sobrang hirap makasabay sa agos ng mga kaganapan. Pinatutunayan lang naman nitong aktibong gumagalaw ang kasaysayan, at inilalapit ng reyalidad na ito sa atin ang isang mahalagang tanong: pipiliin pa rin ba nating patuloy na magkaro’n ng pake sa kabila ng lahat?

Makapangyarihan ang pagpapasyang ito. Ito ang rason kung bakit pilit na pinaliliit ng estado ang ating kamulatan. Patunay rito ang kamakailan lamang na panukala ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa pag-re-reframe ng General Education (GE) Curriculum sa Higher Education Institutions (HEIs) sa bansa—isang pagtatangkang lasunin ang ating kritikal na pag-iisip sa bisa ng pagbawas ng mga unit mula 36 patungong 18. Giit nila, nagsisilbi raw itong tugon sa mga rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), pati na rin sa ‘di umano’y paglilinya ng Senior High School Program upang maiwasan ang duplikasyon sa nilalaman ng mga kurso.

Kamakailan lamang, inanunsyo ng CHED ang pagpapaliban ng implementasyon ng mapaminsalang kurikulum na ito patungong 2028 matapos itong salubungin ng nagkakaisang galit mula sa mga gurong unyonista, akademikong manggagawa, at alyansa ng mga mag-aaral. Ngunit ‘di dapat tayo magpalinlang. Ang pansamantalang pag-atras ng estado ay ‘di nangangahulugan ng kanilang pagsuko, bagkus isa lang itong simpleng pagbili ng oras upang patamisin ang isang panukalang mapait sa pinakamalalim nitong kaibuturan.

Marami nang lumitaw na mga opinyon tungkol dito, ngunit ang pinakamatingkad na punto sa lahat ay ‘yung tumutumbok sa tunay na layunin ng GE reframing: ang pilayin ang ating kakayahang mag-isip at alisin ang mga katangiang pumapanday sa ating pagiging tao’t makatao.

Malinaw na malinaw na kasinungalingan lang ang naratibo ng pamahalaan na ang panukala ng CHED ay naglalayong ilapit tayo sa kaunlaran. Mauugat lang din naman ito sa pagtutuon nila ng atensyon sa mga internasyonal na pamantayan—’yung mismong mga pamantayang mapagpasyang isinusuko ang mga unibersidad para sa interes ng merkado.

Kapag mapatupad ang GE reframing na ito, kalauna’y magiging mga nilalang tayong ang alam lang ay magtimpla ng instant coffee para sa mga boss natin sa loob ng mga de-aircon na opisina, imbes na tanungin kung kaninong dugo ang dumanak sa mga sakahan upang mabuo ang isang pakete ng Nescafe. Kakain lang tayo nang kakain ng kanin habang hindi kinikilala ang paghihirap na dinaranas ng mga magsasaka dahil sa atrasadong disenyo ng ekonomiya. Matatawa tayo sa tuwing tinatawag na “corned beef” ang mga aktibistang pinapaslang ng estado.

Sa dulo’t dulo, tanging ang mga naghaharing-uri lang din ang may ganansya sa tuwing nababansot ang ating kakayahang mag-isip. Pabor na pabor kasi sa kanila ang magiging sitwasyon kung sakaling umiral na ang bagong kurikulum sapagkat lalagasin nito ang mga pwersang may talino at sigasig upang kwestyunin ang sunod-sunod na krisis na iniluluwal ng bulok na sistema. Ang kanilang pagpapaliban sa panukala ay hindi rason para maging kampante; ito ay hudyat upang higit pang palakasin ang ating hanay bago sumapit ang kanilang itinakdang taon ng pag-atake.

Sa harap ng kanilang walang kapatawarang pag-atake sa mga espasyong dapat nagsisilbing bulwagan ng malaya’t mapagpalayang kaisipan, paniguradong hindi natin mapipigilang maalala ang mga buhay na nasawi sa rurok ng kanilang masikhay na pakikibaka, kabilang na sina Alyssa Alano, RJ Ledesma, Errol Wendel, Maureen Santuyo, at ang iba pang biktima ng pasistang estado sa Negros noong nakaraang buwan.

Malinaw sa atin ang hangarin ng gobyerno: ang ibaon sa limot ang sakripisyo ng mga martir ng sambayanan. Gagap kasi nilang ang buhay na inialay para sa masa ay may kakayahang magsilbing mitsa para sa mas nagbabagang apoy ng pakikibaka.

Sa madaling salita, duwag na duwag ang pamahalaan. Gagawin nila ang lahat upang kitilin ang kamalayan at karunungan na nagtutulak sa ating makipamuhay at makibaka kasama ang taumbayan. Wala silang aaksayahing instrumento upang makamit ang kanilang layunin na burahin ang ating kolektibong pag-alala at paglaban.

Gayunpaman, anumang maniobra ang kanilang imaksimisa, hinding hindi tayo magpapagapi. Puspusan nating tutunggaliin ang kanilang pagtatangkang mas palabnawin pa ang GE curriculum. Masikhay nating isusulong at ipagtatagumpay ang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.

Ultimately, we must not forget that we owe this fight to the activists and revolutionaries—the martyrs of the masses—who have committed their lives to the larger war for genuine social change.

The struggle for a nationalist, scientific, and mass-oriented form of education—one that is sincerely for the people and by the people—is, without a doubt, part of the battle against all the efforts launched by the state to dehumanize those who they have killed. CHED’s decision to suspend the implementation of the new curriculum is proof of the power of our collective resistance, but it must also remind us that the systematic machinery built by the state to silence us never truly sleeps.

Kung kaya’t higit sa lahat, buong-lakas nating ipaglalaban ang tungkulin ng mga pamantasan na mag-anak ng mga mamamayang kritikal na sinusuri ang mundong kanilang ginagalawan upang masigasig na hamunin at baguhin ang kasalukuyang kaayusan tungo sa isang mas malaya at mas mabuting lipunan.

In the face of all the unceasing attacks of the state, both the ones that target our mind and those that tear and rupture our body, the only choice for us is to push forward—to be vigilant, militant, and uncompromising as we stand our ground. The attempts to rob us of our humanity are relentless, and so should our struggle be, lest we want the deaths of our comrades to be as senseless as the violence that has killed them.

KUHA NI WRED MARUAL


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya