DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa loob ng apat na buwan, nananatili ang ilang mga pamilya mula Bay, Laguna sa mga evacuation center bunsod ng mataas na lebel ng baha sa kanilang mga komunidad.
  • Hirap ang mga pamilya sa kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain, tubig, kuryente, at maayos na palikuran habang nananatili sa evacuation center.
  • Maraming mga residente ang inaasahang sa evacuation center na mag-pa-Pasko at magbabagong taon.
  • Nanawagan ang mga residente ng pangmatagalang solusyon at suporta upang makabangon mula sa paulit-ulit na pagkalubog.

Hindi aakalaing sa likod ng masigla at buhay na bayan ng Bay, Laguna, nagkukubli ang patuloy na pagragasa ng tubig-baha na inagos ang maraming pamilya palayo sa kanilang mga tahanan—mga pamilyang katulad ng mag-anak ni Emma Almenanza, 62, na sa loob ng mga evacuation center ay pinipilit iraos ang hirap ng buhay. 

Nakaupo sa tapat ng isang silid-aralan sa Nicolas L. Galvez Memorial Integrated National High School (NLGMINHS), isa sa mga evacuation center ng nasabing bayan, si Almenanza. Kasama niya rito ang kaniyang mag-anak at mga apo, na aniya’y aabot sa kabuuang pitong pamilya.

“Pabalik-balik kami dito [sa evacuation center]. Galing kaming court ng San Antonio sa barangay [tapos] balik na naman kami dito,” salaysay ng ginang. “‘Pag may bagyo, galing kaming barangay. Nu’ng bumagyo [ulit], inilipat naman kami dito—magdadalawang linggo na ulit kami dito ngayon.”

Kabilang ang pamilya ni Almenanza sa hindi bababa sa 200 pamilya na kasalukuyang nakalikas sa NLGMINHS. Kapag lilibutin ang lugar, makikita sa loob ng apat na gusali at isang covered court na okupado ng mga evacuee mula sa Barangay San Antonio at Barangay Tagumpay kung paano nila pilit na itinataguyod ang araw-araw na buhay. 

Kaya naman, hindi rin naiwasang maluha ni Almenanza nang emosyonal niyang ikwinento ang kanilang karanasan. “Mag-aapat na buwan na kami [pabalik-balik sa evacuation centers]. Napakahirap. Sa pagtulog, hindi kami nakakatulog nang maayos. Alas-dos [ng umaga], gising na—gising na kami, ako gising na…  ang hirap.”

Buhay sa tabing-lawa

Katabi lamang ng bayan ng Bay ang Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawa sa bansa. Dahil sa malalakas na bagyo at hindi maayos na daluyan ng tubig-ulan, umaapaw ang lawa na nagdudulot ng pagbaha sa ilan sa mga barangay nito.

Imbes na mapawi ang banta ng pagbaha sa lugar, patuloy na nakatengga ang hindi pa rin natatapos na dalawang flood control projects sa Barangay Tagumpay, na nakatakda sanang matapos noon pang taong 2023 at 2024. Sa katunayan, nitong pananalasa lamang kamakailan ng Super Typhoon “Uwan,” pumangalawa ang bayan ng Bay sa buong Laguna sa may pinakamaraming pamilyang inilikas mula sa baha, na umabot sa hindi bababa sa 3,600 katao.

Kaya naman, ganoon na lamang ang lungkot sa boses ng maybahay na si Ivy Cardino, 37, nang ibahagi niya ang sitwasyon ng kanilang bahay sa Barangay Tagumpay. Aniya, mula kasi noong pag-ulan nitong nakaraang Hulyo dahil sa Severe Tropical Storm “Crising,” hindi na bumaba ang lebel ng tubig sa kanilang lugar.

“May taas naman po kami, kaso lang po, ang galawan po namin, hanggang [baywang] na [ang baha],” pagdedetalye niya. “Halos hindi na po nababa ‘yung tubig [at] lalo pang tumaas ngayon.”

Tanggap na rin umano ni Cardino na mapapatagal pa ang kanilang pamamalagi sa evacuation center dahil sa paglala ng sitwasyon. “Siguro po, dito na kami mag-pa-Pasko [at] bagong taon. Nakakalungkot naman po ‘yun kasi wala sa sariling bahay kasi, baka summer na po kami makauwi… gawa po na ang tagal-tagal po talagang humupa ng tubig doon.”

Ngunit, hindi pa man din sigurado sa tiyak na petsa ng pagbaba ng tubig, may mas malaking alalahanin na rin ang nasabing ginang. Salaysay kasi ni Cardino, paulit-ulit niya nang iniisip kung paano kahaharapin ang pagkukumpuni muli ng mga nasirang bahagi ng kanilang tahanan pagbalik sa mga ito. 

