DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa bawat pagpapatalas ng kaalaman, aktibong pagkilos, at paglubog sa mga komunidad, naisasabuhay ng mga iskolar ng bayan ang tunay na panata ng Unibersidad na “Honor, Excellence, and Service.”
  • Ang pagka-delay—na siyang kinatatakutan ng maraming estudyante—ay karaniwang bunga ng mga sistematikong problema sa edukasyon, ekonomiya, at iba pang suliraning panlipunan.

Kung ikaw ay napapadaan sa Grove o Olivarez, mapapansin mo ang mga mag-aaral na nag-aabang ng jeep papuntang UPLB. Ilan sa kanila ay opisyal nang mga iskolar ng bayan, habang ang iba naman ay naghahangad pa lamang na makapag-aral sa Unibersidad. 

Marahil karaniwang biyahe lamang ito para sa marami—pero para sa mga estudyanteng pasahero, ito ay isang hakbang papalapit sa kanilang mga pangarap. Magkakaiba man sila ng pinanggalingan, iisa ang dalang bigat: ang bagahe ng paglayo sa tahanan at ang mithiing makapagtapos sa pamantasan.

Ang Unibersidad ng Pilipinas ay kilala bilang kanlungang humuhubog sa talino, tapang, at puso ng kabataang Pilipino. Kaya taun-taon, libu-libo ang sumusubok sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT), bitbit ang pag-asang mababago nito ang takbo ng kanilang buhay.

Ngunit, sa dami ng nangangarap, nananatiling makitid ang daan tungo sa dekalidad na edukasyon. Na parang ang state universities and colleges (SUCs) ay mga jeep na palaging siksikan—kaya naman, napipilitang makipag-agawan ang mga mag-aaral para sa puwesto, o tanggapin na sila ay maiiwan sa biyahe—kahit gaano pa kadesididong makasabay sa paglalakbay tungo sa tagumpay.

Unang hakbang sa mahabang paglalakbay

Tulad ng maraming kabataan, maaga ring naitanim kay Rich De Guzman ang pangarap na makapag-aral sa UP. Ito ay isang mithiing pumukaw mula sa kaniyang ina na nagtapos dito ng programang Bachelor of Arts in Communication Arts. 

Nakapasok si De Guzman sa pamantasan noong 2018 sa programang BS Development Communication. At nito lamang Hulyo 19,  matapos ang pitong taon, tuluyan na siyang nakapagsablay at nakapagtapos ng kaniyang lakbayin sa Unibersidad.

Bago pa man siya makatungtong ng kolehiyo, nabuksan na ang kaniyang mga mata sa napakaraming sakit ng lipunan, lalo na sa sistema ng edukasyong nananatiling hindi abot-kamay para sa maraming Pilipino.

“Na-conscientize na ako before pa ako pumasok sa UP… Sobrang pivotal nu’ng 2018 talaga sa pagiging aktibista ko, kasi ang dami ngang pinagdadaanan noon sa iba’t ibang porma—like economic, democratic rights, sa education, sobrang dami,” aniya.

“Namulat ako noon na ang system of education ay very colonial, commercialized, anti-democratic, or repressive,” dagdag pa niya.

Noong tuluyang makapasok sa UPLB, bitbit na niya ang mas matayog na pangarap—hindi lamang upang sundan ang yapak ng kaniyang ina, kundi upang higit pang mapanday ang sarili para sa kapakanan ng taumbayan. Dito nagsimula ang kaniyang mahabang biyahe ng pagkatuto at pakikibaka.

“Bayad po, isang estudyante, pa-College”

Dala ang maleta mula Santa Cruz, Laguna, tinahak niya ang landas patungong Los Baños upang dito makapagkolehiyo. Sa bawat andar ng jeep, dama niya ang takot sa pagharap sa panibagong mundo.

“Pumasok ako ng Devcom nang wala akong kahit anong idea, wala akong kahit anong intention. Pero, noong lumaan naman, natuwa naman ako kasi related talaga siya sa advocacy ko,” saad niya nang tanungin kung bakit ito ang napili niyang programa.

Agad din namang nangibabaw ang kaniyang tapang—hangad na mas mapalalim ang kaalaman upang maibahagi rin ito sa lansangan.

Sa tulong ng Devcom at pagiging aktibo sa kilusan, lalo siyang napalapit sa tawag na paglingkuran ang bayan. Kasabay ng mga fieldwork at aralin sa kaniyang mga kurso ay ang masigasig niyang pakikilahok sa mga mobilisasyon at talakayang lalong nagpatalas sa kaniyang kamalayan.

“Lumulubog talaga ako sa komunidad… Isa sa pinaka-favorite ko talagang gawain bilang tibak ay ‘yung magturo—sa mga estudyante, sa mga drayber, sa mga manggagawa,” wika ni De Guzman.

Mula sa pagiging Accountancy and Business Management (ABM) graduate na may ibang direksyong nais tahakin noon, siya ay naging panatag na sa Devcom talaga siya dinala ng pagkakataon.

“Nagkaroon din ako ng growth and appreciation sa Devcom… kasi parang na-realize ko na… ginagawa ko ‘to para sa masa,” dagdag niya.

Ilang estasyon pa ba bago makababa?

Ngunit, gaya ng trapik sa Junction, ang landas tungo sa pagkamit ng diploma ay mabagal at puno ng mga balakid na hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong solusyon.

Kabilang dito ang mga problemang hindi lamang direktang nauugat sa sistemang pang-edukasyon, kundi pati na rin sa mas malawak na suliraning panlipunan at pang-ekonomiya.

“Actually, syempre, multitude of factors ’yan… Kasi, even though na libre na ’yung education sa UP, madaming gastusin. Dito pa lang sa Los Baños, ’yung krisis pa lang ng paghahanap ng mamurahing tirahan, tapos ’yung presyo ng mga bilihin, sobrang taas na,” giit niya.

Direktang nakaaapekto ito, lalo na sa mga estudyanteng kailangang pagsabayin ang trabaho at eskwela.

“Sobrang laking dagok niya sa mga estudyante, kasi du’n nag-so-source lahat ng problema eh—mapa-mental health, academic, lahat ng mga problema natin sa economic crisis nag-ro-root… Ang daming manggagawa na sobrang barat ‘yung sahod, na may pamilyang pinapakain at pinapaaral din. So, kailangan taasan talaga ‘yung sahod at ibaba ‘yung presyo,” saad niya.

Isa pang dagdag na pasanin ang bilyun-bilyong budget cuts na lalong nagpapalala sa agawan ng slots at units sa mga SUC—karaniwang ugat ng pagka-delay sa pag-graduate ng maraming mga estudyante. Ganoon din ang academic workload at calendar na tila ba ipinagkakait ang pahinga at sumisikil sa mental at pisikal na kalusugan ng mga mag-aaral.

“Sobrang lala ng educ system natin, to the point na na-ga-gaslight natin ‘yung sarili natin na hindi tayo magaling. Marami siyang flaws, marami siyang kakulangan,” wika ni De Guzman.

Ang lahat ng ito ay patunay na, sa kabila ng sipag at tiyaga ng mga estudyante, napakarami sa atin ang paulit-ulit na binibigo ng sistemang dapat sana ay kumakalinga sa atin.

Sa pitong taon niya sa pamantasan, dama ni De Guzman ang bigat ng mga ito—ang responsibilidad bilang anak na alagaan ang pamilya, ang pagod bilang working student, at ang paninindigan bilang lider-estudyante na tuloy ang pagkilos kahit sa labas ng klase.

“Ang dami ko na ring beses na muntik na sumuko na dito mag-aral… Kaso natutuhan ko na lang na… pwede kong i-utilize ‘yung pribilehiyo ko na makapag-aral sa UP para makatulong talaga sa mga mamamayan,” aniya pa.

“‘Yung mga natutuhan ko dito, mapa sa loob ng classroom o sa isang mob d’yan sa CPark… pwede ko siyang gamitin bilang weapon para labanan nga ‘yung existing na bulok na sistema,” dagdag niya.

Paglabas ng pamantasan tungo sa bayan

Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok, tuluyan na niyang nakamit ang matagal nang inaasam na sablay.

“‘Yung naging mantra ko na lang throughout college was ‘patuloy lang na lumaban,’ o parang, kailangan kumapit sa revolutionary optimism,” saad ni De Guzman.

Sa bawat hakbang ng kaniyang paglalakbay, mas lalong luminaw sa kaniya ang tunay na diwa ng pagiging isang iskolar ng bayan, development communicator, at aktibista: ang bumalik sa komunidad at maging daan tungo sa makatao at makabuluhang pagbabago sa bayan.

“Hindi lang through the normal road map of studying, graduating, and working makakatulong sa pag-solve ng mga problema sa lipunan… Ano pang avenues, ano pang channels ang pwede nating i-maximize to further push out our campaigns? Through the streets—sa lansangan, sa mga picket line, sa mga welga, sa mga terminal ng jeep, ng tricycle, sa mga palengke,” banggit niya.

Ang jeep na dati niyang sinakyan papasok ng kampus ay palabas na ngayon ng UP  gate. Hawak pa rin niya ang mabigat na maleta—ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ito puno ng takot, kundi ng mga aral at karanasang naipon sa kaniyang pitong taon sa UPLB. 

Bagaman may mga pagbabago nang naipatupad para sa kapakanan ng masa at sangkaestudyantehan bunga ng kanilang kolektibong pagkilos, marami pa ring laban ang hindi pa natutuldukan dahil sa sistemang nananatiling marahas at mapang-api.

Ang pagtatapos ni De Guzman ay hindi wakas ng kaniyang pagkilos at pakikibaka. Sa halip, ito ang simula ng kaniyang mas mahabang paglalakbay patungo sa mas marami pang mga komunidad upang tuluyan nang yakapin ang tawag ng mas malawak na lipunan. Tuloy ang kaniyang biyahe at pagtindig—hanggang sa tagumpay. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya