Isinulat ni Reign Aoalin, Tanglaw Apprentice.


DAPAT MONG MALAMAN

  • Pormal na nanumpa sa harap nina UPLB Chancellor Jose V. Camacho Jr. at Vice Chancellor for Student Affairs Jannette Malata-Silva ang mga bagong halal na kinatawan ng 47th UPLB University Student Council. 
  • Sa seremonya, idiniin ng administrasyon at ng konseho na sentro pa rin ng kanilang pagsisilbi ang lubusang pagpapahalaga sa boses at kapakanan ng mga mag-aaral sa loob ng pamantasan. 
  • Ipinahayag din ng mga bagong halal na miyembro ng konseho ang kanilang paninindigan sa pagsasaalang-alang ng ikabubuti ng bawat estudyante.

Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na kinatawan ng ika-47 University Student Council (USC) ngayong Miyerkules, ika-17 ng Hunyo, sa UPLB Office of the Chancellor Executive Conference Room. 

Pinangunahan nina UPLB Chancellor Jose V. Camacho Jr. at Vice Chancellor for Student Affairs Jannette Malata-Silva ang oath-taking ceremony.

Bilang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Chancellor Camacho ang kahalagahan ng representasyon ng bawat sektor sa loob ng Unibersidad, lalo na ang sangkaestudyantehan. 

Ayon sa kanya, mahalaga ang ginagampanan ng konseho upang maiparating sa administrasyon ang hinaing ng mga mag-aaral. Idinagdag din niya ang hiling na maipagpatuloy ang maayos umanong koordinasyon ng admin sa USC sa pamamagitan ng mga opisina ng vice chancellor kabilang na ang Office of the Vice Chancellor for Student Affairs. 

“Just to let you know, compared, if I may just say, compared to previous years of administration, this administration is the most open to dialogue, to communication, to collaboration. That being said, we in the past, just the recent past, have become more accessible in terms of how students are being represented to executive meetings, especially those that will discuss student welfare,” aniya. 

Kasama rin sa mga nanguna sa seremonya ang outgoing members ng USC sa pangunguna ng ika-46 na USC chairperson na si Geraldine Balingit. Ipinahayag niya ang kaniyang buong suporta sa mga bagong halal na miyembro ng USC. 

Sumumpa sa seremonya ang bagong USC chairperson at vice chairperson na sina Zeadric Joseph Roxas at Shaine Andrea Jariel.

Kasama rin nila ang mga USC councilors na sina John Stephen Astillero, Rochelle Ann Macatangay, Tetchie Margaret Macaraig, at Lawrenz Christian Fabico. 

Dumalo rin ang mga bagong halal na college representatives to the USC bilang representante ng mas malawak na hanay ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga kolehiyo.

Bilang pagtatapos, pinaigting ni Roxas ang kahalagahan ng pakikilahok at pagtugon sa mga usaping kaugnay sa kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad ng UPLB, lalo na ng mga mag-aaral. 

The most radical, the most progressive and the most student centered policies that we have now are only possible through the participation of the students. We can achieve very great heights when we involve the students,” aniya.  ■


KUHA NI LEONARD MAGADIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya