Ang bilis ng mga pangyayari nitong mga nakaraang araw. Sa isang iglap, nagmimistulang nagbago ang itsura ng pulitika sa bansa—ngunit nag-iba man ang panlabas nitong anyo, hindi maipagkakailang ito pa rin ang parehong bulok na sistemang dati nang nagpapahirap sa masang Pilipino. 

Sa totoo lang, ang daling bumitaw sa pag-asang magkakaro’n pa ng tunay na pananagutan at ganap na pagbabago dahil sa mga balita mula pa noong Lunes. Gayunpaman, sa bahagi ko, may pagpapasya pa ring kumapit sa pangakong nauna ko nang pinaniwalaan sa kauna-unahan kong piyesa sa Tanglaw isang taon na ang nakalipas: ang pangako ng kasaysayang hangga’t nananatili ang marahas na kaayusan, siguradong magkikita-kita pa rin tayo sa mga lansangan. 

Katulad na rin ng nasabi na dati, walang tigil sa pagdaloy ang kasaysayan. Tuloy-tuloy itong pinapanday ng maraming mga kontradiksyon, ng mga tunggalian, lalo na iyong namamagitan sa uring api at iilang mga nasa tuktok ng tatsulok. Patunay sa aktibong paggalaw ng kasaysayan batay sa mga tunggalian ang mga napapanahong isyu na lumitaw ngayong linggo. 

Maraming malalaking political development na naganap sa bansa ngayong linggo, umaabot sa puntong hindi sapat ang isang kolumn upang sumahin ang lahat ng ito, kung kaya’t nais ko lang tutukan iyong pinakamatitingkad: una, ang nangyaring barilan sa loob ng Senado kagabi. Ikalawa, ang pagdating at tangkang pagpapatupad sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Ronald “Bato” dela Rosa. Ikatlo, ng pagkaka-impeach kay Sara Duterte  sa Kamara. At ikaapat, ang naging malaking pagbabago sa liderato sa Senado dulot ng isang coup d’état

Marahil nakagugulat para sa marami ang maingay na  alingawngaw ng mga bala sa loob ng Senado, ngunit dati na rin namang tumutunog sa mga eskinita ang mga mahahabang baril ng estado. Ilang libong inosenteng buhay ang kinitil ng kapulisan at mga sundalo mula pa noong nakaraang rehimen upang umabot tayo sa puntong ICC na mismo ang humahabol kay Bato—na dating chief ng Philippine National Police at primaryang arkitekto ng giyera laban sa mahihirap ni Rodrigo Duterte—para sa crimes against humanity

Matagal na ring nadungisan ang integridad ng Senado nang maupo rito ang mga kriminal kagaya ni Bato, at nagsisilbi lamang na kongkretong ebidensya ng sukdulang kabulukan nito ang nangyari kagabi. 

The moment the Senate decided to provide refuge to a mass murderer wanted for crimes against humanity by no less than the ICC, they have also made it unsurprising—despite it being historic—to hear gunshots inside their walls. 

Marami pang katanungang hindi nasasagot—kung bakit nangyari ang putukan, kung nasa’n na si Bato ngayon, kung sino ang may pakana ng karahasang naganap, kung kaugnay ba ito ng hindi pag-grant ng Supreme Court sa hinihiling na Temporary Restraining Order (TRO) ng kampo ni Bato—ngunit ano’t ano pa man, ang pinakamatingkad dito ay ‘yung katotohanang handang handa ang naghaharing-uri na ilubog sa kaguluhan ang bansa makamit lang nila ang kanilang mga pansariling interes. 

Sa gitna rin ng lahat ng ito pilit natatakluban ang usapin ng impeachment laban kay Sara Duterte. Pinatunayan na ng mga nakaraang hearing sa House Committee on Justice na may pinaghuhugutan ang mga reklamong nakahapag sa loob ng articles of impeachment laban sa bise presidente. Kabilang kasi sa mga kinahaharap niyang kaso ang walang habas na katiwalian sa paggamit ng confidential funds, na lalong nagpalobo sa kan’yang yaman. 

Si Sara Duterte ang natatanging opisyal ng Pilipinas na nagkaroon ng pagkakataong dalawang beses na ma-impeach sa House of Representatives. Kasunod ito ng walang kupas na pagkilos ng mga mamamayan laban sa katiwalian ‘di lamang ni Sara Duterte kundi ng buong estado.

Ayon sa latest updates, napadala na sa Senado ang articles of impeachment laban kay Sara Duterte. Sa kabila nito, kapansin-pansing sa tuwing gumugulong ang krusada ng taumbayan para sa hustisya at pananagutan, palagi itong tinutunggali at hinaharang ng interes ng iilang mga paksyon ng naghaharing-uri. Malinaw ang reyalidad na ito sapagkat hindi maitatangging kaulam ng naganap na impeachment sa Kamara ang mga nangyayari sa Senado ngayon, lalo na iyong nangyaring pagbabago ng liderato.

Nagkabaliktad na kasi ulit ng posisyon ang mayorya at minorya sa Senado matapos maglunsad ng kudeta ng dating minorya, na binubuo ng maraming mga kaalyado ng mga Duterte. Nagtraydor ang magkapatid na Villar at si Loren Legarda sa paksyon nila nina Tito Sotto. Dulot nito, si Alan Peter Cayetano—na isa pang loyalista ng mga Duterte—ang kasalukuyang Senate president. 

Matatandaan nating nitong nakaraan lang din, sinabi ni Sotto na kung sakaling umabot sa Senado—sa kanyang pamumuno—ang articles of impeachment, tatalima siya sa mandatong ibinababa ng konstitusyon na mag-proceed forthwith o agad-agad sa paglilitis. Isa ito sa mga primaryang isyu sa naunang impeachment complaint laban kay Sara Duterte. Pinagdebatehan kasi ng tinaguriang mahuhusay na mambabatas ng Pilipinas ang kahulugan ng napakasimpleng salitang “forthwith.” 

Simple, ngunit hindi pa rin napagkakasunduan. Umabot pa sa puntong kinailangang mangialam ng Supreme Court, na isa pang nagpalabo sa kahulugan ng nasabing salita. Suntok sa buwan nang masunod ang tunay na depinisyon ng simpleng salitang ito sa pamumuno ni Cayetano, lalo pa’t sila rin naman ang nasa likod ng pagpatay sa kasong impeachment noong nakaraang taon sa bisa ng sunod-sunod na delaying tactics at pagpuna sa mga teknikalidad. ‘Di rin malayong ang naganap na barilan kagabi sa Senado ay bahagi ng delaying tactics ng bagong liderato. 

Magkakaiba man ng hulma at konteksto ang mga isyung ito, may kongkreto pa rin silang ugnayan. Pare-pareho lang kasing nakapook ang mga isyung ito sa iisang balangkas: ang bulok na sistemang nagtataglay ng mala-kolonyal at mala-pyudal na mga katangian. Pilit lamang ikinukubli ng drama at theatrics sa Senado ang tunay na galit ng mamamayan laban sa namamayaning bulok na tipo ng pamumuno sa bansa. 

Malinaw rin sa posisyon ng administrasyon na hindi sila nakikinig sa panawagan ng masa. Ang paksyon mismo ni Ferdinand Marcos Jr. ang nagpapatunay na ang konsepto ng due process ay nasusunod lang kung ang kumakaharap ng kaso ay ang mga tulad nina Bato at Sara. Gayunpaman, hindi na ito nakagugulat—lahat kasi sila ay bahagi ng dambuhalang makinang nagluluwal ng krisis. 

Kung may matututuhan man tayo sa mga nagaganap ngayon, iyon ay ang reyalidad na hindi natin mapagkakatiwalaan ang pagkakaroon ng pagbabago kung ang inaasahan nating panggagalingan nito ay ang mismong sistemang nag-aanak ng inhustisya. Wala tayong maaasahang pulitiko o iba pang institusyon sapagkat nakaangkla na sila sa posisyong hindi nagpapahintulot sa kanila na maningil.

Sa madaling salita, hindi sira ang sistema. Umaandar ito kung paano ito nakadisenyo: hindi upang panagutin ang mga kurakot, kundi upang protektahan ang interes nila. 

Nakapanlulumo man ang sitwasyon, dapat nating tandaan na hindi pa rin naman huli ang lahat. Ang bawat tagumpay na nakamit natin—mula sa mga pagkilos sa mga lansangan hanggang sa loob ng Batasan—ay patunay na may kapangyarihan ang ating sama-samang paglaban. Ang diwa ng ating pakikibaka ang magtatakda sa daan tungo sa isang kinabukasan kung sa’n hindi na silang mga naghaharing-uri ang nasa tuktok, isang kinabukasang wala nang nasa tuktok ‘pagkat durog na rin ang tatsulok.

Kinakailangan nating magpakatatag sa gitna ng lahat ng kahinaan. Hangga’t nananatili ang pananamantala, mananatili rin ang kahingiang makibaka. Hindi tayo manonood lamang sa gilid habang ginagawa nilang entablado ng kanilang pagkagahaman ang ating bayan.

Ang kasaysayan ay hindi nananatiling nakapako sa mga salita, hindi rin ito gumagalaw batay lang sa kumpas ng iilang nakaupo sa kapangyarihan—ito ay patuloy na isinusulat ng ating mga yapak sa mainit na aspalto sa kalsada, ng ating kolektibong pagsulong mula kanayunan hanggang kalunsuran.

Tayo ang magsasabuhay sa papel ng sambayanan sa ganap na pagdurog sa bato ng inhustisya at katiwalian. Patuloy tayong mag-oorganisa at makikibaka, magpapakilos at maninindigan. Patutunayan nating wala sa kamay ng iilang mga mambabatas ang kapangyarihan. Wala rin ito kina Marcos at Duterte, o kung kanino mang dinastiya. 

Masa’t masa lamang ang mapagpasya. Masa’t masa lamang ang magtatakda. Sa mga susunod na buwan, kakalampagin natin ng protesta ang Senado at Mendiola, hanggang sa darating na SONA. Habang pinahihinog ng bulok na krisis ang mga kondisyon para sa ating puspusang paglaban, mas nabibigyang-diin din ang reyalidad na may mundo pa tayong pagtatagumpayan. 

Anuman ang mangyari, walang makapipigil sa katiyakan ng ating tuloy-tuloy na paglaban. Makikita natin ito sa katotohanang nagsimula rin naman talaga tayo sa iilan, bago nagkaro’n ng pagdaluyong ng daan-daan at libo-libo—ngayon, ang inaalay nating pawis at dugo ang magdidilig sa mga binhi na magpapatuloy sa ating makatarungang pakikibaka tungo sa ganap na pagbabago. 

We will continue to dare to hope, dare to struggle, and dare to win. We will prove that even the hardest rocks of injustice, impunity, and corruption are only mere pebbles in the face of the relentless, uncompromising power of the people. 

Walang bibitiw. Magkikita-kita pa tayo, hanggang sa tagumpay.■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya