Isinulat nina Eyah Sy at Maegan Grace Guevarra


DAPAT MONG MALAMAN

  • Mabigat ang naging papel ng sining sa panghihimok ng kolektibong pagkilos laban sa madugong rehimen ni Marcos Sr.
  • Ang pagluluwal ng sining sa henerasyong matapang na nakikibaka bagamat tumatamo ng patuloy na red tagging at pamamasista.

“Dalawa lang ang pupuntahan mo kapag ikaw ay aktibista, maaaring ikaw ay makita na sa morgue dahil ikaw ay tinorture o ‘di kaya, ikaw ay maging desaparecidos.”

Ito ang mga binanggit ni Ka Armand Mauricio, isang survivor ng Batas Militar, habang isinasalaysay ang maaaring kahihinatnan ng isang aktibista sa ilalim ng madugong rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. 

Mahirap magkaroon ng espasyo ang aktibismo sa panahong iyon. Mainit kasi sa mata ng estado ang mga indibidwal na nag-iisip ng kritikal at militanteng mga ideya. Sila ay binabaril, katulad ng sinapit ni Lorena Barros; tino-torture, gaya ng ginawa kay William Begg; at  dinadakip at biglaan na lamang nawawala na parang mga bula, tulad ni Albert Enriquez.

Kung babalikan, ilan lamang ang mga ito sa napakaraming biktima ng Batas Militar. Umaabot sa 669 katao ang mga ibinilanggo sa loob ng anim na buwan, 2,326 naman ang mga kinitil at naging desaparecidos, at 2,104 ang dumanas ng iba’t ibang uri ng pagpapahirap at pagpapakasakit. 

Ganito ang naging danas ng ilan sa mga nangahas na makibaka sa gitna ng diktadura. Ngunit, para kay Ka Armand, handa siyang suungin ang komplikado at masalimuot na daanang nakabuntot sa sama-samang pagkilos kung tagumpay ang matatamasa sa dulo nito.

Musika bilang instrumento ng paglaya 

Bilang isang aktibistang musikero, ibinahagi ni Ka Armand ang naging papel ng musika sa pagbibigay ng espasyo sa bawat panawagang nais nilang ipalaganap. ”Yung pinagsimulan kong grupo dito sa [Unibersidad] ng Pilipinas sa Los Baños, ang grupong Tulisanes, ‘yung mga members namin ay mga aktibista na nagtago sa pamamaraan ng pagiging musikero.” 

“Ang founding members namin, ang mga pangalan nila [ay] si Siokoy, si Bornix, si Tengo, si Bai, si Wency, at si Lynn. Puro po ‘yan mga nicknames, pero sila ay mga estudyante, at ‘yung iba ay naging guro,” dagdag pa niya.

Isinalaysay din ni Ka Armand ang karanasan ng kanilang grupong Tulisanes sa patuloy na panggigipit ng rehimen ni Marcos Sr., sapagkat kinikailangan pa umano nilang magtago sa iba’t ibang alyas, gumamit ng balabal upang maitago ang kanilang mukha, at itago sa liriko ng mga kanta ang tunay na kahulugan ng kanilang pakikibaka dahil sa nakaambang  panganib sa kanilang mga seguridad.

Lingid man sa kaalaman ng masa ang kanilang mga mukha at tunay na pangalan, hindi hinayaan ng Tulisanes na tuluyang malimitahan ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang porma ng pakikibaka. Kaya naman, gumawa sila ng paraan upang ipagpatuloy ang kanilang pagkilos—ikanta at ipatambol ang kanilang mga hinaing na dapat ding marinig ng mas malawak na sambayanan. 

Limitado man  ang mga naging espasyo, ang mga silid-aralan ang unang kumupkop sa kanilang grupo at nagsilbing entablado upang maitanghal ang kanilang mga awitin. 

Magmula pa man noon ay tampukan na ng palaban at militanteng mga diwa ang UPLB. Ginunita ni Ka Armand na ang pag-alingangaw ng kanilang mga instrumento ay hindi lamang sa loob ng mga lecture hall sa Institute of Biological Sciences (IBS) nakukulong, dahil ang kanilang musika ay umaabot din sa iba’t ibang sulok ng campus. Ang liriko ng mga ito na naglalaman ng mga akademikong paksa at metapora hinggil sa hagkis ng Batas Militar na siyang nagmulat din sa mga tagapakinig. 

“Nag-perform ‘yung founding group namin noong 1975 ng mga awiting may patungkol doon sa konektado sa kanilang academic subject or topics,” salaysay ni Ka-Armand.

Hindi naakusahan ang Tulisanes sapagkat ang kanilang lihim na pagkilos sa loob ng mga silid-aralan ay nakita umano ng publiko bilang isang academic engagement o exercise, sa likod ng matalinong mga tayutay na pinabubulaanan na pala ang pasista at mapanupil na estado. 

Gayundin, tinutuwangan din ng Tulisanes tuwing Linggo ang mga maninimba sa simbahan, at tuwing mass offertory ay bibihisan nila ang kanilang mga awitin ng mga mensaheng militanteng nanghihimok ng pananampalataya, pagkilos, at pakikibaka sa likod ng mga kantang tulad ng “Pananagutan,” “Gintong Payo,” at iba pa. 

Naging madaling itago para sa Tulisanes ang kanilang mga mukha, subalit sa likod ng bawat balabal ay ang hindi maikakailang lakas ng kanilang paninindigan upang padaluyin ang pag-oorganisa, saan man sila dalhin ng kahingian ng masa. 

Ngunit, hindi nagtagal ang pagtatago ng mga musikero nang sila ay i-ere sa Huntahan: Tunog Makiling, Sariling Atin ng Radyo DZLB, bitbit ang hangaring mapreserba ang kanilang sining at mas mapalawak ang naaabot ng kanilang mga tinig. 

Tuluyan na ring inihanda ng grupo ang kanilang mga sarili sa maaari nilang harapin at kahinatnan matapos alisin ang tubao na noon ay nagtatakip sa kanilang mga mukha—isang tanda ng paninindigan at tapang para maisakatuparan ang layuning kumanta at tumugtog para sa kapakanan ng mas nakararami. 

“Hindi po namin kayang magtakip nang husto dahil kami po ay mga performer, kaya po kaming mga pangkulturang manggagawa ay handa na po na either maging desaparecido, mapaslang, o madampot,” pagdidiin ni Ka Armand.

Ang pagpapatahimik  sa musika

Subalit tulad ng kanilang inaasahan, dumating din ang pagkakataon na hindi umayon ang estado sa saliw ng tugtog na kanilang pinadadaloy. Noong 1976, habang nagtatanghal ay pinatay ng mga militar ang kanilang mga mikropono, na sinabayan pa ng paghahagis sa kanila ng naglalakihang bato mula sa mga taga-suporta ng pasistang rehimen. 

“Hinadlangan kami na makarating doon sa aming venue, pero sa husay ng masa, kami ay nakatawid pa rin. Ito’y isang performance kasi namin [na] sa Bicol dapat gagawin, aba’y naharangan kami dito sa may San Pablo pa lang. Pina-checkpoint na kami ta’s nasiraan kami, binubuntutan [kami] ng mga militar,” pagbabalik-tanaw ni Ka Armand. 

Noong 1984 naman, hinarangan din ang Tulisanes noong nagkaroon ng pangalawang barikada ang buong Pilipinas at nagkasa ng mga protesta sa loob ng UPLB, dahil sa pagtaas ng matrikula. 

“Ang grupong Tulisanes ay walang pwestuhan, at hinarangan ang access points dito sa ating campus,” giit ni Ka-Armand. 

Bukod pa roon, ang malayang paglibot sa mga barricade points kung saan nananahan ang UPLB Upsilon Sigma Phi, Delta Sigma Phi, Raymundo Gate, Main Gate, at ang International Rice Research Organization (IRRI), ay pansamantalang ipinagkait sa mga kultural na manggagawa.

Iyan ang mga nag-udyok sa Tulisanes upang isahimpapawid at mas ilapit sa masa ang kanilang mga awitin. 

Sa kasalukuyan, ang dinanas ng Tulisanes ay hindi iba sa kinahaharap na sitwasyon ng mga kabataang aktibista sa kasalukuyan, sapagkat nananatili pa ring buhay na buhay ang mapanggipit na administrasyon nang iluklok sa puwesto ang anak ng diktador at muling pabalikin ang pamilyang Marcos sa Malacañang.

“Nasisikil kayo ngayon dahil ‘yung control ng technological space na maa-access ng mga kabataan ngayon o ng mga aktibista ngayon is heavily controlled by the imperialist powers,” pagpapaliwanag ni Ka Armand hinggil sa matinding red-tagging sa mga digital na plataporma.

Sa katunayan, nitong kamakailan lamang ay talamak at sunod-sunod ang red-tagging na kinahaharap ng  UPLB Perspective. Laman ng isa sa mga post ang pagtutol sa gaganaping apprenticeship orientation ng pahayagan dahil ito raw ay recruitment upang maging bahagi ng New People’s Army (NPA). Samut-sari ring troll accounts ang dumudumog sa mga alternatibong pahayagan na isang katibayan kung gaano katindi ang pagsikil ng kasalukuyang administrasyon sa mga estudyante, mamamahayag, at iba pang mga samahang tumitindig laban sa tagilid nilang pamamahala. 

Hindi rin nalalayo rito ang patuloy na red-tagging sa mga yumaong biktima ng  Toboso 19, na karaniwan pang binabansagan ng mga katatawanan ang  mga mag-aaral at aktibistang tumutungo sa kanayunan upang alan ang lipunanpag-ar. Maging ang buong Unibersidad ay patuloy na nababansagang pamantasan ng mga rebelde dahil sa mapangahas na pagkundena ng mga iskolar ng bayan sa imperyalista at tutang rehimen na Marcos at Duterte. 

Makapangyarihan ang mga alternatibong pahayagan laban sa pagpapakalat ng propaganda ng estado at sa patuloy na pambubusal sa boses ng masa. Kung sa panahon ni Ka Armand ay madaling itago ang mga galos dala ng hagupit ng batuta at pangunguryente gamit ang livewire, ang panglalason sa isip ng taumbayan ang pangunahing hamon ng mga aktibista ngayon dahil sa dami ng posts mula sa mga galamay ng pamahalaan at ilang mga kapwa Pilipinong tila tuluyan nang nalunod sa kanilang panghihinoptismo. 

Bilang magulang, Si Ka Armand ay parehong na nagbibigay-pugay at nangangamba para sa mga aktibista, lalo na para sa kanyang anak na nag-aaral din sa UP.

“Bilang magulang naman ngayon, mas mataas ang takot namin dahil hindi na lang namin kinakaharap ‘yung aktwal na pisikal na pananakit ng aming mga anak na aktibista, kung hindi ‘yun ding heaviest burden na hindi nakikita ng karamihan ng mga henerasyon ko, ‘yung burden ng tinatawag na mental harassment na nararamdaman ng youth ngayon,” wika niya. 

Noong dekada ‘70 ay tila alien ang konseptong iyon para sa Tulisanes at kay Ka-Armand, sapagkat ang pangunahing banta ng estado ay ang pamamaslang, ang pagiging desaparecido, at ang pang-aaresto nang walang due process. May mga bakas ng trauma sa isipan ng tao, ngunit sa panahon lamang ngayon nagkaroon ng pangalan ang awiting sumasabay sa mga militanteng panawagan ng kabataan.

“Ang inyong mental health is completely harassed by virtue of technological imposition, technological fascism.”

Kinikitil ng technological fascism ang demokrasya at ang malayang pamamahayag sa pamamagitan ng red-tagging, terror-tagging, at fear mongering. Naging paraan na rin ang social media upang magpakalat ng misinformation at gumawa ng whitewashing sa kasaysayan, buhat pa noong kolonyal na pamahalaan, Batas Militar, at dinala sa kasalukuyan. 

Dagdag pa ni Ka Armand, unang binabasag ang anti-social individuality ng mga aktibista, kung saan tinuturuan ng maka-estadong propagandang tumaliwas sa konseptong communal o social growth sa pamamagitan ng pananakot upang isulong ang indibidwal na interes ng mga naghaharing-uri. Ang tunay na aktibista ay hindi humihiwalay sa kolektibong panawagan ng masa. 

“Isa na ako doon sa henerasyon naming gustong humingi ng malalim na pang-unawa, paumanhin, at paghingi ng pagpapatawad ng henerasyon ninyo ng mga anak ko tulad ni Gaia, dahil hindi kami sumabay na mai-transfer directly ‘yung aming experiential history, kung kaya’t kayo, ang inyong generation, ay nilulubog sa tinatawag na misinformation, tapos ‘yung historical distortion na pinapakalat or inaa-amplify noong bagong platform ng inyong narrative telling ng history,” saad niya.

May kirot sa puso ang mga salita ni Ka Armand, ngunit ang paumanhin ay hindi dapat manggaling sa mga taong lumaban para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Ang tunay na paumanhin at pananagot ay nakaatang dapat sa lahat ng sangkot sa sistematikong korapsyon, pasismo, imperyalismo, at kapitalismong nagtuturo sa lipunan na magbulag-bulagan at magbingi-bingihan.

Marahas ang estado, subalit kabataan ang mas nakagagamay sa pasikot-sikot ng media. Maraming publikasyong pangkolehiyo at pampamantasan ang patuloy na tumitindig laban sa diktadura ng pamahalaan at sa sistemang binabarat ang karapatan ang maralita at masang anakpawis. 

Higit sa lahat, maraming artista ng bayan ang umaawit, nagtatanghal, at ginagamit ang sining bilang armas laban sa mga bala ng pasismo.

Mga artista ng bayang iniluwal ng awitin 

Masikhay ang ipinamalas ng grupong Tulisanes sa nagdaang apat na dekada, at ang kasikhayang tulad nito ang siyang nagluwal ng mga henerasyong tunay, palaban, at makabayan.

Kaya hanggang sa kasalukuyan, bitbit ng mga artista ng bayan ang kanilang paninindigan na wakasan ang tuta at imperyalistang administrasyon, hindi lang sa pamamagitan ng musika, bagkus gamit din ang  teatro, pag-indak, at pagpipinta ng mga obra at balatenggang sumisigaw na pabagsakin ang pasistang rehimen ng dinastiyang Marcos at Duterte. 

“Mula sa pagtatanghal hanggang sa pagguhit at pagsulat ay walang hangganan ang mensaheng maaari nating maiparating tungo sa iba’t ibang sektor ng lipunan,” pagbibigay-diin ni Jeriah Roxas, resident member ng Umalohokan Inc., isang community theatre sa UPLB. 

Ipinaliwanag din niya na ang naganap na People Power noong 1896 ay isang palatandaan at sapat na ebidensya na ang patuloy na pagkilos at walang humpay na pagtatanghal ng bawat artista ng bayan—kasama ang iba’t ibang sektor ng lipunan—ang magdidikta ng tunay na pagbabago.

Sa kabilang banda, buo ang loob ni Ka Armand na samahan sa laban ang kabataan, ngayong siya ay bahagi ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), para ituloy ang pakikibaka para sa patas at makataong pamamahala.

“Ang buong akala namin, tapos na ang aming pakikipaglaban. ‘Yun pala, mayro’ng mas malaking dagok. Dapat noon pa man, nung kahit na nag-People Power noong kay Cory Aquino, dapat ay binanggit na namin ‘yung kasaysayan namin sa inyo, sa inyong henerasyon, upang hindi maputol ‘yung naratibo noong continuous activism, lalo na sa mga pamantasan at mga institusyon,” wika ni Ka Armand. 

Ang henerasyon ni Ka Armand na dati ring tinatawag na hanay ng mga kabataan ang sila ring mismong nagluwal sa bagong henerasyon ng mga aktibistang gamit-gamit ang kanilang angking galing at pagkamalikhain bilang isang makapangyarihang porma ng pakikibaka—ang mga artista ng bayan ng makabagong panahon.

Hindi pa tapos ang laban upang wakasan ang pamamasista ng panibagong rehimen, at marahil isa rin itong panawagan sa iba pang kabataan na makiisa at gamitin ang kanilang talento at talino upang muling ikanta at ilantad ang bulok na sistemang umiiral. 

Marahil maraming liriko pa ang kailangang sulatin at marami pang sayaw ang kailangang itanghal, ngunit ang lahat ng ito ay magbubunga at magbubunga rin. Makakamtan din natin ang tunay na tagumpay. ■

DISENYO NI CLARE MARPURI


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya