Isinulat ni Airon Villanueva, Tanglaw Apprentice
- Nagkasa ng malawakang kilos-protesta ang mga progresibong grupo upang ipatambol ang pagpapabagsak sa imperyalistang IRRI.
- Ayon sa mga kalahok sa protesta, walang takot na pinababayaan ng IRRI ang mga magsasaka’t manggagawa nito habang tinatamasa ang mga pribilehiyong tax exemptions at immunity from suit mula sa PD 1620.
- Isa rin sa mga panawagan sa pagkilos ang panghihikayat para sa mas masikhay na pakikibahagi ng kabataan upang mapalago ang agrikultura ng bansa.
“IRRI Out, Now!“
Iyan ang panawagang bitbit ng mga magsasaka, kabataan, at iba pang progresibong grupo laban sa International Rice Research Institute (IRRI) bilang pagkondena sa anila’y pananamantala nito sa mga magsasaka at likas na yamang agrikultural ng bansa, sa ikinasang malawakang pagkilos mula UPLB Obdulia F. Sison Hall (OFSH) patungo sa tapat ng institusyon kahapon, ika-13 ng Abril.
Matatandaang ipinagdiwang ng IRRI ang ika-66 taon ng pagkakatatag nito noong ika-4 ng Abril, ngunit sa mahigit anim na dekada nitong operasyon, iginiit ng mga kalahok sa protesta ang mas tumitindi umanong kahirapang nararanasan ng mga pesante. Ayon sa kanila, isa umano itong pruweba na huwad ang institusyon sa layunin nito para sa isang siyentipikong produksyon ng bigas at iba pang agrikultural na produkto na tutugon sa kagutuman at kasalatan ng mga mamamayang Pilipino.
Bilang sinasaklawan ng Presidential Decree 1620, iginiit ng mga progresibong grupo sa pagkilos na hindi makatarungan na nakatatanggap ng pribilehiyo ang dayuhang IRRI mula sa pamahalaan—katulad ng tax exemptions at immunity—sapagkat nagkakaroon ito ng kapangyarihang samantalahin ang mga lupain sa bansa habang isinasawalang-bahala ang mga lokal na magsasaka.
Ang mga nasabing pribilehiyo ay nagbibigay kapangyarihan sa institusyon na mawalan ng pananagutan sa pagbabayad ng buwis at mapasawalang-sala sa anumang paglabag sa batas.
“Sa ngayon, nagpoprotekta rito [sa IRRI] ang Presidential Decree 1620 ni dating Pangulong Marcos, kung saan binibigyan [sila] ng immunity from suit… Malakas ang kapangyarihan ng IRRI. Biruin ninyo, bukod sa presidente, IRRI lamang ang hindi puwedeng kasuhan sa ating bansa,” saad ni Alfie Pulumbarit, national coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG).
Inilantad rin ni Pulumbarit ang masalimuot na kalagayan ng mga magsasakang pinatalsik ng IRRI na malubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng binhi, fertilizer, at pesticide. “Kung titingnan niyo po ang pangunahing misyon ng IRRI ay [rice] science for a better world, pero parang iba ang ginagawa ng IRRI para sa mga magsasaka at mamamayan. Hindi po rice science for a better world, kundi rice science for a bitter world,” sigaw niya.
Binigyan-diin naman ni Elmer Portea ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization – Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (STARTER-PISTON) ang patuloy na paghahari ng mga kapitalista sa bansa, kung saan ang mga pangyayari sa kasalukuyan ay “hindi paglilingkod sa sambayanang Pilipino” kundi “paglilingkod sa mga dayuhan.”
Dagdag pa rito, ipinahayag ni Portea ang pakikiisa ng mga tsuper sa laban ng mga magsasaka. “Atin pong ipinaaabot ang mahigpit na pagsuporta ng hanay ng transportasyon sa laban ng magsasaka dahil ang laban ng magsasaka at laban ng mga tsuper ay hindi magkakaiba kaya tuloy ang ating laban,” saad niya.
Sa panayam naman kasama si Ka Bayani, magsasaka mula sa MASIPAG, nanawagan siya na makibahagi ang kabataan sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Pilipinas. “Para sa mga kabataan, dapat maisipan nila na ang agrikultura ang siyang bumubuhay sa buong lipunan,” pagbibigay-diin niya.
Bago ang naganap na pagkilos, nagkaroon ng film showing ng dokumentaryong “Feeding Lies” ng KI Multimedia sa UPLB OFSH kung saan inilantad ang pang-aabusong natamo ng mga pesante sa kamay ng imperyalistang IRRI. ■
KUHA NI GEL MENDOZA


