Ulat nina Hannah Pauline Fernandez at Lourain Anne Suarez


Isinagawa ang panayam kina Ivan Combate, Izabella Aleli Cruz, at Alexander Viktor Mendoza noong Biyernes, Mayo 8 sa Tanglaw Office, NCQ Hall. 


INTERVIEW GUIDELINES

  1. Maaaring gawin ang panayam nang face-to-face o online, depende sa mapag-uusapan ng Tanglaw Editorial Board at nangangandidato.
  2. Ang panayam na ito ay ididirekta sa buong partido, at nasa partido ang desisyon kung sino ang sasagot sa kada tanong.
  3. Mayroong sampung (10) tanong na ihaharap sa partido. 
  4. Bibigyan ang partido ng 30 segundong thinking time at dalawang (2) minuto upang sagutin ang bawat tanong.
  5. Ang magiging sagot sa panayam ay pinal, at hindi na kikilalanin ng pahayagan ang anumang paglilinaw matapos masagot ang isang tanong.

DAPAT MONG MALAMAN

Pindutin ang tanong upang dumiretso sa buong transcript ng naging sagot ng mga kandidato.

Q: Ano-ano ang ilan sa mga prayoridad na programang nais ipatupad ng inyong partido sa konseho?

Binanggit ng mga kandidato mula sa SAKBAYAN CDC na prayoridad nilang palakasin ang partisipasyon at ugnayan ng mga Devcom student sa pamamagitan ng Devcom Week at pagpapatibay ng “One CDC.” Nais din nilang paigtingin ang pagsusulong ng karapatan ng kababaihan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Women’s Committee sa loob ng konseho at gender discussions na hindi lamang nakatuon sa Women’s Month. Bukod dito, isinusulong din nila ang mas malakas na alyansa sa Associate of Science in Development Communication (ASDC) at ang patuloy na pakikilahok sa mga kampanya hinggil sa budget concerns, red-tagging, at iba pang usaping nakaaapekto sa mga estudyante.

Q: Bilang mga Devcom student na kailangang makisalamuha sa mga komunidad, ano ang konkretong plano ng konseho para siguruhin ang kaligtasan ng mga estudyante laban sa panggigipit at mga banta ng mga puwersa ng estado?

Ayon sa mga kandidato, isusulong nila ang pagpapatibay ng Safe Haven Resolution at pagbuo ng Committee on Academic Freedom and Human Rights upang maprotektahan ang mga estudyanteng nagsasagawa ng community/field work at outreach activities. Plano rin nilang magtatag ng Human Rights Committee sa loob ng konseho na mangunguna sa mga paralegal trainings at educational discussions upang mas maunawaan ng mga estudyante ang kanilang mga karapatan at kung paano ipagtatanggol ang kanilang seguridad sa labas ng Unibersidad.

Q:  Ano ang paninindigan ng inyong partido hinggil sa krisis sa enerhiya sa bansa, at paano niyo ito ipapaliwanag sa mga mag-aaral sa Devcom sa paraang mauunawaan at lalahukan nila?

Iginiit ng SAKBAYAN CDC na hindi dapat ipinapasa sa mga mamamayan ang bigat ng krisis sa enerhiya, lalo na’t direktang naaapektuhan nito ang pag-aaral ng mga estudyante sa CDC. Binanggit nila ang mga epekto nito tulad ng pagsasara ng NCQ Hall, limitadong access sa library at studio, at pagbaba ng kalidad ng pagkatuto. Ayon sa kanila, mahalagang maunawaan ng mga estudyante na ang pambansang krisis ay may konkretong epekto sa loob ng kolehiyo, kaya kinakailangan ang sama-samang pagkilos upang igiit ang makatao at maka-estudyanteng polisiya mula sa administrasyon.

Q: Paano ninyo gagamitin ang plataporma ng SC para ilantad ang kwento ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan at ng sangkaestudyantehan sa CDC?

Ayon sa mga kandidato, gagamitin nila ang plataporma ng konseho upang mailathala at mapalawak ang pag-abot ng mga kwento at karanasan ng mga mamamayan sa Timog Katagalugan. Bilang mga Devcom student, nais nilang higit na makipamuhay sa mga komunidad at makipag-alyansa sa iba’t ibang sektor at organisasyon upang maipakita ang mga suliraning madalas hindi nabibigyang-pansin sa loob ng pamantasan. Dagdag pa nila, nais din nilang magkaroon ng mga integrasyon sa iba’t ibang komunidad upang mas maisabuhay ng mga estudyante ang pagiging development communicators.

