Umigpaw


Hindi lamang simpleng kontrobersiya ang lumitaw sa katatapos lamang na Regional Schools Press Conference (RSPC) 2026 sa Region III. Isa itong salamin ng mas malalim, sistematiko, at nakababahalang suliranin sa campus journalism sa bansa—isang larangang inaasahang humuhubog sa integridad, kritikal na pag-iisip, at pananagutan, ngunit unti-unting nagiging hungkag dahil sa depektibong pamantayan at kalakaran.

Nagsimula ang usapin sa matapang na pahayag ni Ivan Balmores, isang coach ng Collaborative and Desktop Publishing (CDP) mula sa College of the Holy Spirit of Tarlac (CHST). Ayon sa kanya, ang nanalong entry sa CDP–Filipino mula sa San Jose del Monte Division ay kapansin-pansing kahawig ng kanilang output noong RSPC 2025—mula sa layout structure at design treatment hanggang sa conceptual presentation ng mga pahina. Hindi raw ito simpleng inspirasyon, kundi halos kabuuang pagkopya.

Mas lalong tumindi ang usapin nang ihayag ng isang guro mula Tarlac City na sinubukan muna nilang dumaan sa tamang proseso—tahimik na nagreklamo, nagtiwala sa sistema, at umasa sa agarang aksyon ng mga kinauukulan. Ngunit wala silang natanggap na malinaw na tugon. Walang inilatag na imbestigasyon. Walang pananagutan.

Sistemang depektibo at kakulangan ng integridad

Sa isang opisyal na pahayag, kinilala ng Department of Education (DepEd) Region III ang isyu at inihayag na isinangguni na ito sa kanilang Legal Unit para sa isang “comprehensive and impartial fact-finding investigation.” Binigyang-diin din ang kanilang pangako sa due process at pagpapanatili ng mataas na pamantayan ng integridad. Gayunpaman, nananatiling mahalagang usisain kung paano isinasalin sa konkretong aksyon ang ganitong mga pahayag—sapagkat ang integridad ng isang proseso ay hindi nasusukat sa salita, kundi sa bilis, linaw, at pananagutan ng mga hakbang na kasunod nito.

Dito lumilitaw ang mas mabigat na usapin: hindi lamang ito tungkol sa plagiarism, kundi tungkol sa mismong sistemang humuhubog sa campus journalism. Sa dami ng ulat at karanasan hinggil sa iba’t ibang porma ng pandaraya sa kompetisyon, hindi na bago ang ganitong isyu. Ang higit na nakababahala ay ang tila padron ng mabagal o hindi malinaw na pagtugon ng mga institusyon sa ganitong mga usapin. Sa bawat kasong hindi ganap na nalilinawan, lalong napapalalim ang kulturang inuuna ang panalo kaysa sa katotohanan.

Bilang isang dating batang preskon, hindi ito panlabas na kritisismo para sa akin. Naging bahagi ako ng sistemang ito. Naranasan ko ang saya ng kompetisyon, ang pressure ng oras, at ang matinding pagnanais na manalo. Sa ganitong kapaligiran, mabilis mong natututuhan kung paano “maglaro”—kung anong istilo ang patok, anong format ang nananalo, at kung paano iangkop ang iyong likha sa inaasahang panlasa ng mga hurado.

Ngunit sa prosesong ito, bihirang malinang ang mas mahahalagang tanong. Hindi malinaw ang hangganan ng inspirasyon at pangongopya. Kulang ang diskurso sa etika at mas pinahahalagahan ang pagiging “strategic” kaysa sa pagiging tapat. Sa ganitong kalakaran, nahuhubog ang isang mamamahayag na mahusay umayon sa pamantayang idinidikta sa kanya, sa halip na maging kritikal at mapanindigan.

Isa pa sa mga problematikong praktis ng preskon ang kakulangan ng transparency. Sa ilang taon kong lumahok, mula elementarya hanggang hayskul, bihira o halos kailanma’y hindi ipinakikilala ang mga hurado, na tila lihim ang kanilang presensya at awtoridad. Ang ganitong sistema ay malinaw na malayo sa tunay na mundo ng midya, kung saan para sa masa ang ating mga likha, hindi para sa mga piling grupo ng mga guro o beteranong mamamahayag.

Hindi rin maikakaila ang patuloy na censorship sa loob ng mga paaralan. Hanggang ngayon, limitado pa rin ang espasyo ng mga estudyante upang talakayin ang mga sensitibong isyu. Sa halip, mas hinihikayat silang magsulat ng positibong imahe ng paaralan—na tila ba extension lamang ng public relations. Kung ganito ang pagsasanay, paano mahuhubog ang mga mamamahayag na may kakayahang manindigan at maglatag ng katotohanan?

Sa ganitong konteksto, malinaw na ang problema ay hindi lamang indibidwal—ito ay institusyonal. Ang mismong disenyo ng kompetisyon, kung saan ang panalo ang nagiging sentral na sukatan, ang paulit-ulit na nagtutulak sa mga kalahok na iayon ang kanilang gawa hindi sa katotohanan, kundi sa kung ano ang papasa at mananalo. Sa ganitong kalakaran, ang mga paglabag gaya ng plagiarism ay hindi lamang isolated na kaso, kundi sintomas ng mas malalim na suliranin sa mundo ng campus journalism.

Gayunpaman, hindi nito tuluyang inaalis ang papel ng indibidwal. Sa halip, lalo nitong pinapatingkad kung gaano kahalaga ang paninindigan sa loob ng isang depektibong sistema. Ang integridad, sa ganitong diwa, ay hindi lamang personal na birtud kundi isang anyo ng pagtutol—isang pagpiling manatiling tapat kahit may pressure na umayon sa maling pamantayan.

Mas lumalim at tumibay ang pag-unawang ito sa akin ngayong kolehiyo. Sa loob ng mga klase, sa pakikinig sa mga karanasan ng mga aktwal na mamamahayag, naunawaan ko na ang pamamahayag ay hindi simpleng kompetisyon kundi isang anyo ng serbisyo at pananagutan. Ang bawat istorya ay may tunay na epekto sa buhay ng mga tao—lalo na sa mga komunidad na madalas hindi nabibigyang pansin. Sa ganitong lente, ang integridad ay may saysay lamang kung ito ay nakaugat sa paglilingkod sa masa at hindi sa personal na pakinabang.

Paninindigan at reporma 

Sa puntong ito, malinaw na sa tunay na mundo ng pamamahayag: ang integridad ay pundasyon at kailanma’y hindi dapat gawing opsyon lang. Ang peryodismo ay tanging para sa masa: para sa mga komunidad na aking nakasasalamuha at patuloy na pinag-aaralan, at para sa mga aktibistang patuloy na ipinaglalaban ang hustisya. Malinaw ang papel ng progresibong midya: hindi ito neutral na tagamasid lamang, kundi tagapaglantad ng katotohanan.

Kaya ang usapin ng plagiarism ay hindi lamang simpleng paglabag sa patakaran ng kompetisyon. Isa itong malinaw na sintomas ng isang sistemang kailangang baguhin. At hangga’t nananatiling nakasentro ang mga pamantayan sa medalya at tropeyo kaysa sa katotohanan, magpapatuloy lamang ang ganitong mga kaso sa iba’t ibang anyo.

Mula rito, malinaw ang panawagan sa Department of Education (DepEd) at sa mga nagpapatakbo ng press conferences: hindi sapat ang mga pahayag at pormalidad ng proseso. Kinakailangan ang malinaw, bukas, at agarang mekanismo ng imbestigasyon, pati na rin ang konkretong pagpapatupad ng pamantayan sa etika. Higit sa lahat, kailangang repasuhin ang mismong disenyo ng kompetisyon upang ito ay maging mas makatotohanan at nakaugat sa tunay na diwa ng pamamahayag.

Para sa mga School Paper Adviser (SPAs) at coaches, ang tungkulin ay hindi lamang magsanay ng mga mamamahayag upang manalo, kundi maghubog ng mamamahayag na may paninindigan at malasakit sa katotohanan. Sapagkat ang husay na walang dangal ay nananatiling hungkag—lalo na kung ito ay hindi naglilingkod sa masa.

At para sa mga kapwa ko campus journalist, ang hamon sa atin ay hindi lamang sumunod, kundi maging mapanuri sa sistemang ating ginagalawan. Habang hindi pa ganap na nagbabago ang mga patakaran, mahalagang makilahok sa diskurso, magtanong, at ipaglaban ang mga pagbabagong kinakailangan. Dahil sa isang sistemang may puwang sa pandaraya, ang pagpiling manatiling tapat ay hindi lamang personal na desisyon—isa itong malaking ambag sa mas malawak na laban para sa isang mas makabuluhang pamamahayag.

Sa huli, naniniwala akong ang pagbabago ay hindi magmumula sa iisang antas lamang. Ito ay kolektibong tungkulin—ng mga institusyon, ng mga tagapagsanay, at ng mga mamamahayag mismo. Ngunit higit sa lahat, nangangailangan ito ng malinaw na pagbalik sa pinakapuso ng pamamahayag: ang paglilingkod sa masa at walang kompromisong paglikha. ■

DISENYO NI CJ PINE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya