Pagitan ng Pagkilos


Sa tuwing may malaking bangayan sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaan, palagi tayong kinokondisyon ng sistema na pumili kung sino ang ating papanigan. 

Nakasanayan na ng mga Pilipino na tingnan ang pulitika bilang tunggalian ng mga personalidad. Nakasanayan na nating mamili sa pagitan ng dalawang nagbabanggaang paksyon. Nakasanayan na nating isipin na ang pinakamahalagang tanong sa loob ng kada anim na taon ay kung sino ang mananalo sa susunod na eleksyon. 

Ganito rin ang nangyayari sa Senado ngayon. 

Sa loob lamang ng ilang linggo, samot-saring isyu na ang lumitaw. Nagkaroon ng walkout sa pangunguna ng dating minorya dahil sa pagtutulak ng dating mayorya sa pagpapalit ng rules sa Senado upang pahintulutan ang paglahok sa mga sesyon sa pamamagitan ng teleconferencing—isang hakbang na magbebenepisyo sa mga senador na kasalukuyang hinahabol ng batas. Kasunod nito, ilang araw ring hindi gumulong ang sesyon sa Senado dahil sa boycott na inilunsad ng kampo nina Alan Peter Cayetano. 

Naganap ang reorganisasyon ng mga komite at pagpapatalsik kay Loren Legarda bilang Senate President Pro Tempore noong ika-3 ng Hunyo bunsod ng paglipat ni Chiz Escudero upang makabuo ng bagong mayorya. Mula rito ay sumiklab ang mga debate hinggil sa bisa ng Avelino v. Cuenco ruling, ang lumang desisyon hinggil sa pagdedeklara ng quorum

Kinabukasan naman, nagsagawa ng pagdinig ang kampo ni Cayetano sa ilalim ng kanilang Blue Ribbon Committee, kahit na iginiit ng bagong mayorya na wala na itong hurisdiksyon dahil sa reorganisasyon. Naging plataporma ang ilegal na pagdinig para sa bagong serye ng pag-atake sa mga indibidwal at organisasyon na kritikal hindi lamang sa mga Duterte kundi sa administrasyong Marcos. 

Sa unang tingin, maaaring isipin na ito ang larawan ng isang buhay at umaandar na demokrasya. May debate, oposisyon, at tunggalian. Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, may isang tanong na hindi masyadong nabibigyang-pansin: ano ba talaga ang pinag-aawayan nila? 

Kung ang kasalukuyang tunggalian ay nakaugat sa magkakaibang pananaw hinggil sa paglutas sa pinakamabibigat na suliranin sa bansa, marahil ay dapat natin itong ikatuwa. Kung ang mga senador ay nagsasagutan dahil sa magkakaibang programa para sa pambansang industriyalisasyon, reporma sa lupa, disenteng trabaho, o kung paano mapapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, maaaring masabing may kabuluhan ang kanilang alitan. 

Ngunit hindi iyon ang ating nakikita. 

Wala naman talagang malalim na diskurso tungkol sa kung paano bubuwagin ang isang kaayusang pang-ekonomiya na nagluluwal lang ng malawakang kahirapan at kawalan ng trabaho. Walang makabuluhang pagtatalo hinggil sa kung paano maitatayo ang pundasyon ng isang ekonomiyang hindi nakaasa sa dayuhang kapital at murang lakas-paggawa. Pati ang mga mekanismong kanilang ibinabalandra para sa pananagutan ng mga politikong sangkot sa katiwalian ay huwad at walang pangil. 

Sa halip na isulong ang interes ng masa sa gitna ng lumalalang krisis, mas inaatupag nila ang pagtatalo para sa kontrol—kontrol sa estado at sa mga institusyong maaaring gamitin bilang sandata sa darating na labanan para sa halalan sa 2028. 

Ito ang matagal nang nakasanayan sa pulitika sa ating bansa. Kapag may maingay na bangayan sa loob ng gobyerno, bihira itong umikot sa tanong kung paano paglilingkuran ang sambayanan. Mas madalas itong nakasentro sa diskurso kung sino ang hahawak ng kapangyarihan. 

Mas lumilinaw sa ganitong lente ang kasalukuyang krisis pampulitika—isang krisis na lampas sa simpleng usapin ng legalidad ng quorum o interpretasyon ng Avelino doctrine. Kahingian sa ating kilalaning bahagi ang krisis na ito ng mas malawak na pagpoposisyon ng mga paksyon ng naghaharing-uri para sa susunod na yugto ng pulitika sa bansa.

Sa isang banda’y naro’n ang mga pwersang nakahanay para sa administrasyong Marcos, habang sa kabila nama’y ang mga pwersang nananatiling nakadikit sa kampo ng mga Duterte. Siguradong magbabanggaan sila sa usapin ng alyansa, impluwensya, at kapangyarihan—ngunit hindi ito nangangahulugang may pundamental silang pagkakaiba sa pagtanaw sa direksyong dapat tahakin ng bansa. 

Pareho silang nakapaloob sa isang kaayusang pang-ekonomiyang umaasa sa dayuhang kapital, murang lakas-paggawa, importasyon, pananamantala, at pamamayani ng malalaking negosyo. Pareho silang produkto ng isang sistemang pinaghaharian ng mga dinastiyang pampulitika at mga interes na nakikinabang sa pananatili ng umiiral na sistema.

Kung kaya’t bagaman magkaiba sila ng kampo, batid nating hindi ito tunggalian sa pagitan ng dalawang magkatunggaling pananaw para sa pambansang kaunlaran. Ito ay tunggalian sa loob ng hanay ng mga naghaharing-uri na nag-aagawan sa kapangyarihan.

May terminong bagay na bagay sa sitwasyon ngayon: burukrata kapitalismo. Nagbabanggaan ang dalawang panig, na parehong may mga miyembrong burukrata kapitalista. Nag-aagawan sila sa pwesto sapagkat binubuhay ng kapangyarihang pang-ekonomiya ang kapangyarihang pampulitika ng isang dinastiya. Pinatutunayan lamang nito ang reyalidad ng mga makauring interes—silang mga nasa tuktok ay handang magpatayan upang manatili sa kapangyarihan, habang tayo ay tinatrato bilang simpleng mga manonood.

Sa ganitong kaayusan nagiging madali ang paggamit sa korapsyon bilang matalas na sandata. Bawat paksyon ay may bahid, kaya’t ang mga imbestigasyon ay nagiging bahagi ng mas malawak na digmaang pampulitika. Ang mga pagdinig ay nagiging entablado para sa paksyonal na interes. 

Gayunpaman, hindi dahil may bahid ang lahat ay wala nang dapat pang panagutin. Sa katunayan, nangangahulugan itong dapat maging mas mapanuri at mapagmatyag ang masa habang binabantayan ang pagtatangkang gamitin ang isyu ng katiwalian bilang armas laban sa mga kaaway sa pulitika. Sa gitna ng kaguluhan, hindi dapat natin hayaang magamit muli ang mga mamamayan bilang tagasigaw para sa isang paksyon laban sa kabila. 

Oras na upang basagin natin ang mito ng pagpili. Hindi natin kailangang maging tagapagtanggol ng isang kampo laban sa isa pa. Hindi tayo magpapakasapat sa pagkakahon sa ating mga isip sa tanong kung sino ang mas mabuti sa hanay ng mga naghaharing-uri. 

Mas mahalagang ating tanungin kung bakit habang abala ang mga politiko sa paglalamangan, nananatiling mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Bakit nananatiling mababa ang sahod? Bakit wala pa ring tunay na reporma sa lupa? Bakit wala pa ring malinaw na programa para sa pambansang industriyalisasyon? Bakit may krisis sa edukasyon? 

Ito ang mga tanong na bihirang maging sentro ng bangayan sa lehislatura. At ito rin ang dahilan kung bakit mahalagang tingnan ang kasalukuyang sitwasyon sa Senado bilang isang dakilang hamon sa grupong binabansagang oposisyon.

Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon, mayroon silang tunay na impluwensya sa loob ng Senado. Ngunit hindi sapat na gamitin ang impluwensyang ito upang talunin lamang ang isang paksyon ng naghaharing-uri. Ang tunay na pagsubok ay kung paano nila gagamitin ang kanilang kapangyarihan upang isulong ang mga usaping matagal nang isinasantabi ng tradisyonal na tipo ng pulitika.

Una, kailangan nilang matiyak na hindi maililibing ang mga imbestigasyon sa malawakang korapsyon kaugnay ng mga flood control project. Hindi maaaring mauwi ang usapin sa selektibong pag-uusig na nakabatay sa pampulitikang kulay ng mga sangkot. Ang bilyon-bilyong pisong nakulimbat sa mga proyektong ito ay hindi abstraktong numero—ito ay mga pondong dapat sana’y napunta sa mga makabuluhang serbisyo sa publiko.

Dapat ding tiyakin ng oposisyon na hindi masasangkalan ng mga paksyonal na kompromiso ang nalalapit na impeachment trial laban kay Sara Duterte. Ang usapin ay hindi kung sino ang makikinabang o malulugi sa tunggalian ng mga naghaharing-uri, kundi kung maipatutupad ba ang pananagutan sa mga makapangyarihang opisyal.

Dagdag pa rito, kung nais talagang magpakita ng alternatibong tipo ng pulitika ng oposisyon, dapat nitong gamitin ang kasalukuyang pagkakataon upang itulak ang mga programang matagal nang hinihingi ng mamamayan: makabuluhang pagtaas ng sahod, tunay na reporma sa lupa, pagpapatigil sa mga demolisyon sa mga maralitang komunidad, pagpapalakas sa lokal na produksyon, at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.

Kasabay nito, dapat din nilang ilantad ang mga huwad na repormang ipinapasa bilang makasaysayang tagumpay. Isang halimbawa nito ang bersyon ng anti-political dynasty bill na ipinasa sa Kamara. Sa kabila ng progresibong pangalan nito, nananatiling limitado at maraming butas ang panukalang batas. Hayag ang kabalintunaan nito sapagkat ginagawa lamang nitong legal ang mga dinastiya. Sa ganitong anyo, magsisilbi lamang itong pampaganda sa isang sistemang patuloy na pinaghaharian ng iilang pamilya.

Higit sa lahat, mahalagang tandaang hindi sapat ang pagkakaroon ng ilang progresibong tinig sa loob ng Senado upang awtomatikong maisulong ang mga pagbabagong kailangan ng bansa. Hindi rin sapat na umasa na kusa na lamang  silang kikilos para sa interes ng mamamayan.

Bagaman may hamon tayo sa oposisyon, kasaysayan mismo ang nagtuturo na ang bawat makabuluhang reporma ay bunga ng kolektibong pagkilos ng masa. Ang walong oras na araw ng paggawa, karapatan sa pag-uunyon, mga tagumpay ng mga magsasaka, at maging ang mga demokratikong karapatang tinatamasa natin ngayon, bagaman limitatdo pa, ay hindi kusang ipinagkaloob ng mga nasa kapangyarihan—lahat ng ito ay bunga ng pakikibaka ng taumbayan.

Kung may anumang demokratikong pagbubukas na maaaring mapanday mula sa kasalukuyang krisis sa Senado, ito ay hindi dahil sa kabutihang-loob ng mga pulitiko kundi dahil sa bigat na ipinapataw ng organisadong masa sa labas ng mga bulwagan ng kapangyarihan. 

Panahon na upang talikuran ang nakasanayang paraan ng pagtingin sa pulitika. Hindi natin kailangang ialay ang ating mga sarili bilang tagasuporta ng isang paksyon laban sa kabila, sapagkat ang pinakamahalagang tanong sa kasalukuyang krisis ay hindi kung sino ang mananaig matapos ang lahat ng bangayan.

Ang pinakamahalagang tanong ay kung paano maipapanalo ng sambayanan ang mga pagbabagong matagal na nilang ipinaglalaban habang ang mga paksyon ng naghaharing-uri ay abala sa pag-aagawan sa kapangyarihan.

‘Pagkat sa dulo’t dulo, hindi ang Senado ang pangunahing tagapaglikha ng kasaysayan. Tanging sambayanan ang may hawak ng gano’ng kapangyarihan. ■

DISENYO NI EMMANUEL PELOBELLO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya