Nagsimula akong magsulat bilang isang batang nahihirapang umunawa sa kahulugan ng isang editoryal. Sa ikalimang baitang, pinilit kong hanapin ang tinig ko sa isang paksang hindi ko pa lubos na nauunawaan. Sa una kong pagsali sa Division Schools Press Conference (DSPC), ika-11 lamang ang puwesto ko. Hindi ko malilimutan ang hilaw kong emosyon noon — pagkadismaya, hiya, at ang bigat ng tanong sa sarili: “Para ba talaga ako rito?” Gusto kong tumigil at talikuran ang pagsusulat, iniisip na baka hindi ito ang mundo ko.

Sa kabila nito, bumalik at sumali pa rin ako taun-taon, buhat ang paniniwalang balang araw, makararating din ako sa itinuturing kong pinakatuktok ng campus journalism: ang National Schools Press Conference (NSPC). 

Sa hayskul, mas lumalim na ang pag-unawa ko sa mga isyung tinatalakay sa kategorya ko. At kahit ilang ulit akong hindi pinalad, hindi ako tumigil at patuloy na nagsumikap magsanay sa ngalan ng inaasam kong NSPC — hanggang sa inabot na ako ng huli kong taon sa hayskul. NSPC 2024, sa Cebu, doon ko na naranasan ang rurok ng tagumpay. Nakamit ko na rin ang ikalimang puwesto sa Pagsulat ng Editoryal.

Sa puntong iyon, inakala kong kumpleto na ang kuwento ko bilang mamamahayag pangkampus. Isang magandang “ending” — mula sa pagkatalo, patungo sa pagkapanalo. Ngunit, pagdating sa kolehiyo, isang mas malamig na tanong ang gumising sa akin: “Ngayon na nakamit ko na ang matagal kong ipinagdasal, sino na ako bilang manunulat? Para saan ba talaga ang pagsusulat ko ngayong wala nang entablado?”

Nahanap ko ang sagot sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran nang makilala ko ang Tanglaw — ang opisyal na publikasyon ng sangkaestudyantehan ng Devcom.

Gaya ng iba, may alinlangan akong sumali. Baka hindi na ako kasing galing tulad noon. Baka iba ang larangan sa kolehiyo. Baka hindi kayanin ng oras ko. Pero pinili kong humakbang. Sumali ako sa orientation, inalam ko kung paano maging bahagi ng publikasyon. 

At kahit mabilis ang naging proseso ng aplikasyon noon, hindi ito naging madali. Maraming kailangang matutunan, unawain, at tanggapin — lalo na ang katotohanang malayo sa kinagisnan ko ang mundo ng pamamahayag sa kolehiyo. Wala pa akong isang taon sa Tanglaw, ngunit masasabi kong malawak na ang aking pagkatuto.

Sa tulong at gabay ng mga kasapi ko sa publikasyon, unti-unting nahubog ang paninindigan ko bilang manunulat. Dito ko naranasang maging bahagi ng isang kolektibong layunin — ang magkuwento, hindi lamang upang mapansin, kundi upang magbigay-linaw. Hindi upang manalo, kundi upang manindigan. Hindi upang ipagmalaki ang sarili, kundi upang palakasin ang tinig ng iba.

Kung dati, naniniwala akong ang NSPC ang pinakamataas na entablado ng isang mamamahayag pangkampus, ngayon alam kong hindi pala doon nagtatapos ang lahat. 

Sapagkat sa labas ng kompetisyon, doon mo maririnig ang mga kuwento ng mga mamamahayag na nakararanas ng panggigipit, pananamantala, at pagpapatahimik na hindi kailanman nababanggit sa preskon. Dito mo lalo maiintindihan ang bigat at layunin ng pamamahayag: ang magliwanag, magpalaya, at magmulat, sa kabila ng patuloy na pandarahas.  

Hindi ko minamaliit ang mundo ng press conferences. Sa totoo lang, ito ang nagtulak sa akin kung nasaan ako ngayon. Nakatutuwang pagmasdan na maraming kabataang manunulat ngayon ang mas kritikal na sa mga isyung tinatalakay nila, na unti-unting nahuhubog hindi lang ang kanilang estilo, kundi pati ang puso. Ngunit kailangan nating harapin ang reyalidad na natatapos din ang mga kompetisyon kung kaya’t nasa sa’yo na kung kasabay nito matatapos ang iyong kuwento.

Kaya ngayon, nais kong kumausap sa tatlong tao at baka isa ka sa kanila.

Una, sa batang preskon, na may pangarap pa ring ipagpatuloy ang pagsusulat sa kolehiyo: Huwag kang matakot ipagpatuloy ang iyong karanasan. Marami ka pang mailalathalang kuwento. Sa pahayagang pangkampus ko nakilala na may mga taong handang gumabay, makinig, at magsanib-lakas sa paglikha ng mga istoryang nagliliwanag at mapagpalaya.

Pangalawa, para sa mga minsang nagsulat, ngunit hindi na muling bumalik: Nauunawaan ko ang pagkapagod, ang pagdududa sa sariling kakayahan, ang pagkawala ng apoy. Subukan mong manumbalik. Kung nanlalamig man ang apoy sa puso mo, baka ito na ang hudyat na panahon na para magningas muli.

At panghuli, sa mga wala pang karanasan, maaaring may takot ka o pagdududa sa iyong sarili ngunit hindi mo kailangang maging award-winning para sumali. Ang kailangan lang ay bukas na loob, mata na handang tumingin sa labas ng sarili, at pusong handang makinig at magsalita para sa iba. Matututuhan mong gawing tinig ang paninindigan, at panindigan ang bawat salitang isusulat mo.

Kaya’t kung may bahagi sa’yo na nananabik muling magsulat, o kahit kaunting alab na pilit mong binubuhay — ito na ang pagkakataon.

Sa Tanglaw, may espasyong naghihintay sa’yo. Sama-sama tayong lilikha ng mga kuwentong kailangan marinig, totoo, at may saysay. Sabay-sabay tayong magniningas, hindi na para sa medalya at tropeyo kundi para sa paghubog ng isang lipunang tunay na malaya at makatao. ■

Si Angelleanne Marfa ay isang mag-aaral ng AS Development Communication at Opinion Staffer sa Tanglaw.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya