DAPAT MONG MALAMAN
- Mahigit isang taon matapos ang makasaysayang University-wide walkout ng buong komunidad ng UPLB, muling naglunsad ng isang malawakang kilos-protesta ang sangkaestudyantehan at iba pang sektor sa pamantasan noong Biyernes, ika-18 ng Setyembre.
- Sa kabila ng mga hindi inaasahang pagbabago sa daloy ng programa dulot ng malakas na buhos ng ulan, napanatili pa rin ang mataas na diwa ng mga kalahok nang ipagpatuloy ang pagpapatambol ng mga kampanya sa loob ng mga silid-aralan.
- Inilunsad ang mga desentralisadong focus group discussions (FGDs) sa mga gusali sa paligid ng Oblation Park upang mas paingayin ang multisektoral na panawagan
Muling nagtagumpay ang humigit-kumulang 6000 na mag-aaral, kaguruan, kawani, at iba pang sektor na bumubuo sa pamantasan matapos ikasa ang isa na namang malawakang walkout noong Biyernes, ika-19 ng Setyembre, bilang paghahandana sa ika-54 na komemorasyon sa pagdeklara ng Batas Militar sa Pilipinas na gaganapin sa darating na ika-21 ng Setyembre.
Ganap na 9 a.m. pa lamang ay nagsimula nang humanay ang mga mag-aaral mula sa College of Development Communication (CDC) sa tapat ng Nora C. Quebral (NCQ) Hall upang igiit ang iba’t ibang kampanyang bitbit ng kolehiyo bilang mga mamamahayag.
Kabilang sa mga humanay ang mga pangkolehiyong organisasyon, konseho, at pahayagan sa loob ng CDC—kabilang ang UP Alliance of Development Communication Students (UP ADS), The UP Community Broadcasters’ Society (UP CBS), UPLB Development Communicators’ Society (UP DevComSoc), CDC Freshman Council (FC), CDC Student Council (SC), Gabriela Youth CDC (GY-CDC), at Tanglaw.
Kaugnay nito, lumabas din ang ilang mga faculty members mula sa kanilang mga opisina upang makiisa sa hanay, kabilang na rito sina CDC Dean Edmund Centeno at Asst. Prof. Guien Garma.

Isiniwalat ng mga tagapagsalita sa hanay na kasabay umano ng malaking pagtapyas sa badyet ng UP, patuloy rin nitong ipinagkakait sa mga estudyante ang kanilang mga batayang karapatan para sa tunay na libre at de-kalidad na edukasyon.
“Ramdam [natin] ang bigat sa mga estudyanteng patuloy na nagbabayad para sa ating mga fieldwork, laboratory activities, at marami pa. At sa iba pang akademikong gawain dito sa CDC, patuloy din tayong nakakaranas ng kakulangan sa kagamitan at resources,” saad ni Rianne Morales mula sa CDC FC.
Isang manipestasyon pa nito ang kalbaryo hindi lamang ng mga mag-aaral ng CDC kundi ng buong sangkaestudyantehan ng UPLB sa pakikipag-agawan ng slots kada semestre upang makakuha ng kurso at sapat na units.
Kaugnay nito, sa CDC pa lamang ay mahigit 800 estudyante na agad ang nagsisiksikan sa loob ng NCQ Hall, kasabay umano nito ang limitadong classroom sizes na kayang paunlakan ng isang guro sa isang seksyon.
Partikular dito ang pahirapang pagkuha ng slot sa kursong National Training Service Program (NSTP), dulot ng kakulangan sa pasilidad, kagamitan, at kompensasyon sa mga guro na hahawak ng naturang kurso.
Ayon kay Garma, “Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kulang ang bilang ng mga guro sa ating pamantasan. Kaya’t gustuhin man namin na ma-accommodate ang mga estudyante na nangangailangan ng slots, lahat tayo ay mayroong limitasyon. Malinaw ang solusyon—mas maraming faculty items para mas maraming guro, at mas maraming pasilidad at classroom para mas maraming estudyante ang hindi magkaproblema sa kanilang slots.”
Para naman kay Viktor Mendoza ng CDC SC, matatahi umano ito sa mas pagtangkilik ng estado sa mga pangunahing galamay nito sa pamamasista, kabilang ang P1.66 bilyon na dagdag sa pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang 50 bilyon na pondong nakalaan para sa mga operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Samantala, iginiit rin ni Morales na ang 2.95 bilyong budget cut na inihain ng administrasyong Marcos Jr. sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) ay isa lamang taktika upang dagdagan umano ang nakalaan na badyet sa mga maanomalyang proyekto ng pamahalaan na hindi naman napakikinabangan ng mamamayan.
Harapan pa umanong niloloko at ginagawang kolateral ng mga below standard na imprastraktura ang buhay at paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino para sa malawakang pandarambong ng gobyerno sa kaban ng bayan.
Kaugnay nito, binigyang-diin sa programa kung paano unti-unting hinuhubog ang mga iskolar ng bayan sa larangan ng Development Communication bilang murang lakas-paggawa para sa mga pribado at dayuhang korporasyon sa pamamagitan ng isang generalist curriculum.
Isang malaking kabalintunaan umano ito sapagkat tahasan nitong sinasalungat ang pangunahing rason ng pagkakabuo ng larangan at praktika ng Devcom—ang pagsilbihan ang mga maharnalisadong komunidad.
Hanggang ngayon,makikita pa rin umano kung paano nananatiling nakasandig sa komersyalisado, kolonyalista, at pasistang tipo ng edukasyon ang namumutawi hindi lamang sa kolehiyo ng CDC, kundi sa buong pamantasan.
Hindi umano ito nalalayo sa totoong adyenda ng panukalang Reframed General Education Curriculum (RGEC) ng Commision on Higher Education (CHED) na naglalayong bawasan ang mga asignaturang humuhubog sa kritikal na pag-iisip at kamalayan ng mga mag-aaral.
“Personally, alam naman po namin ‘yung pinaglalaban and nakikita din natin ‘yung problema sa Pax Silica, sa budget cut. Kaya noong una pa lang, buong-buo na ‘yung loob namin, personally, ng mga kaibigan ko na sumama sa walkout na ito dahil ano naman ‘yung silbi nung aaralin natin sa loob ng silid-aralan kung kulang naman ‘yung units namin sa second sem,” pahayag ni Jiro Flores, isang freshman ng Bachelor of Science in Development Communication (BSDC).
Dagdag pa niya, mas lalo umanong mahalaga ang paggiit nila sa pagkakaroon ng sapat na units para sa lahat ng estudyante sapagkat kung kukulangin sila dito dahil lang sila ay freshman at hindi prioritized, nawawala ang esensya ng pagka-siyentipiko at makamasang edukasyon na pangako ng Unibersidad.
Pagsasanib-puwersa kontra panunupil sa kritikal na pakikibaka
Sa ikalawang bahagi ng pagkilos, nagbuklod sa ilalim ng kolektibong panawagan ang malawak na komunidad ng CDC at College of Economics and Management (CEM) sa harap ng Carabao Park.
Pinangunahan ni Leonard Magadia, ang kasalukuyang editor-in-chief ng Tanglaw ang kampanya laban sa karahasan na iniinda ng mga mamamahayag na nais maglathala ng tunay na danas ng mga batayang komunidad.
Idiniin ni Magadia na halos isang taon na ang nakalipas matapos ikasa ang pinakamalawak na walkout sa buong kasaysayan ng UPLB ngunit wala pa rin umanong pinagbago ang mga panawagang nais ipadinig ng kalakhan ng mamamayan sa pamahalaan.
Kabilang na rito ang gawa-gawang kaso na ipinataw sa mamamahayag mula sa Eastern Visayas na si Frenchie Mae Cumpio at iba pang bahagi ng Tacloban 5, ang pagpaslang sa community journalist na si RJ Ledesma kasama ang Toboso 19, at ang walang habas na red-tagging na direktang nararanasan ng mga publikasyon sa UPLB.
Wala umanong pinagbago ang tugon ng reaksyonaryong gobyerno sa pasistang pakikitungo nito sa mga matatapang na indibidwal na tinutugunan ang kanilang tungkulin na iwaksi ang kapalpakan ng sistema na mayroon ang bansa.

Mga panibagong usbong na alyansa ng sangkaestudyantehan
Nitong Setyembre lamang ngayong taon, opisyal na itinatag ang League of Empowered Associate Program Students (LEAPS) UPLB, na layong mas paigtingin at bigyang-plataporma ang mga panawagan ng apat na associate programs na kasalukuyang mayroon ang pamantasan.
Binubuo ito ng Associate of Science in Development Communication (ASDC) ng CDC, Associate in Arts in Entrepreneurship (AA Entrep) ng CEM, Associate of Science in Forestry (AScF) ng College of Forestry and Natural Resources (CFNR), at Associate in Arts in Sports Studies (AASS) ng Department of Human Kinetics at the College of Arts and Sciences (DHK-CAS).
“Sa wakas, mayroon nang alyansa na magbibigay ng espasyo para sa boses, representasyon, kapakanan, at sama-samang pagkilos ng mga associate students. Dahil sa loob ng mahabang panahon, nananatiling kulang ang representasyon ng associate students sa mga usaping direktang nakakaapekto sa ating edukasyon at kinabukasan,” saad ng isang mag-aaral ng AA Entrep na si Juztine Cruz.

Bunsod nito, mas lalo nilang ipinatimo sa administrasyon ng UPLB ang higit na pangangailangan ng muling pagsusuri sa mga represibong polisiya na mas lalo lamang dinadagdagan ang pangamba ng mga mag-aaral sa ilalim ng mga naturang programa.
Partikular dito ang mahigpit at atrasado na retention policy na maaaring hadlangan ang associate degree students kung sakaling magpasya silang tumuloy tungo sa bachelor’s degree.
Bukod pa rito ang umano’y mabilis at hindi maka-estudyanteng takbo ng kanilang kurikulum na madalas magdulot ng pangamba sa pagkaka-delay at ang pressure na tumalima sa mga numerikal na pamantayan sa grado.
Simula pa lamang umano sa delubyong screening process ng mga associate programs bago sila matanggap sa pamantasan, hanggang sa pagsunod sa isang siksik na kurikulum kung saan kinakailangan nilang makatapos ng 72 units sa loob lamang ng dalawang taon.
Kaugnay nito, ibinunyag rin nila na matagal na umanong ginagawang eksperimento ang kurikulum ng mga associate programs sa UPLB, kung saan taon-taon itong binabago at dumadaan sa rebisyon ng hindi man lang dumadaan sa maayos na konsultasyon at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga mag-aaral nito.
Ayon kay Jamie Buera mula sa ASDC, ang lahat ng estudyante ay dapat mabigyan ng pantay na karapatan na matuto at makapagtapos, kaya naman nararapat lamang na ibasura ang mga pasakit na kondisyon na ipinapataw sa associate degree students.
Salubungan tungo sa sentralisadong pagkilos
Matapos ang pangalawang bahagi ng programa sa Carabao Park, binagtas ng mga estudyante, kaguruan, kawani, at mga progresibong grupo ng CDC at CEM ang daan upang makipagsanib-puwersa sa University-wide na programa sa Oblation Park.
Dinumog ng mga kalahok ng walkout ang daan papunta sa tapat ng Oblation nang opisyal na nagsalubungan ang iba’t ibang mga kolehiyo at samahan ng mga estudyante at batayang sektor ng komunidad ng UPLB.

Nagsilbing entablado ang buong Oblation Park sa mga ipinamalas na pagtatanghal ng ilang mga grupo ng artista mula, kabilang na rito ang mga aktor ng ika-50 na Isko’t Iska.
Binitbit ni John Andre Alcala, ang kasalukuyang chairperson ng College of Arts and Sciences Student Council (CAS SC) ang kolektibong panawagan na papanagutin sina Marcos Jr. at Sara Duterte bilang mga promotor umano ng korapsyon at kahirapan sa bansa.
Sinundan din ito ng mariing pagtutol sa mga imperyalistang agenda kagaya ng Pax Silica coalition sa Luzon Economic Corridor na ang US at ang tutang administrasyong Marcos-Duterte lamang umano ang gumaganansya.
Habang ang tirahan at kabuhayan ng mga katutubong mamamayan ang pangunahin umanong naiipit sa pagpapahintulot ng pamahalaan sa mga ekonomikal na adyenda ng mga dayuhang bansa.
Pagbuhos ng malakas na ulan
Sa pagsapit ng tanghali, bumuhos ang malakas na ulan sa gitnang bahagi ng sentralisadong programa sa Oblation Park, kung kaya’t kinailangan munang maghiwa-hiwalay ng hanay at sumilong sa mga kalapit na gusali.

Bilang alternatibong solusyon, mas minabuti na lamang ng mga organisador at kalahok na ipagpatuloy ang programa sa pamamagitan ng magkakasabay na focus group discussions (FGDs) na idinaos sa loob ng mga silid-aralan ng Physical Sciences Building, College of Human Ecology (CHE) Building, at College of Arts and Sciences (CAS) Buildings.
Sa kabila nito, napanatiling mataas ang diwa ng mga estudyante at iba pang mga batayang sektor na lumahok sa programa nang dalahin ng kalakhan ang kanilang mga inisyal na panawagan sa lansangan sa loob mismo ng mga silid-aralan.
“‘Yung mga turo nating ‘yan, mas maiintindihan nila ‘yan kung nakikita nila ‘yan sa aktwal. Kaya ang hamon sa atin, no? Ang classroom sa labas ay bahagi ng pag-aaral ninyo. Kaya nga ipinapa-endorse natin ‘yan sa administration. Hayaan niyo [ang mga estudyante na] matuto sa paraan na hindi nila [ma]kalilimutan,” pahayag ni Jason Pozon, kasalukuyang Pangulo ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) Los Baños.
Pasado 1 p.m. ay opisyal nang nilagom ang programa, napuno ng serye ng mga awitin at kultural na pagtatanghal ang mga silid-aralan ng iba’t ibang mga gusali na inihandog ng mga artista ng bayan—kabilang na rito ang UP Silakbo, ang Tanghal Makiling, at si Armand “Ka-Armand” Mauricio. ■
KUHA NI JULIA LOUISE INTREPIDO



You must be logged in to post a comment.