Isinulat ni Reign Aoalin, Tanglaw Apprentice
- Nagtipon ang mga unyon ng mga manggagawa, sangkaestudyantehan, mga artista ng bayan, at iba pang sektor mula sa Timog Katagalugan upang lumahok sa malawakang pagkilos para sa Mayo Uno 2026 sa Crossing, Calamba.
- Ginamit ang entablado upang kundenahin ang anila’y pang-aalipusta ng iba’t ibang mga kapitalistang korporasyon at kumpanya sa mga manggagawa, pati na rin ang pagpapahirap ng imperyalistang US at rehimeng Marcos-Duterte.
- Isinulong sa demonstrasyon ang mga panawagan para sa karapatan ng mga manggagawa, kabilang ang makatarungang kondisyon ng paggawa, nakabubuhay na sahod, at kalayaan sa pagpapahayag.
Dinagsa ng laksa-laksang unyon ng mga manggagawa at progresibong grupo mula sa Timog Katagalugan ang Crossing, Calamba upang makiisa sa malawakang pagkilos na ikinasa bilang paggunita sa ika-123 Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Biyernes, ika-1 ng Mayo.
Bitbit ang temang “Manggagawa, Ibayong Palakasin ang Pakikibaka para sa Kabuhayan at Karapatan! Mahigpit na Panghawakan ang Maso at Bumigwas laban sa Nagpapatuloy na Kahirapang dala ng Imperyalistang Digma ng Estados Unidos, at Katiwalian ng Rehimeng Marcos at Duterte!,” sama-samang nakibaka ang mga nasa hanay upang isulong ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino.
Nagsimula ang desentralisadong pagkilos ng mga delegado mula sa UPLB, kabilang ang iba pang grupo, sa harap ng Olivarez Plaza, Los Baños at nagpatuloy sa Halang, Calamba. Matapos ang mga paunang programa ay nagmartsa ang mga kalahok papuntang Crossing, Calamba kung saan inilunsad ang rehiyunal na kilos-protesta pasado alas-12 ng tanghali.

Bitbit ang mga plakard at balatengga, ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang rebolusyonaryong diwa habang pinagpupugayan ang mga turo at impluwensya ng kanilang mga guro na sina Karl Marx, Friedrich Engels, Joseph Stalin, Mao Zedong, at Jose Maria Sison.
‘Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!’
Pagkatapos ng salubungan ng iba’t ibang hanay at pagsasagawa ng isang military drill, opisyal na sinimulan ni Antonio Fajardo, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), ang programa sa pambungad na talumpati.
Iginiit niyang hindi masosolusyunan ang pagsirit ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin kung hindi itataas ang sahod at bubuwagin ang kontraktwalisasyon.
Aniya, hindi ito ibibigay ng pamahalaan sa madaling paraan, kaya hinikayat niya ang mga nakilahok na ipagpatuloy ang mga pagkilos upang mamulat ang sambayanan sa reyalidad na mayroon ang lipunan. “Hindi magbabago ang bulok na lipunan kung hindi ito pangungunahan ng uring manggagawa,” dagdag ni Fajardo.
‘Sahod itaas! Presyo ibaba!’
Binigyang-pansin naman ni Marife Valdeavilla mula sa Alyansa ng Mga Manggagawa ng Probinsya ng Laguna – KMU (ALMAPILA-KMU) ang barat na daily minimum wage na pinagtitiisan ng mga manggagawa na umaabot lamang sa P500-P600 kada araw.
Aniya, napakalaking insulto nito sa mga manggagawang nagsisilbing gulugod ng pambansang ekonomiya. Imbes umanong bigyan ng nararapat na kompensasyon, pamamasista at panunupil sa kanilang karapatang pantao ang natatanggap nila mula sa pamahalaan at malalaking kapitalista.
Iginiit niya ang pagpapatupad sa P1,200-family living wage at ang pagbasura sa value added tax at excise tax sa gitna ng patuloy na pagtaaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin bunsod ng giyerang agresyon ng US-Israel sa Kanlurang Asya.
Paglabag sa Collective Bargaining Agreement
Samantala, ibinunyag naman ng tagapangulo ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc. ang panggigipit umano ng Gardenia sa mga manggagawa nito.
Nagsimula aniya ito noong Disyembre 2025, nang lumabag ang kumpanya sa mga probisyon ng Collective Bargaining Agreement (CBA), kasabay ng baluktot na basehan ng isinampang kaso sa mga manggagawa, kaugnay ng hindi nila pagpasok ng ilang araw noong holiday season.

Idinidiin umano ng kumpanya na hindi sila sumunod sa isinagawang survey na nais pagkasunduan kung magkakaroon ba ng pasok sa holiday season, ngunit, ayon sa mga manggagawa, taliwas ito sa katotohanan, sapagkat wala naman umanong naganap na survey o kahit na anong konsultasyon sa kanila. Dahil dito, napagpasyahan nila na lumiban muna sa trabaho upang makapiling ang kanilang mga pamilya sa panahon ng holiday.
Bukod sa usapin ng holiday ay sunod-sunod na paglabag pa umano ang ginawa ng kumpanyang Gardenia at ng Philfoods Fresh-baked Products, Inc. sa naitakdang mga probisyon ng CBA ng mga unyon sa loob nito.
Kamakailan lamang ay nagtungo ang mga manggagawa ng rehiyon, sa pangunguna ng PAMANTIK-KMU, sa pambansang tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang kalampagin ang tanggapan hinggil sa mga paglabag ng Gardenia at Philfoods sa karapatan ng mga manggagawa, kabilang na ang pagkakaso ng insubordination sa dalawang union leader sa ilalim ng dalawang kumpanya.
Panawagan ng iba pang batayang sektor
Tumindig naman si Rowena Matienzo mula sa Kilusan ng Manggagawang Kababaihan sa Timog Katagalugan (KMK-TK) nang ipinahayag niya ang hindi matatawarang papel ng kababaihan hindi lamang sa paggawa, kundi pati na rin sa pakikibaka para sa karapatan ng mga manggagawa, na nakapagpabalik sa apat na opisyales ng unyon na tinanggal noon ng Nexperia.
Ngunit sa kabila ng mga napagtagumpayan ng kanilang mga pagkilos, iginiit niyang kasalukuyan pa rin silang nakararanas ng panggigipit. Kaugnay ito ng makupad na pagproseso at pagpirma sa CBA na nais magsaalang-alang sa mga hinaing ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines.
Binuweltahan naman ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) ang “makakaliwang” pagtingin ng estado sa kanilang unyon.
Anila, ang mga magsasaka mismo ang gumagawa ng paraan upang sila ay magkaroon ng sariling pananiman, sapagkat huwad at pro-pyudalismo umano ang rehimeng Marcos Jr. na pumapanig lamang sa kapitalista at imperyalistang interes ng mga pribadong korporasyon.
Inanyayahan din nila ang kabataan na makipamuhay sa mga magsasaka upang mamulat sila sa reyalidad na mayroon ang sektor na bumubuhay sa kalamnan at sikmura ng bawat mamamayang Pilipino.

Umiral naman ang pagpuna at pagkondena sa mga development aggression bunsod ng sunod-sunod na mga demolisyon ng mga bahay sa Dasmariñas, Cavite; San Isidro Rodriguez, Rizal; Purok 6B, Bambang, Los Baños, Laguna; at Talaba Dos, Bacoor.
“Tayo ang mag-de-demolish sa bulok na sistemang ito at itatatag ng mamamayan ang alternatibong lipunan kung saan hindi na tayo manlilimos ng ayuda, kung saan ibinigay na sa atin ang karapatan sa lupang panirikan, trabaho, sahod, at serbisyong panlipunan,” giit ni Grace Arias ng Bayan Muna – Southern Tagalog.
‘Militar sa kanayunan, palayasin!’
Hindi naman nagpasindak ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) sa intimidasyon ng kapulisan na humarang sa kanila habang bumabyahe papunta sa panrehiyong programa sa Crossing, Calamba.
“Sadyang binutas ang gulong at binangga nila ang aming mga jeep. Tinapatan kami ng mahabang mga baril at pinagbintangan na kami [ay] lumabag dito sa ating karnesyon. Ngunit mismo ang LTO [Land Transportation Office] na ang umamin na wala ho kaming nilabag, at tangi ang mga kapulisan lamang ang naggigiit na kami [ay] harangin dahil mga ‘aktibista’ raw ang sakay ng jeep,” saad ni Miriam Villanueva, isang lider-pesante mula sa KASAMA-LR.
Sa loob ng ilang dekada ay nakapailalim din ang mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Cavite sa militarisasyon at intimidasyon bunsod ng pang-aagaw sa kanilang lupang sakahan.
Hindi rin pinalagpas sa pagkilos ang pagbatikos sa tinatayang nasa P40 bilyong pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong taon na inilalaan lamang umano sa pagpapaigting ng pasistang mga taktika ng estado.
Kaugnay nito ang usapin ng lumalalang militarisasyon sa iba’t ibang panig ng bansa, gaya ng Timog Katagalugan na sa kasalukuyan ay may 18 bilanggong pulitikal at pumapangalawa sa may pinakamaraming biktima ng mga gawa-gawang kaso ng estado.

Bunsod nito, kolektibong binatikos ng mga nagkilos-protesta ang AFP na anila’y numero unong yumuyurak sa karapatang pantao ng mga pumipiling tahakin ang landas ng paninilbihan at pakikipamuhay kasama ang mga maralita sa kanayunan.
Emosyonal naman na binigyang-pugay ang Toboso 19, kabilang na sina Alyssa Alano, RJ Ledesma, Maureen Santuyo, Errol Wendel, Roel Sabillo, at Lyle Prijolles.
Kamakailan lamang noong Abril 28 ay pinaslang ng AFP sa Toboso, Negros Occidental ang 19 na indibidwal, kabilang na ang mga sibilyan.
‘Ang karit, ang maso, dudurog sa estado!’
Kasabay ng pag-alingawngaw ng mga kritikal na panawagan ng mga manggagawa ay ang pag-ugong ng mga kultural na pagtatanghal ng mga artista ng bayan gaya ng Umalohokan Inc., Kulturang Ugnayan ng Makabayang Sining Anakpawis (KUMASA), at Southern Tagalog People’s Chorale (STPC).

Sa bandang dulo naman ng programa ay sama-samang nasaksihan ng mga kalahok ang pagsusunog ng effigy na naglalarawan ng barkong pandigma, kung saan nakasakay ang mga kawangis nina US President Donald Trump, Marcos Jr., at Sara Duterte na anila’y mga pangunahing promotor ng pagkakabaon ng mga ordinaryong mamamayan sa kahirapan.
Matapos nito, pormal na nagtapos ang programa sa sabay-sabay na pag-awit ng mga kalahok sa “Ang Internasyunal.” ■
KUHA NI YESHA MELITON, TANGLAW APPRENTICE



You must be logged in to post a comment.