Q: Sa gitna ng talamak na press freedom violations at disinformation, ano ang papel na gagampanan ng konseho sa paghikayat sa mga mag-aaral na suportahan ang mga kampanya para sa malaya at mapagpalayang pamamahayag?

Binanggit ng SAKBAYAN CDC na magsasagawa sila ng mga imbestigasyon at survey hinggil sa mga kaso ng censorship na nararanasan ng mga Devcom student sa paggawa ng academic outputs. Layunin nitong makalikom ng datos upang maipakita sa administrasyon ang lawak ng suliranin at makapagtulak ng mga konkretong hakbang laban dito. Nais din nilang patibayin ang alyansa sa mga progresibong organisasyon at media institutions upang maisulong ang mga kampanya para sa malaya at mapagpalayang pamamahayag sa loob at labas ng Unibersidad.

Q: Sa usapin ng CDC curriculum, ano ang inyong mga opinyon o panawagan ukol sa revision nito?

Ayon sa mga kandidato, mahalagang bantayan ang mga pagbabago sa CDC curriculum lalo na ang pagbabawas ng units, dahil maaaring maapektuhan nito ang kalidad ng pag-aaral ng mga estudyante. Iginiit din nila na hindi dapat manatiling nakatuon lamang sa teknikal na aspeto ang Devcom curriculum kundi mas mapalawak pa ito sa mga panlipunang usapin. Dagdag pa rito, nananawagan sila ng mas aktibong partisipasyon ng CDC Student Council sa curriculum discussions at decision-making processes ng administrasyon upang tunay na mairepresenta ang interes ng mga estudyante.

Q: Sa kasalukuyan ay mayroong seat ang konseho sa mga komite sa administrasyon ng CDC. Paano niyo masisigurong na-u-utilisa ito nang mabuti batay sa interes ng sangkaestudyantehan?

Binanggit ng mga kandidato na sisikapin nilang maging aktibo ang partisipasyon ng konseho sa mga management committee meetings upang mas maipagtanggol ang interes ng mga estudyante. Nais din nilang tiyaking naipapaabot sa mga mag-aaral ang mga usaping tinatalakay sa mga komite upang maging mas transparent ang proseso sa loob ng kolehiyo. Bukod dito, isinusulong din nila ang pagkakaroon ng student representation sa executive seat upang mabantayan ang mga usapin tulad ng budget allocation at iba pang mahahalagang desisyon ng administrasyon.

Q: Paano ninyo masisiguro ang transparency at accountability ng konseho sa mga maaaring mangyaring internal na sigalot sa loob nito?

Ayon sa SAKBAYAN CDC, mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw na direksyon, regular na assessment, at bukas na komunikasyon sa loob ng konseho upang maiwasan ang internal na sigalot. Binanggit din nila ang pagpapatuloy ng mga CSL Digest at mga kamustahan sessions upang mapanatili ang maayos na ugnayan sa loob ng konseho. Kaugnay naman ng accountability, sinabi nilang pananagutin ang sinumang lalabag sa karapatan ng mga estudyante sa pamamagitan ng demokratiko at kolektibong proseso.

Q: Ang paglilingkod sa konseho ay nangangailangan ng matinding oras at emosyonal na kalakasan. Sakaling magkaroon ng conflict sa pagitan ng inyong academic goals at ng kagyat na pangangailangan ng mga estudyante, alin ang bibigyan niyo ng prayoridad at bakit?

Kinilala ng mga kandidato na bilang mga estudyante ay mayroon din silang personal at akademikong responsibilidad, ngunit bilang mga lider-estudyante ay handa silang unahin ang mga pangangailangan ng sangkaestudyantehan sa oras na kinakailangan. Ayon sa kanila, kaakibat ng kanilang pagtakbo sa konseho ang responsibilidad na tumugon sa mga usapin at kampanyang mahalaga sa mga estudyante. Dagdag pa nila, naniniwala silang mapagsasabay ang akademiko at paglilingkod sa pamamagitan ng kolektibong pagtutulungan at pagsasaluhan ng gawain sa loob ng konseho.

Q: Maraming lider-estudyante ang nakakaranas ng burnout at kalaunan ay nagiging “inactive.” Ano ang inyong personal na anchor o pinanghahawakan na magtitiyak na hindi niyo tatalikuran ang inyong mandato hanggang sa huling araw ng inyong termino?

Ayon sa mga kandidato, ang kanilang pangunahing pinanghahawakan ay ang paglilingkod sa masa at sa sangkaestudyantehan ng Devcom. Sinabi nilang sa mga estudyante at komunidad sila humuhugot ng lakas upang ipagpatuloy ang kanilang mandato at maiwasan ang burnout. Dagdag pa nila, nagsisilbi ring inspirasyon ang kasalukuyang mga krisis na kinahaharap ng mga mag-aaral upang higit nilang isulong ang tunay na student representation at ang interes ng sangkaestudyantehan sa loob ng konseho.


TRANSCRIPT NG PANAYAM

TANGLAW: Ano-ano ang ilan sa mga prayoridad na programang nais ipatupad ng inyong partido sa konseho?

CRUZ: So ‘yung pinaka mas-fo-focus-an namin na mga program ngayon sa… gusto namin sa susunod na termino ay ‘yung una ang Devcom Week, kasi gusto nga namin na ipa-strengthen pa ‘yung mga participation ng mga devcom student and mas magkalinlanlan ‘yung bawat isa at makapag-build ng relationship with each other para tunay talaga na mabuo ‘yung One CDC at ipagpatuloy pa natin ‘yung One CDC dito sa loob ng kolehiyo. 

Sunod naman ay ‘yung pagkakaroon ng…na hindi na makukulong ‘yung usaping laban sa kababaihan sa loob ng isang buwan kundi mag-ma-materialize siya hindi lamang sa loob ng Women’s Month at syempre gusto natin na magtuloy tuloy ‘yung laban ng kababaihan at ‘yung pagkakaroon ng VAWC, women’s committee na magkakaroon ng representative for each organization and batch na makakasama namin para sa usaping gender

Tsaka ‘yung pagkakaroon ng alliance ng ASDC, actually meron na siyang constitution pero mas gusto pang tulungan at samahan ‘yung mga ASDC na magkaroon ng alliance dito sa loob ng kolehiyo.

COMBATE: Aside from that, edi tuloy-tuloy rin ‘yung pagsama sa mga pang-rehiyonal hanggang pambansang kampanya ng CDC is firm naman tayo doon, mula sa usapin ng budget, hanggang sa pagtutol sa red-tagging, sa iba’t bang uri ng panunupil sa mga estudyante. 

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Bilang mga Devcom student na kailangang makisalamuha sa mga komunidad, ano ang konkretong plano ng konseho para siguruhin ang kaligtasan ng mga estudyante laban sa panggigipit at mga banta ng mga puwersa ng estado?

MENDOZA: Ang konkretong plano po namin ay una ‘yung pag-uusig po sa admin natin sa college level na itaguyod na ‘yung Safe Haven Resolution kasi kasalukuyan sa pagbububuo ng Committee on Academic Freedom and Human Rights ay naka-binbin na siya sa Office of the Chancellor (OC). Kumbaga, okay na ‘yung representatives na hiningi per college, kailangan nalang ng IRR [Implementing Rules and Regulation] na mismong OC ang magbababa.. So siyempre, igiit natin sa Dean na tayo nga bilang mga devcom student na lumalabas sa University para mag-conduct ng mga community outreach or rather tawag doon, mga outputs natin ay kailangan ma-secure o ma-safeguard ‘yung kanilang security. And sa college level, sa konseho ay magtatayo tayo ng Committee of Human Rights under ng STRAW o Students’ Rights and Welfare Committee na siya yung mangunguna sa pag-conduct ng mga paralegal training or EDs para sa mga students na para ma-train sila ano ‘yung mga karapatan nila and how will they defend [themselves] in case may banta sa kanilang security sa labas ng University.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Ano ang paninindigan ng inyong partido hinggil sa krisis sa enerhiya sa bansa, at paano niyo ito ipapaliwanag sa mga mag-aaral sa Devcom sa paraang mauunawaan at lalahukan nila?

COMBATE: Ukol naman doon sa energy crisis na kinakaharap ng bansa at marami pang bansa, edi malinaw naman ‘yung tindig ng SAKBAYAN doon na hindi dapat pinapasa sa ating mga simpleng mamamayan ‘yung bigat ng krisis. Apektado tayo nito sa loob ng devcom. Madalas sarado ‘yung CDC Building tuwing Monday, naapektuhan ‘yung mismong pag-aaral natin, ‘yung mga nag-thesis hindi nakakapunta sa library, ‘yung mga gumagamit ng studio, ay hindi maka-access ng studio ano. So pwede natin ‘yun gamitin pampakilos sa mga estudyante ng CDC na apektado ‘yung kalidad ng pagkatuto sa loob ng kolehiyo sa ilalim ng isang estado na nagpapabaya at nagpapasa ng paghihirap sa mga simpleng mamamayan at sa ilalim ng isang Unibersidad na nanatiling sunod-sunuran sa mga di-siyentipikong polisiya.

Edi malinaw ‘yung patuloy nating pagdikit sa mga estudyante para maipaunawa na sa mga pambansang krisis nag-re-reflect at nag-re-reflect siya sa loob ng college..That’s why we need a collective action to put pressure to the administration na bigyan nila tayo ng isang scientific, makatao, at maka-estudyante mga polisiya na hindi sasagka o bababa mula sa ating kalidad ng pagkatuto.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Paano ninyo gagamitin ang plataporma ng SC para ilantad ang kwento ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan at ng sangkaestudyantehan sa CDC?

CRUZ: So bilang mga devcom practitioner, bilang mga devcom student, ayon uupo pa rin tayo kasama nila, makikipamuhay tayo sa mga committee dito sa Timog Katagalugan para ilathala ‘yung mga kuwento nila, para makita rin o para mas lumawak yung reach at hindi lang tayong mga devcom student ‘yung nakakaalam ng mga kuwento ng buhay nila at mga karanasan nila kung paano gipitin ng gobyerno ‘yung mga komunidad dito sa Timog Katagalugan. Ayun, patuloy tayo sa pakikipamuhay at syempre patuloy tayong mag-bi-build ng rapport at hindi lang siya makukulong sa mga teknikal na gawain natin ipi-no-produce dito sa loob ng kolehiyo.

COMBATE: Edi tuloy-tuloy rin pag-alyansa ‘no ng SAKBAYAN, ng CDC SC kung sakaling mai-halal, na sa organisasyon, katulad ng ADHIKA, KALIKASAN, KARAPATAN, para mabitbit din ‘yung laban ng mamamayan natin sa Timog Katagalugan na madalas ay hindi nakikita sa loob ng pamantasan. May pangangailangan tayong gawin kasi parati nating sinasabi na ang laban ng mga mag-aaral ay hindi naman hiwalay sa laban ng mas malawak na hanay ng masa. Tapos sa pinaka maximum na bahagi ng layon ng Devcom Week kung magkakaroon ng sapat na rekurso at kung magkakaroon ng maayos na pagtanggap yung kolehiyo, edi layon natin makapag-conduct ng mga basic mass integration Mailabas ‘yung mismong kolehiyo sa pinakaparalisadong sektor at doon mismo ma-practice yung pagiging development communicator nila.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Sa gitna ng talamak na press freedom violations at disinformation, ano ang papel na gagampanan ng konseho sa paghikayat sa mga mag-aaral na suportahan ang mga kampanya para sa malaya at mapagpalayang pamamahayag?

MENDOZA: Sa harap nung mga nangyayaring censorship sa mga devcom student sa paggawa nila ng academic outputs, may mga students na hinaharang ng FICs nila sa pag-cover ng specific topics na considered sensitive daw ay mag-co-conduct tayo ng investigation through surveys sa pagkalap ng datos. At kung gaano kadalas ba nangyayari ito at gaano kalala yung nagiging case ng censorship within the college. And sa ganitong paraan, i-pu-push natin sa admin na  i-pressure sila na gawan ng solusyon at gawan ng tugon bakit nangyayari ‘yung gano’ng klaseng sitwasyon. Sa atin sa konseho ay patuloy natin na papatibayin ‘yung mga alyansa natin sa mga institutions tulad ng BAYAN, CEGP, STex etc.. At sa ganitong relationship ay makipag-tulungan tayo na bumuo ng kampanyang masa na para dito sa loob ng UPLB ay maitaguyod din yung college pubs ng ibang colleges.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Sa usapin ng CDC curriculum, ano ang inyong mga opinyon o panawagan ukol sa revision nito?

COMBATE: Sa bahagi naman ng CDC curriculum, may relative na pagbaba ng units na i-te-take ng mga estudyante at ‘yun ‘yung pinaka kailangan bantayan ng konseho, ng buong kolehiyo in general kasi, sa tuwing binabawasan ‘yung units, hindi natin alam kung anong aspeto ng pag-aaral ‘yung tinatapyas sa atin. And aside from that, malinaw yung panawagan natin na high time na ilabas sa mga teknikal na gawain yung pagiging isang devcom student.

And aside from that, mas sa usapin ng relasyon ng administration sa CDC Student Council, bigyan nila ng hustisya ‘yung posisyon namin sa mga management committee kasi this year, may posisyon kami for curriculum committee, pero hindi sila consistent sa pag-invite sa amin sa mga meeting, and ang nakikita na lang namin ay ‘yung final na resolution. So may pangangailangan pa na i-justify o bigyang halaga ‘yun ng CDC administration na maging bahagi talaga ng decision making yung konseho bilang representante ng mga mag-aaral. And related to that, kaya pi-nu-push forward din ng CDC-SC ngayon na ma-clinch talaga ‘yung executive seat, ‘yung mga management committee, sila lang naman yung nag-suggest pero ang final decision palagi ang executive seat, and unfortunately hanggang ngayon wala tayong student [representative] doon. So ki-ni-clinch natin na sa maximum makaupunan tayo sa executive seat para makita natin yung thought process ng kolehiyo, ng administrators natin sa tuwing pinapasa silang pagbabago sa ating mga curriculum.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Sa kasalukuyan ay mayroong seat ang konseho sa mga komite sa administrasyon ng CDC. Paano niyo masisigurong na-u-utilisa ito nang mabuti batay sa interes ng sangkaestudyantehan?

COMBATE: Edi doon sa mga existing space namin sa mga management committee seat, edi magiging active ‘yung participation natin doon ano, so dadalo tayo sa mga meetings, makikialam tayo, makikisangkot tayo, aalamin natin or magiging active na representation talaga tayo ng mga mag-aaral sa loob ng mga ganoong meeting. Aside from that, may pangangailangan na every after that meeting mag-unite sa pinakagyat na posible ‘yung mga napag-uusapan doon para ‘yung mismong mga estudyante natin ay hindi bulag sa kung ano ang nangyayari sa kolehiyo. 

Problema kasi mabigyan man tayo ng seat, pero may mga guidelines pa rin na bawal siya ilabas and kailangan ma-assert ‘yun on a CDC administration na kapag binigyan niyo kami ng espasyo, binibigyan niyo ng espasyo ang mga mag-aaral. So walang dahilan para ipagdamot sa kanila yung mga impormasyon na napag-uusapan dito. And aside from that, i-pu-push forward natin at least ma-clinch talaga natin ‘yung executive seat, lalo na sa usaping budget kasi doon nila pinipinal, doon nila na-di-discuss ‘yung allocation ng budget at sobrang nakikita natin ‘yung pagiging salat ng kolehiyo pero hindi tayo sure kung salat ba tayo in the first place, kasi baka meron tayong mga unprogrammed budget na hindi nababantayan dahil walang umuusig na i-utilize ‘yung mga ‘yun. Kaya now more than ever, may pangangailangan na mapigyan ng enough and valid representation ang mga mag-aaral sa lahat ng komite sa loob ng CDC.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Paano ninyo masisiguro ang transparency at accountability ng konseho sa mga maaaring mangyaring internal na sigalot sa loob nito?

CRUZ: Ayon, ‘yung mga internal sigalot ay ‘di naman din siya maiiwasan sa konseho. Pero siyempre bilang nasa konseho, maganda na meron tayong maganda direction sa bawat isa at mga constituents nito sa CDC. Maglalabas pa rin ng mga CSL Digest at siyempre iwasan natin ang pagkakalat ng transaction sa mga kasama natin sa konseho. At siyempre para maiwasan ‘yun, kakamustahin natin, magkakaroon ng kamustahan ng mga CSL. Magkakaroon tayo ng mga assessments sa bawat isa para maging maganda yung direction natin sa bawat isa dito sa loob ng konseho.

COMBATE: Ayon sa usapin naman ng accountability ‘no, edi kung mapapatunayan na mayroong bahagi ng konseho na lumalabag, nananapak ng karapatan ng kapwa estudyante o kung sino man, edi malinaw yung pangailangan na manindigan ‘yung CDC sa pinagsisilbihan niyang mga constituents. Edi mangunguna tayo sa pagpapanagot kung meron dapat pagpanagutin at lahat ng iyon ay idadaan natin sa isang demokratiko at kolektibong proseso, to ensure din na nagiging maayos yung takbo ng kung ano mang nahihapag sa ating issue ng kolehiyo at constituents natin.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Ang paglilingkod sa konseho ay nangangailangan ng matinding oras at emosyonal na kalakasan. Sakaling magkaroon ng conflict sa pagitan ng inyong academic goals at ng kagyat na pangangailangan ng mga estudyante, alin ang bibigyan niyo ng prayoridad at bakit?

MENDOZA: Edi kung papipiliin tayo, kung dumating man sa ganoong punto, i-recognize muna natin na tayo ay mga estudyante rin, tayo ay mga may sarili ring pangangailangan pang-akademiko, pang-personal, pam-pamilya at hindi tayo hiwalay sa experiences ng common ng estudyante pero bilang mga lider-estudyante na tinatahak ‘tong landas na ‘to, edi alam na natin na kung saan tayo pinaka kinakailangan ay lagi’t lagi, doon tayo tutungo. 

COMBATE: Ayon, may kahingian kasi ‘yung pagiging isang lider-estudyante and the moment that we, SAKBAYAN CDC, decided to run, committed kami na mapunan ‘yung pangangailangan na ‘yun. So katulad ng sinasabi ng ating ColRep [College Representative] ‘no, kung umabot man sa punto na gigipitin talaga tayo ng pangangailangan at ating pag-aaral, doon tayo sa bagay na alam nating mas para sa ikabubuti ng lahat. Hindi di-ne-delay ang mga kampanya, hindi di-ne-delay yung mga karapatan na dapat natatamasa natin in the first place and palagi’t palagi na kaisa ang konseho doon.

Aside from that, paiigtingin pa ang pagiging collective ng konseho, kasi naniniwala naman kami na wala naman kailangan isantabi sa dalawang ‘yun, for as long as nakakapagsaluhan sa loob ng konseho, nakakapagpaabot na baka pwedeng pasagpangan ako sa ganito and such every time na may pangailangan tayo na kagyat na mai-forward na kampanya. 

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.

TANGLAW: Maraming lider-estudyante ang nakakaranas ng burnout at kalaunan ay nagiging “inactive.” Ano ang inyong personal na anchor o pinanghahawakan na magtitiyak na hindi niyo tatalikuran ang inyong mandato hanggang sa huling araw ng inyong termino?

CRUZ: Syempre, babalikan natin kung para kanino ba tayo tumakbo, syempre para sa masa, para sa sangkaestudyantehan, para dito sa mga estudyante ng Devcom, gusto natin kasi na magkaroon ng genuine student representation at para mabigyan sila ng boses dito sa loob ng kolehiyo. Ayon din, syempre sa kanila pa rin tayo kukuha ng lakas at babalik at babalik tayo sa [batayang] sektor ng lipunan, para doon mismo huhugot ng lakas upang maiwasan ‘yung burnout at kung sakali man ay makikipag usap tayo sa mga kasama natin sa konseho, makikipag kamustahan pa rin at hihingi ng tulong 

COMBATE: Siguro isa pa sa kinakatigan namin is ‘yung kasalukuyang krisis na kinakaharap ng mag-aaral. Palagi naman natin naririnig na, “crisis generates resistance,” so hanggang may mag-aaral na hindi napakikinggan, may karapatan na natatapakan, mananatiling matibay ‘yung tindig naming mga lider-estudyante mula sa SAKBAYAN na i-push forward ‘yung best interest ng mga mag-aaral.

MENDOZA: Kinikilala rin natin na napakalaking tagumpay sa student representation yung pagpapalawak natin ng hanay sa konseho, na for the first time, ay umabot tayo ng sampu sa loob ng CDC SC or at least sa slate, ay malaking tagumpay na ‘to and kailangan ma-sustain ‘yung ganoong klase ng effort na well represented yung sangkaestudyantehan, kaya patuloy na ‘yung isa’t isa yung paghuhugutan namin ng lakas sa pagpapatuloy ng pagpapakilos.

Pindutin ito upang bumalik sa mga tanong.


KUHA NI SOFIA ELAURIA, TANGLAW APPREN


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya