Mahigit limang libong mga larawan na ang napitikan ko magmula noong pinakaunang UPLB Walkout na aking napuntahan noong nakaraang taon. 

Natatandaan ko pa nga ‘yung nararamdaman ko noon. Para akong sasabog sa adrenaline kahit hindi naman ako naka-inom ng Sting. Hindi ko kasi alam kung saan ako dapat pumwesto, kung kailan ko pipindutin yung shutter button, o kung paano ko makukuha ang larawang nasa isip ko. Basta ang alam ko lang, gusto kong makuha ang lahat ng nakikita ng mga mata ko. Gusto kong maitala ang bawat sigaw, bawat plakard, bawat kamaong nakataas, at bawat taong patuloy na na nakahanay sa kabila ng matinding pagod.

Kung tutuusin, mga larawan lamang ang mga ito—mga kuha na mas marami pa ‘yung hindi naka-focus kasi sobrang baguhan ko pa lang humawak ng camera. May mga larawang sablay ang framing, may mga kuhang hindi maayos ang exposure, at may mga sandaling hindi ko na napitikan dahil hindi pa ako sanay sa bilis ng mga pangyayari sa isang pagkilos. 

Ngunit masasabi ko talaga na naging simula ang unang walkout na iyon sa kung ano ako ngayon bilang isang indibidwal. Hindi ko man kaagad napagtanto, pero sa bawat pagpunta ko pala sa mga pagkilos, unti-unti akong natututong tumingin nang higit pa sa kung ano ang nakikita ng aking mga mata. Napagtantong kong may mga kuwento pala na hindi kayang masaklaw ng isang pindot ng shutter button, mga hinaing na hindi kayang maipaliwanag ng isang caption, at mga karanasang hindi ko kayang lubusang isalaysay sa pamamagitan lamang ng paglalathala ng mga ito sa iba’t ibang plataporma sa social media.

Mula sa naganap na gitgitan sa Commonwealth Avenue noong nakaraang SONA at sa patuloy na panggigipit ng mga kapulisan sa hanay ng kabataan sa Cavite, hanggang sa demolisyon ng mga komunidad sa Bambang at Tadlac at sa makulay na Pride March sa Batangas, mas lumalim ang aking pag-unawa sa kung ano ang kahulugan ng pagdodokumento ng isang pagkilos. 

Sa bawat lugar na pinuntahan ko, hindi lamang mga larawan ang aking naiuuwi, kundi mga kuwentong humahamon sa akin na unawain kung bakit kailangang lumaban, kung sino ang patuloy na naaapektuhan, at kung anong mga kalagayan ang nagtutulak sa mga tao upang lumaban at isulong ang rebolusyon.

Hindi maihihiwalay ang mga pagkilos na ito sa mas malawak na kalagayan ng ating lipunan—sa patuloy na panghihimasok ng imperyalistang Estados Unidos sa mga isyung nakaaapekto sa soberanya ng bansa, sa mga patakarang inuuna ang interes ng iilan, at sa mga suliraning kinakaharap ng hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, at iba pang sektor. 

Aaminin ko, hindi ko pa talaga lubusang gagap kung gaano kalalim at kalawak ang mga ugat ng mga pakikibakang ito. Hindi ko pa rin kayang sabihin na nauunawaan ko na ang lahat ng mga dahilan. Ngunit sa mahigit limang libong larawang aking napitikan, natutuhan kong hindi sapat ang basta tumingin.

Marahil, iyon ang pinakamahalagang itinuro sa akin ng kamera—na ang pagtingin ay simula lamang. Matapos mong makita, kailangan mong magsiyasat. Matapos mong magsiyasat, kailangan mong umunawa. At matapos mong umunawa, darating ang tanong kung ano ang dapat mong gawin.

Hindi ko pa alam kung saan ako dadalhin ng mga larawang susunod kong kukunan. Hindi ko rin alam kung ilang libo pa ang madadagdag sa mga litrato sa aking arkibo. Ngunit alam kong hindi na ako katulad ng taong unang pumunta sa isang walkout na walang gaanong alam.

Ngayon, alam ko nang hindi ko kailangang makuha ang lahat.

Ang kailangan ko ay matutong umunawa.

Kaya bukas, muli kong dadalhin ang aking kamera sa lansangan. Muli akong lalahok sa walkout ng sambayanan—hindi lamang upang kumuha ng mga larawan, kundi upang makinig, matuto, at patuloy na maunawaan ang mga pakikibakang humuhulma sa ating lipunan.  ■

Si Freesia Grande ay kasalukuyang nagsisilbing Managing Editor ng Tanglaw, kung saan siya nagsimula bilang isang Special Projects Staffer. Binibigyang-pansin niya ang mga kwentong sumasalamin sa mga karanasan, hamon, at danas ng iba’t ibang mga komunidad habang isinusulong ang diwa ng malayang pamamahayag.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.

LARAWANG KUHA NI FREESIA GRANDE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya