Pag-alpas


Taun-taon, sa araw na ito, gumigising tayo sa ilusyon.

Habang iwinawagayway ngayon ang bandila ng Pilipinas sa ika-128 na anibersaryo ng ating kasarinlan, hindi ko maiwasang isipin kung hanggang kailan magiging huwad ang kalayaang ito sa buhay ng mga karaniwang Pilipino. 

Isang malaking kabalintunaan kung maituturing ang araw na ito. Bagaman hindi na kasing hayag ng panahon ng kolonyalismo ang pagmartsa ng mga dayuhan sa labas ng ating mga tahanan, hindi naman tuluyang nawala ang nanunuot nilang impluwensiya at kontrol sa iba’t ibang anyo—mula sa mga kasunduang militar at kontrol sa ating ekonomiya at mga institusyon, hanggang sa panghihimasok sa ating teritoryo at pagpapalayas sa mga katutubo para sa pagtatayo ng mga base militar. Higit na nakababahala, napunta naman sa mga kamay ng mga naghaharing-uri ang kalayaan na hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin natin—’yon pang mga taong ating mga kamukha, mga kapwa nating Pilipino.

Mahigit isang daang taon na tayong nagtitiis sa mga makadayuhan at maka-imperyalistang patakaran. Kasabwat pa ang gobyerno sa paglako ng mga kabataang Pilipino upang gawing murang lakas paggawa sa mga dayuhan. Pumapasok pa rin tayo sa isang neoliberal na edukasyon at pagkakakitaan ng mga kapitalistang merkado pagkatapos. Sanggang-dikit ang mga ‘yan sa pagtanggal sa atin ng kalayaan magpahinga, magtanong, at makialam. Papagurin tayo para sa kanilang pansariling interes hanggang sa makalimutan na nating maging tao. Nasaan ang kalayaan sa ganitong siklo?

Nakakabit pa rin tayo sa mga bansang tulad ng US at China. Tumatakbo ang ekonomiya natin sa paraan ng pagiging import-dependent at export-oriented na umaagrabyado sa ating mga magsasaka, agri-worker, mangingisda, at katutubo. Dahil sa General Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization (GATT-WTO), ang ipinagmamalaki nilang liberalisasyon ng agrikultura ay patuloy na kumakawawa sa mga lokal na magsasaka. 

Isa pa, kung may mga lokal na polisiya naman, atrasado naman ang mga ito at patuloy tayong nilulubog sa krisis, katulad ng Rice Tarrification Law (RTL). Dahil sa mura at malawak na importasyon ng bigas sa bansa kapalit ng taripa, bumagsak naman ang farmgate price ng palay. Hindi naman sapat ang Rice Competitiveness Enhancement Fund na sinasabi nilang magbibigay ng pondo at makinarya sa mga lokal na magsasaka. Sa ganitong sakit, paano na lamang makikipagsabayan ang mga maliliit na magsasaka sa lumalalim nating pagdepende sa murang imported na bigas mula sa mga dayuhang bansa?

Ang mga susing industriya naman natin ay monopolyado muli ng mga dayuhan. Mahihirapan ka nang maghanap ng mga Pilipinong negosyante dahil sa walang malinaw at naitayong polisiya para sa pambansang industriyalisasyon sa Pilipinas. Wala rin tayong programa para sa rural industrialization at agricultural modernization dahil mas piniling pabilisin ng gobyerno ang “neoliberal globalization” na dahilan kung bakit may deregulation, privatization, at denationalization policies. Ngayong may krisis sa langis at walang direktang kontrol ang pamahalaan sa pagpepresyo at pag-aangkat, makikita natin na ang kumikita lamang dito ay ang mga dayuhan. May mga itinayo rin silang maruruming planta sa Pilipinas na nakakaapekto sa ating kalikasan at tumitibag sa tirahan at kabuhayan ng mga Pilipino. 

Sa kanayunan naman, takot na takot ang mga magsasaka sa kanilang mga panginoong maylupa. Patuloy ang kanilang pagtitiis sa kontrol sa produksyon at murang lakas-paggawa. Dahil din sa land-use conversion, malabo nang masilayan ang bukas na sila mismo ang magpupunla sa kanilang mga sakahan. Sabi nga nila, nagsisilbi ang malapyudal na katangian ng lipunan sa sistemang kapitalista. Mekanismo lamang ito na nagpapatibay at nagpapayaman sa mga kapitalista. Sa maraming probinsya naman, kontrolado ang kanilang mga galaw dahil sa tumitinding militarisasyon. 

Kahit nga ang ating mga mangingisda, partikular sa kanlurang dagat ng Pilipinas, hindi makahuli dahil sa pagpapatrol at presensya ng mga taga-Tsina. Tatanda na lamang sila at magkakaroon ng apo na hindi makakahuli ng isda sa sarili nating dagat. 

Anupa’t problema rin ang mga taong nakaupo sa gobyerno. Sa kanila rin tayo hindi makalaya dahil ang mga problema natin ay sila rin ang pinag-uugatan. Primaryang sunod-sunuran ang ating pangulo sa Estados Unidos—patunay rito ang mga polisiya kagaya ng kaniyang pagpapahintulot sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na nagbibigay ng akses sa mga US troops na magtayo ng mga base-militar sa bansa, at ang kaniyang suporta sa Balikatan Exercises. Mahirap na rin isa-isahin ang iba pang mga opisyal na nakikinabang sa makadayuhang polisiya sa bansa.  

Bilang isang estudyanteng mamamahayag, may malaki akong pagdududa sa konsepto ng kalayaan na ipinagdiriwang ngayon. Hinahanap ko kasi ang kalayaan sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng isang Pilipino. ‘Yung katulad ng kalayaan sa pamamahayag, hindi ba dapat ‘yon ang nagsalba kina RJ Ledesma at Frenchie Mae Cumpio? Sila lang naman ang isa sa maraming mga peryodistang ipinaglalaban ang katarungan at karapatang pantao sa paraan ng pagbabalita.  

Nasaan din kaya ang kalayaan na dapat sana’y yumakap kina Alyssa Alano, Errol Wendel, at Maureen Santuyo, mga kabataang patunay na lumaban pa para sa kalayaan ng mga magsasaka sa kanayunan? Kung tunay at nararamdaman ang sinasabi nilang kalayaan, buhay at malaya sana sila ngayon. 

Pinamumugaran ng dayuhan at ng mga naghaharing-uri ang kahit anong aspeto ng lipunan sa Pilipinas. Sila ang mga anay sa nabubulok nating sistema. Pineste na rin nila ang ating kultura at kasaysayan. Bunga nito, walang magsasaka, mangingisda, manggagawa, kababaihan, o mga bakla na tunay na malaya. 

Ngunit hindi nangangahulugang walang saysay ang pagdiriwang natin ngayong araw. Sa katunayan, mas nagiging makabuluhan ito kung magsisilbi itong paalala na ang limitadong kalayaang tinatamasa natin ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi tungkuling tatanganin sa kasalukuyan. Paalala ang araw ng kalayaan sa kapangyarihan ng kolektibong pagkilos, na sa bawat panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagtatanggol sa ating soberanya, at karapatan ng mga manggagawa at mamamahayag, patuloy na isinusulong ng iba’t ibang sektor ang adhikaing hindi natapos noong rebolusyon ng Katipunan. 

Ang tanong ngayon ay hindi kung malaya na ba tayo, kundi kung paano natin ipagpapatuloy ang laban para sa kalayaang hanggang ngayon ay ipinagkakait sa nakararami. Dahil iba man ang napili mong porma ng pagkilos at pakikibaka, maliit man ang hakbang mo sa lansangan o kanayunan, unti-unti rin tayong lumalapit sa tunay na tagumpay at kalayaan na makakamit natin sa kinabukasan. ■

DISENYO NI EMMANUEL PELOBELLO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya