DAPAT MONG MALAMAN

  • Hindi naman talaga pamilyar si Dane sa kung anong gusto n’yang tahakin na landas para sa kolehiyo noon. Ngunit dahil sa Radyo Sagada, natunton niya ang lugar niya sa UPLB.
  • Bilang isang miyembro ng IP community sa Cordillera, malaking pagbabago ang kinaharap ni Dane sa pagtungo niya sa pamantasan. Gayunpaman, singtayog ng Bundok Makiling ang kaya niyang akyatin at lagpasan. 
  • Radyo Sagada ang pinili niyang paksa sa kaniyang undergraduate thesis. Pagkakataon ito upang magbalik-loob sa kaniyang pinagmulan. 
  • Sa kanyang pagsablay, hindi pa niya alam kung saan siya sunod na maglalakbay. Ngunit sigurado siya na saan man siya dalahin ng kaniyang mga paa, babalik at babalik siya sa Sagada.

Sa kabundukan ng Cordillera, sumibol ang isang pangarap na tatahakin ang mahabang daan patungo sa paanan ng Makiling. 

Hindi pangkaraniwan ang kuwentong sablay ni Dyan Dane Chomawat, isang Batch 2021 mula sa Bachelor of Science in Development Communication. Walang katulad ang kuwento kung paano niya piniling pumasok sa UPLB upang tahakin ang kursong matagal siyang tinawag. 

Nagsimula ang lahat sa kaniyang dating paaralan sa Sagada. Hindi naman talaga niya alam kung ano ang Devcom noon. Bilang isang mag-aaral sa hayskul, wala pa rin siyang ideya kung ano ang gusto niyang tahakin na landas sa kolehiyo. Ang sigurado lang siya, mahilig s’ya sa broadcasting at malapit siya sa kanyang identidad bilang miyembro ng Applai tribe sa Mountain Province. 

Hanggang isang araw, may mga mag-aaral sa kolehiyo na kasalukuyang nasa kanilang internship ang bumisita sa kanilang paaralan. “Noong tinatanong namin ang mga interns kung taga saan sila, sabi nila, they are from Benguet State University, they are Devcom students, and they are interns from Radyo Sagada,” pagkukuwento niya. 

Hindi pa man lubos natatarok ng pang-unawa, mayroong pumukaw sa kaniyang interes na piliin ang Devcom. Sa tulong ng isang administrative assistant sa kanilang paaralan, nagbakasakali siyang mag-apply sa UPCA. 

Station 1: UPCA application

Hindi katulad sa konsepto sa hiking, hindi naging madali para kay Dane na malagpasan ang unang istasyon. Sandamakmak na mga requirements kasi ang kinailangan niyang ipasa. Kasama pa rito ang mga karagdagang papeles na kailangan niyang ihanda upang maideklara sa aplikasyon na isa isang miyembro ng indigenous people’s (IP) community

Mahirap makakuha ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) certification—isa sa mga kinakailangan niyang requirements—inaabot ito ng ilang buwan bago ma-secure. Bukod sa mga papeles, kinailangan pa ni Dane na tukuyin ang kaniyang ancestry tree upang mapatunayan na isa s’yang katutubo. 

“Nahirapan ako kasi I had to sit with my parents to do it. I feel like sobrang unnecessary lang n’ya for me. Naisip ko na why do I have to go through this just to prove na isa akong IP?”

Ilang buwan din ang hinintay niya para kumpletong maipasa ang lahat ng hinihingi sa aplikasyon. Ngunit naging sulit naman ang lahat sapagkat nakapasa siya at nabigyan ng pagkakataong makapag-aral ng Devcom sa pinili niyang pamantasan. 

Station 2: Ang mabuhay malayo sa Sagada 

Hindi naging madali ang masanay sa buhay malayo sa nakagisnan niyang tahanan. Maraming pagbabago ang naranasan ni Dane nang lumipat siya sa Laguna para pumasok sa UP. Bagama’t parehong probinsya, nanibago siya sa panahon, kultura, at lengwahe ng mga mag-aaral sa Unibersidad. 

“Yung sa language barrier, minsan napaghahalo ko ang Tagalog at ang native language ko, sa amin kasi, yung Kankanaey talaga ‘yung ginagamit namin…noong una, sabi nila sobrang bagal ko magsalita at may accent daw ang pagsasalita ko,” saad niya. 

Idinagdag din ni Dane na mas mabilis ang takbo ng oras sa Los Baños. Hindi nagmamadali ang Sagada, hinahayaan nitong manuot ang bawat sandali ng araw, kabaliktaran sa bago niyang buhay kung saan kinailangan niyang makisabay sa mabilis na daloy ng kapaligiran. 

Dumaan ang mga araw, linggo, buwan, at taon, bihira na lamang makabalik si Dane sa Sagada. Malayo-layo rin ang 14-16 na oras na byahe pauwi. Sa loob ng isang taon, kadalasa’y dalawang beses lamang siya nakababalik. Sa kabila nito, marami rin naman siyang pinagkakaabalahan, kaya’t kahit papaano, naaaliw din niya ang kaniyang sarili.

“Sa sobrang tagal ko sa Sagada, there’s always this feeling for me na gusto kong pumunta somewhere, anywhere, ‘wag lang dito sa Sagada. Despite that, na-homesick lang ako noong senior year ko na, andaming ginagawa, requirements—doon ko namalayan na kailangan ko rin ng emotional support from my family,” wika niya. 

Station 3: Sa piling ng kabundukan

Nalayo man sa nakagisnan, babalik at babalik si Dane sa piling ng kalikasan. Nakagagaan ng kaniyang pakiramdam ang huni ng mga ibon, ang amoy ng lupa, at ang lamig ng hangin. Ipinaaalala nito kung saan s’ya nagmula. 

“Sa Sagada, I was raised in the mountain, kumbaga, pilgrimage na for me to hike mountains, to be in the mountains. Kapag umaakyat ako, mas nagiging grounded ako sa culture at identity ko.” 

Ilang beses na niyang inakyat ang Makiling at ang iba pang bundok malayo sa Cordillera. Sa kaniyang huling taon sa UPLB, pinili rin niyang sumali sa UPLB Mountaineers, isang organisasyon para sa mga mahilig sa umakyat sa mga bundok. 

“Na-hike ko na lahat ng mountains sa Sagada. Noong pumunta ako sa UPLB, isa ‘yun sa mga unang hinanap ko. For me, hindi lang hobby ang hiking, it’s one way for me to relieve my homesickness. Nagha-hike ako to remind me of home. To remind me of Sagada.”

Station 4: Pagbalik kung saan nagsimula 

Sa tuwing inaalala ni Dane kung paano siya nagsimulang mangarap na makapasok sa UPLB at maging isang mag-aaral ng Devcom, palagi siyang bumabalik sa Radyo Sagada 104.7 FM—ang indigenous community radio station na naging tulay upang mahanap niya ang disiplinang gusto niyang tahakin. 

Kaya’t nang mabigyan ng pagkakataon, pinili niyang isentro ang pag-aaral para sa kaniyang undergraduate thesis para sa istasyon. 

“Pinag-isipan ko s’ya overnight. Ayaw kong dumating sa point na hindi na ako passionate sa magiging topic ko. Looking back, Radyo Sagada has been one of the very helpful stations na nag-train sa amin. Naisip ko na dahil sa malaking naitulong nila sa akin noon, why not give back to Radyo Sagada,” paliwanag niya. 

Dagdag pa niya, limitado ang mga pag-aaral tungkol sa mga indigenous community radio station sa bansa. Matapos ding magsara ang Radyo Lumad 1575 AM—isa ring indigenous community radio station sa Mindanao—noong 2019 dahil sa iba’t ibang banta ng red-tagging, ang Radyo Sagada na lamang ang natitirang istasyon ng radyo na pinapagana ng mga katutubo sa maliliit na komunidad sa bansa. 

Gayunpaman, hindi naging madali para kay Dane na ipagpatuloy ang thesis topic na ito. Nang dahil sa kakulangan sa pag-aaral, nahirapan siyang maghanap ng mga may kaugnay na literatura sa paksa. Bukod pa rito, hindi rin naging madali na makalagpas sa Research Ethics Board (REB) ng kolehiyo ang thesis topic

Sensitibo kasi ang pag-aaral sa mga IP. Kailangan ng maraming konsiderasyon upang mapayagan na maipagpatuloy ang pagsusulat ng undergraduate thesis patungkol sa kanila. Sa kabila nito, desidido si Dane na ituloy ang paksa. 

Basically, IP ako. So why should I not be allowed to study my own community? J-in-ustify ko ang thesis ko as low risk. It took almost two months before maibalik ang result ng ethics review kaya isa rin ‘yun sa dahilan kung bakit ako na-delay,” saad niya. 

Nang makalagpas sa ethics board, isang hamon din ang pagkalap ng mga datos para sa thesis. Kailangan niyang magpabalik-balik sa Sagada at Laguna upang maipagpatuloy ang pagsusulat. Ngunit katulad ng tatlong community broadcasters na patuloy na nagtataguyod ng istasyon ng Radyo Sagada, pursigido si Dane na panindigan ang nasimulan. 

Mabuti na lamang at tila gumagawa ng paraan ang kapalaran. Sa tulong ng Agricultural and Rural Development Scholarship (ARDS), natustusan niya ang mga gastusin ng thesis niya. “I’m very fortunate enough to have a scholarship…para lang dapat s’ya sa mga agriculture related courses pero triny ko pa rin kahit malaki ang chance na ma-reject ako.” 

At masaya rin siya na nakatanggap ng ARDS thesis grant ang kaniyang paksa. Naniniwala siya na isang magandang pagkakataon ito upang maipakita ang mga balakid na kinahaharap ng Radyo Sagada sa aspetong pinansyal, at kung paano nito ipinagpapatuloy na mas pagyabungin ang kultura at kaalaman ng mga katutubo sa kabila ng mga limitasyon. 

Peak: #Sablay2026

Makabuluhan ang limang taon ni Dane sa UP. Hindi man madali, sulit naman ang lahat ng pagpupursigi. At sa araw ng kaniyang pagtatapos, lagi’t lagi niyang bitbit ang lahat ng kaniyang natutuhan sa kaniyang paglalakbay—at ang mga pangarap para sa mga katulad niya. 

My only hope for the people, for the community, and for UP is to give indigenous people a chance to study…kapag may mga IP na nag-aaral, I hope we can give them a chance to explore their identity and pursue kung ano ang passion nila.”

Kalakip ng mga tagumpay, simple lang ang nais niyang sabihin sa lahat: pasasalamat sa mga taong humubog sa kaniyang pagkatao, at sa institusyon na nagbigay sa kaniya ng maraming oportunidad. 

“Bata pa lang, mulat na ako sa struggles ng mga IP, pero mas namulat ako pagdating ko sa UP. One thing I’m very sure of is that I’m really grateful sa kung anong ginawa ng UP for me—it really changed me. I would say na I wasn’t the same person when I entered, at aalis ako ng UP na completely different person,” pahayag niya. 

Kamakailan lamang, nang lumabas ang resulta para sa UPLB Seal of Excellence in Leadership Awards ngayong taon, isa si Dane sa mga pinarangalan dahil sa hindi niya matatawarang paglilingkod sa bayan at sa mga komunidad na malapit sa kaniyang puso. 

Ngunit sa totoo lang, pagkatapos ng sablay, mahirap sagutin para kay Dane kung saan siya sunod na maglalakbay.

Hindi pa niya alam kung saan siya dadalahin ng kaniyang kapalaran kapag lumabas na siya sa pamantasan. Ang sabi ni Dane, hindi muna s’ya babalik sa Sagada. “Sa totoo lang, if I’m being real, Sagada is a good place but it’s far from many opportunities.” 

Gayunpaman, narating man ang tuktok, at saan man siya dalahin ng kaniyang mga paa, lagi’t lagi niyang dama sa kaniyang puso ang yakap ng kaniyang tahanan. At hinding hindi niya makalilimutan na bumalik sa kaniyang kinagisnan—sa kabundukan ng Cordillera, kung saan nagsimula ang kaniyang mga pangarap.  ■

DISENYO NI EMMANUEL PELOBELLO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya