DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa pagbubukas ng bulwagan para sa Isko’t Iska 2025, pagkondena sa huwad na kaunlaran ang naging sentro ng dula na sumasalamin sa totoong danas ng lipunan.
  • Ipinakita ng pagtatanghal ang mahalagang tungkulin ng mga iskolar ng bayan sa pagtindig laban sa mapaminsalang kaunlaran.
  • Ang hamon sa bawat isa ay hindi natatapos sa pagwawakas ng dula sapagkat sa pagsasara ng bulwagan magsisimula ang mas malawak na pakikibaka.

Kung ang pagsulong ay mapaminsala sa tao at kalikasan, maituturing pa rin ba itong kaunlaran?

Kasabay ng muling pagbubukas ng bulwagang D.L. Umali Hall ay ang hudyat ng pagsisimula ng isang dulang magsasalarawan sa mga panawagan ng masa gamit ang sining na mapagpalaya. Ngayong taon, ika-19 hanggang 21 ng Nobyembre, panibagong kuwento nina Isko at Iska ang natunghayan sa entabladong kasing tayog ng bundok na kahit sa malayo’y matatanaw ang mga hirap at pagsubok. 

Tampok sa “Isko’t Iska 2025: Nang Pinatag ang Bundok” ang masahol na reyalidad ng mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan at mga pribadong korporasyon na patuloy na sumisira sa kalikasan at nagdudulot ng banta sa mga mamamayan. Ang dula ngayong taon ay nakasentro sa patuloy na pakikibaka ng iba’t ibang sektor ng masa kontra sa huwad na kaunlarang isinusulong para sa interes ng mga nasa kapangyarihan.

Nagbukas ang bulwagan sa kuwento ng pagpasok ni Iska bilang freshie sa UPLB. Mula sa Bundok Lay-a, nilisan niya ang kanilang tahanan upang tuparin ang pangarap na maging isang iskolar ng bayan. Ngunit sa sandaling pananatili sa loob ng pamantasan, ang pangarap na paaralan ang nagmulat sa kaniya sa maruming sistema ng lipunan.

Matira matibay sa laro ng buhay

Ang pagpasok sa Unibersidad ay pagsuong sa mga pagsubok na tanging ang mga matitibay lamang ang nagtatagumpay. Madalas, sa kolehiyo mo rin makikilala ang mga taong makakasama mo na lampasan ang mga problema sa loob at labas ng pamantasan, magkaiba man kayo ng lugar na pinagmulan. Dito nakilala ni Iska si Unat na kaniyang roommate at “super classmate.”

Sa bungad ng dula, napunta sina Iska at Unat sa isang klase kung saan kailangang masagot ang mga tanong nang tama upang makausad sa pagkapanalo na may premyong mataas na grado. Sa bawat maling sagot, sila ay tanggal na sa laro—matira ang matibay.

Ngunit sa pagdaloy ng mga tanong, puro kabalintunaan ang mga sagot—ang tama ay mali, ang mali ay tama. Umikot ang mga katanungan sa mga nararapat na gawin o tindig tungkol sa mga proyektong pangkaunlaran, tulad na lamang ng pagsang-ayon sa pagtatayo ng dam sa kabundukan kahit na ito’y may masamang epekto sa kalikasan. Malinaw na ang mga itinatamang sagot ay mapaminsala sa kalikasan at nakaaapekto sa buhay ng mga marhinalisadong mamamayan. Pinagmumukhang tama kahit na lantaran ang panlalapastangan sa mga likas na yaman.

Sa karakter ni Uncle Sam, na siyang nagbibigay ng mga katanungan, ay ipinakita ng dula ang mapanlinlang na katauhan ng Estados Unidos sa pakikipag-ugnayan sa Pilipinas, kung saan tinutumbasan ng dolyar ang mga likas na yaman ng bansa. Inilalarawan din dito ang kolonyal na porma ng edukasyon na tanging ang mga dayuhan lamang ang nakikinabang.

Batid ni Iska ang mga mali. Nais niyang taliwasin ang mga ito ngunit pinipigilan siya ni Unat na lumaki sa karangyaan at pribilehiyo mula sa kaniyang pamilya. Kailangan nilang manalo kaya’t walang nagawa si Iska kundi sundin si Unat. Sa huli, pinili niyang manahimik upang makamit ang tagumpay. Dahil sa kasalukuyang sistema, kapag sumang-ayon sa may kapangyarihan, kahit na mali ang ipinaglalaban, siguradong papabor sa’yo ang kapalaran.

Baha ngayon dahil sa bagyong korapsyon

“Suspendido ang mga klase ngayon dahil sa bagyong korapsyon.”

Sa pagpapatuloy ng dula, hinagupit ng bagyo ang buong kanayunan. Maging sina Iska at ibang mga mag-aaral ng UPLB ay hindi nakaligtas sa kalamidad. Kinailangan nilang lumikas upang hindi tangayin ng baha ang kanilang pangarap na magandang bukas. Ngunit hindi ang bagyo ang nagpaparusa sa kanila, kundi ang delubyong dala mismo ng estado. 

Sa kasagsagan ng paghagupit, binanggit sa dula na natural lamang ang mga bagyo ngunit patuloy itong lumalala dahil sa korapsyon at paninira ng kalikasan. Simula rin nang dumating ang pribadong korporasyon sa Lay-a ay nagsimula na ang mga pagguho ng lupa sa bundok.

Kung susumahin, ang mga proyekto ng pamahalaan at mga pribadong korporasyon ang tunay na suliranin sa bagyo. Nariyan ang patuloy na paninira sa kalikasan upang bigyang-daan ang mga anila’y proyektong tungo sa kaunlaran. Ang mga puno ay pinuputol, ang mga bundok ay kinakalbo, at ang mga lupang ninuno ay kinakamkam. 

Matapos ang pananalanta ng bagyo, ang payong na iniwan ni Iska sa sisidlan ay naglaho na parang bula. Gaya ng karaniwang tagpo ng mga mag-aaral sa pamantasan kung saan marami ang nananakawan ng payong, mabilis ding tinangay ang pagmamay-ari niya. Ang payong sanang magsisilbing pananggalang tuwing umuulan ay kinuha nang walang paalam.

Ngunit hindi lamang ito tungkol sa payong. 

Ang pagnanakaw ng payong ay sumasalamin sa talamak na korapsyon sa pamahalaan. Tulad ng payong na pumoprotekta tuwing may malakas na ulan, ninanakaw rin ang salapi ng bayan na dapat sana’y nakalaan sa mga proyektong sasangga sa mga unos tulad ng bagyo at baha. Ang flood control projects na dapat sana’y isang malaking payong ng mga mamamayan ay ninakaw ng mga nasa kapangyarihan.

“Sa harap ng iba’t ibang disasters na kinakaharap natin, mas pinapalala nito ‘yung kapalpakan ng gobyerno natin dahil sa kanilang pangungurakot,” ani Joseph Curbilla, head artistic director ng Isko’t Iska 2025. 

Dam-buhalang problema

Samantala, sa Bundok Lay-a, nakatakdang umusbong ang Bu-ay Dam—ang solusyong nakikita ng pamahalaan para sa mga mamamayan. Ngunit ito ay huwad na proyekto lamang. Sa halip na makatulong, mas tumitindi pa ang kalamidad dahil sa paninira ng kalikasan. 

What is progress without some sacrifice?” 

Iyan ang linya ng mga karakter sa dula, na representasyon nina Ferdinand Marcos Jr., Sara Duterte, at Sarah Discaya, na nakatakdang magtayo ng dam sa kabundukan. Kailangan ba talagang masira ang kalikasan at malagay sa panganib ang mga mamamayan para lang makamit ang kaunlaran?

Kasabay ng pagtindi ng pagguho ng lupa sa Lay-a, unti-unti ring gumuguho ang mga kinabukasan nila. Ang pagputol ng mga puno sa bundok ay katumbas ng pagputol sa kanilang mga pangarap.

Sa labas ng apat na sulok ng bulwagan ng D.L. Umali Hall, tumatagos ang parehong mukha ng problema. Gaya ng dinaranas ng Lay-a, ang Ahunan Dam sa Pakil, Laguna ay tinutuligsa rin dahil sa nakaambang walang habas na paninira sa kalikasan. Kaakibat kasi ng pag-ahon patungo sa kaunlaran ay ang pagpuputol ng mga puno, pagkasira ng likas na yaman, paglala ng pagguho ng lupa, at maging ang pagpapalayas sa mga pamilyang nakatira dito.

“Tunay nga bang maunlad kung may nasasalanta? Tunay nga bang maunlad kung may binabaha?”

Sa ikatlong araw ng pagtatanghal, naghatid ng mensahe sa mga manonood si Noli Tamisan, katutubong Mangyan-Iraya mula Sitio Malatabako, Occidental Mindoro. Kamukha ng sitwasyon sa Bundok Lay-a, aniya, patuloy silang nakararanas ng panunupil ng pribadong korporasyon dahil sa pag-angkin sa kanilang mga lupang ninuno.

“Inalisan po kami ng karapatan sa aming lupaing ninuno… Talagang napakahirap po noong ginagawa nila sa aming mga Mangyan. Parang tinanggalan po kami ng karapatan bilang isang tao na makapamuhay nang malaya doon po sa aming community,” paglalahad niya.

Ayon kay Curbilla, ang mga Mangyan-Iraya ang naging inspirasyon ng dula ngayong taon. Sa isang pagkilos noong SONA Caravan, nasaksihan nila ang isang katutubo mula Occidental Mindoro na nag-iigway—isang porma ng pag-awit upang isiwalat ang kasalukuyang danas sa ilalim ng pamahalaan. “Sa performance na ‘yon nagmula, para siyang light bulb moment.

Patatagin, ‘wag patagin

Sa gitna ng suliranin sa Lay-a, tumitindig ang mga naninirahan dito. Hindi man lumaki sa piling ng bundok, kaisa si Isko sa pagsusulong ng mga panawagan para sa hustisyang pangkalikasan. Naniniwala siyang ang kaunlarang mapaminsala ay huwad at dapat tutulan. 

“Magsuri’t mag-aral, maging kritikal, mga iskolar ng bayan!”

Si Isko ang isa sa mga nagpatibay ng paninindigan ng mga taga-Lay-a. Gamit ang tapang at talino, ibinahagi niya ang edukasyon sa mga mamamayan ng Lay-a, lalo na sa kabataan. Siya ang nagturo sa kanila kung paano bumuo ng mga bundok ng pangarap at kung paano aakyatin ang rurok nito.

Kakabit ng pagiging iskolar ng bayan ang responsibilidad na tumuwang sa mga nangangailangan, lalo na sa mga biktima ng bulok na sistema ng pamahalaan. Nasa labas ng pamantasan ang tunay na tungkulin ng bawat isa. Matatagpuan sa mga pamayanan at lansangan ang diwang makabayan.

“Sana po doon po sa mga kabataan na naririto ngayon, sana po ay maging masipag po tayo upang humayo po tayo kung saan-saan pong lugar at mabigyan po ng pangaral po [na] ‘yung iba pong aming mga kasamahan na hindi po nakakatagpo ng karapatang tao ay [malaman nila na] sila po pala ay mayroong karapatan,” wika ni Tamisan.

Lunas, hindi dahas

Ngunit kahit gaano man kalakas ang sigaw ng pakikibaka sa tuktok ng Bundok Lay-a, patuloy silang pinatatahimik ng mga elemento ng estado. Ipinakita ng dula ang walang habas na pamamasista sa mga mamamayan, lalo na kina Isko at Ka Kano na namumuno sa pagkilos.

Tinatakot, pinatatahimik, at sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso. Nariyan pa ang sandamakmak na redtagging o pagtawag sa kanila bilang mga terorista na naglalagay sa kanila sa kapahamakan. Marami ang dinadakip at bigla na lamang nawawala. Ang iba pa nga, upang tuluyang mapatihimik, ay pinapatay. 

Sa huli, si Isko na representasyon ng isang aktibistang nagsusulong ng hustisyang pangkalikasan ay napaslang sa kamay ng mga militar. Ang tinig na bumoboses para sa lunas ng sakit sa lipunan ay sinuklian ng dahas.

Hindi ito malayo sa tunay na danas ng mga progresibong indibidwal at grupo sa bansa. 

Noong 2022, ganito rin ang naging kapalaran ni Chad Booc, isang progresibong nagsulong ng karapatan ng mga katutubo, na marahil ay pinagbatayan ng karakter ni Isko sa dula. Siya ay dati ring iskolar ng bayan mula UP Diliman na tinahak ang landas patungo sa kanayunan upang magturo sa mga Lumad na kalaunan ay naging biktima rin ng karahasan ng mga militar.

Ang pinatag ay muling sisibol

Masalimuot man ang sinapit ni Isko, at maging ni Booc, dahil sa kanilang pakikipaglaban para sa bayan, hindi ito nangangahulugang magwawakas ang kanilang mga nasimulan.

“Kapag itinanim ka, ibig sabihin, sisibol kang muli. Tutubo, yayabong, mamamayagpag, mamumunga, at magbubunsod pa ng mas marami. Kapag itinanim ka, hindi ito ang katapusan mo, ito lamang ang simula mo.”

Makapanindig-balahibo ang mga salitang binitawan sa tanghalan kasabay ng pagkawala ni Isko. Ang mga kataga ay halaw mula sa isang Facebook post ni Booc noong siya ay nabubuhay pa. Ang pagpanaw ay inihahalintulad sa pagtatanim ng panibagong halamang sisibol pagkalipas ng panahon. 

Sa dulo ng pagtatanghal, sama-samang umawit ang mga karakter bilang pakikibaka laban sa mapang-aping sistema. Ang sigaw nila: kalayaan para sa Lay-a! Kapit-bisig nilang inirehistro ang pagtutol sa paniniil ng estado sa karapatan ng mga Pilipino, lalo na ng mga progresibong lumalaban para sa kalikasan.

Ang pagwawakas ng dula ay ang hudyat ng panibagong simula. Sa pagsasara ng bulwagan, hindi natatapos ang laban. 

“Sana po sa pakikibaka po ng Malatabako, kailangan po namin ng inyong suporta sa aming pakikibaka. Tulungan niyo po kami… Panagutin po natin ang Pieceland Corportation… Sana po ay maging mapayapa na po at maging malaya na po ang bawat isa doon sa amin,” panawagan ni Tamisan.

Akyatin ang tugatog ng kaunlaran

Ang usapin ng kaunlaran ay malapit sa bituka ng mga taga-Devcom. Sa loob ng kolehiyo, palaging paalala sa mga mag-aaral ang totoong esensya ng kaunlaran—demokratiko, makamasa, at hindi mapaminsala. 

Ipinamalas sa pagtatanghal na ang pagbalik ni Iska sa Lay-a ang tunay na nagmulat sa kaniya na ang pagnanais ng kaunlaran ay hindi nangangahulugang dapat talikuran ang mga prinsipyo at ipinaglalaban. Katulad ng kung paanong bumalik si Iska sa kaniyang tahanan, ganito rin ang itinuturong aral sa Devcom: ang paglabas sa apat na sulok ng silid-aralan at pakikipamuhay sa mga komunidad ay mahalaga upang makita ang tunay na esensya ng kaunlaran.

Para kay Jedie Sasutona, batch 2024 na mag-aaral ng Devcom, ipinakita ng dula ang mukha ng huwad na kaunlaran. “Katulad sa nangyayari sa ating lipunan, nagiging misleading at ginagawang excuse ‘yung term na development para sa pagnenegosyo at pagnanakaw sa kaban ng bayan.”

“Bilang isang Devcom student, mas nakita kong hindi talaga dapat nakakulong sa apat na sulok ng classroom ang karanasan ng mga estudyante kasi kadalasan ang tunay na aral ay nasa lansangan habang nakikibaka sa karapatan ng bawat mamamayan,” dagdag pa niya.

Kung kaya’t habang patuloy na pinapatag ng iilan ang mga bundok tulad ng Lay-a, naroon ang hamon sa bawat iskolar ng bayan: patatagin ang sariling paninindigan at maging bagong tugatog na hindi kayang gapiin ng ano mang kapangyarihan. Sapagkat ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa mga proyektong nag-iiwan ng sugat sa kalikasan, kundi sa mga pamayanang marunong tumindig para sa kani-kanilang kabundukan. 

Hangga’t may mga taong handang magsikap, magsuri, at lumaban, mananatiling nakatayo ang bundok ng pag-asa—buo, matatag, at hindi kailanman mapapatag. Dahil sa huli, kasing tayog man ng bundok ang tunay na kaunlaran, ito’y maaakyat sa nagkakaisang pakikibaka ng taumbayan. ■

MGA KUHA NINA REG GUBATAN AT KZUZVAN KAY CASABAL • DISENYO NI ALEX RAMOS, TANGLAW APPRENTICE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya