Pagitan ng Pagkilos


Kill them. Finish them off.” 

Kabisado ni Rodrigo Duterte ang retorika ng isang pasista. Sa anim na taon niyang pamumuno, maraming pulis at sundalo ang natuto sa kanyang masahol na bokabularyo. Madugo ang kulturang nabuhay sa rehimeng kanyang itinayo sa pundasyon ng pagpatay. Sa pagtaas ng kanyang kamao, malinaw ang hudyat na gusto niyang iparating sa mga pwersa ng kanyang administrasyon: nakikipaggiyera tayo. Giyera laban sa mga progresibo. Giyera laban sa mga aktibista. Giyera laban sa mga komunista. Giyera laban sa mahihirap.

Ito rin ang kumpas na ginamit niya nang kanyang iutos sa pinaghalong pwersa ng kapulisan at kasundaluhan ang madugong operasyon na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista sa Timog Katagalugan at nagdulot ng pag-aresto sa pito pa noong ika-7 ng Marso, taong 2021. Sa ilalim ng Case Operation Plan (COPLAN) AS VAL, sama-samang sinalakay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang tahanan ng mga aktibista sa Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal. Kinasangkapan nila ang iba’t ibang sangay ng Korte na nagbigay sa kanila ng 46 na search warrant. Pinasok nila ang bahay ng mga biktima. 

Noong araw na ‘yon, na ngayo’y mas kilala na sa tawag na Bloody Sunday Massacre, namatay sina Ariel Evangelista at Chai Lemita-Evangelista, tanggol-karapatan ng mga mangingisda at magsasaka; Manny Asuncion, lider-unyon at coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite; Greg Dasigao at Mark Bacasno, mga kakampi ng maralitang-lungsod; Abner Esto at Edward Damas Esto, mga katutubo; at Randy at Puroy dela Cruz, mga lider ng komunidad ng Dumagat na nakikibaka laban sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam. Tatlong linggo matapos ang madugong Linggong ‘yon, pinaslang din si Dandy Miguel, vice chairperson ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU). 

Hindi pa sumapat para sa mga pwersa ng estado ang kanilang ginawang serye ng pamamaslang. Sa bisa ng mga gawa-gawang kaso, hinuli rin nila sina Nimfa Lanzanas, Mags Camoral, Steve Mendoza, Eugenio Tadeo, at Joan Efren. Hinalughog nila ang bahay ni BAYAN Batangas Coordinator Lino Baez, at inaresto sina Arnedo Lagunias at Ramir Corcolon. 

Para kay Duterte, walang karapatang mabuhay ang mga kritiko ng gobyerno. Sinisira nila ang kapayapaan. Walang silbi ang aktibismo. Walang saysay ang pakikibaka. Para kay Duterte at sa malawak na hanay ng kanyang mga tagasuporta, kahingian ang pagpaslang sa mga progresibo sapagkat sila ang salot sa lipunan. 

Limang taon na ang nakalipas mula noong naganap ang Bloody Sunday Massacre. Sa kabila ng mahabang pakikibaka ng mga biktima, kasama ang mga progresibong grupo, nananatiling mailap ang hustisya. Tikom ang bibig ng Department of Justice, mula sa pagbasura sa reklamong murder na ikinasa laban sa 17 pulis para sa pagpatay kay Asuncion, hanggang sa pagtanggi sa pagkilala sa katotohanang politikal ang mga naging pagpaslang. Habang walang malinaw na pag-usad sa mga kaso, patuloy ring tinatakot ng estado ang mga kapamilya ng mga biktima sa bisa ng paniniktik at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act. 

Umabot na rin sa Kamara ang kaso noong taong 2024. Inilantad ng mga pamilya ng mga biktima ang iba’t ibang iregularidad sa naging operasyon: ang paggamit ng search warrant, pati na rin ang findings ni Raquel Fortun, isang forensic pathologist na nagsagawa ng awtopsiya sa ilang mga biktima. Siya rin ang nagsuri sa katawan ng ilang mga biktima sa giyera kontra-droga ng nakaraang administrasyon. 

May sinusundang disenyo ang mga pagpatay na naganap sa pamumuno ni Duterte. Nagtatago ang hilaw na karahasan sa likod ng imbentong naratibo: “nanlaban” ang mga biktima. Kung pinaghihinalaan kang drug pusher sa Maynila, nanlaban ka sa mga pulis. Hindi na bale kung kasama mo pa ang pamilya mo sa huling mga sandali ng iyong buhay, kasi ang opisyal na naratibo ay nanlaban ka. 

Batay sa suri ni Fortun, hindi tugma sa naratibong ‘nanlaban’ ang mga biktima sa tama ng bala at trajectory ng mga sugat ng mga biktima ng Bloody Sunday Massacre. Katulad ng nangyari sa mga biktima sa giyera kontra-droga, may mga indikasyon ng malapitan at kontroladong pamamaril sa mga pinaslang na aktibista. Consistent, execution-style killing. 

Wala na si Duterte sa Pilipinas ngayon. Inuusig na siya sa The Hague, Netherlands, matapos siyang hulihin sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court. Tapos na ang pagdinig para sa confirmation of charges, at hinihintay na lamang ang desisyon ng Korte kung ikukumpirma ang mga sakdal at isasampa ang kaso upang mabuo ang isang ganap na trial

Hindi nakapaloob ang Bloody Sunday Massacre sa mga pinagbatayan ng kasong crimes against humanity laban kay Duterte. Naganap kasi ang pagpaslang noong mga panahong hindi na bahagi ng Rome Statute ang Pilipinas, na pakana rin ni Duterte nang matunugan niyang nag-iimbestiga na ang internasyonal na lupon. Bagaman isang hakbang patungo sa hustisya ang kasalukuyang pagkakakulong ni Duterte, hayag na hayag pa rin ang isang malinaw na reyalidad: ang naganap na pagpaslang sa mga aktibista limang taon noong nakaraan ay bahagi lamang ng mas malawak na balangkas ng karahasan. 

Tumatagos ang balangkas na ito sa iba’t ibang aspeto ng ating lipunan: sa wikang itinuro ni Duterte sa mga pulis at sundalo, pati na rin sa kanyang mga tagasuporta; sa mga batas na umiiral, katulad ng Executive Order No. 70 na nagtatag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti-Terror Law; at sa kasalukuyang sistema ng moral na paniniwala ng mga mamamayan, ang sistemang nagtutulak sa kanilang pagtawanan ang dami ng mga batang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. 

Sa madaling sabi, ang kultura ng impunidad na ipinanganak ng isang pasista.

Kaakibat ng pakikibaka para sa hustisya para sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre ang pagkilala sa reyalidad na nananatili ang kultura ng karahasan sa kanayunan, sa mga probinsya ng Timog Katagalugan. Mas pinalawig pa ito sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa bisa ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) at sa umiigting na operasyon ng NTF-ELCAC. Sa 2026 National Expenditure Program, P8.08 bilyon ang inilaan para sa nasabing ahensya, habang P430.9 bilyon ang pondo para sa sektor ng depensa. 

Napunta man sa ibang bansa si Duterte, inuusig sa isang hukuman kung saan wala siyang kapangyarihan, isang espasyong hindi niya kontrolado, malinaw na nananatili sa ating bansa ang Dutertismo. Nananatili ang estilong isinilang niya sa bisa ng karahasan. Nananatili ang panunupil. 

Inuuna ng estado, mula Duterte hanggang Marcos, na palakasin ang aparatong militar na kanilang hinahawakan. Imbes na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian, primarya na ang sosyo-ekonomikong paghihirap na nag-uudyok dito, naglalaan sila ng dambuhalang pondo para sa mga programang nagtatago sa retorika ng “anti-insurhensiya” ngunit sa katotohanan ay nagdudulot ng militarisasyon, pananakot, at karahasan sa mga komunidad. 

Madaling isigaw ang kapayapaan kung hindi mo araw-araw na dinaranas ang ingay ng karahasan. Hangga’t walang hustisya para sa lahat ng biktima ng estado, hangga’t talamak ang red-tagging at harassment, hangga’t nananatili ang mga bilanggong pulitikal, at hangga’t nananahan sa ating bansa ang mga istrukturang primaryang nagdudulot ng panunupil, tuloy-tuloy ang ating paglaban para sa kalayaan. 

Patuloy nating tatanganin ang pakikibaka sa lahat ng antas—sa mga korte, sa lehislatura, sa pag-oorganisa sa mga komunidad, sa panghahamig sa kabataan, at sa pag-ugnay sa mga internasyonal na institusyon. Magpapatuloy ang ating pagsulong tungo sa isang sistemang nagtataguyod ng karapatang pantao at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa katarungan.

Walang pinag-iba si Marcos at Duterte—parehong pasistang may utang na dugo sa masa, parehong kinakailangang singilin at pagbayarin. ■

DIBUHO NI CJ PINE | KUHA NINA ALEXANDER ABAS AT SHAN KENSHIN ECALDRE | BULATLAT


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya