DAPAT MONG MALAMAN
- Nakatanggap ang mga residente ng Purok 6B, Brgy. Bambang, Los Baños ng Notice to Vacate mula sa Regional Trial Court, Branch 35, na nagbibigay sa kanila ng 20 araw na palugit upang lisanin ang kanilang mga tahanan para bigyang-daan ang planong pagtatayo ng isa umanong resort sa lugar.
- Nanawagan si Elena Durana, residente ng barangay, sa lokal na pamahalaan na agarang tugunan ang kanilang mga hinaing at kahilingan upang mapigilan ang nakaambang demolisyon.
Nagsanib-puwersang humanay sa tapat ng Olivarez Plaza at sa harap ng Los Baños Municipal Hall ang mga progresibong grupo ng mga mamamayan, lokal, at mag-aaral ng Los Baños para sa mga ikinasang kilos-protesta kontra demolisyon sa Purok 6B, Barangay Bambang, noong nakaraang Marso.
Nitong ika-11 ng Marso, nakatanggap ang mga residente sa naturang lugar ng Notice to Vacate mula sa Regional Trial Court, Branch 35, na nagsasabing binibigyan na lamang sila ng 20 araw na palugit upang tuluyang umalis sa kanilang komunidad, kahit na walang nangyaring pag-uusap o konsultasyon sa mga naninirahan patungkol sa isa umanong resort na itatayo sa kanilang barangay.
Ayon sa Urban Development and Housing Act of 1992 o Republic Act No. 7279, Article 7, Section 28, ang inaasahang demolisyon ay nararapat sumailalim sa isang konsultasyon kasama ang kinatawan ng mga pamilyang maaapektuhan. Sa kaso ng Purok 6B, igiit ni Elena Durana, board member ng Purok 6B Bambang Homeowners Association, na walang naganap na pag-uusap kasama ang negosyante dahil bigla na lamang ibinaba sa kanila ang Notice to Vacate.
Dagdag pa rito, nakasaad sa nasabing batas na ang pag-abiso sa mga apektadong residente ay hindi dapat bababa ng 30 araw bago ang petsa ng pagpapaalis. Kaya naman, ang ibinigay na notice sa mga residente ng Brgy. Bambang ay malinaw na lumabag sa tamang proseso, dahil 20 araw lamang ang inilaan bago sila ay palayasin.
Nanawagan si Durana sa lokal na pamahalaan na itigil na ang banta ng demolisyon sa kanilang lugar. Aniya pa, hindi makatarungan na mapalayas ang mga residente na ilang dekada nang naninirahan sa lupang kinatatayuan ng kanilang mga tahanan.
Sa katunayan, dekada nang naninirahan ang mga residente sa lugar at minsan nang kinilala ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng Presidential No. 550 noong 2004. Ito na lamang ang isa sa pinanghahawakan nina Durana bilang garantiya na hindi sila maaaring palayasin.
Sa panayam kay Durana, inilahad niyang taong 2016 pa nang may nagparamdam sa kanilang nagnanais magpatayo ng pribadong resort sa kanilang lugar. Inangkin umano ng mga “bisita” ang pangalan sa titulo ng lupa na kanilang pinagbabahayan. Sinubukan nilang ipakonsulta ito sa abogado at napagtantong marami umanong butas ang inihain na titulo sa kanila. Dahil dito, isa sa mga kahilingan ni Durana ay magkaroon sila ng sariling abogado na handa silang tulungan na ipaglaban ang kanilang karapatan sa legal na aspeto.
Nakasaad sa naturang proklamasyon ang distribusyon ng mga bakanteng lote ng lupa para sa mga maralitang pamilya. Bilang katuwang sa implementasyon nito, itinalaga ang Local Inter-Agency Committee (LIAC) upang magtakda ng pamantayan para matukoy kung sinong mga indibidwal ang may karapatan na manirahan sa inilaang lupain.
Ngunit sa kabila nito, ipinasa na ang kanilang lupa sa pribadong interes— mula kay Jesus Casus patungo sa Bambang Land Corporation—na ayon sa mga lokal ay may planong gawing alinman sa resort, subdivision, o tourist spot ang lugar.
Kaya naman, inilakad ng mga opisyal ng Purok 6B Bambang Homeowners Association ang kanilang sitwasyon, partikular na ang pagkuha ng certificate of entitlement, sa iba’t ibang ahensiya katulad ng Municipal Urban Development and Housing Office (MUDHO), Provincial Urban Development and Housing Office (PUDHO), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Assessor’s Office, Registry of Deed, lokal na pamahalaan, at sa iba pa.
Kuwento ni Durana, kailangan ang naturang titulo upang mairehistro sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang lupain at magkaroon ng matibay na depensa laban sa nakaambang demolisyon. Ngunit noong una, ipinaalam sa kanila na hindi raw maaaring matituluhan ang kanilang lugar dahil sakop ito ng Proclamation No. 550 o sa madaling salita, ang kanilang binabahayan ay pagmamay-ari ng gobyerno.
Ngayong i-de-demolish na ang kanilang mga bahay, panibagong problema ang kahaharapin nila patungkol sa kawalan ng matitirhan. Ipinagtataka nila ang tugon ng mga ahensiya, na sinasabing hindi raw sila maaaring bigyan ng relokasyon dahil sa umano’y pagmamay-ari na ng pribadong katauhan ang kanilang lugar.
Dahil dito, sa halip na makatanggap ng maayos na tugon, ang pabago-bagong naratibo ng mga ahensiya ay nagdulot ng kalituhan at nananatiling malabo para sa mga lokal kung ano pa ang maaari nilang gawin upang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Kaya naman, sa mga naganap na kilos-protesta, binitbit ng mga lokal mula sa Purok 6B, Brgy. Bambang, kasama ang mga progresibong grupo, ang iba’t ibang panawagan. Kabilang dito ang paghadlang sa nakaambang demolisyon, pagsasagawa ng konsultasyon kasama ang LIAC, at ang agarang pag-iisyu ng certificate of entitlement sa mga residente.
Kasama rin sa kanilang kahilingan na makatanggap ng pampinansyal na tulong upang makakuha ng abogado, mapigilan ang mga pribadong interes na nagtatangkang pumasok sa kanilang lupain, at mabigyang-pagkilala ang Purok 6B Homeowners Association. ■
KUHA NI KARYLLE PAYAS



