Una sa isang serye ng mga istorya Noong Enero 2023, tumungo ang ilang Tanglaw reporters sa dalawang komunidad sa Cebu upang malaman ang istorya sa likod ng napipintong mga proyektong may kinalaman umano sa “pag-unlad”. Gaya ng laging tanong sa mga mag-aaral ng Devcom: Para kanino ba ang pag-unlad na ating isinusulong?
DAPAT MONG MALAMAN
- Ang dagat na isasailalim sa reklamasyon ay pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda, gaya ng 73-anyos na si Tatay Tanacio.
- Banta sa kalikasan at kalusugan ng mga residenteng nakatira malapit sa pampang ang napipintong dalhin ng reclamation project.


Sa pampang ng dagat sa komunidad ng Calajoan sa bayan ng Minglanilla, Cebu, nakatira ang 73-anyos na mangingisdang si Tatay Tanacio, hindi niya tunay na pangalan. Kasabay ng noo’y masaganang huli at ng kaniyang minsanang trabaho sa construction, ikinabuhay ng kaniyang pamilya ang saganang yamang-dagat sa lugar na ito.
“Ang dagat, muhatag og grasya (Ang dagat, biyaya ang ibibigay),” pahayag nito habang sinukat ang isa sa mga pinakamalaking isdang nahuli niya: isang tanigue na kasing haba ng kaniyang kalahating braso.
Ngunit sa hinaharap, may posibilidad na hindi na muli makapagbigay ng grasya ang dagat ng Calajoan. Ito ay bunsod ng kagustuhan ng Minglanilla na maging ganap na lungsod. Sapat naman ang populasyon (pop. 151,000) at ang bilang ng mga negosyo upang maideklara ito bilang siyudad.
May isa nga lang itong balakid: Hindi pasok ang lawak ng bayan para sa kagustuhang ito. Ang sagot ng lokal na pamahalaan, tabunan ng lupa ang mahigit 100 ektarya na malapit sa dalampasigan para sa isang reclamation project na aabot ng P20 bilyon. Dala nito ang umano’y 75,000 na trabaho para sa mga residente.
Bagamat hindi pa lubusang naaapektuhan ng reklamasyon ang pangunahing pinagkukunan ng mga mangingisda gaya ni Tatay Tanacio, nakikita na nila ang magiging epekto nito sa kanilang kabuhayan. “Malaki ang maapektuhan… Pag magtuloy-tuloy, kawawa ang mga anak at anak-anakan namin. Madaling mapuntahan ang dagat para sa makakain kapag walang pang-ulam,” saad niya.
Kasabay ng epekto nito sa kalikasan at banta sa mga lamang dagat sa lugar, mawawalan rin ng tirahan ang mga matagal nang namamalaging mangingisda tulad ni Tatay Tanacio. “Papaalisin kami kapag may reclamation. Pag may reclamation, wala kaming kikitain, walang pambili ng bigas at iba pang pangangailangan,” aniya.
Para sa bayang ito, malinaw na pinagbabangga ang kinakailangang pag-unlad laban sa buhay ng mga mamamayan nito. Batid sa mga nakapanayam ng Tanglaw ang kawalan ng pag-asa ng ilang mga mamamayan sa isang desisyong uunahin ang kanilang kapakanan.

Para kanino ang pag-unlad?
Ilang daang metro ang layo mula sa dagat ang lunsaran ng Franciscan Charity, isang lugar na nanganak ng 14 na grupong pawang tutol sa reklamasyon. Dito ipinaliwanag ni Franciscan Bro. Peter Simon Francis Jardinico, isa sa mga lokal na personalidad, na kaanib ng mga mamamayang kontra sa planong reklamasyon, na malawak na ang epekto ng planong pagtatambak.
“Sinasabi nila na magreclaim sila ng 100 hectares [para] sa development … Sa development na ‘yan, dito nagsimula ang miserableng buhay ng mga nabubuhay sa dagat,” aniya.
Hindi lamang ang mga nasa tabing-dagat ang masasapul ng planong reklamasyon. Sa isang komunidad malapit sa bundok, mahigit isang libong ektarya ng lupa ang kinokolekta sa pamamagitan ng quarrying para itambak sa pampang.
Nakontamina na umano ng quarrying ang pinagkukunan ng malinis na tubig ng mga residente sa lugar. “Mamamatay rin ang habitat ng mga nasa bundok, gaya ng farmers,” saad ni Bro. Jardinico.
Sa mga epektong ito maiuugat ang pag-oorganisa ng masa sa Minglanilla upang tutulan ang reklamasyon at quarrying, ayon kay Bai Danny ng grupong Pundok Sagop Kalikupan (PSK). Dagdag pa niya, nahaharap ang grupo sa tahasang red-tagging dahil sa kanilang kampanya. “Sinasalungat nila ang Konstitusyon, pinagbabawalan na tayong mag-organisa, magpulong at tingnan ang mga problema.”
Tinanong tuloy ni Bro. Jardinico kung sino ba ang makikinabang sa reklamasyon. “Saan mapunta ang development? Sabi nila, development yan ng bayan ng Minglanilla. Hahabol sila dahil nag-apply sila ng cityhood … Di naman natin makita na magdevelop siya, tapos heto ang mga nakatira diyan, kasi paalisin na sila diyan.”

Nabubuhay sa pangamba
Nakausap rin ng Tanglaw ang mga nakatira sa mga kabahayang malapit sa pampang. Ayon sa mga organisador ng Lower Calajoan Homeowners’ Association, tinatayang aabot sa 500 na kabahayan ang mapapatag kapag nagpatuloy ang reklamasyon.
“Hindi kami mangingisda, pero naapektuhan din kami sa reclamation ng fisherfolks dahil malapit sila rito. Nage-expect sila na may tutulong sa kanila,” paliwanag ni Bai Manny, isa sa mga lider ng asosasyon.
Salaysay ng mga lider, sinubukang gibain noong 2017 ang ilang mga kabahayan sa Calajoan ngunit napigilan ito ng pagkakaisa ng mga residente. Sumulat ang asosasyon sa tanggapan ng Pangulo at umabot sa puntong kinastigo umano ng Ombudsman ang mga nag-utos ng demolisyon.

Hindi naman nito natuldukan ang tsansang mawala ang kanilang mga tirahan. Noong 2020, dinakip ang isa pang mga lider sa gawa-gawang kaso. Hinuli siya matapos umanong mambugbog ng babae dito sa Minglanilla. Ang katotohanan, nananatili siya sa Cebu City sa panahon ng inakusang krimen.
Nang tanungin kung ano ang plano ng kanilang grupo kung sakaling magiba ang komunidad, ito ang naging tugon ng grupo: “Dapat LGU ang magplano. Mas malaki talaga ang responsibility ng LGU, hindi dapat mamamayan ang mag-iisip paano sila makakatanggap ng serbisyo nila.”
Panawagan rin ni Bai Manny ang tuluyang pagtigil ng reklamasyon. “Kawawa ang tao. Hindi ka rin makakatulog sa gabi kung alam mong baka magiba ang tinitirhan mo,” aniya. ”Itigil na lang, dahil kahit dumating sa puntong wala na silang makain ay mayroon pa silang mapagkukunan ng pagkain.”

Ang biyaya ng dagat
Ramdam ng mga nakatira na mas malapit sa dagat ang napipintong epekto ng reklamasyon. Sa pamilya ng mangingisdang si Tatay Tanacio, dalawa sa kaniyang mga anak ang nangingisida na rin.
Habang kinapanayam siya ng Tanglaw, lumabas ang isang anak niya na si Melvin, 27 anyos. Tulak-tulak nito ang bangka ng kanyang ama at ihahanda sana sa pangingisda sa pagpatak ng dilim. “Sana hindi matuloy ang reclamation kasi kawawa ang mga tao. Kapag natuloy na yan, kawawa ang mga mangingisda, wala nang alam ang mga matatanda kundi mangsida lang,” aniya.
Niyaya ni Melvin ang mga nagtipong lider-estudyante at ang mga reporters na libutin ang kalapit na dagat sa bangka ng kaniyang pamilya. Kasabay ng panaka-nakang ulan, kaniyang ibinuhos sa mga nagtipon ang panaghoy ng mga residenteng lubusang maaapektuhan ng reklamasyon. “Kaming mga mahihirap, paano kapag maalis kami d’yan, saan kami pupunta? Kawawa kami.”
Banayad ang alon, ngunit hindi napigilan ni Melvin na iere ang kaniyang mga naiisip patungkol sa pagdedesisyon sa kanilang kapakanan. “Ang hirap maging mahirap. Pag gusto nila, sa mayaman, gawing mag-reclaim, wala tayong magagawa … Kung tutuusin, tayo ang gobyerno, tayong mga mahihirap.”
Sa kalayuan, nakahilera na ang mga barkong may dalang lupa na itatambak. Daing ng mga residente, nakakagambala na sa ritmo ng mga isda ang aktibidad ng mga ito. Nariyan rin ang maliit na pantalan na kamakailan lamang itinayo. “Dito ako lumaki. Wala pa ‘yung pantalan, maganda pa rito, malinaw ang tubig,” salaysay ni Melvin.
Kung tutuusin, hindi na bago ang pagpasok ng negosyo at ng mga proyekto sa pampang na ito. Sa pag-ikot ng bangka, makikita ang kalapit na isang pagawaan ng pagkain ng mga baboy. Dito pala nagtatrabaho si Melvin bilang isang maintenance personnel kapag hindi siya nangingisda.
Itinuro ng mga lokal na nagdala rin ng samu’t saring problema ang pagdagsa ng tao at ng pagkabuhay ng ekonomiya sa paligid ng dagat. Puno ng basura ang pampang. Makikita ang ilang dumi ng tao at mga patay na daga. At ngayon, nahaharap na matabunan pati ang dagat sa planong reklamasyon.
Sa pagawaan siya kumukuha ng kabuhayan, at alam niyang maalpasan rin niya ang mga suliranin kahit matuloy ang reklamasyon. Sa kabila nito, batid ni Melvin kung ano pa rin ang kaniyang pipiliin.
“Kung ako lang, okay lang na wala ‘yan, maibalik lang ‘yung dating dagat.” ■

Editor’s Note: Hindi ginamit ang buong pangalan ng mga nakapanayam dahil sa mga alalahanin sa seguridad. Ang ilang mga kasagutan sa panayam para sa istoryang ito ay orihinal na sinambit sa Bisaya, at ginamit ng Tanglaw ang pagsasalin ng isang lokal na kasama sa pakikipagpanayam.




You must be logged in to post a comment.