Mahigit isang buwan na mula noong huli akong nakapagsulat ng piyesa para sa Tanglaw. Para sa isang manunulat na nangakong maglalathala ng mga kolumn kada linggo, malaki ang aking kabiguan.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit sa tuwing sinusubukan kong sumulat, palaging may takot na bumabagabag sa’kin. Hindi ko alam kung wala ba akong lakas ng loob na harapin iyong posibilidad ng pagkakamali, kung naduduwag ba ako sa puna ng mga kasama, o kung natatakot lang akong mabigo ang aking sarili.

In short, baka it’s a me problem lang talaga. 

May term para sa pinagdaraanan ko nitong mga nakaraang linggo: writer’s block. Sabi sa Merriam-Webster Dictionary, ito raw ‘yung sikolohikal na balakid na pumipigil sa kakayahan ng isang manunulat na lumikha ng kanyang piyesa. Maaari daw na takot ang dahilan nito, o labis na paghahangad na maging perpekto agad ang isang likha, o stress at burnout

Aaminin ko, hindi ko alam kung alin d’yan ang rason kung bakit ko nararamdaman ito. Hindi ko mahanap ‘yung tamang timpla ng mga salita, kaya bagaman nagagawa ko namang makapaglapat ng iilang mga pangungusap sa papel, ang ending, binubura ko lang din lahat. 

Ulit.

Burado.

Ulit.

Leche talaga. 

Hindi pa naman malaya ang mundo, at alam ko ring malaki ang posibilidad na hindi ko madadatnan sa aking maikling buhay ang pagdating ng kalayaan. Ngunit katulad ng mga nauna sa akin na manunulat, hindi dapat tumitigil ang pagsisikap na kumilos at magmulat dahil mas malaki sa atin ang ating pakikibaka.

Tuloy-tuloy pa rin ang daloy ng lipunan at hindi pa rin humuhupa ang mga isyung kailangang sulatan. Alam ko naman ito. At malinaw rin sa akin na kailangang gumalaw pa rin ang panulat kasabay ng agos ng panahon.

Kaya siguro hindi ako mapakali na hindi na ako nakapagsusulat. Kasi kung ga’no ako kasalat sa mga salita nitong nakaraang buwan, gano’n naman ako kapuno ng mga kontradiksyon. Hindi naglalaho sa aking isipan ang diwa ng puspusang pakikibaka, ngunit dumadalas ang mga umaga na para akong napaparalisa—hindi makagalaw, o marahil hindi alam ang tamang direksyong tatahakin. 

Malaki ang naging epekto sa’kin ng bakasyon. Mahigit isang buwan din akong nalayo sa mga kasama at ilang linggo na rin akong nagpupuna dahil sa biglaan kong pagkawala. Ilang gabi na akong nag-iisip kung paano ako babalik sa pagkilos, habang may bahagi sa’king naghahangad ding tumigil muna.

Ngayon naman, babad na babad lang ako sa acads. ‘Di rin talaga maipagkakaila ‘yung reyalidad na salik palagi sa burnout ang neoliberal na edukasyon. Pa’no ba naman, aral ako nang aral pero wala akong natututuhan.

Siguro, repleksyon talaga ang piyesang ito ng kasalukuyan kong nararamdaman. Walang outline na maaaring sundan. Walang SMART objectives na sinusubukang makamit. Hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng simula at kung may kahulugan ba ang wakas. Hamak lang na naghahangad lumaya.

Sa ngayon, siguro, ang aasahan ko na lang ay ang kabuluhan ng proseso. 

Payo kasi sa’kin ng isang mabuting kaibigan dati, kapag naliligaw, sumandig lang palagi sa mga kasama. Hindi madaling mapagod kung sabay-sabay ang paghakbang, at hindi madaling maligaw kapag nasa piling ng sambayanan. Hindi rin kasalanan ang tumamlay sa pagkilos—may mga pagkakataon talagang madedemoralisa, ngunit palaging may paraan upang mapanumbalik ang rebolusyonaryong optimismo. 

Sabi nga ni Ericson Acosta sa Haranang Bayan, “Sadyang hindi pa huli ang lahat.”

Hindi naman siguro kailangan magkaroon ng agarang sagot sa lahat. Sumandig lang palagi sa mga kasama. 

Ang pag-aalinlangan ay natutunaw sa sandaling napagtatanto nating ang bigat na ating dinadala ay pasan din ng libu-libong mga balikat.

Sigurado akong hindi ko pa rin naman talaga lubos mauunawaan kung paano umigpaw sa aking mga kontradiksyon matapos sumulat ng isang sanaysay. Hindi pa rin tiyak ang kinabukasan. Hindi ko pa rin mabanaag ang panahon kung kailan kaya ko nang ibalik ang dati kong sikhay sa pagsulat.

Baka bukas, babalikan ko na naman ang draft ng kolumn ko tungkol sa artificial intelligence para lang burahin ang kalahati nito. Baka sa susunod na linggo, wala na naman akong masusulat.

Ngunit kahit pa patuloy kong kakailanganing harapin ‘yang lecheng writer’s block na ‘yan, at least, mas may bakas na ng pag-asa ngayon. Mahigit isang buwan na akong hindi nakapagsusulat. At ngayon, nakapagsulat ako ng isang sanaysay tungkol sa hindi pagsusulat.

Hindi man ito ganap na paglaya, mas napagtanto ko naman ngayon ang aral na hindi hinihintay nang nakaupo ang pulang bukang-liwayway—ito ay sabay-sabay na pinapanday sa pamamagitan ng kolektibong pakikibaka. 

Gano’n din ang pagsusulat. 

Hindi ito isang indibidwal na pakikibaka sa pagitan nating mga manunulat at ng ating mga blangkong pahina. Kailangang maglakad muna kasama ang mga kasama upang hindi mahiyang dumatal ang mga salita. Kolektibong proseso ang pagsusulat—hinuhubog ng mga kasama, ng mga karanasang sabay-sabay nating dinadala, at ng mundong patuloy nating sinusubukang unawain at baguhin gamit ang teorya at praktika.

Sa madaling sabi, isang mahaba’t makabuluhang proseso.

Patuloy tayong susulong.  ■

Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at manunulat mula sa Southern Tagalog Exposure. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.

LARAWANG KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya