Pagitan ng Pagkilos
Nag-iiba ang itsura ng giyera batay sa mga matang nakatingin dito. Para sa malalaking kumpanya ng langis at sa korap na pamahalaan, simbolo ang krisis ng ganansya sapagkat nagbibigay ito ng rason para sa pagkakaroon ng sobra-sobrang tubo. Sa kabilang banda, para sa ating mga naghihikahos—sa mga mahihirap at middle-class mula sa iba’t ibang batayang sektor—araw-araw ang ating pakikipagsapalaran sa patuloy na pagbigat ng buhay.
Hindi labas sa usapin na ito ang mga mag-aaral. Sa katunayan, isa tayo sa pinakaapektado sa lumalalang krisis sa langis. Bukod sa paunti nang paunti na ang mga jeep na ating maaaring sakyan papunta sa mga paaralan, tuloy-tuloy rin ang banta ng pagtaas ng mga presyo ‘di lang ng pamasahe kundi ng lahat ng batayang produkto. ‘Di pa man dumarating ang hell week, damang dama na natin ang salimuot ng pag-aaral sa mga neoliberal na pamantasan sa panahon kung kailan tayo kailangang-kailangan ng lipunan.
Sa kabila ng lahat ng ito, malinaw na walang makabuluhang tugon ang pamahalaan sa lumalalang kondisyon sa sektor ng edukasyon. Mula sa Memorandum Circular 114 noong nakaraang buwan, na nagtatalaga na gawing apat lang ang araw ng trabaho sa mga ahensya ng gobyerno upang anila’y makapagtipid ng enerhiya at maibsan ang paggamit ng krudo, halatang nangangapa pa rin ang estado sa bago nilang atrasadong polisiya: ang Memorandum 117 mula sa Commission on Higher Education (CHED), na nagbibigay-kalayaan sa mga higher education institutions (HEIs) na magpatupad ng 100% online classes sa gitna ng umiigting na krisis.
Marami ang tumatayong tagapagtanggol sa nasabing memo. Giit nila, maihahalintulad daw sa pandemya ang krisis sa langis ngayon, kung saan pansamantalang naging kahingian ang paggamit ng iba pang porma ng pagtuturo upang maipagpatuloy ang daloy ng edukasyon.
Ngunit kung tutuusin, humihigit pa sa kasalukuyang krisis ang ugat ng kahirapang dinaranas ng mga mag-aaral ngayon. Primaryang pinagmumulan nito ang imperyalistang panghihimasok ng Estados Unidos at Israel sa Iran, na mas pinalalala ng makupad na pagtugon ng administrasyong Marcos Jr. at ang kanilang hindi pagkilala sa mga pangmatagalang solusyon na matagal nang isinusulong ng mga mamamayan.
Ang hinahangad ng CHED na pagpapalit ng moda ng mga klase ay isang hamak na panakip-butas, isang mekanismo na ginagamit upang ilihis ang usapin ng pananagutan ng pamahalaan. Layon lamang nitong inormalisa ang kawalan ng kongkretong aksyon ng estado habang isinasantabi ang kalidad ng edukasyon at ang mga materyal na kondisyon nating mga mag-aaral.
Kinakailangang maalala ng administrasyong ito ang isa sa mga pinakamahalagang aral na itinuro sa atin ng nakaraang pandemya: bagaman iisang katubigan ng paghihirap ang pinapalautan nating mga estudyante, hindi pare-pareho ang ating mga sasakyang-pandagat. Hindi lahat ay may kakayahang mabuhay at tunay na matuto sa bisa ng online classes.
Sa umpisa pa lang, wala na talagang saysay ang pagkukumpara ng umuugong na krisis sa COVID-19 pandemic. Lumilitaw sa ganitong diskurso ang pagpapalabnaw sa kasalukuyang problema ng bansa. Hindi nito isinasaalang-alang ang politikal na dimensyon ng krisis sa langis—ang pinag-uugatan nitong regresibong mga polisiya sa pagbubuwis, deregulasyon sa industriya ng langis, at burukrata kapitalismong umiiral pa rin sa kabila ng paghihirap ng masa.
Sa dulo’t dulo, tayo ang talo. Tayong mga mag-aaral, kasama ng iba pang batayang sektor ng lipunan, ang sapilitang ginagawang responsable para sa pagharap sa mabigat na suliranin sa krudo. Sa atin ipinapasa ang pasanin, sa kabila ng reyalidad na maraming p’wedeng gawin ang pamahalaan. Malinaw sa kasalukuyan kung ano ang tunay na hulma ng sistema, kung paano nito hinuhubog ang mga mamamayan upang maging tagapagbitbit ng bagahe ng krisis na hindi naman tayo ang nagsimula.
Habang binibitbit natin ang krus ng responsibilidad, tuwang-tuwa sa panonood ang mga naghaharing-uri. Ang ating kalbaryo, para sa kanila, ay isa lamang panibagong hulma ng korapsyon at pananamantala. Hindi naman natin itinatanggi ang katotohanang may nagpapatuloy na krisis. Ngunit ang punto ng kritisismo rito ay ang ginagawang pag-angkop ng pamahalaan.
Matagal nang diniriin ng mga batayang sektor, mula pa sa nagdaang dalawang tigil-pasada at sa mas mahabang kasaysayan ng pakikibaka, ang tunay na solusyong kinakailangang gawin ng pamahalaan. Paulit-ulit nang sinasabi ng sambayanan na ang kahingian sa panahon ngayon ay ang kagyat na pag-unawa at pagtugon sa kanilang mga panawagan—mula sa pagtatanggal sa labis-labis na buwis kagaya ng value-added tax (VAT) at excise tax at ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, hanggang sa pagsasabansa sa industriya ng langis. Ang mga sigaw na ito ang tunay na solusyon—hindi nito inilalagay sa mga mag-aaral ang bigat ng pagtugon sa krisis.
Habang patuloy na lumalala ang ating paghihirap at ang pagtagos nito sa lahat ng sektor ng lipunan, kinakailangan nating magpasya na kumilos nang sama-sama. Sa ganitong porma ng pagpapakita ng kapangyarihan lamang natin mapaaalala sa pamahalaan kung sino ba dapat ang may hawak ng pananagutan. Katulad ng palaging sinasabi, upang makabalikwas sa pagiging isang negosyo para sa naghaharing-uri, kinakailangang magsilang ng mga pamantasan ng malawak na hanay ng mga kritikal na mag-aaral.
Kilalanin natin ang reyalidad na ang pinakamatingkad na pagkakaiba sa pagitan ng kasalukuyang krisis sa langis at ang nakaraang pandemya ay ang mga aksyon na p’wede at kinakailangang gawin ng estado. Maraming mga pamamaraan at mekanismo, na mas lapat sa lupa at tunay na danas ng masa, ang kinakailangang ipatupad upang maibsan ang bigat ng krisis.
Ang tanong nalang ngayon ay kung may politikal na paninindigan ba ang ating gobyerno—mula sa mga opisyal sa lokal na pamahalaan at mga mambabatas sa Kongreso hanggang sa pangulo—upang ganap na isakatuparan ang mga panawagang ito. Kaya ba nilang kumilos para sa masa? Kaya ba nilang tumaliwas sa interes ng iilang naghaharing-uri? Malinaw na repleksyon ang kasalukuyang sitwasyon ng paninindigan ng gobyerno ngayon—walang pake sa atin.
Pagtawag din ito sa administrasyon ng ating Unibersidad: patunayan nating sisidlan ng mahusay at makamasang pag-iisip ang ating pamantasan. Huwag tayong parang bulag sa pagsunod sa mga walang saysay at ‘di siyentipikong patnubay ng mga nasa kapangyarihan. Huwag ninyong biguin ang konsolidadong pagtawag ng mga mag-aaral—pumili kayo ng tindig, magpasya kayong tanggihan at kondenahin ang walang kahiya-hiyang pagpapasa ng pamahalaan sa bigat ng pasanin sa ating mga mag-aaral at kaguruan. ■
DISENYO NI ALEX RAMOS


