Isinulat nina Airon Villanueva at Wred Marual


DAPAT MONG MALAMAN

  • Ika-16 ng Abril ngayong taon nang inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang unang draft memorandum na naglalaman ng panukalang Reframed General Education (GE) Curriculum. Layon ng panukala na tapyasin ang mga yunit na kailangang kuhanin ng mga mag-aaral sa kolehiyo mula 36 patungong 18 na lamang.
  • Mariing kinundena ng kaguruan at sangkaestudyantehan ang nakaambang rebisyon sa GE curriculum dahil sa pangambang malilimitahan nito ang paghubog sa karunungan ng mga mag-aaral.
  • Nag-iwan ng hamon ang ilang mga propesor para sa mga magsisitapos ngayong Sablay 2026 hinggil sa pagpapatibay ng laban kontra Reframed GE curriculum at pagganap sa kanilang tungkulin na linangin ang edukasyon sa labas ng Unibersidad sa pamamagitan ng pagsisilbi para sa bayan.

Matatandaang kalalabas pa lamang ng Commission on Higher Education (CHED) sa draft memorandum ng Reframed General Education (GE) curriculum noong ika-16 ng Abril ngayong taon ay umani na ng samu’t saring pag-alma ang panukala mula sa iba’t ibang institusyon ng edukasyon sa bansa.  

Hindi naging maganda ang pagtanggap ng kaguruan, sangkaestudyantehan, at iba pang institusyon sa mga pagbabagong bitbit ng panukala. Kabilang na rito ang pagbabawas ng yunit ng GE courses na kailangang kuhanin ng isang mag-aaral sa kolehiyo mula 36 patungong 18 na lamang.

Noong ika-13 ng Mayo, inihayag ni CHED chairperson Shirley Agrupis sa isang press conference na ililipat sa 2028 ang pilot testing ng Reframed GE curriculum sa halip na maisakatuparan sa naunang itinakdang panahon. Gayunpaman, hindi ito naging sapat matapos ang patuloy na pagtutol ng mga indibidwal at institusyon na direktang apektado ng nakaambang rebisyon.

Sa lente ng mga mag-aaral

Para kay Ivan Combate, ang kasalukuyang chairperson ng College of Development Communication Student Council (CDC SC), malawak na pagtanaw sa lipunan ang pinakaesensya ng pagkakaroon ng GE courses sa curriculum ng mag-aaral sa Unibersidad.

Bitbit ang pilosopiyang ‘bias for the poor’ ng kolehiyo, ipinahayag ni Combate na “the moment na matanggalan tayo ng wider view [sa society], ng mas malinaw na pagtingin sa kalagayan ng lipunan, mahihirapan tayo lumubog sa mga sektor na pinangakuan nating pagsilbihan.”

Idinagdag pa niya na bilang namumuno sa konseho, ang pakikilahok ng mga mag-aaral na katulad niya sa mas malawakan pang pagkilos sa loob at labas ng Unibersidad upang ipatambol ang mga isyung kinahaharap ng lipunan ay nalilinang sa mga GE courses na pilit umanong ibinabasura ng estado. 

Bukod pa rito, masasagasaan umano ng panukala ang pagkahubog ng mga mag-aaral sa mga disiplina ng humanidades, agham panlipunan, at sining.

”May panganib na mas maaga maitutulak ang [mga] estudyante sa mga specialization [nang] hindi pa sapat ang pag-unawa nila sa kontekstong ginagawalan nila…kung ma-push tayo na mag-serve as Devcom practitioners, nonsense ‘yun kung may kakulangan tayo sa mismong paglapat sa mga GE subject,” aniya pa.

Ipinaliwanag din ni Combate na manipestasyon umano ang Reframed GE curriculum ng isang kolonyal, komersiyalisado, at pasistang tipo ng edukasyon na kinikitil ang kapasidad ng mga mag-aaral na maging kritikal at mapanuri sa lipunang kanilang ginagalawan.

Samantala, hindi naiiba ang sentimyento ni Combate kay Mitchel Lantin, mag-aaral ng CDC, na mariing kinukundena ang Reframed GE curriculum dahil aniya’y kinikitil nito ang kritikal na pag-iisip ng kaniyang kapwa mag-aaral.

Let’s say numinipis, lalo tayong nagiging marupok pagdating sa aspeto ng lipunan and kahit ‘yung sa sarili nating pagkatao,” saad ni Lantin.

Dagdag pa niya, ang mga GE courses ay nakatutulong upang bigyan ng anyong participatory ang mga gawain lalo na sa mga kurso sa ilalim ng Devcom. Maaaring maging pangamba ito sa mga susunod na bagong batch dahil bagaman kinikilala niya na may esensya ang paglalaan ng pokus sa mga teknikal na asignatura, mababaw itong maisasapraktika kung hindi naman ito naka-ugat sa pagiging tao.

Bukod rito, sa oras mang tuluyang maging ganap ang panukala, nabanggit ni Lantin na kahit papaano ay mapalad pa ang mga estudyante ng Unibersidad sapagkat nakapagsusulong ang mga organisasyon ng educational discussions ngunit kinikilala pa rin niya na hindi ito aksesible sapagkat hindi pa ito naisasapraktis sa ibang pamantasan. 

“Kung titingnan natin ‘yung kasalukuyang lagay ng [mga] estudyante sa pagiging kritikal, mas may pangangailangan na ma-strengthen ang GE [courses] sa paraang makabansa, siyentipiko at makamasa kaysa sa pagiging komersyalismo at pagiging neoliberal nito,” pagbibigyang-diin ni Lantin.

Pulso ng kaguruan

Sa pagtanaw ng mga kawani ng pamantasan, ang Reframed GE curriculum ay hindi lamang simpleng pagrebisa, bagkus ay isang malaking pagbabago na naghuhudyat ng malalim na implikasyon sa kalidad ng edukasyon at pangkabuhayan ng mga guro.

Kaugnay nito, malaki rin ang implikasyon ng panukala sa seguridad ng trabaho ng ilang mga kawani at guro sa mga Unibersidad. Patunay ito sa naging sentimyento ni Jean Capacio, lecturer mula sa Department of Humanities (DHum) ng UPLB College of Arts and Sciences.

“Kung babawasan nila [ang mga kurso], klaro naman sa lahat na mababawasan din ng employment. Matatanggalan ng trabaho ‘yung maraming lecturers, kaya ito rin ‘yung dapat isaalang-alang kasi nung ni-reframe nila yung GE courses, hindi na lang usapin [ng] curriculum ‘to, kundi usapin na rin ‘to ng employment,” pahayag niya.

Ang parehong pagtanaw ay inilahad din ni Asst. Prof. Guien Garma mula sa CDC. “I’m more concerned for the lecturers, mga teaching associates, [mga] teaching fellows, [at] mga non-tenure track faculty members na nagtuturo ng GE courses, kasi ang nakasalalay d’yan [ay] ‘yung kanilang job security… hindi siya makatarungan at hindi siya makatao kasi you’re putting [the] lives of people on the line,” pagpapatibay niya.

Binigyan-diin din ni Garma na ang GE courses ang nagsisilbing puso ng edukasyon, sapagkat hindi lamang nito hinuhubog ang mga mag-aaral bilang mahuhusay na propesyonal kundi bilang indibidwal na may abilidad na umunawa, magsuri, at makilahok sa reyalidad ng usaping panlipunan.  

“Kung titingnan natin ‘yung mga subjects sa GE, malawak siya na variety of courses ranging from hard sciences, social sciences [at] humanities, kasi ito yung mga bagay that really makes us human. Ito yung mga kurso na nagtuturo sa atin ng buhay sa labas ng ating mga magiging propesyon. But outside the aspect ng lakas-paggawa, parang ano tayo bilang tao? Who are we as people? Outside of our work, outside of our profession, outside of our practice and fields, ano tayo at sino tayo bilang tao, bilang mga mamamayang Pilipino, bilang miyembro ng iba’t ibang mga komunidad? Ito ‘yung itinuturo ng GE subjects,” saad niya.

Para naman kay Asst. Prof. Raemel Leyretana mula rin sa DHum, binigyang-halaga niya ang kursong Ethics 1—isa sa mga kursong balak tapyasin ng nakaambang Reframed GE curriculum—dahil ito ang nagsisilbing espasyo sa paglinang ng mga mag-aaral na timbangin at pagnilayan ang mga pagpapasyang moral na kanilang kinahaharap sa pang-araw-araw.

“Layunin ng Ethics 1 na bigyan tayo ng kasanayan o skills na tasahin, balansehin, [at] i-analisa ‘yung mga moral principles na meron tayo. Tingnan mula sa lente ng katuwiran o rason kung ang mga ito ba ay talagang makatuwiran. Ang ethics ay highly relevant sa ating pang-araw-araw na buhay because every day, we confront situations that warrant moral decisions,” giit niya.

Bilang pagpapatibay, nagpahayag din si Emmanuel Dumlao, propesor mula sa DHum, na ang sistema ng edukasyon sa pamantasan ay sumasalamin sa kabuuang kalagayan ng ating lipunan. 

“Kailangan natin unawain na hindi hiwalay itong sistema ng edukasyon natin sa UP sa kabuuang sistema ng ating lipunan. Makakatulong ito kaya natin ipinaglalaban. Mahalaga na ipaglaban natin ‘yung GE kasi foundational ito. Dito tinatalakay ang kasaysayan, ang etika, [at] ang kahalagahan ng sining at panitikan, pero again, tulad nung sinasabi ko, kailangan tingnan natin ito sa kabuuang sistema ng socio-political system ng ating bansa,” pagbabahagi niya.

Sa kabilang banda, nanindigan si Dumlao na hindi “reframing” ang panukalang Reframed GE curriculum dahil ang sistema ng edukasyon sa bansa ay nakabalangkas sa isang neoliberal na sistema na iniluwal ng mala-pyudal at mala-kolonyal na kalalagayan ng lipunan. Sa karagdagan, pagpapatuloy lamang umano ito ng mga nakaraan nang plano ng komisyon.

“Ang kabuuang educational system natin ay nakabalangkas sa neoliberal na kaayusan. Produkto ito ng lipunan natin na mala-pyudal at mala-kolonyal. Ibig sabihin, pinananatili tayong atrasado ng imperyalistang Estados Unidos at ng iba pang kumokontrol sa ating bansa…kung kaya’t walang reframing. Sa real meaning of the wordreframing,” hindi ito nag-reframe bagkus ito ay pagpapatuloy lamang noong mga plano noon pa.”

Iniwang hamon

Sa kabila ng pangamba’t kontrobersiya sa nakaambang Reframed GE curriculum, nag-iwan ng hamon ang mga guro at estudyante para sa mga magsisipagtapos ngayong Sablay 2026 upang mas pagtibayin ang laban sa pagbabasura ng panukala.

Kagaya ng mga iniwang salita ni Combate, “Para naman sa mga graduates natin, naniniwala ako na hinubog sila ng UP sa matagal na panahon…ang hamon ko sa mga magtatapos natin ngayon ay lumabas talaga sa kanilang mga comfort zone, tumungo sa mga pinaka-agrabyadong lugar, at doon ilaan ang kanilang talino at lakas sa pagsisilbi sa sambayanan.” 

Aniya pa, malaki ang tsansa na gawing lamang instrumento ang mga graduate para sa murang lakas-paggawa dahil kasalukuyang umiiral ang mapang-abusong sistema na nakaugat sa komersyal na interes ng mga dambuhalang korporasyon.

Sa kabilang banda, ‘kapwa’ ang iniwang kataga ni Leyretana sa mga estudyanteng sasablay. Para sa kaniya, kaakibat ng pagiging holistiko at kakayahang pagsilbihan ang bayan ay ang pagiging tao. 

I’d like to end with this—[para] sa mga magsisipagtapos, napakagandang salita ang ‘kapwa’ sa Pilipino…when we mention kapwa, it’s not only the self that is considered, but others belonging to that equation of kapwa,” bahagi ni Leyterana.

Samantala, naninindigan si Dumlao na ang tunay na edukasyon ay hindi matatagpuan sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Dagdag pa niya, maaaring maging makabuluhan ang pag-aaral, o kaya naman maging makahulugan ang mahabang diskusyon, ngunit ang tunay na edukasyon ay, ‘’yung pagpapalaya ng kamangmangan ay nasa pakikipamuhay sa sambayanan.”

Aniya pa, kinakailangan ding bakahin ang mga indibiduwalistikong tendensiya ng sangkaestudyantehan na nakatuon lamang sa paglinang ng sariling pangkabuhayan na kung saan, pinaghihiwalay ng kanilang pansariling hangarin ang tunay na inaasahan ng bayan mula sa kanila—ang makipamuhay kasama ang sambayanang Pilipino.

”So napakahalaga ‘no na ang panawagan na ‘yon na makipamuhay tayo, huwag tayo matakot mag-research [o] magsaliksik kasi ‘yan talaga ang kahulugan at kabuluhan ng pagiging iskolar ng bayan,” pagtatapos na mensahe ni Dumlao sa mga mag-aaral.  ■


KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya