Isinulat nina Airon Villanueva at Leonard Magadia


DAPAT MONG MALAMAN

  • Naghain ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Bise Presidente Sara Duterte para sa kasong three counts of grave threats, ika-4 ng Setyembre. 
  • Nakaugat ang kaso sa umano’y pagbabanta na ipapatay ng Bise Presidente na ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
  • Sa nalalapit na pagtatapos ng termino nina Marcos at Duterte, nakasentro pa rin ang pulitika sa lumalalim na alitan ng dalawang panig, habang nananatili namang pasanin ng mga Pilipino ang samu’t saring problema na matagal nang nangangailangan ng aksyon mula sa administrasyon.

Naglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng three counts of grave threats case noong Biyernes, ika-4 ng Setyembre. 

Nagsimula ang kaso sa naging pahayag ni Sara Duterte sa isang online press conference noong ika-23 ng Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang may kinausap na siyang tao na inatasang patayin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez bilang tugon kung sakaling may mangyaring masama sa kanya.

Saad ni Raphael Martinez, spokesperson ng Department of Justice (DOJ), ibinasura ng korte ang mosyon ng Bise Presidente na bawiin ang arrest warrant laban sa kaniya matapos mapatunayang may probable cause ang korte upang siya ay humarap sa paglilitis. 

Kaugnay nito, maaaring piyansahan ang kasong grave threat na ipinataw ng korte sa halagang P120,000 para sa bawat bilang ng kaso. 

Gayunpaman, matatanaw umano ang kaso bilang ugat ng lumalalang alitan sa pagitan ng pamilyang Duterte at Marcos, na dating magkaalyado ngunit ngayo’y mga pangunahing dahilan umano ng paglala ng hidwaang pampulitika sa bansa.

Pag-usbong ng hidwaang Marcos-Duterte

Nobyembre 2021: Opisyal na inanunsyo nina Marcos Jr. at Sara Duterte ang kanilang pagsasanib-puwersa bilang magkaalyado sa pagtakbo sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pambansang halalan noong 2022.

Bunsod nito, hati ang pulso ng mamamayang Pilipino tungkol sa kanilang pagtakbo. Samu’t saring panawagan mula sa oposisyon sa politika ang lumutang upang kontrahin ang kanilang pagtakbo. 

Enero 2022: Bago pa man iproklama, nihayag ni Marcos Jr. na nais ni Sara Duterte na maging kalihim ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ng kaniyang administrasyon. 

Mayo 2022: Opisyal na inanunsyo at iprinoklama ang pagkapanalo nina Marcos Jr. bilang Pangulo at Sara Duterte bilang Bise Presidente ng Pilipinas.

Hunyo 2022: Ilang buwan ang nakalipas, itinalaga ni Marcos Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) si Duterte, na tinanggap agad niya bilang pagtitiwala umano sa sariling kakayahan na pamunuan ang kagawaran. 

Mayo 2023: Tuluyang nagbitiw si Sara Duterte bilang chairperson at kasapi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), habang si Romualdez ang nagsisilbing pangulo ng partido, sa kabila ng lumalalim na hidwaan sa pagitan ng kampo ni Duterte at liderato ng Kamara.

Dahil dito, kinilala ng ilang mga mambabatas ang pag-alis ni Duterte sa partido bilang isang senyales ng unti-unting pagkawasak sa “UniTeam,” na posibleng magpalala sa mga hidwaang nabuo sa loob ng administrasyon.

Enero 2024: Lumalim ang kanilang alitan matapos akusahan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte si Marcos Jr. ng umano’y paggamit ng ilegal na droga, na sinagot ng Pangulo sa paggiit na maaaring dulot ng paggamit umano ni Duterte ng fentanyl kung kaya’t ganoon ang kanyang mga naging pahayag.

Samantala, sa pahayag ng mga eksperto, mariing nalilihis ang atensyon at interes ng publiko sa tunggalian ng Marcos at Duterte habang tuluyan nang natatabunan ang mga mahahalagang usapin tulad ng edukasyon, kalusugan, at agrikultura. 

Hunyo 2024: Nagbitiw si Sara Duterte bilang Kalihim ng DepEd noong ika-19 ng Hunyo at naging epektibo isang buwan ang nakaraan noong ika-19 ng Hulyo.

Setyembre 2024: Pormal na sinimulan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagdinig ukol sa umano’y maanomalyang paggamit ng P500 milyong confidential funds ng OVP at P112.5 milyong pondo ng DepEd.

Oktubre 2024: Paulit-ulit na hindi dinaluhan ni Sara Duterte ang mga pagdinig, at tinawag niya ang imbestigasyon bilang isang “political theater“. Dahil dito, naglabas ng mga subpoena ang Kamara para sa mga matataas na opisyal ng OVP, kabilang ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.

Nobyembre 20, 2024: Humarap sa Kamara si Atty. Zuleika Lopez. Subalit, pinatawan siya ng contempt citation ng House panel dahil sa umano’y “undue interference” o panggigipit sa imbestigasyon. Partikular na ikinagalit ng mga mambabatas ang pagpirma ni Lopez sa isang liham na nag-uutos sa Commission on Audit (COA) na huwag ibigay sa Kamara ang mga dokumento ng confidential funds. Iniutos ang pagdetine sa kanya sa piitan ng Batasang Pambansa hanggang Nobyembre 25.

Nobyembre 22, 2024: Nagtungo si Sara Duterte sa Kamara upang bisitahin si Lopez. Doon na rin natulog ang Bise Presidente upang samahan ang kanyang pinagkakatiwalaang opisyal. Sa parehong araw, nagkaroon ng matinding tensyon nang mag-utos ang Kamara na ilipat si Lopez mula sa Batasang Pambansa patungo sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City. Ikinabigla at ikinagalit ito ng kampo ng OVP dahil itinuring nilang hindi makatarungan ang pagtrato kay Lopez.

Nobyembre 23, 2024 (Sabado, bandang 2:00 AM – 3:00 AM): Habang nasa loob ng Kamara, nakaranas si Lopez ng umano’y matinding panic at acute stress disorder kung saan siya ay nanginginig at nagsusuka dahil sa takot na ilipat ng bilangguan.

Dahil sa galit, biglang nagpatawag si VP Sara Duterte ng isang madaling-araw na online press conference. Dito niya binitawan ang kanyang kontrobersyal na pahayag laban kina Marcos Jr., sa asawa nito, at kay Romualdez.

Disyembre 2024: Umigting ang usapin ukol sa confidential at intelligent funds matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang datos na nanguna ang Office of the President  sa paggasta umano ng pondo na P2.25 at P2.31 bilyon noong 2023, kasabay na rin dito ang Office of the Vice President na may P375 milyong gastos.

Sa parehong taon at usapin, may mga mambabatas na nanghamon sa Bise Presidente hinggil sa isyu ng paggamit ng P112.5 milyon na confidential funds noong kalihim pa siya ng Department of Education (DepEd), matapos mabigo ng kagawaran na ipakita ang buong liquidation ng pondo.

Setyembre 2024: Inihayag ni Sara Duterte na umano’y hindi niya talaga kaibigan si Marcos at nagkakilala lamang sila nang maging magkaalyado sa halalan noong 2022, kung saan noong panahon lamang din ng kampanya sila nag-uusap at kalauna’y dahil sa trabaho.

Pebrero 2025: Naitala na 215 sa 317 na mambabatas ang pumirma ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte, na nagbigay-daan sa kaniyang unang impeachment. 

Gayunpaman, hindi agad umusad ang kaso sa Senado matapos umano’y mag-adjourn agad ito nang hindi tinatalakay ang ipinadalang Articles of Impeachment at ipinagpaliban na lamang muna.

Marso 2025: Inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3  noong ika-11 ng Marso sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Kinabukasan, noong ika-12 ng Marso, siya ay opisyal na ipinasailalim sa kustodiya ng ICC at dinala sa Netherlands 

Hulyo 2025: Hinarang ng korte ng impeachment proceedings ni Sara Duterte, matapos dinggin ang petisyong inihain ni Duterte, kasama ang isang grupo ng mga abogado sa Mindanao. Itinakda na maaari na lamang magsampa ng panibagong impeachment complaint simula ika-6 ng Pebrero 2026.

Agosto 2025: Inaprubahan ng Senado sa botong 19-4-1 ang mosyong inihain ni Senador Rodante Marcoleta na i-archive ang Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte, kasabay ng desisyon ng korte ng ihinto ang paglilitis sa kaniya.

Pebrero 2026: Naghain ng panibagong impeachment complaints laban kay Sara Duterte ang iba’t ibang mga progresibong organisasyon, na sinuportahan naman ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc.

Marso 2026: Natukoy ng House Committee on Justice na sapat na batayan ang inilatag na impeachment complaints laban kay Sara Duterte upang ituloy ang proseso ng impeachment.

Isang linggo ang nakalipas, nagsimula na ang hearing proper ng Kamara sa mga impeachment complaints laban sa Bise Presidente.

Mayo 2026: Sa ikalawang pagkakataon, muling na-impeach ng House of Representatives (HOR) si Sara Duterte, matapos makapagtala ng boto mula sa mga mambabatas na 255 na pabor, 26 na tutol, at siyam na abstain

Hulyo 2026: Isang taon na ang nakalipas, nagsimula nang gumulong ang impeachment trial ni Sara Duterte sa Senado, kung saan nakatakdang harapin niya ang apat na Articles of Impeachment na umiikot sa paglustay ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman at ari-arian, mga panunuhol at iregularidad sa procurement sa DepEd, at grave threats laban kina Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez.

Setyembre 4, 2026: Naglabas ng arrest warrant ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Sara Duterte kaugnay ng kasong grave threats.

Kaugnay nito, ayon kay Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro, nirerespeto umano ng Malacañang ang ang naging desisyon ng korte sa paglalabas ng warrant of arrest laban sa Bise Presidente.

Setyembre 5, 2026: Isang araw matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest kay Sara Duterte, nagpiyansa ang Bise Presidente sa halagang P360,000 o P120,000 para sa bawat bilang ng tatlong kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98.

Setyembre 7, 2026: Itinanggi ng Malacañang ang pahayag ni Sara Duterte kaugnay sa umano’y planong pag-atake ni Marcos Jr. sa kaniya mula noong 2024, dahil wala umanong sapat na ebidensya para mapatunayan ito, habang kinuwestiyon din ni Castro ang “timing” ng naturang pahayag kasabay ng paglalabas ng warrant of arrest laban kay Duterte. 

Sa parehong araw, naglabas din ang Office of the Vice President ng isang bidyo ni Sara Duterte at iginiit niya na ang “real pressure” na kaniyang kinahaharap ay hindi ang mga kaso hinggil sa grave threats o impeachment, kundi ang kawalan niya ng kakayahan maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sa iba’t ibang usapin tulad ng matinding pagbaha, gutom, at mataas na presyo ng mga bilihin, na ayon kay Duterte ay dulot umano ng administrasyong Marcos Jr.

Setyembre 8, 2026: Gumugulong na ang ika-23 araw ng impeachment trial ni Sara Duterte, kung saan ipagpapatuloy na butbutin ang unang artikulo sa apat na Articles of Impeachment na may kaugnayan sa paglustay niya ng confidential funds.

Sa naging kasaysayan ng alitang Marcos at Duterte, kasabay ng nalalapit na pagtatapos ng kanilang mga termino, nananatili umanong sentro ng pambansang pulitika ang lumalala at lumalalim nilang alitan, habang patuloy na kinahaharap ng bawat mamamayang Pilipino ang mga usapin at isyung nangangailangan ng agarang solusyon ng pamahalaan tulad ng ekonomiya, kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at agrikultura. ■

LARAWANG KUHA MULA SA THE ASSOCIATE PRESS


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya