Kasama ang mga ulat nina Jian Martin Tenorio, Leonard Magadia, Franz Llagas, Karylle Payas, Luke Cerdenia, Dianne Barquilla, Juliana Anishka Cassandra, Angelleanne Marfa, Reg Gubatan, Aliah Ombania, at Eunice Umandap
DAPAT MONG MALAMAN
- Sumentro ang ilang mga ipinasang resolusyon sa tema ng transparency at accountability mula sa UP at Marcos administration sa katatapos lamang na UP Solidaridad Congress 2025.
- Sampung resolusyon ang naipasa matapos ang dalawang araw na talakayan.
- Magkakaroon ng E-SoliCon upang balikan ang mga resolusyong hindi natapos na butbutin sa pagpupulong.
Matapos ang dalawang araw na pagbubutbot sa iba’t ibang danas ng mga campus journalist ng UP System, mga resolusyong nakaangkla sa transparency at kalagayan ng mga mamamahayag pangkampus ang lumutang mula sa ikalawang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) 2025 kahapon, ika-6 ng Agosto.
Isa sa mga ito ang “Resolution Urging the UP Board of Regents (BOR) to Allow UP Solidaridad and Member Publications to Cover BOR Meetings,” na mag-isang inihain ng Philippine Collegian ng UP Diliman.
Nais bigyang-diin ng resolusyong ito ang panawagan para mabuksan ang mga pagpupulong ng BOR sa mga mamamahayag mula sa alyansa upang masiguro ang transparency at pananagutan ng mismong administrasyon ng Unibersidad.
“The University’s constituent sectors, as well as the broader general public, are guaranteed the right to access information from the BOR, as a public institution accountable to the people, in a manner that shall not impede their freedom of speech, of expression, or of the press, as assured by Article III, Section IV and VII of the 1987 Constitution of the Philippines,” saad ng isa sa mga sugnay ng resolusyon.
Sa kasalukuyang lagay ng mga student publication ng Unibersidad, kabilang sa kanilang mga primaryang tinututukan ay ang mga isyung sentro sa kalagayan ng sangkaestudyantehan na may kaugnayan sa aspeto ng pamamahala sa pamantasan.
Ayon sa resolusyon, mabigat ang gampanin ng mga pahayagan sa pagsisiwalat ng katotohanan at pagiging kritikal na bantay sa mga makapangyarihang institusyong katulad ng BOR.
“The University’s campus press formations have long stood at the forefront of spearheading the truth through their reportage and have served as a critical watchdog over bureaucratic institutions such as the BOR.”
Subalit, batid din umano ng mga publikasyon na may kahirapan ang pagbabalita ng mga isyung ito sapagkat nananatili ang kakulangan sa kabuuang konteksto ng mga usapan, partikular na sa mga pagpupulong ng BOR. Sa kasalukuyang ayos, ang mga pagpupulong na ito ay nananatiling pribado at pili lamang ang mga detalyeng nailalathala sa UP Gazette, ang opisyal na pahayagan ng Office of the Secretary of the University (OSU).
Sa isang manipestasyon mula sa The Manila Collegian ng UP Manila, sinabi nilang sila mismo ay nakaasa lamang sa mga ibinababang update ng Office of the Student Regent (OSR) sa tuwing sila ay nag-uulat tungkol sa mga kaganapan sa BOR.
Dahil dito, idiniin sa resolusyon ang kahalagahan na himukin ang nasabing lupon sa pagiging transparent sa kanilang mga talakayan lalo na sa mga usaping may kinalaman sa pagdedesisyon para sa Unibersidad upang mas makalikha ng mga komprehensibong ulat ang mga pahayagan na ilalatag sa UP constituents.
Imbestigasyon sa mga nakatenggang imprastraktura
Sa pagpapatuloy ng usaping transparency, ipinasa rin sa pagpupulong ang mga resolusyong sentro sa pangangalampag sa administrasyon upang tugunan ang mga pangangailangan ng sangkaestudyantehan pagdating sa pasilidad at pondo.
Pinalamnan ito ng ulat mula sa The Manila Collegian, kung saan isinaad nilang walo pa lamang mula sa 58 na infrastructure projects sa UP Manila ang natatapos habang ang karamihan ay nananatiling nakatengga.
Sa UP Diliman naman, ang ilang mga kolehiyo tulad ng College of Media and Communication at College of Fine Arts ay patuloy na nakararanas ng mga gusaling sira-sira, kung saan mas lumalala ang mga tumutulong bubong at inaanay na mga kagamitan.
Higit sa lahat, matatandaang naghain din ng P2.4-bilyong budget cut ang Department of Budget and Management para sa UP ngayong 2025, na siyang maaaring maging dahilan pa ng pagkaantala ng mga proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang constituent units.
Kaya naman, kaagad na naipasa sa SoliCon ang “Resolution Mobilizing UP Solidaridad and its Member Publications to Demand Urgent and Systematic Action on Delayed Infrastructure Projects and Deteriorating University Spaces by Strengthening Newsroom Capacities for Investigative and Data-grounded Reportage across the UP System,” na magkakasamang inihain ng UPLB Perspective, The Manila Collegian, at Frontliner ng UP Diliman Extension Programs in Pampanga and Olongapo.
Layon nito na patalasin ang kondemnasyon sa administrasyon buhat ng mga napapatagal na proyektong imprastraktural sa iba’t ibang constituent units ng UP System sa pamamagitan ng paglilikha ng mga imbestigatibong ulat sa kasalukuyang lagay ng mga ito.
Bukod dito ay iminungkahi rin ng resolusyon na makipagtulungan ang UP Solidaridad sa iba’t ibang sektor hinggil sa nasabing isyu, gaya ng mga student council, academic employees’ union, at workers’ union, upang masiguro ang multisektoral na pagsisikap para sa mga pang-estudyanteng espasyo.
Pagsisiyasat sa student development fees
Pagdating naman sa kapakanan ng mga pahayagang pangkampus, naghain ng resolusyon ang The Cursor ng UP Open University, The Staple ng UPLB College of Economics and Management, at UP Baguio Outcrop upang imbestigahan ang alokasyon ng student development fees na kinokolekta sa bawat mag-aaral ng UP System.
Bagaman nakasaad sa Section 21 (b) ng Republic Act No. 9500 o University of the Philippines Charter of 2008 na bawat pahayagan ay popondohan ng student fees, lumabas sa unit report ng nga pahayagan sa SoliCon 2025 ang kawalan ng pondo o ng access dito.
Ayon sa resolusyong pinamagatang “A Resolution Urging a System-Wide Probe into the Allocation of Student Development Fees and Guaranteed Funding Support for Student Publications in the University of the Philippines,” ang kasalukuyang kalagayan ng pondo ng mga pahayagan ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na operasyon ng mga mamamahayag.
Bahagyang isinalaysay sa resolusyon ang mga danas ng mga may akdang pahayagan, kabilang na ang naging karanasan ng The Staple, kung saan isa sa mga naging hadlang sa pagtatayo ng kanilang publikasyon noon ang problema sa pondo.
Upang tugunan ang mga kahirapan sa pondo ng mga publikasyon, hinihikayat ng resolusyon ang alyansa na kolektibong kalampagin ang administrasyon ng UP upang mas maging bukas ang mga panuntunan hinggil sa student development fees, kabilang na ang sinusunod na pamantayan para sa pagpapamahagi nito sa mga konseho at pahayagan.
Mga panawagan para sa pananagutan
Samantala, patuloy naman ang pakikibaka ng UP Solidaridad para sa pananagutan hinggil sa iba pang mga isyung kinahaharap ng sangkaestudyantehan at ng iba’t ibang sektor ng lipunan batay sa iba pang mga naipasang resolusyon noong Miyerkules.
Kabilang dito ang resolusyong naglalayong paigtingin ang pagbabantay kontra sa lumalalang militarisasyon sa mga pamantasan, na iniakda ng Himati ng UP Mindanao.
Kasama rin dito ang resolusyong sentro sa pakikiisa sa pakikibaka para sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na sama-samang inihain ng The Manila Collegian, Pagbutlak ng UP Visayas College of Arts and Sciences, at UP Vista ng UP Tacloban.
Naipasa rin ang resolusyong binuo ng Philippine Collegian ng UP Diliman at ng Tug-ani ng UP Cebu na nakikiisa sa pagkundena sa kawalan ng pananagutan sa nangyayaring genocide at imperyalismo sa Palestine, kung saan hinihimok ang mga kasapi ng alyansa na tumindig sa pamamagitan ng militanteng pamamahayag.
Iba pang kampanya para sa mga batayang karapatan
Mayroon ding mga naipasang resolusyong nakatuon sa mga isyung pang-agrikultura sa pangunguna ng mga publikasyon sa UPLB, Tanglaw, The Staple, at UPLB Perspective. Kabilang dito ang dalawang resolusyon: isang tumutunggali sa Philippine Agriculturists Act at isa pang tumitindig laban sa development aggression sa rehiyon.
Naipasa rin ang resolusyong inihain ng The Manila Collegian, Pagbutlak, at Lanog ng UP Cebu College of Communication, Art, and Design tungkol sa Campus Press Freedom Bill. Sa naipasang resolusyon naman na mula sa Tug-ani, binigyang-diin ang paghihikayat na alalahanin ang mga rebolusyonaryong martyr mula sa UP System.
Bagaman hindi natapos na talakayin ang iba pang mga resolusyong nakahain sa SoliCon kahapon dahil sa kakulangan ng oras, magpapatuloy naman ang pagbubutbot sa mga ito sa darating na E-SoliCon o online na bersyon ng pagpupulong sa petsang tatakdain ng alyansa.
ERRATUM: Imbis na resolusyon ng UP Baguio Outcrop at Himati na tungkol sa krisis sa edukasyon sa Unibersidad, ang resolusyong inihain ng The Manila Collegian, Pagbutlak, at Lanog tungkol sa Campus Press Freedom Bill ang naipasa.
Paumanhin po! – Jian Martin Tenorio, Tanglaw Editor in Chief



