Isinulat ni Maegan Grace Guevarra, Tanglaw Apprentice.
DAPAT MONG MALAMAN
- Tampok ang “Isko’t Iska 2025: Nang Pinatag ang Bundok” sa D.L. Umali Hall mula ika-19 hanggang ika-21 ng Nobyembre.
- Tinatalakay ng dula ang mga napapanahong panlipunang isyu tulad na lamang ng mga flood control project, pag-iral ng development aggression, paninira sa Sierra Madre, laganap na korapsyon, at pamamasista sa mga aktibistang nilalabanan ang panunupil ng militar at estado.
Mga isyung pangkalikasan at korapsyon sa pamahalaan ang itinatampok ng “Isko’t Iska 2025: Nang Pinatag ang Bundok,” na itatanghal hanggang ika-21 ng Nobyembre sa D.L. Umali Hall.
Isinasabuhay sa taunang dula ng mga freshie ang mga isyu tungkol sa development aggression at panunupil ng estado sa mga katutubong naninirahan sa kabundukan, gayundin ang kahirapang sinasapit ng mga mamamayan mula sa estado at mayayamang korporasyon, tulad ng paninira sa kalikasan, pang-aagaw sa mga lupang ninuno, pagpatay sa mga progresibo, at pagpapalayas sa mga komunidad sa kanilang mga tahanan.
Dagdag pa rito, ipinapakita rin sa pagtatanghal ang walang tigil na pangangalbo sa kagubatan dulot ng mga huwad na proyektong pangkaunlaran tulad ng mga dam, habang patuloy na hinahagupit ng bagyo at baha ang mga mahihirap na komunidad sa kanayunan.
“Maraming mga komunidad ang binabaha, marami sa atin ang binabagyo. Kahit dito sa UPLB mismo, binabagyo tayo. Tayo, bilang mga estudyante, may direct effect sa atin, [‘yung iba’t ibang bagyo na ‘yon] at may direct effect sa atin ‘yung korapsyon, katiwalian, at kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon—iyon po ang ipinaglalaban ng Isko’t Iska ng UPLB,” pagdidiin ni Joseph Curbilla, head artistic director ng Isko’t Iska 2025.
Dagdag pa ni Curbilla, sa kanyang ika-limang taon ng pagiging bahagi ng produksyon ng nasabing dulaan ay ginawa niyang adbokasiya ang paggamit ng sining upang iparinig ang kanyang panawagang ipagtanggol ang mga magbubukid, katutubo, at mamamayang humaharap sa pang-aagaw sa lupa.
“Mas malakas pa sa bagyo na nararanasan ngayon ang hagupit ng ating pagsangga sa bagyong US, Marcos, at Duterte,” giit pa ng direktor.
Ang mga tema ng dula ay halaw sa nasaksihang kuwento ng produksyon mula sa mga Iraya-Mangyan at ang kultura ng igway, awitin ng mga katutubong nagsisiwalat sa kasalukuyan nilang mga suliranin sa kamay ng pamahalaan.
“Nag-ra-rally kami sa iba’t ibang lansangan sa Kamaynilaan mula pa sa Timog Katagalugan. Pero sa kabila ng lakas ng ulan, andoon pa rin, nagngangalit ‘yong galit ng iba’t ibang sektor ng Timog Katagalugan. At ‘yong mag-iigway na ‘yon mismo, nakita kong nakahawak ng balatengga, nagsalita sa buhos ng ulan. Kaya doon nanggaling ang konsepto ng Isko’t Iska,” pagsasalaysay ni Curbilla.
Bukod sa mga usaping pangkalikasan, sinasalamin din ng dula ang mga suliranin ng bawat mag-aaral na dumaranas ng komersyalisado, kolonyal, at pasistang tipo ng edukasyong nakaangkla sa mga dayuhang pamantayan at pansariling interes ng pamahalaan sa halip na sa karapatan ng sangkaestudyantehan.
‘Walang mali sa pagiging aktibista’
Pinatunayan naman ng mga kasapi ng Isko’t Iska 2025 ang adbokasiya ng teatro upang iparating ang kahalagahan ng aktibismo at sining sa pagsasadula sa kalagayan ng masa.
“Bilang Isko, mahihinuha ko siguro ay walang mali sa pagiging aktibista. Ito ay isang paraan ng pakikipaglaban at pakikibaka tungo sa isang mas organisado at mas maayos na lipunan. Ang mga aktibista kasi, sila ‘yung mga lumalaban para sa mga hindi kayang lumaban o pilit na nilulubog ng mga pwersang may kapangyarihan. Bilang isang aktibista, isa itong karangalan na maging si Isko,” wika ni Lee Dopale, mag-aaral mula sa BA Communication Arts na gumanap bilang “Isko.”
Dagdag pa ni Dopale, ang pagiging aktibista ay hindi nakukulong sa apat na silid ng paaralan, sapagkat dumadaloy ito sa kalsada, dala ang panawagan ng masa.
Sa kabilang banda naman, iginiit ng gumanap bilang “Iska” na si Val Gipit, isang mag-aaral mula sa BS Human Ecology, ang kanyang paninindigan sa kabila ng kabang naramdaman sa tanghalan.
“Natutunan ko [rin] po dito kung paano talaga mamulat. Given na nakapag-basic masses integration (BMI) po kami, marami po kaming napuntahang mga komunidad. Kaya ang gustong sabihin ko [lang po is], ang pinakaimportante na natutunan ko po sa Isko’t Iska ay ang sining ay hindi lang talaga para sa sining o sa kagandahan, kundi para sa mensaheng sana’y mapaabot natin sa mga nasa laylayan ng lipunan,” pagkukwento ni Gipit.
‘Ang lansangan ang tunay na hukuman‘
Sa kalagitnaan ng pagtatanghal ay nanawagan si Lucky Oraller, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK) at kalihim mula sa Transparency and Accountability for People’s Action – Timog Katagalugan (TAPAT), na dapat panagutin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa usapin ng mga flood control project. Isiniwalat ni Oraller ang kasalukuyang kalagayan ng nasabing mga maanomalyang protekto, pati ang mga budget insertion at pork barrel sa pondo ng bansa para sa susunod na taon.
“Kung hindi na gumagana ang napakaraming hukuman, kung hindi na gumagana ang napakaraming imbestigasyon, ituring natin na ang lansangan ang hukuman ng bayan na mapapanagot sa lahat ng salot,” giit ni Oraller.
Idinagdag pa ni Oraller na nasa pulitikal na krisis ang lipunan kung saan ang mga korap ay nanpapanggap bilang kasangga ng masa sa pakikibaka upang itago ang ninakaw na pondo na napunta sa kanilang mga bulsa.
“Hindi talaga papanagutin ng ating pangulo ‘yong mga magnanakaw, o pili lang, dahil siya mismo ang mastermind sa napakalaking korapsyon. Hindi pwedeng magmaang-maangan si BBM doon sa napakalaking korapsyon,“ wika niya.
Iginiit din niya na hindi na kailangang mamili ng taumbayan sa pagitan nina Marcos at Duterte kung sino ang pananagutin dahil pareho aniya silang naghahari sa pangungurakot.
Reaksyon ng mga iskolar ng bayan
Dahil sa malikhaing pagtatanghal ng mga kontemporaryong isyu, umani ang dula ng samu’t saring reaksyon mula sa mga manonood.
Sa unang beses na mapanood ang dula, nasambit ni Sophie Morales na malaki ang naging epekto ng halimbawang ipinakita ng mga karakter ng Isko’t Iska sa kanya, lalo na’t bilang mga iskolar ng bayan, na ang mga mag-aaral ay may iba’t-ibang kinagisnang pamumuhay.
“No matter how convenient it is for you, for us—we must always consider those who are deeply affected by the changes in our economy, government, and overall status as a nation. Hindi porket hindi natin nararanasan ay hindi na tayo lalaban, ang tunay na makabayan ay ang nagsisilbi sa iba nang may dignidad at tapang,” wika ni Morales.
Sinabi rin ng manonood na si Lovely Godoy na epektibo ang pinakitang iba’t ibang perspektibo ng mga mag-aaral, magbubukid, at aktibista sa dula.
“Madami ka rin talagang matutunan na kwento, mas lalo na sa iba’t-ibang upbringing ng mga tao. Sobrang halaga talaga na alam mo kung saan ka nanggaling para lagi mo matandaan kung gano’ng kahalaga at alam mo kung ano ‘yung ipapaglaban mo,” giit niya.
Kinagabihan ay natapos ang dula at nag-iwan ng mensahe para sa mga iskolar ng bayan na makihanay, kumilos, at makibaka sa gaganaping malawakang walkout sa Nobyembre 21. ■
Ang Tanglaw ay opisyal na media partner ng “Isko’t Iska 2025: Nang Pinatag ang Bundok.”
KUHA NI REG GUBATAN



