Isinulat ni Wred Marual, Tanglaw Apprentice.


DAPAT MONG MALAMAN

  • Humigit-kumulang 1,400 mag-aaral, guro, kawani, at mamamayan ang nagsama-sama sa National Day of Walkout Against Corruption upang tutulan ang sistematikong korapsyon sa pamahalaan
  • Tampok sa pagkilos ang mga isyu katulad ng malaking budget cut sa pamantasan, pagpapatahimik sa mga mamamahayag, at  pangangamkam ng lupa at development aggression sa kanayunan.

Humigit-kumulang 1,400 boses ng mga mag-aaral, kawani, at mamamayan ang umalingawngaw mula UPLB hanggang Junction, Los Baños sa ikatlong walkout na ikinasa  para sa National Day of Walkout Against Corruption kahapon, ika-21 ng Nobyembre.

Nagsimula ang demonstrasyon sa isang snake rally kung saan nagmartsa ang mga kalahok mula Oblation Park patungong Carabao Park dala-dala ang matinding kondemnasyon sa tuloy-tuloy na pagtatapyas ng pondo sa state universities and colleges (SUCs) sa bansa, kabilang na ang UP System.

Ito ang bitbit na galit ni Ben-Gen Matthew Vergara, UPLB USC councilor. Ayon sa kanya, sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng Unibersidad ang epekto ng budget cuts, na makikita raw sa kakulangan sa mga gusali, malawakang kompetisyon sa units, at mga limitadong kagamitang pang-edukasyon.

“Ngayong taon po ang pinakamalaking pagbawas [at] pinakamalaking budget cut sa hanay ng edukasyon. Sa UP System lamang, P2.08 bilyon ang budget cut na napupunta sa proyektong pamamasista ng gobyerno,” giit ni Vergara.

Dagdag pa rito, kinundena rin niya ang naging tugon ng pamahalaan ng Laguna sa sunod-sunod na lindol sa iba’t ibang lugar. Matatandaang inanunsyo ni Gobernador Sol Aragones ang pagsuspinde ng mga klase mula Oktubre 14 hanggang 31 kahit na wala itong malinaw na siyentipikong batayan. Ani Vergara, nagpasa ito ng responsibilidad sa mga mag-aaral at miyembro ng faculty na repasuhin ang mga takbo ng klase batay sa nasabing abiso.

Panawagan para sa iba’t ibang sektor

Hindi rin nahiwalay ang pagtindig ng mga manggagawa sa naging pagkilos, partikular na ang laban ng kaguruan sa malawakang kahirapan na dinaranas ng sambayanang Pilipino.

Ayon sa tagapangulo ng All UP Academic Employees Union Los Baños na si Jason Pozon, nakararanas din sila ng pagpapahirap noong tinanggalan sila ng performance-based bonus noong 2023. Aniya, isang hakbang ito ng panggigipit at pang-aabuso lalo pa’t inaasahan sa kanila ang mataas na kalidad na serbisyo kapalit ng mababang pasahod.

“Hindi katanggap-tanggap na tayo ay may mantra na ‘Honor, Excellence, and Service’ pero sarili nating mga empleyado ay hindi nakadarama nito mula sa administrasyon. Regularisasyon, ngayon, hindi bukas, hindi ‘pag may budget,” ani Pozon bilang tugon sa nakasanayang kontraktwalisasyon sa Unibersidad.

Hinaing din ni Pozon ang kakulangan na pondo para sa malinaw na psychosocial support at disaster risk management policy na isa sa kanilang pangunahing pangangailangan lalo na’t sila ang naiiwan sa tuwing may sakuna katulad ng bagyo.

Bukod naman sa mga panawagang pang-edukasyon, ipinatambol din ng ilang mga tagapagsalita mula sa mga publikasyong Tanglaw, UPLB Perspective, at The Staple ang tunay na kahalagahan ng malayang pamamahayag at ang kondemnasyon sa matinding panggigitgit ng pamahalaan sa mga peryodista.

“Patuloy tayong magsilbing daluyan ng mga panawagan ng hustisya at pananagutan sa kabila ng mga tangkang pagpapatahimik at pagkitil sa katotohanan,” sigaw ni Jian Martin Tenorio, editor in chief ng Tanglaw. Hinimok din niya ang mga kasapi ng midya na patuloy na labanan ang katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte.

Kinondena rin ng ilang grupo katulad ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) Youth UPLB ang pamamasista sa mga magsasaka. Ayon sa kanila, ilang daang mga magsasaka na ang dumanak ang dugo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kinondena rin nila ang ilang bilyong pisong nailaan sana para sa mga proyektong pang-agrikultura ngunit napunta lamang sa programang Build Better More ng pangulo na mas pumapabor umano sa mga malalaking kompanya.

Hindi naman natapos ang pagboses ng mga nakiisa sa loob ng Unibersidad, na siyang ipinagpatuloy sa pamamagitan ng isang martsa patungong Junction, Los Baños. Humanay ang mga mag-aaral sa kahabaan ng Lopez Avenue bitbit ang iba’t ibang mga kampanya para sa mga batayang karapatan.

Pagkondena sa pamamasista ng estado sa Mindoro

Tampok sa programa sa Junction ang pahayag ni John Paul Balane, tagapagsalita ng komunidad ng Iraya-Mangyan sa Sitio Malatabako, Occidental Mindoro, hinggil sa patuloy na pangangamkam sa kanilang lupain ng mga indibidwal na matibay ang koneksyon sa pamahalaan at layong gawing negosyo ang kanilang tahanan. Humihingi rin sila ng saklolo sa patong-patong na gawa-gawang kasong kinahaharap ng mga miyembro ng kanilang komunidad. 

Matatandaan na noong ika-3 ng Mayo, 2024, sapilitang pinasok ng Pieceland Corporation ang Sitio Malatabako. Mula noon, naging sentro ang lugar ng malubhang pang-aabuso, at pagsapit ng ika-14 ng Mayo sa kaparehong taon, pormal nang inangkin ng nasabing kompanya ang malaking bahagi ng ancestral land ng mga katutubo. 

Matapos ang ilegal na pangangamkam, agad na binakuran ang mga lupain, dahilan upang makulong ang ilang katutubo sa loob at mawalan ng access sa pagkain. Umabot pa sa sukdulan ang panggigipit nang arestuhin maging ang mga taong nagtangkang tumulong sa mga naiwang nagugutom, habang kalahati sa mga inaresto ay pawang mga menor de edad.

Kwento ni Balane, nitong ika-10 ng Nobyembre ay umabot na sa dalawang taon ang kanilang paghihirap mula nang sapilitang bungkalin ang kanilang lupain, kasama ang mga pananim na nagsisilbing kanilang pangunahing pagkain. Maging ang kanilang mga kalabaw, aso, at manok ay walang-awa umanong pinagbabaril mismo sa kanilang harapan.

Dagdag pa niya, nakikipagpulong ang kapulisan sa lokal na pamahalaan at mga barangay upang ipabatid na may hawak na silang titulo sa lupain ng mga katutubo.

“Samantalang alam naman ng aming barangay, ang mga indigency namin, ay matagal na kaming naninirahan. Samantalang sila, mga taga-malalayong lugar ay nakukuha nila ito ng agad-agaran at napapatituluhan pa. Bakit? Ang Mangyan ba [ay] marunong magpatitulo? May kaalaman ba ang Mangyan? Dapat tinuturuan niyo, hindi ninanakawan,” daing ni Balane.

Dagdag pa niya, pinagkaitan din umano sila ng mga korporasyong ganid na magpatayo ng kabahayan sa kanilang lupain. Kung kaya, nanawagan si Balane, “Mga kabataan, wala nang matitira [sa amin] at kung tuluyan mang mapasakanila ang lupaing ninuno namin, para na rin kaming pinatay sa sarili naming lugar.”

Bilang pagtatapos ng programa, inimbitahan naman ng Anakbayan Southern Tagalog ang mga nakilahok sa protesta na sumama sa darating na pagkilos sa ika-30 ng Nobyembre sa Crossing, Calamba. Ito ay upang gunitain ang Araw ni Andres Bonifacio na anila’y imahe ng tunay na paglaban sa kolonyalismo at pang-aapi. ■


KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya