Anna Reign Aoalin


Ika-5 ng Enero ngayong taon ang makapigil-hiningang araw nang malaman kong tagumpay ang aking aplikasyon na makalipat sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, sa ilalim ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran. 

Natural na noong mga sandali na iyon ay nag-uumapaw ako sa galak. Tila nakita ko itong panibagong direksyon ng aking buhay kolehiyala mula sa kulay rosas na pananaw. 

Mistulang binigyan ako ng bilyete upang makaranas ng pangalawang pagkakataong magsimula muli matapos lumihis ang takbo ng aking inisyal na plano noong unang beses akong tumungtong sa pagka-freshman noong 2024. 

Ngunit sa kabila ng tagumpay na ito, hindi maipagkakaila ang pagdududa ko sa aking kakayahan. Pilit ko mang ibinabaon ang pag-aalinlangan sa nakaraan, patuloy pa rin itong nanunumbalik mula sa madidilim na bahagi ng aking pagkatao. 

Noong kasagsagan ng halos tatlong buwan na pag-aasikaso ko ng mga dokumento para sa aking transfer application, laging umaalingawngaw sa likod ng aking isipan ang tanong ng aking Ina noon. 

“‘Pag nakalipat ka sa UP, ayos lang ba sayo na maging average? Ibang klase din kasi ang standards at pacing nila do’n.” At kagaya ng aking matagal nang inaasahan, hindi nga siya nagkamali. 

Napagtanto ko ito noong unang beses akong nakatikim ng masinsinan at konstruktibong kritisismo mula sa aking propesor sa kursong DEVC 11: Introduction to Media Writing for Development. Sukdulan na sinubok ng isang laboratory output ang aking kakayahan na magsulat ng news lead—sa paraang maikli ngunit kumpleto at komprehensibo dapat ang istraktura at nilalaman. 

Ang sandaling iyon ang naging pangunahing rason kung bakit nanumbalik ang hagupit ng aking impostor syndrome. Hindi ko napigilang kuwestyunin ang abilidad ko sa pagsulat—ang isang bagay na buong buhay ko ay kumbinsido ako na magaling ako. 

Ang tila nakakapangumbaba na senaryo na ito ay nasundan pa nang nasundan—sa mga awtput man, presentasyon, o pagsusulit. Kakambal nito ang pagiging kritikal ko sa bawat marka at komento na aking natatanggap. 

Ngunit habang tumatagal ako sa UP, unti-unti ring nabasag ang restriktibong pananaw na idinidikta ng aking imposter syndrome.

Sa paglipas ng ilang linggo at buwan, marami akong nakilalang tao at nakuhang karanasan na nag-iwan sa akin ng makabuluhang pagtuto—’yong tipo ng pagkatutong ilang oras ko man iupo sa silid-aralan o kahit gaano kataas pa ang markang makuha ko sa isang awtput ay hinding-hindi ko mapupulot.

Mas naramdaman ko ito noong nakaraang pagkilos para sa Mayo Uno. Naranasan ko ro’n bitbitin sa ilalim ng tirik na sakit ng araw ang bigat ng panawagan ng mga manggagawa na patuloy na inaagrabyado ng mga barat na kapitalistang kumpanya.

Noong araw din na iyon ay narinig ko mismo ang pintig ng boses ng mga nakapanayam ko mula sa sektor ng paggawa. Nakikibaka sila sa lansangan, inilalahad nila kung paano sila ipitin ng kasalukuyang krisis sa pambansang ekonomiya. Inilantad nila ang reyalidad na nananatiling mababa ang pasahod habang patuloy ang pagbulusok ng presyo ng mga pangunnahing bilihin.

Buhat ng mga karanasang ito, napagtanto ko na hindi lang pala ako sa pansariling pag-aalinlangan nagpapakabilanggo. Kinakahon din pala ako ng mababaw at neoliberal na paniniwala na ang pamantayan ng pagiging mahusay ay nakakabit lamang sa numerikal na grado at mga pormal na parangal. 

Dahil kung tutuusin nga ay mas ganap at mapagpalaya ang taglay ng mga pagkatutong aking nadadatnan tuwing personal akong nakikipag-usap sa mga stakeholders na palaging ipinaglalandakan sa mga modyul at learning material sa mga kursong Devcom. 

Mas luminaw sa akin ang reyalidad na ito ngayon, lalo na’t kasalukuyan akong naninilbihan bilang apprentice sa Tanglaw. Mula sa aking mga karanasan sa maikli kong pakikibahagi sa publikasyon, napagtanto kong kung patuloy kong ipapako ang sarili ko sa meritokratikong pananaw, para na rin akong boluntaryong sumampalataya sa mismong bulok na sistemang aktibong tinutuligsa ng publikasyong aking kinabibilangan. 

Bagama’t nangangapa pa rin ako sa pagsusulat at pamamahayag na nakaugat sa mas malawak na hanay ng masang anakpawis—sapagkat mas lamang ang pagkahubog ko sa larangan ng literatura—patuloy naman akong sinasalubong ng grasya sa anyo ng paggabay at pag-unawa ng aking mga kasamahan sa pahayagan. 

Kaya naman para sa akin, obligado akong tumbasan ito ng optimismong matuto, magtanong, at umusisa ng kahit mga simpleng hakbang na maaaring magpalago  ng aking kakayahan—upang mas magampanan ko ang responsibilidad na nakaatas sa akin bilang isa sa mga mamamahayag ng Tanglaw. 

Sa pagtatapos ng aking kauna-unahang semestre sa UPLB bilang freshman transferee, hindi ko itatanggi na lubusan pa rin akong binabalot ng tuwa nang makaabot ako sa pamantayan ng kategoryang college scholar, lalo naʼt isa’t kalahating taon rin akong naghintay at nagpakapagod para lang makatungtong sa mismong sandaling ito. 

Ngunit sa labas ng parangal na ito, ay ang panibagong layunin ko na gamitin din ang bilyete ng bagong pagkakataon na ipinagkaloob sa akin ng UP, hindi lang upang makaalpas sa pansariling pag-aalinlangan, kundi pati na rin sa mga bagay na makapaghahatid ng makabuluhang pagbabago sa mga komunidad—na kailanman ay hindi matutumbasan ng kahit ilang numero o sertipiko. ■

Si Reign Aoalin ay isang freshman transferee mula sa BS Devcom – Batch 2025-B. Kasalukuyan siyang naninilbihan bilang apprentice sa Balita section ng Tanglaw. Bunsod ng kanyang gipit na kinagisnan, lubos ang kanyang pagpapahalaga sa akademiks, at sa kaparehong rason, malapit sa kanyang puso ang pagkampyon sa karapatan ng mga nasa batayang sektor.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya