Isa ako sa mga hindi nakadalo sa UPLB Walkout noong nakaraang taon.
Hindi dahil wala akong pakialam. Hindi rin dahil hindi ko ito sinusuportahan. Noong mga panahong iyon, hindi pa rin malalim ang kaalaman ko sa samu’t saring isyung kinahaharap ng bansa, lalo na sa mga usaping malapit sa mga mag-aaral ng Devcom, ng UPLB, at ng rehiyon ng Timog Katagalugan. Ngunit alam ko rin namang ang kakulangan sa kaalaman ay hindi nangangahulugang hindi na rin bukas ang aking puso’t isipan upang matuto.
Marahil, takot ang isa sa mga unang bagay na naramdaman ko noon, bukod pa sa mga responsibilidad na kailangang kong tugunan sa araw na iyon. Bilang bagong pasok pa lamang sa pamantasan, bago rin ang lahat sa akin. Bago ang mga mukha at bago rin ang mundong unti-unting ipinakikilala sa akin ng Unibersidad. Noon, hindi ko pa rin mawari kung saan ba ako lulugar.
Ngunit lumipas ang isang taon. At kasabay ng isang taon kong pamamalagi sa pamantasan, nagbago rin ang paraan ng pagtanaw ko sa lipunan.
Unti-unti akong natuto tumingin hindi lamang mula mismo sa kinatatayuan ko, kundi mula sa lente ng mga batayang sektor sa bansa: sa malawak na hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at mga komunidad na palaging nasa sentro ng kapabayaan at karahasan ng estado. Sila ang mga madalas na nauunang humarap sa pinsala tuwing may kalamidad. Pasan nila ang pagtaas ng presyo ng bilihin at paglaganap ng mga polisiyang pinagsisilbihan lang ang interes ng iilan o mga banyaga.
Mula sa mga komunidad ng Barangay Bambang at Tadlac at sa mga magsasakang inipit at pinagsamantalahan ng imperyalistang International Research Rice Institute (IRRI), hanggang sa mga mangingisda sa Laguna de Bay na apektado ng mga proyekto gaya ng Solar Farm Project ng SunAsia Inc. at marami pang komunidad sa rehiyon at sa buong bansa—ang mga karanasan at kalagayan nila ang naging dahilan ko upang manatiling mulat, upang manindigan at lumaban.
Gayunpaman, gagap kong hindi rin sapat ang kaalaman. Kasunod dapat nito ang malawakang pagkilos at masikhay na pakikibaka, sapagkat may mga kuwentong hindi dapat manatiling kuwento lamang at may mga reyalidad na kapag natuklasan mo na ay unti-unti mo na lamang mapagtatanto ang lahat.
Dito ko rin higit na naunawaan ang kahalagahan ng pagsulat at pamamahayag—na ang bawat letra’t pangungusap ay hindi na lamang tungkol sa pangangalap ng impormasyon, pagbibigay-kahulugan sa mga ito, at paglalapat sa mga pahina.
Ang pagsulat ay pakikibaka.
Sa paglipas ng panahon, lumalala rin ang mga suliraning ating kinahaharap—mula sa impeachment trial ni Sara Duterte, generative artificial intelligence (AI), panukalang 2.95 bilyong pagtapyas sa pondo ng UP sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program, Pax Silica, red-tagging, at marami pang iba. Mas nagiging matindi ang kahingian ng lipuna’t panahon para mas palawakin pa ang hanay na magpapatambol ng panawagan ng pagtutol at paglaban sa mga ito.
May matinding epekto ang mga pagpapasyang ginagawa natin sa loob ng mga silid-aralan. May matinding epekto ang mga proyektong nangangako ng “kaunlaran” sa mga komunidad, ngunit sa katunayan ay inuuna ang interes ng mga mayayaman. May matinding epekto ang kakulangan sa pondo sapagkat ugat ito ng kasalatan sa mga unit, pasilidad, kaguruan, laboratoryo, at fieldwork na araw-araw pasanin ng mga mag-aaral.
Higit sa lahat, may matindi ring epekto ang red-tagging sa mga peryodista at pahayagang masikhay na ginagampanan ang tungkuling mag-ulat, magsiyasat, at magsiwalat ng mga usaping mahalaga sa mga batayang sektor sa bansa.
At marahil, dito ko na rin napagtanto ang usapin ng takot. Dahil oo, minsan na nga rin akong natakot at aaminin kong may kararampot pa rin akong pangamba hanggang ngayon. Ngunit sa paglipas ng mga araw, natuklasan kong may mga komunidad na araw-araw na namumuhay sa gitna ng takot—takot mawalan ng kabuhayan, takot mawalan ng tahanan, takot mawalan ng kinabukasan, at takot sa mga desisyong hindi sila kailanman naging bahagi sa pagpapasya.
Hindi nila pinili ang mga kalagayang iyon at hindi nila hiniling na pasanin iyon, ngunit sila’t sila pa rin ang patuloy na humaharap sa mga epekto nito dahil sa mapaniil na estado.
Ang mapaniil na estadong mag-iba man ang mga mukang umuupo pagkatapos ng mga termino, pare-parehong danas at epekto pa rin naman ang dala-dala ng mga batayang sektor.
Ang mapaniil na estadong walang ibang ginawa kundi pagsamantalahan ang mga komunidad na dapat pagsilbihan nito at piniling makipagsosyo sa mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos.
Ang imperyalistang Estados Unidos na pilit tinutulak na mapalawak ang kanilang kapangyarihan sa ekonomiya at militar sa pamamagitan ng mga proyekto kagaya ng Pax Silica. Ang Pax Silica na huwad at tanging ang US lamang ang makikinabang dahil maraming likas na yaman at komunidad sa bansa ang masisira at maaapektuhan.
May puwang ang mga isyung ito kapag sumusulong tayo patungong kaunlaran, sapagkat ang tanging direksyon dito ay pakikibaka. Kung noong nakaraang taon ay hindi ako nakadalo sa UPLB Walkout, sisiguraduhin kong hahanay ako ngayon upang ipatambol ang mga panawagan para sa bawat batayang sektor sa bansa.
Hindi dahil alam ko na ang lahat, kundi dahil natutuhan kong ang tunay na pagkatuto ay hindi lamang nagtatapos sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Malinaw na sa akin kung bakit mahalagang tumanaw, makinig, magsuri, at magsalita.
Ngayong mas malawak na ang aking pagtanaw sa mundo, hinding-hindi ko na kayang pumikit at talikuran ang mga reyalidad na nasaksihan ko.
Kung kaya’t sa darating na Biyernes, ika-18 ng Setyembre, magkikita-kita tayo. ■
Si Airon Villanueva ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at kasalukuyang news editor ng Tanglaw. Matindi niyang ipinagpapanawagan ang makabuluhan, mapanuri, at makamasang pagbabalita tungo sa ganap na kalayaan sa pamamahayag.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.
LARAWANG KUHA NI LUKE CERDENIA


