Aninaw
Muling umigting ang usapin sa pananagutan ng mga guro matapos maungkat sa isang press briefing ni Palace Press Officer Claire Castro ang panibagong kaso ng school shooting sa Pilipinas. Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ni Castro ang umano’y paglabag ng ilang guro sa batayang moralidad sa edukasyon, at iginiit na may mga pagkakataong ang mga guro mismo ang nagtuturo umano ng “kawalang-modo” sa kabataan.
Sistematiko ang karahasan, at ipinapakita lamang ng mga nakaraang insidente na ang kabataang Pilipino ang primaryang biktima nito. Kahingian sa estado na siyasatin hindi lamang ang mga indibidwal na sangkot, kundi pati na rin ang mga kondisyong nagpapahintulot na mangyari ang ganitong trahedya.
Patuloy ang isyu ng karahasan at gun violence sa ating lipunan. Habang pilit na tinatanggi ng estado na sistematiko ang pinag-uugatan ng problema, tiyak na mas lalaganap ito sa ating kabataan.
Kamakailan lamang ay nagkaroon muli ng panibagong kaso ng school shooting sa Banga, South Cotabato noong ika-18 ng Setyembre. Mabigat at tiyak na malungkot ang ganitong trahedya lalo na kung kitang-kita natin na hindi pa rin ito nasusupil sa ating bansa.
Kaya’t ang pagtanaw sa usapin na school shooting bilang isyu ng kapabayaan at indibidwal na moralidad ng ibang mga guro ay isang pagtatangka upang pagtakpan ang ugat ng karahasan sa ating lipunan.
Hinimok ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na humingi ng tawad si Castro matapos pumutok ang balita tungkol sa naging opinyon niya sa kaguruan. Giit ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, hindi dapat ituring ang mga guro bilang pangunahing sanhi ng ganitong mga insidente ng karahasan. Dagdag pa niya, hindi dapat gawing panakip-butas ang kaguruan sa umano’y kabiguan ng administrasyong Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng kabataan, kaguruan, at iba pang mga manggagawa sa paaralan.
Tiyak na malungkot talaga ang reyalidad na dinaranas ng kabataan sa ating bansa. Ngunit hindi wasto na ang estado pa mismo ang nangungunang mambintang sa ating kaguruan lalo na’t sila ang isa sa mga apektado ng karahasang nananalaytay sa ating mga eskwelahan.
Holistiko dapat ang pagtanaw ng ating estado sa lumalalang isyu ng school shooting, at hindi dapat sila basta-bastang naglalabas ng mga paratang laban sa kaguruan nang walang sapat na ebidensya at pagsusuri. Kailangang pakinggan at konsultahin ng gobyerno ang mga dalubhasa sa edukasyon, sikolohiya, kalusugan, seguridad, at iba pang larangan na makakatulong upang masuri ang ugat ng problema, at makabuo ng mga solusyong nakabatay sa ebidensya.
Hindi likas sa kabataan ang mga marahas.
Kung susuriin ang mga salik na nakapaligid sa mga naganap na insidente, hindi sapat na ipaliwanag ang karahasan bilang simpleng bunga ng “masamang asal” ng kabataan. Kailangang tingnan ang mga karanasan at kondisyong panlipunan na maaaring humubog sa kanilang pagkilos—kabilang ang maagang pagkakalantad sa karahasan, kalagayan sa pamilya at komunidad, akses sa armas, kalusugang pangkaisipan, at iba pang salik na dapat siyasatin sa bawat insidente.
Mahalaga ring siyasatin kung paano naging aksesible sa mga kabataan ang mga armas na ginamit sa mga nagdaang trahedya. Lantad kasing nagmula ito sa mga miyembro ng kapulisan na kamag-anak nila, kung kaya’t nararapat lamang na may pananagutan ang mga indibidwal na may tungkuling mag-ingat sa kanilang mga armas.
Sa harap ng ganitong mga insidente, mahalagang suriin ang mga solusyong inihahain ng pamahalaan upang maiwasan ang mga trahedya sa paaralan at tanungin kung tunay bang natutugunan ng mga ito ang pangangailangan ng mga apektadong sektor.
Isa sa mga hakbang nainihain ng pamahalaan ay ang nationwide school safety drill para sa mga insidente ng active attack at active shooter. Sa isang Senate Hearing, ipinaliwanag ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Malcolm Garma na ibinatay ng ahensya ang naturang hakbang sa mga aral mula sa dalawang kaso ng school shooting.
Gayunman, kinuwestiyon ng ilang mental health professionals ang pagsasagawa ng naturang drill dahil sa posibleng epekto nito sa sikolohikal na kalagayan ng mga mag-aaral. Sa kabila ng panawagang ipagpaliban ito, itinuloy ng DepEd ang nationwide drill noong ika-3 ng Setyembre.
Ang ganitong mekanismo ay sumasalamin sa reyalidad na hindi maaaring nakaasa sa kaguruan lamang ang pananagutan sa kaligtasan at paghubog ng kabataan. Kailangan ang kolektibong pagkilos, pamilya, paaralan, komunidad, at estado upang matiyak na ligtas ang mga bata at may sapat silang gabay sa kanilang paglaki.
Mahalagang kilalanin na hindi lamang pamilya at kaguruan ang humuhubog sa pagkatuto at paglaki ng isang bata. Gaya nga ng kasabihang “it takes a village to raise a child,” nakasalalay ang paghubog at pag-unlad ng kabataan sa kolektibong pagsisikap dahil bahagi ng kanilang pagkatuto ang mismong mundong kanilang ginagalawan.
Ang tunay na espasyo para sa edukasyon ay ang buong mundo, sapagkat sa lawak at dami ng mga hinahandog ng lipunan lamang tayo makakukuha ng dalisay na pagkatuto—mula sa lupa hanggang sa iba’t ibang porma ng buhay at pamumuhay. Kahit ang mismong pagkakaiba sa kultura, pamumuhay, at pananaw sa lipunan ay tumatayo bilang mga oportunidad upang tayo ay mas matuto at umunlad bilang mga tao.
Malapit sa akin ang reyalidad na ito. Bilang bahagi ng sektor ng kabataan, marami akong aral na napupulot at napagninilayan sa aking paglubog sa mga lansangan. Isa sa mga aral na iyon ay ang kahingiang bumalikwas laban sa sa talamak na pamamasista ng estado.
Sa tuwing binabaha kasi ang mga kalsada rito sa Los Baños, napapaalalahanan ako ng isang masalimuot na reyalidad. Hanggang ngayon ay nananatili pa ring malaya ang iba sa mga sangkot sa flood control projects—proyektong isinagawa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
O ang patuloy na pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo at langis—isang epekto naman ng kakulangan sa regulasyon at pagpapataw ng gobyerno sa mga pribadong korporasyon ng kapangyarihan para kontrolin ang daloy ng rekurso batay sa kanilang pansariling interes.
Sinasalamin din ng aking buhay-estudyante sa isang pampublikong pamantasan ang mga kapalpakan ng pamahalaan. Katulad ng maraming iskolar ng bayan, seme-semestre rin akong nakikipag-agawan ng units para makuha ang mga kursong kinakailangan ko sa pagkatuto.
Nagiging pribilehiyo ang pag-aaral kahit dapat itong maging karapatang tinatamasa ng bawat mamamayang Pilipino. Kaya kahit anong pagsusumikap ang gawin nating mga kabataan upang makapag-aral, patuloy tayong kinakapos dahil sa salat na pondo, pasilidad, guro, at iba pang pangunahing pangangailangan sa edukasyon.
Sa kabilang banda, patuloy na tinutugunan ng kaguruan ang pangangailangan ng kanilang mga estudyante. Ngunit sila rin mismo ay nakakaranas ng panggigipit sa ilalim ng isang sistemang hindi sapat ang kanilang sahod para tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin sa pamumuhay.
Makikita ito sa pagpuna ng ACT sa DepEd noong ika-14 ng Agosto matapos magpaalala ng ahensya sa mga guro na mag-ingat sa paggamit ng kanilang ATM cards, partikular bilang loan collateral. Para sa ACT, hindi sapat na ipasa sa mga guro ang pananagutan sa ganitong kalagayan sapagkat kailangang tingnan ang mas malalim na mga dahilan kung bakit napipilitan ang ilan sa kanila na mangutang.
Ang paghawak ng pera ay hindi nalilimitahan sa pagiging indibidwal na usapin. Maiuugnay rin ito sa isang sistemang pang-ekonomiya kung saan maraming manggagawa ang patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng barat na sahod.
Sa ganitong kalagayan, ang kakulangan ng kita at serbisyong panlipunan ay maaaring magtulak sa mga manggagawa na umasa sa pananagutan upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Matatawag din na pyudal ang ganitong sistema dahil makikitang may pananagutan ang kaguruan sa kanilang mga pinagkakautangan. Bunsod kasi ang pyudalismo ng ideolohiya ng pagmamay-ari o ownership; at sa ganitong konteksto, pagmamay-ari sa anyo ng pera o utang.
Sa ganitong mga karanasan lumilitaw ang tanong kung tunay bang inuuna ng administrasyong Marcos Jr. ang kapakanan ng mga manggagawa at mag-aaral sa mga polisiya nito. Sa halip na isisi sa mga guro at iba pang manggagawa ang mga problemang bunga ng mas malalim na kondisyon, dapat suriin ang mga patakaran ng estado at kung kanino talaga napupunta ang kanilang mga benepisyo.
Kung tunay na nais ng DepEd at ng administrasyon na tugunan ang mga suliranin sa edukasyon, hindi sapat ang mga patakarang ipinapatupad nang hindi isinasaalang-alang ang kalagayan at pangangailangan ng kaguruan at mga mag-aaral. Kailangang nakabatay ang mga hakbang sa ebidensya at konsultasyon sa mga sektor na direktang maaapektuhan.
Ang lahat ng ito ay nagsasabing ang kasalukuyang sistema ng edukasyon ay isang malinaw na repleksyon ng neoliberalismo. Mula sa ilusyon na tayo ay nakakatamasa ng libreng edukasyon hanggang sa panggigipit ng estado sa atin at sa mga taong haligi mismo ng ating pagkatuto.
Sa paglapit ng paggunita sa pagpapatupad ng Batas Militar sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr., mahalagang alalahanin na ang karahasan ng estado ay hindi lamang usapin ng nakaraan. Bahagi ng pag-alala sa kasaysayan ang patuloy na pagsusuri kung paano ginagamit ng estado ang kapangyarihan natin, lalo na kapag ang mga institusyong dapat nagpoprotekta sa mamamayan ay mismong nagiging bahagi ng karanasan ng karahasan at panggigipit.
Ipinapaalala ng kasaysayan na ang karahasan at pang-aabuso ng kapangyarihan ay hindi hiwalay sa mga tunggaliang panlipunan na kinakaharap ng mga Pilipino. Dahil dito, mahalagang patuloy na siyasatin kung paano ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang awtoridad at kung sino ang higit na naaapektuhan ng kanilang mga polisiya.
Kung tutuusin, wala sa kanilang prayoridad ang bigyan ng proteksyon ang kabataan. Mas mataas pa kasi ang mga mapanirang proyekto sa kanilang prayoridad gaya ng Pax Silica, Balikatan Exercise, at pagmimina habang bilyones ang kinakaltas nila sa pondo ng edukasyon.
Hindi maaaring ituring ang karahasan sa paaralan bilang hiwalay na insidente. Bahagi ito ng mas malawak na suliranin ng karahasan na nararanasan at nasasaksihan ng kabataan sa kanilang mga pamilya, komunidad, institusyon, at lipunan. Mula sa panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyan, mahalagang tanungin kung paano hinuhubog ng karahasang ito ang karanasan at pananaw ng kabataan.
Nariyan ang kapulisan na nangunguna sa kanilang mga karahasan laban sa mamamayang Pilipino. Talamak pa rin kasi ang militarisasyon sa kanayunan at nananalaytay ang red-tagging sa mga katutubo, magsasaka, kaguruan, at kabataan sa tuwing may ikinakasang protesta para labanan ang inhustisya sa ating lipunan.
Ipinapakita nito na huwad pa rin talaga ang kalayaan sa ating lipunan.
Sa katotohanan, laganap pa rin sa ilalim administrasyong Marcos Jr. ang isyu ng profiling at extrajudicial killings. Umaabot pa rin kasi sa libo ang bilang ng mga taong pinatay dahil sa drug-related crimes at tumaas pa nga ang bilang nito mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Tunay na nakakabahala ang ganitong pangyayari sa ating lipunan dahil malaki ang papel ng ganitong uri ng karahasan sa ating mga kabataan. Kahit na pinalitan ni Marcos ang dating diktador-pasista na si Rodrigo Duterte, patuloy pa rin umiiral ang galamay ng estado sa pangangasiwa sa karahasan.
Huwad ang anumang naratibo ni Castro tungkol sa umano’y anomalyang ipinapalaganap ng ibang kaguruan sa ating kabataan. Hindi masasabi na nagbunga ang trahedya ng school shooting mula sa kawalan, bunga ito ng mga taong abuso sa kanilang kapangyarihan at sa sistemang kanilang pinaiiral sa ating lipunan.
Marapat lamang na magkaroon ng pananagutan sa patuloy na umiiral na krisis ng karahasan sa Pilipinas at dito makikita na ang pangunahing balakid sa kaunlaran ng kabataang Pilipino at ng ating bansa ay ang mismong kapabayaan at kalupitan ng estado. Sa halip kasi na harapin ang ugat ng suliranin, mas pinangungunahan ng mga kagaya ni Castro ang magparatang sa mga guro bilang “imoral.”
Madaling magdikta mula sa alwan at ginhawang ibinibigay ng kapangyarihan, ngunit hindi rin matatakasan ng mga walang galugod kagaya ni Castro ang sinusupil nilang katotohanan. Dahil kailanman ay hindi maitataguyod ang seguridad ng ating kabataan kung patuloy lamang na magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan ang pamahalaan sa daing ng masa.
Kaya naman kahit anong pagtakas ang gawin ng estado sa kanilang malagim na pagpapahirap sa masa, babasagin ng kanilang sariling kapabayaan ang kanilang naratibo at patuloy rin nitong gigisingin ang masa sa kanilang katiwalian. ■
DISENYO NI CLARE MARPURI


