DAPAT MONG MALAMAN
- Lahat ng kandidatong tatakbo ngayong halalan para sa CDC SC ay mula sa Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN).
- Sa MDA, pinalawig ang tindig ng mga kandidato sa mga usaping nakaangkla sa kultura at sining, karapatan ng kababaihan at sa kasarian, neoliberal na edukasyon, imperyalismo at pasismo, at malayang pamamahayag.
- Inilatag din ng mga kandidato ang kanilang mga plano upang tugunan ang mga isyung kinahaharap ng kolehiyo, rehiyon, at bansa.
Bitbit ang kani-kanilang mga plataporma at panawagan, humarap ang mga kandidato ng CDC Student Council (CDC SC) sa mga mag-aaral at panelist sa isinagawang college-wide Miting de Avance (MDA) noong Martes, ika-5 ng Mayo, sa DEC-IMU, NCQ Hall.
Ngayong taon, nagmumula ang lahat ng mga kandidato para sa CDC SC sa partido-alyansang Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN).
Binubuo sila nina Ivan Combate para sa chairperson, Izabelle Cruz para sa vice chairperson, Tor Mendoza para sa college representative to the University Student Council (USC), at Lei Itable, Nathaniel Alvarez, Duke Mediavillo, Shai Tandang, Khen Natividad, Tein Magadia, at Sophie Morales para sa konsehal.
Panawagan nila ang paglaban kontra sa katiwalian at pasismo; pagsulong ng makabayan, siyentipiko, at makamasang tipo ng edukasyon; malayang pamamahayag; pagsiguro sa karapatan ng mga estudyante sa maayos at aksesibleng mental health services; pagprotekta sa mga karapatan ng kababaihan at sangkabaklaan; at pagpapaunlad sa kultura at sining.
Tindig laban sa neoliberal na edukasyon
Gamit ang UP grading system, tinanong ni Alyssa Cortez, panelist at kasalukuyang chairperson ng UPLB University Freshman Council (UFC), ang mga kandidato kung anong grado ang ibibigay nila kay UPLB Chancellor Jose Camacho bilang ebalwasyon sa naging pagtugon niya sa mga isyung kinakaharap ng Unibersidad.
Kwatro ang ibinigay na grado ni Mediavillo kay Camacho, bilang ramdam niya umano ang danas sa kakulangan ng pagtugon at pagsuporta ng kasalukuyang tsanselor sa mga estudyante.
“Bilang student assistant, danas na danas namin ang kakulangan sa sweldo. Ang sweldo namin noong February ay wala pa rin hanggang ngayon. Bilang ASDC [student], danas din po natin ang siksik na kurikulum. Parang wala talaga[ng] maayos na paninindigan si Camacho,” aniya.
Dahil dito, iginigiit niya ang pagbibigay ng executive committee seat para sa konseho upang malaman ang budget allocation ng administrasyon. Kaugnay nito, hindi rin naman nalalayo sa mga hinaing ni Mediavillo ang panawagan ni Itable para sa dagdag na badyet para sa mga mag-aaral.
Samantala, inalam din ni Cortez ang tindig ng mga kandidato sa countering violence extremism (CVE) bilang “lehitimong non-violent response” sa marahas na kasaysayan ng Pilipinas.
Para kay Combate, malinaw na huwad ang ipinapakita na CVE ng estado, dahil patuloy na kinikitil nito ang karapatang pantao ng mga mamamayan.
“Malinaw at matibay ang ating panawagan sa estado na ugatin nila kung bakit lumalaban ba ang masa, kung bakit may mamamayang pinipilit na itaas ang kanilang kamao at humanay sa mga nakikibaka. Kasi, hindi nangyayari overnight ang pag-aaklas,” paliwanag niya.
Tindig sa malayang pamamahayag
Binutbot naman ni Eliza Tolentino, panelist mula sa Tanglaw, ang pakikipag-ugnayan ng mga kandidato sa nasabing publikasyon para sa pagbuo ng kanilang list of demands na isa sa mga platapormang inilatag ng slate. Kalakip ng nananatiling problema sa usaping pondo para sa mga student publication, inalam niya kung paano gagamitin ng konseho ang General Assembly of Student Councils (GASC) upang mabigyan ng badyet ang Tanglaw.
Kinilala ni Combate ang matagumpay na pagpapasa ng resolusyon na nagbuo ng matibay na kampanya sa usaping badyet para sa mga college-level student publication ng kasalukuyang konseho, kung saan din siya kabilang. Pero aniya, ang pangangailangan ngayon sa kolehiyo ay isang “matibay at uncompromising na kampanyang masa na makakapagpakilos sa kalakhan ng CDC.” Binanggit din niya ang pagbibigay ng pressure sa Office of the Student Regent (OSR) at paggamit ng kanilang boto sa GASC upang itulak ang pagtugon sa panawagan ng mga mag-aaral.
Bubuo naman si Cruz ng position paper na ibibigay sa administrasyon upang ipaabot ang panawagan ng Tanglaw para sa sapat na pondo. Dagdag pa rito ang patuloy na pakikipag-ugnayan upang mabuo ang list of demands sa administrasyon.
Samantala, ibinahagi ni Tolentino ang danas ng mga mamamahayag sa red-tagging. Dahil dito, itinanong sa mga kandidato ang magiging papel ng konseho sa pagsusulong ng malayang pamamahayag.
Nais ni Magadia na ibasura ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at tanggalin ang badyet na iponopondo rito. Gayundin ang pagnanais na ma-institutionalize ang Safe Haven Resolution sa Unibersidad.
Dagdag naman ni Itable, mahalaga ang pagsasagawa ng educational discussions (EDs) at forums upang mailapit sa mga estudyante ang kalagayan ng mga mamamahayag bilang alagad ng midya.
Tindig sa karapatan ng kababaihan at kasarian
Inalam naman ni Silvienne Manalo, panelist at kasalukuyang councilor ng CDC Freshman Council (CDC FC) at miyembro ng Gabriela Youth UPLB (GY UPLB), ang konkretong aksyon ng mga kandidato sa pagtugon sa sexual harassment sa loob ng kolehiyo at kung paano maitataguyod ng konseho ang ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral.
Nanindigan si Natividad sa pagtaliwas sa ideya ng victim-blaming. Kaakibat nito ang iba pang aksyon kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Gabriela Youth – CDC at paglulunsad ng EDs at seminars upang ipaunawa sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng hindi pananahimik sa ganitong usapin. Gayundin, magtatatag din ng gender committee ang konseho kung saan magtatalaga ng gender officer sa bawat organisasyon at batch upang mailapit ang mga isyu ukol dito.
Mas bibigyang-diin naman ni Tandang ang pagtataguyod ng Women’s Help Desk ng women’s committee ng konseho at pagsasagawa ng mga paralegal training tungkol sa pagtatanggol ng sarili laban sa sexual harassment.
Samantala, nais ni Manalo na butbutin ng mga kandidato ang aniya’y naging kakulangan ng nakaraang konseho sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan.
Bilang tugon, nais ni Cruz na palawigin ang mga isinasagawang aktibidad pangkababaihan at buksan ito para sa lahat, gayundin ang pagpapatuloy ng mga kaganapang tulad ng Women’s Month higit pa sa isang buwan bilang pakikiisa sa patuloy na laban ng kababaihan.
Mungkahi rin ni Itable ang pagkakaroon ng konsultasyon bago, habang, at pagkatapos ng mga isasagawang aktibidad upang makuha ang pananaw ng mga mag-aaral sa mga panawagan ng konseho sa karapatan ng kababaihan.
Tindig sa laban imperyalismo at pasismo
Diniin naman ni Brent Sumague, panelist at kasalukuyang secretary-general ng League of Filipino Students – UPLB (LFS – UPLB), na ang tipo ng edukasyon ng Pilipinas ay neoliberal at kolonyal. Lantad ito sa mga polisyang ipinasa ng estado tulad ng K-12, MATATAG curriculum, revised senior high school curriculum, at ang tangkang pagrerebisa ng Commision on Higher Education (CHED) sa general education curriculum. Kaya naman, inalam niya kung paano isusulong ng mga kandidato ang edukasyong makamasa at nagsisilbi sa bayan.
Mariing kinondena ni Cruz ang uri ng sistema ng edukasyon na mayroon ang bansa. Iniangkla niya ito sa kung paano umaasa ang Unibersidad sa quality assurance na ibinababa ng ibang bansa na aniya ay “hindi angkop sa lipunan na ginagalawan natin at hindi tunay na para sa masa at estudyante.”
Giit naman ni Itable sa kolehiyo na huwag ikulong ang mga estudyante sa mga teknikal na gawain, bagkus ay suportahan ang experiential na aktibidad kung saan lumulubog sa masa ang mga mag-aaral.
Samantala, ibinahagi ni Sumague ang pagtama ng Tomahawk missile sa Nueva Ecija mula Tacloban noong ika-5 ng Mayo bilang bahagi ng kasunduan sa Balikatan exercise. Kaugnay nito ang patuloy na militarisasyon sa mga kanayunan, kabilang ang Timog Katagalugan. Bunsod nito, inalam niya ang tindig ng mga kandidato pagdating sa pagtapak ng administrasyon sa karapatang pantao.
Hindi raw titigil sa pagpanawagan si Alvarez na hindi “military playground” ang Pilipinas, dahil maraming inosente ang nadadamay sa mga operasyong militar kasama ang ibang bansa. “Iyong mga ganoong praktis, hindi natin dapat inaanyayahan o hindi natin ni-re-reinforce ang ganoong aksyon, dahil ito ay inhumane sa ating parte,” aniya.
Binigyang-diin naman ni Mendoza ang pagkundena sa mainstream media na tumutugon umano sa interes ng mga dayuhan dahil sa aniya’y hindi pag-uulat sa tunay na nangyayari sa kanayunan. “Kaya, kinukundena natin ‘yong capitalist mindset ng ating mainstream media na inuuna ang pag-uulat ng mga events na nakakahila ng profits,” paliwanag niya.
Tindig sa kultura at sining
Inilantad naman ni Lourain Suarez, panelist at kultural na manggagawa ng Umalohokan Inc. at kasalukuyang director for organizing ng Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan – UPLB (KULAYAN UPLB), ang lagay ng sining sa Unibersidad, kung saan nabubulok lamang umano o nalilimitahan sa pagsusumite sa mga submission bin ang mga estudyante.
Binahagi niya rin ang kakulangan ng kagamitan sa produksyon at banta sa espasyo ng student artists dahil sa pagsasaayos ng Student Union (SU) Building. Bunsod nito, inalam niya ang magiging hakbang ng konseho upang maiugnay ang mga isyung ito sa USC, administrasyon, at mga opisina ng Unibersidad.
Para kay Combate, malinaw ang tindig ng SAKBAYAN na sumama sa panawagan ng mga mag-aaral para sa mas maayos na espasyo para sa mga artista ng bayan. “Magagawa natin ito sa pag-pe-pressure kay Chancellor Camacho na bago siya gumawa ng mga renovation sa mga student spaces ay konsultahin muna ang mga estudyanteng maapektuhan, bigyan sila ng malilipatan, at huwag gumawa ng desisyon na para bang siya ang nagmamay-ari ng UPLB,” diin niya.
Itinutulak din nila ang libreng paggamit ng CDC Quadrangle nang walang pagharang ng burukrasya para sa mga gawain.
Samantala, pinalitaw ni Suarez na habang tumatagal sa kolehiyo ay nagiging teknikal umano ang mga kurso sa kurikulum na naglilimita sa pagkamalikhain ng mga mag-aaral ng CDC. Kaakibat nito, ipinaabot niyang nais niyang malaman kung paano maipararating sa kinauukulan ang isang kurikulum na susuporta sa malikhaing kultura ng mga mag-aaral.
Lulubog umano si Morales sa mga karanasan ng mga mag-aaral upang mabigyang-pansin ang mga problemang kinahaharap nila.
“Dapat po ay hindi tayo magpakasapat sa teknikal na gawain, dito natin makikita na ang sining ay hindi lang para sa aesthetic [purposes], may political at development [din ito na] role, lalo na bilang mga Devcom practitioner,” diin niya sa lagay ng kurikulum ng kolehiyo.
Binigyang-diin din niya ang academic freedom at paglabas sa loob ng silid-aralan upang mapalalim ang pag-unawa sa mga isyung panlipunan. Kaya, igigiit din niya ang dagdag na espasyo para sa student artists sa kolehiyo.
Ayon naman kay Cruz, napapanahong usapin ang pagbabago ng kurikulum ng kolehiyo. Pinuri niya ang mga mag-aaral sa pagbabanggit ng mga karagdagang elective na kurso na tututok sa aspeto ng sining ng development communication at nakaayon sa interes ng mga mag-aaral.
“Babalik at babalik tayo sa usapin ng pagkakaroon ng execomm seat sa administrasyon upang makita natin kung paano nga ba nila ginagawa iyong kurikulum. Babalik at babalik tayo kung kanino ba ang devcom, ang devcom ay para sa puso at para sa masa,” ani Cruz.
Matapos ang pagkilatis ng mga panelist sa mga kandidato, sinundan ang programa ng fast talk upang alamin ang paninindigan ng mga kandidato sa mga mahahalagang usapin sa loob at labas ng Unibersidad. Pagkatapos nito ay naganap ang isang open forum sa pagitan ng mga manonood at mga kandidato upang palawigin ang mga naging kasagutan sa naunang bahagi ng programa.
Bukas, ika-8 ng Mayo, hanggang Martes, ika- 12 ng Mayo, gaganapin ang botohan para sa UPLB USC-CSC Elections. Pagkatapos nito ay iaanunsyo na sa ika-13 ng Mayo ang mga susunod na uupo sa konseho. ■
KUHA NI KARYLLE PAYAS


