Isinulat ni Neil Andrew Tallayo kasama ang mga ulat nina Mar Jhun Daniel, Jian Martin Tenorio, Jayvee Mhar Viloria, Mervin Delos Reyes, Dan Alexander Abas, at Marius Cristan Pader.
DAPAT MONG MALAMAN
- Tinupok ng apoy ang isang hardware store sa may Brgy. San Antonio, Los Banos kagabi.
- Wala namang nasawi sa nangyaring sunog ngunit inaalam pa rin ang sanhi ng nasabing insidente.
Ngayong National Disaster Resilience Month, tinupok ng apoy ang isang hardware store sa National Highway, Brgy. San Antonio, Los Baños kagabi, Hulyo 6, bandang 8:00 p.m. Kasalukuyan pa ring inaalam ng mga awtoridad ang sanhi at halaga ng sirang idinulot ng sunog.
Itinaas sa second alarm ang sunog na nangailangan na ng tulong mula sa mga lokal na sangay ng Bureau of Fire Protection ng mga kalapit na bayan at barangay. Kabilang sa mga rumesponde ay ang mga bumbero ng Los Baños; Bay; Canlubang, Calamba City; Cabuyao City; at Batong Malake Fire Brigade.

Ayon sa kuwento ng isang saksi na si Ogie Almeda na nakatira malapit sa nasunog na hardware, nagsimula na silang lumikas ng kaniyang pamilya nang makita ang apoy.
Matapos ang mahigit dalawang oras, idineklara nang fire out ang sunog bandang 10:35 pm. Ayon kay Fire Officer 1 John Ford Diaz, walang ibang establisimiyento ang nadamay sa sunog. “‘Pagdating po ng ating Batong Malake Fire Brigade at LBFS [Los Baños Fire Station] ay nag-cover exposure muna kaya walang nadamay. Na-contain naman lahat na hindi kumalat.”

Ang sunog ay nagdulot din ng matinding trapiko sa National Highway. Ayon sa kapitan ng Brgy. San Antonio na si Relly Palis, kinailangang pahintuin ang mga sasakyan na isa sa naging sanhi ng trapiko. “Kailangang i-mobilize ang mga bumbero dito, at tiyaka sobrang init din kanina.”
Samantala, pinalalahanan din naman ni Palis ang mga residente na panatilihin ang pag-iingat upang maiwasang maulit ang nasabing insidente. “Dagdagan natin ‘yung mga kaalaman natin tungkol sa mga… kung pa’no hindi magkasunog, how to manage in case of fire, ‘yung mga preparedness natin.”
Batay naman sa ulat ng LB Times, kinumpuni na ang mga linya ng kuryenteng naapektuhan ng sunog kaninang hapon.





You must be logged in to post a comment.