Isinulat nina Leonard Magadia at Reign Aoalin


DAPAT MONG MALAMAN

  • Mula higit 100 sa unang taon, umabot sa mahigit 400 ang aplikasyong natanggap ng CDC para sa ASDC program ngayong ikatlong taon. 
  • Isiniwalat ng pagdami ng mga interesadong aplikante kada taon ang pangangailangan sa mas maraming rekurso sa pasilidad at kaguruan upang matugunan ang lumalaking demand ng programa. 
  • Sa kabila ng maraming limitasyon, nagpahayag ang mga namamahala sa programa na sinisikap nilang gawin ang kanilang makakaya upang mas maging inklusibo ang ASDC. 

Lumobo sa mahigit 400 ang aplikasyon para sa Associate of Science in Development Communication (ASDC) ngayong paparating na akademikong taon 2026 – 2027, na nagbukas sa usapin sa pangangailangan ng mas malaking pondo para sa sapat na pasilidad at mga kaguruan upang tugunan ang tumataas na demand ng programa. 

Ang ASDC ay isang two-year program na binuksan ng UPLB College of Development Communication (CDC) noong 2023 para sa mga nagnanais na makakuha ng associate program sa Devcom. Bukod sa pagiging associate degree, maaari rin itong magsilbing tulay upang ipagpatuloy ang dagdag pang dalawang taon para sa pag-aaral ng Bachelor of Science in Development Communication (BSDC). 

Sa datos, higit na mas mataas ang bilang na 421 aplikante ngayong taon kumpara noong nakaraang batch na umabot lamang sa 303 aplikante. Isang malaking pag-angat din ang bilang na ito kung titingnan ang 146 na kabuuang bilang ng aplikasyon sa unang taon ng paglulunsad ng programa.

Sa kabila ng mabilis na pag-angat ng bilang ng mga mag-aaral na nagnanais makapasok sa ASDC program, nananatili ang limitadong slot para sa mga mag-aaral na matatanggap sa programa. 

Kakulangan sa mga pasilidad at kaguruan

Pangunahing rason na tinukoy ang limitadong kakayahan ng kolehiyo na mag-accommodate ng mas malaking bilang ng mga mag-aaral dahil sa kakulangan sa espasyo at bilang ng mga guro. 

“Ang pinakakailangan kasi natin talaga ay una, physical space. Lumalaki ‘yung populasyon ng college, BSDC pa lang, ang dami na natin. And then mas lumaki rin noong nagkaroon tayo ng ASDC, pero ang building natin, ayun pa rin,” pahayag ni Instructor Laurenz Cruz, ang kasalukuyang chair ng ASDC Program Committee. 

Bagama’t nagkaroon ng mga karagdagang silid-aralan ang kolehiyo, nananatili ang pangangailangan para sa mas malaki pang espasyo upang maging sapat para tumanggap pa ng karagdagang bilang ng mga mag-aaral. 

Bukod pa sa kulang na mga silid-aralan, inihayag din ni Cruz ang pangangailangan para sa dagdag pang mga guro na magtuturo sa mga mag-aaral ng ASDC. “So right now, mayroon tayong tatlong ASDC faculty…sana madagdagan pa in the near future lalo pa’t dumarami ang ating population.”

Proseso ng pagpili sa mga makapapasok na mag-aaral 

Matatandaang binuksan ang aplikasyon para sa ASDC ngayong taon mula ika-24 ng Abril hanggang ika-22 ng Mayo. Kalaunan naman ay sumailalim ang mga aplikante sa masusing proseso ng screening noong ika-16 ng Hunyo sa Nora C. Quebral Hall. 

Ang proseso ng aplikasyon ay binubuo ng dalawang yugto. Ang una ay ang pagsusuri sa karanasan ng aplikante sa larangan, gaya ng video production, writing, at reportage. Kabilang din na basehan ang akademiks at numerikal na grado sa naging pormal na ebalwasyon. 

Habang ang pangalawang yugto naman ng screening process ay pagpapalalim ng pagkilala sa mga aplikante sa pamamagitan ng face-to-face interview. Nais ng komite na kilatisin nang maigi ang mga rason ng mga aplikante na nais mag-aral sa programa upang magkaroon ng mas malawak na basehan sa pagpili. 

“Nakakatuwa din kasi ‘yung applicants ngayon, highly competitive na sila. Ang dami-dami na rin nilang experiences at ang tataas ng mga grades nila. So kailangan talaga nating salain ‘yung mga mabibigyan ng slot given ‘yung limitation of course noong college,” pahayag ni Cruz.

Bagama’t limitado ang mga makakapasok, kabilang sa mga pinalad na makapasa sa pinakabagong batch ng ASDC si Kyle Derrick Garcia, isang mag-aaral mula sa Cavite. Ayon kay Garcia, nadiskubre niya ang ASDC program sa tulong ng kanyang tita na nagmungkahi na subukan niyang mag-apply matapos hindi palarin na makapasa sa UP College Admission Test (UPCAT) ng pinili niyang pamantasan.

“The application process was fairly smooth…it was more-so on the side of doing a few things that would take hours like compiling everything required, like your grades and certificates, resume and accomplishments, and proof of work such as scripts and video outputs,” paliwanag ni Garcia.

Idinagdag pa ni Garcia na sa kabila ng stress na naramdaman niya sa paghihintay, masaya siya sapagkat nakalinya sa kanyang mga interes sa komunikasyon at peryodismo ang disiplina ng Devcom.

Katulad ni Garcia, isa rin si Lee Laurence Reyes sa mga pinalad na makapasok sa programa. Ayon sa kanya, hindi siya nakapag-UPCAT, kaya sinubukan niyang mag-apply sa ASDC dala na rin ng kaniyang interes sa programa. 

“Ang process ay hindi naman po ganoon kahirap since may guide naman na available kasama ng form for submission…the problem I encountered lang was waiting for the results, super uncertain kasi ng pwedeng maging resulta,” pahayag ni Reyes. 

Tungo sa mas inklusibong ASDC program

Sa gitna ng mga hamon na umusbong sa tuloy-tuloy na pagyabong ng ASDC, nanindigan ang CDC na ginagawa nila ang mga hakbang na kaya nilang gawin upang gawing mas inklusibo pa ang pagpili ng mga tatanggapin sa programa sa kabila ng limitadong mga slot.

“Lagi naming sinasabi na kung pwede lang namin tanggapin lahat, why not? Kasi ‘yun nga e, gusto rin namin talagang magbigay ng oportunidad sa mga students. Naniniwala kami na karapatan ang edukasyon at hindi dapat ito nagiging kompetisyon,” saad ni Cruz.

Idinagdag din niya na ngayong taon ay sinubukan ng kolehiyo na makapagbigay ng mga slot sa iba’t ibang rehiyon sa bansa nang sa gayon ay mas mapalawak pa ang saklaw ng programa labas pa sa CALABARZON at National Capital Region.

“Gusto rin namin na mas malayo ang reach ng course noong ASDC kasi binuo naman talaga sya dahil isa sa mga core o rationale n’ya is to be more inclusive sa pagtanggap natin ng mga estudyante dito sa Devcom,” paliwanag pa niya.

Dagdag pa rito, nais din umanong magsagawa ng isang pagsusuri ang kolehiyo sa naidulot ng ASDC sa unang dalawang batch ng graduates nito upang makakalap ng datos na magagamit sa pagpapatibay ng programa. 

“Since third intake na ito, titingnan namin ano ba ‘yung impact ng ASDC. Kung kumusta na ba ang mga graduates. Tumuloy ba sila sa BSDC, nagtatrabaho ba sila after, o kaya naman ay may mga graduates ba tayo na nag-decide na mag-stop muna at ano ang mga rason,” paliwanag muli ni Cruz. 

Kaugnay nito, sa kasalukuyan, gumugulong din ang curriculum revision ng CDC para sa BSDC program na kadugsong din ng muling pagbisita sa kasalukuyang curriculum na mayroon ang ASDC. 

Bunsod ng mga nabanggit, nagpahayag pa rin ng mensahe si Cruz para sa mga mag-aaral na nagnanais na makapasok sa Devcom na hindi papalarin sa aplikasyon ng ASDC. “Hindi natin isasara ang pinto ng Devcom para sa mga mag-aaral. Pwede nilang subukan makapasok via transferring o shifting…huwag sanang mawalan ng pag-asa ‘no. Sa kasalukuyan kasi, kailangan lang talaga natin i-consider na limitado pa rin ang resources natin.”  ■


KUHA MULA SA UPLB COLLEGE OF DEVELOPMENT COMMUNICATION FACEBOOK PAGE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya