DAPAT MONG MALAMAN
- Dalawang beses na hinarang ng PNP-Cavite at LTO ang convoy ng delegasyon ng TK sa pamamagitan ng inspeksyon at checkpoint sa mga sasakyan na umano’y tangkang pagpigil sa pagkakasa ng mga kilos-protesta sa lalawigan.
- Isang matulis na bagay ang bumutas sa gulong ng isang sasakyan ng mga kalahok na nagresulta sa pagkaantala ng byahe patungong Kalinisan, Bacoor.
- Pinaligiran ng mga police mobile ang convoy ng delegasyon sa kanilang pagbagtas sa kalsada ng Bacoor.
- Sa kabila ng umano’y mga panunupil, tagumpay na naikasa ng delegasyon ang panrehiyunal na pagkilos para sa Huwad na Kalayaan.
Sunod-sunod na panunupil ang isinagawa ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) – Cavite at Land Transportation Office (LTO) upang pagtangkaang pigilin ang ikinasang mga pagkilos ng delegasyon ng Timog Katagalugan (TK) sa lalawigan ng Cavite kasabay ng paggunita sa ika-128 na anibersaryo ng ‘huwad’ umanong araw ng kalayaan ng bansa, Hunyo 12.
Umaga pa lamang ay ikinasa na ang isang programa sa Binakayan-Kaunlaran, Kawit, Cavite, kung saan mariing tinutulan ng hanay ng kabataan, mga magsasaka, manggagawa, kasama ang iba pang progresibong grupo ang malawak pa ring impluwensya ng mga imperyalistang bansang katulad ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sentro sa mensahe ng mga tagapagsalita ang nagpapatuloy na krisis sa bansa dahil umano sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos-Duterte sa mga dayuhang kapitalista at imperyalista.
“Huwad ang kalayaan hangga’t nananatili ang panliligalig ng imperyalistang US sa bansa natin…hangga’t nagpapaulol ang tutang rehimeng Marcos Jr. sa imperyalistang US, hindi tayo magiging malaya,” pahayag ni Jhezarie Ybarrita ng League of Filipino Students.
Nagsagawa rin ng mga kultural na pagtatanghal ang mga kabataan ng TK hanggang sa pormal na isara ang paunang programa sa pamamagitan ng pagsunog ng isang effigy na pinamagatang “The Emperor is Naked,” na sumisimbolo sa malawak pa ring impluwensya ng imperyalistang US sa politika at kabuuang kalagayan ng bansa.
Panghaharang sa mga jeep
Matapos ang matagumpay na pagkilos sa Kawit, nagsimula nang bumyahe ang convoy ng delegasyon upang ikasa ang isa pang demonstrasyon sa Kalinisan, Bacoor, Cavite. Ngunit habang binabagtas ng mga kalahok sa protesta ang kalsada palabas sa Kawit ay hinarang ng mga opisyal ng PNP at LTO ang isang sasakyan upang magsagawa umano ng “inspection routine” na bahagi raw ng kanilang mandato.
Ayon sa LTO, may naitala raw na mga violation na nakabase sa istruktura ng jeep kaya’t kailangang magsagawa ng inspeksyon. Nanindigan naman ang hanay na walang basehan ang umano’y violation at nagsagawa ng isang iglap-protesta sa kalsada hanggang sa payagang makalagpas ang mga sasakyan matapos ang kalahating oras na inspeksyon at negosasyon.
Nang payagang makaraan, isang oras pa lamang ang nakalilipas ay muli na namang hinarang ng PNP ang delegasyon habang binabagtas ang Binakayan Bridge. Ayon sa kapulisan, isang checkpoint ang kanilang isasagawa na inalmahan naman ng mga lulan ng sasakyan.
Ayon sa delegasyon, wala namang malinaw na signage na nagsasaad na may isinasagawang checkpoint sa lugar. Nanindigan din ang hanay na hindi sila nakatanggap ng anumang paliwanag mula sa PNP-Bacoor tungkol sa mga detalye at rason ng ikalawang panghaharang.
Dahil sa nangyaring diumano’y ilegal na checkpoint, isa muling iglap-protesta ang ikinasa ng buong delegasyon ng TK hanggang sa payagan na sila ng kapulisan na makalagpas.
Pambubutas ng gulong sa mga sasakyan
Nang makalabas sa Kawit, habang patuloy ang paglalakbay patungong Kalinisan, laking gulat na lamang ng mga lulan ng isang jeep ng delegasyon nang biglang sumabog ang isang gulong ng kanilang sasakyan sa gitna ng kalsadang katapat ng SM City Bacoor.
Nang tingnan, nakita ang isang matulis na metal na nakatusok sa gulong ng jeep dahilan upang tuluyan itong ma-flat. Ayon sa mga nakasaksi, dalawang lalaki na nakasakay sa isang pulang motorsiklo ang umano’y dumidikit sa mga sasakyan at nagtatangkang maghagis ng mga matutulis na metal sa gulong ng mga sasakyang lulan ang mga kalahok sa protesta.
Ilang minuto ring tumirik ang sasakyan sa kalsada na nagdulot ng pagkaantala sa nakaplanong pagkilos. Matapos mapalitan ang gulong, muling nagpatuloy sa pagbyahe ang mga sasakyan patungo sa sunod na rehiyunal na mobilisasyon.
Tahasang pagsunod ng mga police mobile sa delegasyon ng TK
Hindi pa natapos ang pagtatangka ng PNP na iantala ang kilos-protestang ikakasa ng mga progresibong grupo. Sa kanilang pagbyahe mula SM City Bacoor hanggang sa Kalinisan, pinaligiran ng mga police mobile ang mga sasakyan ng delegasyon.
Ayon sa mga kasama, tinatayang nasa apat na sasakyan ng polisya ang namataang nakasabay sa convoy ng delegasyon. Namataan rin ang mga miyembro ng pulisya na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng lugar na daraanan ng mga progresibong grupo.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang paglalakbay ng mga kalahok sa kilos-protesta hanggang sa marating nila ang Kalinisan, kung saan ikinasa ang isa pang programa para sa Huwad na Kalayaan.
Programa sa Kalinisan
Pagdating sa Kalinisan ay agarang sinimulan ang malawakang panrehiyunal na programa na nilahukan ng mga kasapi ng mga batayang sektor ng maralitang lungsod, magsasaka, manggagawa, at iba pa.
Sa hanay, mariin ang pagkundena ng mga kasama sa talamak na demolisyon at reklamasyon sa lalawigan ng Cavite na isinasagawa upang bigyang-daan umano ang mga dambuhalang proyektong nakapeperwisyo sa mga mamamayan.
Kasama sa mga proyektong ito ang planong pagtatayo ng Light Rail Transit (LRT) Extension, Bacoor Diversion Road, at iba pa, na sumasagasa umano sa lupang tinitirikan ng mga mamamayan at nakaaapekto rin sa kanilang kabuhayan.
“Alam ko naman na walang may-ari ang lugar namin, kami ang may-ari. Kahit sino pa sa kanila, hindi kami aalis ng mga apo ko…ang hirap sa kalagayan namin, hindi kami mayaman, tapos ‘yan pa ang ginagawa sa amin, paaalisin pa kami,” pahayag ni Nanay Nimfa, isang miyembro ng Bagong Silangan at residente ng Talaba Uno, Bacoor.
Isa ang Talaba Uno sa mga barangay na maaapektuhan ng pagpapatayo ng LRT Extension. Noong nakaraang Abril lamang ngayong taon ay naitala ang isang sunog sa mga karatig nitong barangay na katabi ng Manila Bay na bunsod umano ng tangkang pagpapaalis sa mga residente upang makapagtayo ng mga proyekto sa lugar.
Natapos ang programa pasado 3 p.m. kung saan iginiit ng hanay ang tagumpay ng kanilang pagkilos upang ilantad ang Araw ng Huwad na Kalayaan. ■
KUHA NI FREESIA GRANDE