“Ayun din po ang problema po namin kasi, parang six months kami sa evacuation, six months din po ang [pagkumpuni] namin sa bahay. Magpapagawa po kami ng bawat sahig. Pagka-[ayos], matitirahan lang namin ‘yun nang six months tapos, ‘pag ganyan man[g] mga bagyo, balik [evacuation center] po kami,” aniya.

Buhay sa temporaryong tahanan

Kwento ng ilang mga residente sa evacuation center, mayroon namang tulong na natatanggap ang mga residenteng lumikas. Ayon kay Angelica Alagdon, 32, sila umano ay pinadadalhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) linggo-linggo ng mga relief bag na naglalaman ng 10 de lata, anim na kilong bigas, at 10 pirasong kape.

Subalit, para kay Alagdon, nananatiling hindi ito sapat upang itawid ang pagkalam ng kanilang mga sikmura. “‘Pag may hanapbuhay, pwede na [iyon]. Pero, ‘pag ganitong walang hanapbuhay, kulang na kulang. Tulad namin, ilan kami? Walo kami—anim ang mga anak ko tapos isang bag lang, edi kulang.”

Idinagdag din ni Cardino na kung minsan pa nga ay napipilitan silang maglabas ng sariling pera dahil sa kakulangan ng mga natatanggap na tulong. “Napapabili din po kami ng bigas ‘pag naubos na po ‘yun kasi, sa totoo lang po, ang saing namin sa isang linggo sampung kilo po ang aming budget—sa bigas lang eh kulang na po ‘yun. [Kaya] ‘pag nasahod o nabale, napapabili na lang ‘pag wala na.”

Bukod sa problema sa pagkain, problema rin ang mga utilidad sa paaralan. Sa bukana nito, kapansin-pansin ang mahabang pila ng mga timba at palanggana sa mga poso. Kwento ni Almenanza, ito raw ay dahil ginawang rotational ang suplay ng tubig at kuryente, na pinapatay tuwing umaga at binubuksan tuwing bandang 4 p.m.

Kaya’t bilang isang ina, isa rin itong malaking dagok para sa pagtitiyak ng kapakanan ng kanyang pamilya. “Ang hirap [kasi] kagaya ko, hirap na akong bumuhat at kumuha ng tubig doon…[kaya] mahirap.”

Higit sa lahat, malaking problema rin umano nila ang mga palikurang ginagamit sa evacuation area. Madalas kasi ay marami ang nagbabara sa mga inidoro sa paaralan kung kaya’t bukod sa nangangamoy ang mga ito ay nababawasan ang maaari sanang gamitin ng marami sa kanila.

Minsan din po mahirap gawa ng CR. ‘Yun po ‘yung pinakamahirap sa lahat. Antayan po kasi [saka] barado. Napapasipsip naman na pero umaapaw na naman ang tae, naapaw po kasi,” pagdedetalye naman ni Cardino. 

Buhay pa ba sa kinabukasan?

Sa gitna ng mga silid-aralan sa NLGMINHS, tila hindi lamang ang kabahayan nina Almenanza, Cardino, Alagdon, at ng daan-daang pamilya ang lubog sa tubig—pati na rin ang kanilang tinatamasa sanang isang matiwasay at tuyong pamumuhay. Sa paulit-ulit na paglikas ng mga residente ng Bay, lalo lamang nahihinog ang isang malalim na sugat na hindi na kayang lunasan ng simpleng mga relief good.

“[Sana po] syempre ay bigyan ng solusyon ‘yung aming lugar kasi paulit-ulit na eh. Nakakapagod din naman mag-evacuate lalo na [at] wala naman [kaming] permanenteng evacuation [center]… mayroon nga[ng temporaryo] pero, hindi naman sapat sa mga residente na naninirahan… [kaya] kulang na kulang talaga sa evacuation [center],” panawagan ni Alagdon.

Umaasa naman si Cardino na pagdating ng araw ay matutulungan din sila sa pagkukumpuni ng kanilang mga tahanan sa sandaling humupa na ang baha. “Sana mayroong tulong po na dumating… kahit pang-materyales po talaga, ‘yun mas okay po ‘yun,” dagdag niya.

Marahil, sa mga kwentong ito mula sa mga lumikas sa evacuation center, masasalamin na may mas lalalim pa pala sa Laguna de Bay—ang hirap at sugat na tinatamo ng mga residente ng Bay mula sa krisis ng pagbaha. Ngunit, nag-iiwan din ito ng isang mahalagang pagninilay-nilay: kung mananatiling matagal ang pagpapahupa ng tubig sa nasabing bayan, lulunurin at lulunurin din nito maging ang pinakamahigpit na kapit sa anumang ahunan. ■

KUHA NI MERVIN DELOS REYES

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa Tanglaw Vol. 4, Issue 1 noong Nobyembre 28, 2025.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya