Vallyrie Suzzane Navia


Tumungo ako sa Halang, Calamba noong Mayo 1 upang salubungin ang kilos-protesta na inihanda bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. At sa mga panawagan ng bawat sektor mula sa matinding krisis hanggang sa hindi makataong sahod ng mga manggagawa, nakita ko ang nagliliyab na pagmamahal ng masa sa pakikibaka.

Bago simulan ang martsa papuntang Crossing, Calamba ay nagkaroon muna ng sentruhan sa Halang. At habang nirerehistro ng delegasyon ang kanilang mga panawagan, nanunuot sa swelas ng aking mga sapatos ang init ng kalsada. 

Ito’y marahil sa napakatinding init ng panahon, ngunit isa lang ang tumatak sa akin noong mga oras na ‘yon: nakahanap ako ng katiyakan sa gitna ng magulong krisis, at ‘yon ay ang lugar sa pagitan ng pakikibaka—ang mainit na piling ng masa.

Kaya nang simulan namin ang pagmamartsa patungo sa Crossing ay umalingawngaw ang mga panawagan na nasulat sa bitbit naming plakard. Dama ng bawat isa sa amin ang pagtagos ng pwersa ng masa laban sa mapang-aping estado. Halos binuo ng sektor ng mga manggagawa ang kalakhang miyembro ng delegasyon, at karamihan pa sa kanila ay nagmula sa iba’t ibang probinsya sa Timog Katagalugan. Ngunit kahit sa ilalim ng tirik na araw, batid na ang pag-asa’y hindi matutunaw kailanman ng kahit anumang panunupil o pananamantala.

Ang daloy ng hanay ay mabilis at may kaakibat na sigasig—dama sa bawat sigaw ng masa ang idinidiin na pangangailangan para sa tunay na pagbabago, kasabay pa ng hinagpis sa mga biktima ng Toboso 19 at mga proletaryadong inalay ang kanilang buhay bunsod ng humahagupit na krisis sa bansa. 

Sa gitna ng pagtakbo ko at pakikipagpalitan ng panawagan, tumama sa akin ang isang katanungan: sino ako sa gitna ng masa? Isang alagad ng midya o isang aktibista?

Dahil malinaw para sa akin ang pagiging estudyante ko, hindi hamak na dala-dala ko pa rin ito kahit sa labas ng silid-aralan. Ngunit alam kong may iyayabong pa ang wangis ko sa lansangan kung saan kabilang ako sa masa—sa malawakang kilusan. 

Kung kaya’t sinubukan kong tarukin ang linya ng aktibismo at peryodismo habang nasa gitna ako ng programa. Dahil sa kinagisnan ko noong high school, ang turo sa amin ay walang pinapanigan ang pagiging peryodista, at kung mayroon man ay ‘yun ang obhektibong katotohanan. 

Subalit sa mga dumaang panahon na nagmulat sa akin sa karahasan ng estado laban sa masa at sa patuloy na pagpaslang sa mga katulad ni RJ Ledesma, na layuning itawid ang mga karanasan ng mga maralita, naunawaan ko na ang maging isang peryodista ay isang anyo ng pakikibaka. 

Sa mga kilos-protesta tulad ng Mayo Uno, hindi lamang transaksyonal ang pagdalo naming midya kung saan ang natatanging hangarin namin ay ang makabuo ng isang balita. Naunawan ko na mayroong kinikilingan ang mga alagad ng midya, lalo na ang mga alternatibong pahayagan—at nakaugat ito sa boses ng masa, hindi sa kahit sino mang naghaharing uri sa lipunan. 

At doon ko mismo nahawakan ang kalayaan ko sa pagpili kung anong landas ang aking tatahakin bilang bahagi ng midya at ang mga layunin na nais kong isabuhay bilang isang indibidwal. Naniniwala ako na ang pagiging aktibista ay hindi malayo sa pagiging peryodista dahil iisa lamang ang kanilang pinag-uugatan: ang manindigan sa masa.

Sa paglubog ng araw sa Crossing, hindi lamang ako pinanday ng Mayo Uno; binuhay ako ng masang masikhay sa pagsulong sa aming mga karapatan. Ninanakaw ng estado ang mga buhay ng Pilipino at nilalamon ng takot ang ating sigla, ngunit sa pagitan ng masa, mas pinatalas ng kolektibong tapang ang aking pag-asa upang ipagpatuloy ang paglaban sa hamon ng buhay. Ang mga hamon na dulot ng isang sistemang puno ng kalapastanganan. Sa pagtatapos ng kilos-protestang ito, bitbit ko ang aking mga karanasan katuwang ang mga nag-aalab na puso ng masa. Dahil sa panig nila, alam kong hindi pa tapos ang laban. ■

Si Vallyrie Suzzane Navia ay isang freshman mula sa BS Development Communication, at ang wangis niya ay binabalangkas ng mga salitang nilalayon niyang ipahayag sa masa. Sa mga bakas ng kaniyang yapak, hangarin niyang maggunita bilang isang epektibong manunulat.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya