DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa, lumitaw ang mga problema at panawagan para sa proteksyon at makataong sahod para sa sektor ng mga manggagawa.
  • Ang isa sa mga isinusulong repormang isinusulong ng sektor ay ang pagtaas ng minimum wage mula P429 na magiging P750.

Kasabay ng taunang kilos-protesta ng mga manggagawa sa Calamba Crossing noong Mayo uno, lumitaw sa mga istorya ng mga dumalo ang nagpapatuloy na paghihirap at mga bitbit na panawagan.

Sa kabila ng tumataas na bilihin, hindi ‘pa rin sapat ang minimum wage na P429 sa Southern Tagalog para mabuhay ang pamilya ni Georgina Bagon, isang mananahi at lider ng isang organisasyon ng mga kababaihang manggagawa sa Cavite Economic Zone. 

“Ang pinakaproblema namin dun ay kontraktwalisasyon, hindi kami ni-reregular atsaka unang-una na din ang sahod, napakaliit na sahod … napakalayo sa sahod sa Manila na kung tutuusin ay pare-pareho lamang naman. ‘Yung presyo ng bigas, ng gulay, ng transportasyon at kung tutuusin ay mas mataas pa Manila yung ginagastos namin sa probinsya,” aniya.  

Saad niya sa Tanglaw, kailangan pa niyang magtrabaho ng overtime upang matugunan lamang ang kanilang pangangailangan sa araw-araw. Kanilang ipinanawagan ang pagtaas ng minimum wage sa P750 at tuluyang wakasan ang lumalalang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa ng rehiyon.  

Dumalo ang mga miyembro ng Liga ng Kababaihang Manggagawa.
Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw reporter

Maliban sa mababang pasahod at kontraktwalisasyon, banta rin sa seguridad ng mga manggagawa ang operasyon ng mga pwersa ng estado kontra sa mga pagkilos ng sektor. Ayon kay Richard Insentes, Board of Director ng Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU)-OLALIA-KMU, patuloy ang panggigipit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga manggagawa. 

“Ang NTF-ELCAC na hindi naman dapat sila ay nanghaharass ng mga mangagawa, wala silang papel na dala ang gusto kasi nila mangyari ma-disaffiliated kami sa unyon, na alam naman namin na ang unyon ay legal at may dokumento yun,” pahayag niya. 

Nagkaroon rin ng pagkakataon sa programa na ipahayag ang kolektibong paghihirap ng sektor, na iniugat sa mga neoliberal na patakaran ng administrasyon na iniimpluwensiyahan ng mga Kanluraning bansa gaya ng Estados Unidos.

Kasabay ng mga protesta, lumipad naman patungo sa Esatdos Unidos si Marcos bilang bahagi ng pagpapalawig ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbibigay ng adisyunal na base-militar at interbensyon ng US sa bansa.

Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw reporter

 

Dumalo rin sa tradisyunal na pagtitipon ang mga lider-estudyante, gaya ni Angel, isang mag-aaral mula sa UPLB at kasapi ng Anakbayan Southern Tagalog. Bilang isang working student, naglahad din ng karanasan si Angel sa estado ng mga manggagawa. Ang pagtatrabaho ng part time sa isang fast food restaurant, ay kanyang pinapangtustos sa pag-aaral. 

“So yung 50 per hour ko before ay pantulong lang sa akin, sa pag-aaral ko, pero isipin mo yung mga kasama ko dun ay malalaki na. So sa akin [nga] hindi sumasapat, part-time lang pero sa kanila ‘yun yung pamhabang buhay nila,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Angel ang pakikiisa ng kaniyang grupo sa panawagan ng mga manggagawa. “Nakikiisa ang Anakbayan Southern Tagalog, pati lahat ng kabataan at mga pangmasang organisasyon sa UPLB, dahil naniniwala kami na itong klase ng kahirapan na nararanasan ng mga manggagawa ay magpapatuloy patungo sa mga susunod pang henerasyon,” aniya.

Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw reporter


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya