Pagitan ng Pagkilos


Bago ang lahat, gusto ko munang linawing isinusulat ko ang piyesang ito bunsod ng aking sariling kamulatan. Hindi ako humingi ng pahintulot kanino man, at lalong hindi ako isang mangmang na may blangkong isipang napipilitang magpakabusog sa mga ideyang ‘di katanggap-tanggap sa iba. Isa akong manunulat, peryodista, at tao na may kapangyarihang magpasya.

Sa totoo lang, nakalulungkot na kailangan kong simulan ang aking kolumn sa ganitong pamamaraan. Kalat na kalat kasi iyong mga hangal na naratibo tungkol sa 19 na mga biktima na pinaslang ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang operasyon sa Toboso, Negros Occidental noong nakaraang linggo. Dalawa sa kanila ay sina Alyssa Alano at Maureen Keil Santuyo, mga estudyante ng Unibersidad. Kasama rin sa mga pinatay si RJ Ledesma, isang community journalist ng Paghimutad-Negros. 

Ayon sa pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas, siyam sa 19 na mga biktima, kabilang ang mga nabanggit, ay mga sibilyan. Apat do’n ay menor de edad. Direkta nitong pinasisinungalingan ang alegasyon ng AFP na lahat ng kanilang pinaslang ay mga pulang mandirigma.

Hindi pa nagpakasapat ang estado sa karahasang kanilang ginawa. Nagpasya pa silang muling patayin ang mga biktima sa bisa ng mga gawa-gawang naratibong pinalalaganap ng mga bayarang troll, na kesyo kahingian daw malaman kung sino ang nagpahintulot sa mga biktima na tumungo sa kanayunan, kung ano ang ginawa ng kanilang organisasyon upang sikaping hindi sila mapahamak, o kung paano sila na-indoctrinate ng mga progresibong grupo para makipamuhay sa mga magsasaka. 

Bukod pa ito ro’n sa mga masahol na mga salitang direktang dinedehumanisa ang mga biktima. 

Halata mang patibong ang retorikang ito, may iilan pa ring mga petiburges—mga propesyonal at ibang kapwa-estudyante—na naniniwala rito. Kinukwestyon nila kung nagpaalam daw ba sa lokal na pamahalaan ang mga biktima para sa kanilang pananaliksik, iyong mismong lokal na pamahalaang nangangamkam ng lupa ng mga magsasaka, o kung ano raw ang ethical standards ng UP para sa pagsasagawa ng pananaliksik sa mga lugar kung saan umiigting ang armadong tunggalian.

May punto sa naratibong kinakailangan ng kolektibong responsibilidad, ngunit ang pagkwestyon sa pananaliksik at integration ng mga biktima sa lente ng burges na pamantayan ng pag-aaral ay isang hungkag na pagtatangkang iinstitusyonalisa ang aktibismo. Sa umpisa palang, kung hihintayin pa natin ang isang pamantasan o organisasyon na suriin nang tama ang sitwasyon at payagang lumubog sa komunidad ang mga estudyante, habambuhay tayong maghihintay.

Hindi man nakaayon sa nakasanayang pamantayan sa pananaliksik ng kalakhan ang ginawang integration ng mga biktima, ‘di nito maitatangging pagsisiyasat pa rin sa lipunan ang kanilang mithiin. Pinipigilan lamang ito ng hangarin ng estadong patahimikin ang boses ng lahat ng nagsisiyasat, at ito ang dahilan kung bakit sila walang habas na pinatay.

Kung kaya’t gaano man kabuti ang intensyon ng iba sa paghahanap ng konsepto ng kolektibong responsibilidad, tahasa nilang binabalewala ang reyalidad na lahat ng mga biktima ay may kakayahang magpasya para sa kanilang sarili, at ang pagpapasyang ito ang naghimok sa kanilang ipook ang kanilang mga sarili kung saan sila higit na kinakailangan ng lipunan. Ang pagpapasyang ito ang nagtulak sa kanilang mag-aral labas sa apat na sulok ng klasrum, malayo sa ating nakasanayang burges na mga paaralan. 

Ito ang nag-udyok sa kanilang tanawin ang mga sakahan bilang kanilang tunay na pamantasan, at ang mga talakayan kasama ang mga magsasaka bilang pinakamakabuluhang espasyo para sa dalisay na pagkatuto. Nakasisiguro akong malapit ito sa kabataang katulad natin, lalo na iyong mga nasa komunikasyong pangkaunlaran, sapagkat gagap natin ang katotohanang may rason kung bakit, kahit sa mga kurso natin, hindi sapat ang desk research.

Yaong mga lumulubog sa komunidad katulad ng Toboso 19 ay hindi sapilitang inilalagay sa isang mapanganib na sitwasyon o inuutusang magbuwis ng kanilang buhay. Aktibo silang nagpapasya. Hindi sila tinataniman ng maling mga ideolohiya, at lalong hindi sila tumungo sa Negros dahil lamang may institusyong nagpahintulot sa kanila. 

Pumunta sila ro’n, sa kabila ng kamulatan sa napakaraming mga banta sa kanilang buhay, sapagkat kinilala nilang humihigit sa mga bantang ito ang kahingiang lumugar sa sentro ng panlipunang reyalidad at makipamuhay sa masa bilang pagsasapraktika sa kanilang panatang maglingkod sa bayan. Aktibo ang pagpapasyang ito, hinuhugot mula sa isang mataas na antas ng pampulitikang kamalayang hinding-hindi mapapantayan ng kahit anong burges na batayan ng pananaliksik.

Desperadong tinutunggali ng estado ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtrato sa mga biktima bilang mga bagay na bulag-bulagang sumusunod sa kumpas ng isang grupo, sa halip na mga indibidwal na may kakayahang itakda ang kanilang sariling kasaysayan. Malinaw na malinaw ang kakayahang ito sa reyalidad na inialay nila ang kanilang mga buhay sa pakikibaka para sa sambayanan. Ang kanilang desisyon na makipamuhay sa mga magsasaka ay bunga ng kanilang mataas na antas ng politikal na kamulatan.

Bagaman totoo rin na may mga eksternal na salik sa likod ng kanilang desisyon na tumungo sa Negros, ang mga ito ay hindi lumitaw mula sa burukrasya bagkus sa dakila’t kolektibong kilusan. Hindi ito masusukat sa mga administratibong pamantayan sapagkat ito ay isang pangako ng pagsisilbi. Sa paulit-ulit na naratibong nagkulang daw ang organisasyon o pamantasan sa pakikipag-ugnayan sa mga burges na institusyon katulad ng LGU, tinatrato natin ang karahasan ng estado bilang isang posibilidad na kayang makontrol at mapamahalaan. 

Ginugusto man natin o hindi, ang mga retorika tungkol sa kolektibong responsibilidad ay nagpapalakas sa pagsisikap ng gobyernong linisin ang dugo sa kamay nito. Ngunit hinding hindi matatanggi ng maraming trolls na hindi makatarungan ang pagpaslang na naganap. Walang anumang porma ng paghahanda ang may kakayahang makontra ang kasiguraduhan ng karahasan mula sa estado. Kitang kita na ito sa madugong kasaysayan ng AFP, sa kanilang walang habas na giyera laban sa mga mamamayan.

May pahintulot man o wala, naghanda man o hindi, ang dapat nating tinatanong ay kung bakit militar na naman ang nasa likod ng pagpaslang.

Hindi lamang usapin ng moralidad ang ginawang masaker ng estado—ito ay isang krisis ng pananagutan sa ilalim ng International Humanitarian Law. Ang bawat balang tumama sa mga biktima ay katumbas ng mga war crime. Sa ilalim ng Statute of the International Criminal Court, ang anumang sadyang pag-atake sa mga taong hindi bahagi ng labanan ay paglabag sa makataong batas.

Patunay rito ang buhay ni RJ Ledesma, isang community journalist na kabilang sa mga pinaslang ng militar. Protektado sa ilalim ng pambansa at internasyonal na batas ang mga katulad ni RJ na peryodista. Mahaba na ang kanyang kasaysayan sa paglalathala sa kwento ng iba’t ibang komunidad sa mga laylayan. Bahagi si RJ ng malawak na hanay ng alternative media workers. Sa kabila nito, pinaslang pa rin siya ng estado.

Pinatitingkad nito ang katotohanang ang presensya ng mga mananaliksik o mamamahayag sa militarisadong kanayunan ay nagiging mapanganib ‘di dahil sa may pagkukulang sa mga organisasyon kundi dahil may militar na nagpapalaganap ng karahasan. Wala silang pinipili—armado man o hindi, camera man ang hawak o polyeto.

Kapag inilarawan natin ang kaso ng Toboso 19 bilang isang kahinaan ng institusyon na aralin ang mga panganib na maaaring mangyari, sa kabila ng lahat ng nabanggit, inaalis natin ang malinaw na reyalidad na naganap ang pagpaslang dahil bigo ang militar sa pagrespeto sa buhay ng mga mamamayan. Inililipat lamang ng gano’ng retorika ang paniningil ng pananagutan mula ro’n sa estadong pumatay sa mga biktima papunta ro’n sa mga mabubuting aktibista’t organisador na tinanganan ang hamon na magkaro’n ng mas malalim na pake sa lipunan.

Ang pagpupugay sa sakripisyo ng Toboso 19 ay ‘di upang inormalisa ang kanilang kamatayan. Ito ay pagkilala sa reyalidad na sa sistemang ‘sing bulok nitong atin, ang pagpapasyang lumubog sa mga komunidad ay isang pagbalikwas na ‘di kinakailangan ng kumpas mula sa kahit anong institusyon.

Sa pagtutulak na kinakailangang mayro’ng kolektibong responsibilidad sa kamatayan ng mga biktima, direkta nating iminumungkahi na kapag nagkamali ang isang progresibong organisasyon sa pagtatasa sa panganib na maaaring madatnan ng kanilang miyembro, ang lumalabas na karahasan ng estado ay nagiging isang komplikadong paksa imbes na malinaw na krimen ng gobyerno na ‘di dapat mapatawad kailanman.

Labas sa usapin ng pasista’t masahol na lengguwaheng ginagamit ng troll farms mula pa nitong nakaraan, ang mga retorikang tulad ng mga nabanggit na nagnanakaw sa malayang pag-iisip at pagpapasya ng mga biktima ay tahasa ring insulto sa kanilang sakripisyo’t kamatayan. Kinakailangan nating bumoses sapagkat sigurado akong ‘di rin gugustuhin ng mga biktima kung tayo’y titigl sa pagkibo dahil sa kanilang kamatayan.

Ang pinakamataas na porma ng pagpupugay para sa Toboso 19 at sa iba pang biktima ng pasistang estado ay iyong nag-uugat mula sa pinakamalalim na pagkilala’t pagrespeto sa kanilang kapasyahang mag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan. Kakambal ito ng kahingiang patuloy silang alalahanin, at sa pag-alalang ito ay mas maudyok pa tayong puspusang makibaka hanggang sa mapulang bukang-liwayway ng tagumpay. 

Katulad ng ilang beses na ring nasabi nitong mga nakaraan, ang kinakailangan nating tanungin ay ‘di kung bakit sila naro’n o kung sino ang pumayag sa kanilang lumubog sa komunidad, kundi kung bakit iilan lang ang may kakayahan katulad nila na iwan ang kanilang komportableng buhay sa pamantasan at kalunsuran upang magsagawa ng pananaliksik at makipamuhay sa mga marhinalisadong komunidad sa kanayunan, at kung bakit silang mga masikhay at mabuting aktibista ang palaging pinapaslang ng estado. ■

KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya