DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkaroon ng mas malalim at bukas na pagsisiyasat sa apat na nominado hinggil sa kanilang tindig at plano sa samu’t saring sosyo-politikal na usaping kinahaharap ng malawak na hanay ng sangkaestudyantehan, kaguruan at kawani, at maging ng iba pang mga sektor sa loob at labas ng Unibersidad.
- Naisiwalat ang ilang kontrobersyal na mga pagtindig at opinyon ng mga nominado na direktang tumutunggali sa ilang mga tindig ng mga sektor na lumahok sa forum.
- Lumitaw ang multi-sektoral na mga panawagan at katanungan ng mga dumalo para sa mga nominado, na sinagot naman ng mga nominado sa harap ng malawak na bilang ng mga manonood
Pormal nang nagharap ang apat na nominado para sa susunod na UPLB chancellor sa isinagawang TAPATAN 2026 UPLB Chancellor Selection Forum noong nagdaang Lunes, ika-7 ng Setyembre, sa Charles Fuller Baker Memorial Hall.
Ang apat na nominado para sa pagka-chancellor ay sina Prof. Willie P. Abasolo mula sa College of Forestry and Natural Resources (CFNR), Prof. Elpidio M. Agbisit Jr. mula sa College of Agriculture and Food Sciences (CAFS), Prof. Rex B. Demafelis mula sa College of Engineering and Agro-industrial Technology (CEAT), at ang kasalukuyang Chancellor ng pamantasan na si Prof. Jose V. Camacho Jr. mula sa College of Economics and Management (CEM), na tumatakbo para sa kaniyang ikatlong termino.
Sumalang sa tatlong segment ang mga nominado: fast talk, debate, at open forum, upang mas makilatis ang kanilang mga tindig at plano sa mga sosyo-politikal na isyung kinahaharap ng mga sektor sa loob at labas ng UPLB.
Ang naturang programa ay pinangunahan ng tatlong pangunahing publikasyon sa pamantasan, kabilang ang UPLB Perspective, Tanglaw, at The Staple—katuwang din ang UPLB University Student Council (USC), All UP Academic Employees Union Los Baños (AUPAEU-LB), at UPLB Sectors for Democratic Governance (SDG).
Pagsusulong ng makabayan, makamasa, at siyentipikong tipo ng edukasyon
Kontrobersyal ang naging tugon ng lahat ng nominado sa naging fast talk segment nang hingin ang kanilang pagtindig hinggil sa panukalang Reframed General Education Curriculum (RGEC) ng Commission on Higher Education (CHED), kung saan lahat sila ay nagpahayag ng direktang pagsang-ayon.
Malaking kabalintunaan umano ito sapagkat nang manghingi ng konkretong plano sa open forum segment ang ilang mga estudyante at miyembro ng faculty ukol sa pagpapalakas ng potensyal, oportunidad, at pagpapahalaga sa sining at agham panlipunan sa UPLB, ang lahat ng nominado ay nagbitiw ng mga pangako at intensyong tugunan ito.
“Pinangako natin ‘yan nang matagal na, at sa tingin ko ay sa aking posisyon na sumusuporta rito ay napakahalaga na tayo ay magkompormiso para magkaroon ng dalawang kolehiyo para lalong paghusayin ang siyensya, sining, at humanities. And I’m very committed—this third term, we’ll ensure that we will have a college, a College of Science and the College of Arts, Social Sciences, and Humanities. Maganda rin kasing CASH,” sambit ni Camacho.
Samantala, tinanong din ni USC Vice Chairperson Andy Jariel ang mga nominado kung ano ang hangganan sa pagitan ng lehitimong pakikipagsosyo ng UPLB sa mga kumpanya, industriya, at ang komersyalisasyon ng isang pampublikong pamantasan.
Bunsod umano ito ng UPLB Agro-Industrial Park, Information Technology Park, Office for Innovation and Enterprise Management (OVCIEM), at ang pangkabuuang entreprenoryal na balangkas ng buong unibersidad.
Ang mga establisimyentong ito ay nagsisilbing pangunahing aparato ng administrasyon ng UPLB upang magsulong ng mga inobasyon at teknolohiya na nakasandig sa ekonomikal at komersyalisadong lente.
Iginiit ni Abasolo ang kahalagahan ng pagiging malikhain sa paghahanap ng mga alternatibong paraan upang makalikom ng pondo, lalo pa’t patuloy na naiipit ang Unibersidad sa mga ipinapataw na budget cuts kada taon.
Mahalaga umano ang gampanin ng mga pribado at pampublikong partnerships upang maisakatuparan ang pagbuo ng mga rekurso, basta’t umano nakasisiguro na wasto ang pamamahala at hindi nito ikokompromiso ang interes ng mga bulnerableng sektor kagaya ng mga katutubong pangkat at ng malawak na hanay ng sangkaestudyantehan at kaguruan sa UPLB.
Samantala ayon kay Agbisit, “[The] private-public partnership of Agro-Industrial Park was developed for us to develop programs and businesses that came from UPLB. So, start-ups sila. But I think we draw the line, one part of paying for private-public relationship is that academically, our students learn. Research-wise, we get from them. And if they’re giving us financial support without any vested interest, I think that is a very nice way to go to.”
Kaugnay nito, muling binigyang-pansin ang manipestasyon ng kakulangan ng pondo sa buong UP System, bunsod lalo ng panukalang 2.95 billion budget cut na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa darating na 2027.
Nang hingiin ang pagtanaw ng apat na nominado hinggil sa naturang panukala, ang lahat ay nagpahayag ng mariing pagtutol.
Kaya naman muling iginiit ni Jariel ang mga suliraning kinahaharap ng buong sangkaestudyantehan ng UPLB kaugnay sa kakulangan sa badyet, lalo pa’t umaabot na sa mahigit 16,000 ang kabuuang populasyon ng pamantasan sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga manipestasyon ng malalang budget cut ang kakulangan ng mga espasyo dahil sa planong renobasyon sa Student Union (SU) Building na isa lamang sa marami pang nakatenggang imprastraktura sa loob ng pamantasan, na naglilimita umano sa mga lugar para sa pagdaraos ng mga pagpupulong at aktibidad ng mga estudyante.
Nabanggit din ang pinansyal na pasakit sa mga estudyanteng nangungupahan dahil sa limitadong kapasidad ng UP dormitories. Ayon sa datos na ibinahagi ng UPLB USC noong ika-61 General Assembly of Student Councils (GASC), kaya lamang nito pabahayan ang 2,200 residente, katumbas lamang umano nito ang 13% ng kabuuang populasyon ng mga estudyante sa kampus.
Kaugnay din nito ang usapin sa patuloy na pagkaantala sa pamamahagi ng stipend at benepisyo mula sa Student Learning Assistance (SLAS), Student Assistantship and Graduate Assistantship Program (SAGA), at Special University Performers – Student Assistantship Program (SUPSA).
Maiuugnay umano ito sa 20% na ibinawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa Maintenance and other Operating Expenses (MOOE), na ipinatupad ngayong 2026 at direktang nakaapekto sa operasyon ng scholarship programs sa Unibersidad.
Mga batayang karapatan ng mga estudyante
Umani ng batikos ang pagtutol ni Camacho sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill, isang kritikal na panukalang batas na matagal nang naantala ang pagpapasa sa Kongreso mula pa noong 2000.
Ayon sa ilang mga estudyanteng nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa social media, malaking kabalintunaan umano ito sapagkat tanyag ang reputasyon ng UPLB, at maging ang buong UP System, sa pagsusulong at pagprotekta sa mga batayang karapatan at malayang ekspresyon ng kasarian.
Hindi rin hiwalay dito ang danas na isiniwalat ng ilang mga estudyanteng kababaihan sa open forum segment hinggil sa isyu ng Violence Against Women and Children (VAWC).
Patuloy na dumadami ang mga insidenteng pinipili ng mga biktima na ibahagi ang kanilang mga sensitibo at hindi kaaya-ayang karanasan sa UPLB Freedom Wall upang mapanatili ang kanilang anonymity, kaysa humingi ng tulong o maghain ng report sa mga kinauukulang opisina.
Halos magkakapareho ang mga naging tugon ng mga nominado hinggil sa naturang isyu kung saan iminungkahi nila ang pagdagdag ng mga tauhan sa mga gender offices na humahawak ng mga ganitong klaseng kaso.
Ngunit ayon kay Yesha Carisse Meliton, ang kasalukuyang Secretary General ng Gabriela Youth College of Development Communication (GY-CDC), ang panukalang solusyon na ito ay mas lalo lamang palalalain ang burukasyang pinagdadaanan ng mga biktima sa tuwing nais nilang maghain ng reklamo sa mga opisina.
Isa umano ito sa mga pangunahing rason kung bakit mas lalong napanghihinaan ng loob ang mga biktima na humingi ng tulong sa mga pormal na helpdesk sapagkat marami pa silang kailangang pagdaanan na mga proseso.
Dahil umano dito, mas lalo lamang nasasariwa ng mga biktima ang masalimuot nilang pinagdaanan, kung kaya’t mas madalas ay napipilitan na lamang silang manghingi ng tulong at payo sa social media kung saan nakatago ang kanilang personal na pagkakakilanlan.
Nakasaad sa Facebook post ni Khristian Esteva mula sa UPLB Babaylan na ang pagkontra ni Camacho sa SOGIE Equality Bill ay nagpapakita ng kawalan ng malasakit sa mga pagsubok ng komunidad ng LGBTQIA+ dahil sa kawalan ng polisiyang magpoprotekta sa kanila laban sa mga gender-based na karahasan at diskriminasyon.
Retraksyon ng ilang mga nominado sa kanilang mga inisyal na pagtindig
Makalipas ang isang linggo matapos ang programa, naglabas ng pahayag si Camacho ngayong ika-15 ng Setyembre sa pamamagitan ng isang Facebook post upang linawin ang kanyang naging sagot hinggil sa SOGIE Equality Bill.
“On the SOGIE Equality Bill: I support, YES, with reservations. I fully support the core purpose of the SOGIE Equality Bill: no individual should face discrimination on the basis of sexual orientation, gender identity, or gender expression. Equal protection, dignity, and fundamental respect are non-negotiable,” saad ni Camacho sa post.
At ang mga reserbasyon umano niya hinggil sa isyung ito ay ang pagsasaalang-alang sa mga legal na aspetong nangangailangan parin umano ng mas mainam na deliberasyon sa antas ng batas.
Sa parehong post, binawi rin ni Camacho ang kanyang naging inisyal na pagsang-ayon sa Reframed General Education Curriculum (RGEC).
“During the forum, the conflation of RGEP [Revitalized General Education Program] and RGEC led to confusion in how I processed the question on stage, but my substantive stance has never wavered. I stand firmly with the University Council in rejecting any effort to dilute the GE program,” pahayag ni Camacho.
Idiniin rin ni Camacho na ang edukasyon umano sa UP ay hindi lang dapat nakakulong sa mga teknikal na pag aaral, bagkus ay nagbubunga rin ng mga kritikal pag iisip na nakasandig sa kasaysayan, lipunan, etika, at agham.
Naging mainit din na usapin ang post ni John Andre Alcala, ang Organizing Committee Officer ng Youth Advocates for Peace with Justice – UP Los Baños (YAPJUST – UPLB), kung saan pinuna niya ang pagsang-ayon ni Demafelis nang siya’y tanungin kung pinahihintulutan niya ang pakikipag-ugnayan ng UPLB sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ngunit agaran namang nilinaw ni Demafelis sa comment section ng post ni Alcala na isang pagkakamali lamang ang kaniyang naging sagot sa open forum segment, sapagkat ang inisyal umano niyang inakalang tinutukoy dito ay ang “National Democratic Front Task Force.”
Muli ring iginiit ni Demafelis na nananatili umano siyang tumitindig laban sa kahit anong porma ng red-tagging at harassment na pinupuntirya ang malawak na hanay ng mga progresibong grupo sa UPLB.
Kung kaya’t iminungkahi rin niya na komprontahin ang presensya at pang-iintimida ng kapulisan at militar sa pamantasan, na direkta umanong paglabag sa probisyon ng Safe Haven Policy sa UPLB.
Ayon kay Carl Mhel Tabora, ang kasalukuyang editor-in-chief (EIC) ng UPLB Perspective, “Mula rin sa nakalap na datos ng UPLB Perspective, simula Enero hanggang Agosto ngayong taon, hindi tataas sa 300 ang kasong naitala na pagpasok ng AFP [Armed Forces of the Philippines] at PNP [Philippine National Police] sa loob ng Unibersidad… Ano man po ang dahilan nito ay hindi po ito nararapat. Kapag nagkakaroon ng mga pagkilos, nagugulat ang komunidad na may umiikot.”
Kaugnay nito ang suhestiyon ni Abasolo na muling ibalik ang UP Department of National Defence Accord (UP-DND ACCORD) na nananatiling unilaterally terminated simula pa noong 2021.
“That is why my first plan is to provide or propose a revival of the DND-ACCORD. Dapat no military action, dapat the students would have free access, free to express their ideas responsibly. Strengthen natin ang ating police force, so that maybe we can show them that if there is security they’re being concerned [with on] why they are coming to UPLB, ipakita natin na kaya nating i-secure ang UPLB on our own,” saad ni Abasolo.
Kasalukuyang kalagayan ng mga publikasyon sa UPLB
Binigyang-pansin din ni Tabora ang patuloy na paglala ng mga insidente ng red-tagging na nararanasan ng mga publikasyon sa pamantasan, na nagiging pangunahing balakid sa malayang pamamahayag ng mga estudyante.
Partikular dito ang malawakang operasyon ng pang-re-redtag na isinagawa ng ilang Facebook pages gaya ng UPLB Perspective Exposed at UPLB Perspective True Colors, na direkta umanong pinuntirya si Tabora simula nang siya ay maluklok bilang EIC.
Binanggit din ni Tabora ang panganib na dala ng red-tagging na patuloy na nararanasan ng mga lider-estudyante sa UPLB. Lalo na sa mga online na espasyo at maging sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga black propaganda flyers sa loob at labas ng kampus noong special elections sa konseho.
Kaya naman ang naging tugon ni Agbisit dito ay, “If the Supreme Court already stated that it is really [a] crime. I will be looking at the Commission on Human Rights (CHR), which is equipped to handle red-tagging. They have legal people, the only [thing] we have to do in the University is to set up our evaluation system wherein we encourage students or help them, send CHR about the problem of our students regarding red-tagging.”
Pagbasura sa mga represibo at anti-estudyanteng polisiya
Binutbot din sa open forum segment ang kritikal na pangangailangan sa muling pagsusuri at pagbabago sa mga umiiral pa rin na umanong mga anti-estudyanteng polisiyang kagaya ng “No Singko Policy” ng CEM at ang block registration sa College of Veterinary Medicine (CVM).
Bukod pa rito ang hamon at mabigat na pasanin ng mga mag-aaral mula sa associate programs, bunga ng mabilis na takbo ng kanilang kurikulum at ang mahigpit na retention policies na dapat nilang sundin.
Kaugnay nito, maaaring hadlangan ang pagpapatuloy ng isang mag-aaral ng associate degree patungo sa isang regular na four-year bachelor’s degree kapag hindi nila napanatili ang 2.50 o pataas na general weighted average (GWA).
Partikular dito ang transisyon mula sa Associate of Science in Development Communication (ASDC) tungo sa Bachelor of Science in Development Communication (BSDC), gayundin ang Associate in Arts in Entrepreneurship tungo sa Bachelor of Science in Agribusiness Management and Entrepreneurship (BS ABME), at maging ang pagpapatuloy ng Associate of Science in Forestry (AScF) tungo sa Bachelor of Science in Forestry (BSF).
Panawagan ng mga manggagawa ng UPLB
Kolektibo namang ipinatambol ng sektor ng mga manggagawa na lumahok sa programa ang panawagan para sa regularisasyon, sapat na sahod, kalusugan, ligtas na pook-pagawaan, at ang mga batayang karapatan at benepisyong nararapat nilang matamasa.
Hindi pinalampas ng sektor ng mga Contract of Service (COS) o kontraktuwal na empleyado at manggagawa ang pagkakataon na banggitin sa mga nominado ang burukrasya na nararanasan nila sa kanilang inaasam na pagpapamahagi ng plantilla items at regularisasyon.
Partikular dito ang naging katanungan ng isang empleyado, “Dahil marami din naman tayong vacant IDF at mga hindi pa na-fill up, kung kaya kapag humihingi tayo ng plantilla, sasabihin nila, ‘Mayroon pa kayong vacant IDF.’ At spot those na sinasabi nila na ang dami-dami. Can we reclassify or rechannel? As a member din ng mga committee na nag-review for hiring, I know that there are items vacant. First of all, do we have hold, keeping these items on hold for federal use?”
Payak ang naging kasagutan ni Camacho dito kung saan iginiit niya na nararapat lamang na ire-plantilla ang lahat ng bakante na items, at bigyan ang mga kinauukulan ng oportunidad na pagsilbihan ang Unibersidad.
Bagamat batid umano ng sektor ng mga kontraktwal na manggagawa na hindi mabilis at madali na matutugunan ang kanilang mga hinaing hinggil sa regularisasyon—dahil nangangailangan ito ng legislative at national policy reforms—inaasahan pa rin nila na sa pinaka-minimum, ang susunod na magiging chancellor ay magiging kabalikat ng kontraktwal na sektor sa kanilang mga panawagan.
Kaya naman idiniin ng spokesperson ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE-UP) na si Mickey Nieto ang karapatan ng mga kontraktwal na empleyado at manggagawa sa pagkakaroon ng two-way na pagbuo ng kanilang kontrata na may direktang pagsasaalang-alang sa kanilang kapakanan.
“Ang hinihiling po namin, sana sa susunod—halimbawa sa paggawa ng mga bagong contract template—ay magkaroon din ng diyalogo at konsultasyon sa mga contractual para mas maging two-way ang pagbuo ng kontrata. Dahil ang prinsipyo ng pagkontrata, dapat lagi itong two-way at hindi iisang panig,” saad ni Nieto.
Demokratikong basehan sa pagpili ng susunod na Chancellor
Mula sa crowdsourced na mga tanong sa livestream ng programa, nabigyang-pansin din ang pagsisiyasat sa demokratikong esensya sa pagpili ng Board of Regents ng susunod na punong tagapangasiwa ng UPLB.
“Ayon sa Article 79 ng University Code, hanggang dalawang termino lamang ang Chancellor maliban sa highly exceptional cases. Ano sa tingin niyo po ang magwawasto para kayo ay mag-third term pa?” saad ng isang tanong.
Ang katanungan ay nakadirekta kay Camacho, kaya naman ang naging tugon niya ay, “Para po sa akin, ang magwawasto, the Board of Regents ng third term ay sulit ba ang ating accomplishments. Sulit ba sa mga nagawa natin, ‘yung mga initiatives, programa, at mga proyekto na ngayon ay pinakikinabangan na lalong-lalo na ng mga estudyante. But at the same time, kailangan natin lalo pang paigtingin at paghusayin ang mga proyekto, programa, at inisyatibo na ito.”
Ngunit ayon sa pahayag ni Agbisit nang siya ay mag-guest sa DZLB Online! Specials na HUNTAHAN: The UPLB Chancellorship Interviews kahapon, ika-14 ng Setyembre kasama si Assistant Professor Guien Garma, mariin itong tumutol sa ikatlong termino ni Camacho.
Dahil naniniwala umano siya na “Improvement is brought about by change,” at bago umano maupo ang isang Dean sa CAFS, mayroon silang kasunduan na hanggang dalawang termino lamang sila sa posisyon at sa loob nito ay kailangan nilang tapusin ang lahat ng kanilang responsibilidad sa posisyon.
Sa huling bahagi naman ng programa ng TAPATAN, muling ipinatimo ng malawak na hanay ng mga progresibong mag-aaral, manggagawa, at iba pang sektor sa komunidad ng UPLB ang kanilang hamon sa apat na nominado na pangatawanan ang lahat ng kanilang mga ipinangako.
“Mga kasama, pinatunayan din ng ating kasaysayan na kayang-kaya nating mag-back-unseat ng kahit sino man sa apat na kandidatong ito. Kaya naman, hinahamon natin ang apat na ito na kung sino man ang mananalo ay kami mismo ang pupunta sa inyong opisina at kami ay maniningil sa lahat ng mga pinangako ninyo ngayong araw. Kami ang pangunahing nagbabantay sa lahat ng inyong desisyon,” saad ni Tabora. ■
KUHA NI JHYANNE ALMENANZA


