Aninaw
Isinulat ni Vallyrie Suzzane Navia, Tanglaw Apprentice
Inilunsad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sa tulong ng Philippine National Police (PNP), ang “Safer Cities” initiative noong ika-6 ng Abril sa isang preskon. Dito rin mismo sinabi ni Remulla na umuwi at magtago na ang mga aniya’y “rugby boys, geng-geng, at g*go sa kalye” pagpatak ng alas-diyes ng gabi, kung hindi ay huhulihin sila.
Sa ganitong uri ng retorika, masasalamin natin ang bakas ng pasismo na iniwan ng mga naging haligi nito, at kung paano ito patuloy na nananalaytay sa matagal nang nabubulok na sistema ng bansa.
Ayon sa isang pahayag ng PNP sa Facebook, ang “Safer Cities” initiative ay naglalayong mas maging laganap ang presensya ng kapulisan sa urban areas sa Pilipinas upang pagtibayin ang proteksyon at kaligtasan ng mga estudyante’t kabataan.
Ito ay nagsimula sa Metro Manila kung saan ayon kay Remulla ay nagkaroon ng 60% reduction rate sa mga krimen mula 2016. Nakapalaman dito ang enhanced curfew ordinance, Ordinance No. 8046, kung saan ang mga kabataan na 18-anyos pababa ay pinagbabawalan nang lumabas makalipas ang alas-diyes ng gabi.
Makikita sa bilang ng kaso na itinalaga ng PNP na nitong ika-15 ng Abril ay lumobo na sa 89,532 ang bilang ng mga nahuli ng kapulisan. Mula rito ay 438 ang kabataang may curfew violations, at 199 naman ang mga walang damit pang-itaas sa publiko.
Hindi ito isang simpleng ordinansa lamang na kinapapalooban ng mga numero. Kung titingnan sa mas malalim na perspektibong pangsosyolohikal, may mas malaki pang problema ang dapat na matunghayan ng karamihan.
Sa lumipas na 10 taon, gaya na lamang ng nabanggit ni Remulla, may ilang mga ordinansa’t batas na ang naipatupad na layon umanong kamitin ang mas matiwasay at payapang pamumuhay ng mga Pilipino. Ngunit, isang malaking tanong pa rin ang patuloy na namumutawi sa mga mamamayan: tunay nga bang nagdudulot ng pagbabago ang mga ordinansang ito, o instrumento lamang upang paigtingin ang karahasan laban sa kabataan at maralita?
Sa pagbansag ni Remulla sa ibang kabataan bilang “geng geng” o “rugby boys” ay batid na nakatanim pa rin ang dahas sa retorika ng paraan ng pamumuno sa ating gobyerno. Kung saan imbes na para sa kapakanan ng lahat ng mga mamamayan, ang mga patakaran ay nagsisilbi lamang para sa iilan.
Hindi na bago ang ganitong klaseng pananalita tungkol sa maralita. Lumipas man ang ilang taon, matatag pa rin ang pagsasalin ng ideolohiyang pasismo sa masa at wika ng diktador at pasista.
Kung ating maaalala, karaniwang retorika ni Duterte ang pagpatay niya sa mga umano’y sangkot sa droga noong opisyal niyang ipinatupad ang War on Drugs sa kaniyang termino. At sa buong anim na taon niyang pag-upo bilang pangulo, libo-libong buhay at pag-asa ang kinitil.
Halos 10 taon na ang nakalipas, at hanggang ngayon ay tila hindi pa rin burado ang marka ng pasismo at diktadurya niya sa mga lugar kung saan bumahid ang dugo ng mga nasawi sa extrajudicial killings (EJK).
Nananatiling buhay ang kuwento ng mga biktima. Nananatili sa ala-ala ng lahat kung paano sila binalutan ng plastik sa ulo at hinandusay sa kalsada na may sulat: “Pusher ako. Wag tularan.” Sa mga ganitong retorika rin natin makikita kung paano naisulong at napahintulutan ang paglaganap ng pasismo sa buong bansa.
Nagsisimula at nakaangkla sa simpleng profiling ang madudugong mga pangyayari sa lipunan na pinakamadalas nararanasan ng mga maralita. Kung kaya’t hindi maikakaila na ang pagturo at pagtingin sa mga nasa laylayan bilang kriminal at pinakamababang uri ay ang katangian na laging magbubunsod ng anomalya sa ating lipunan. At hindi ito lumilitaw sa isang iglap, ito’y laging unang maririnig sa wikang sinasamba ng mga mapanupil na naghaharing uri.
Gayunpaman, sa perspektibong makatao, isang malaking pagtataksil sa mamamayang Pilipino ang pagsunod sa yapak ng ganitong klaseng kaisipan. Ito’y pagtalima sa laganap pa ring panunupil ng estado sa atin. Mula sa ating abilidad na makapagsalita nang payapa hinggil sa mga isyu sa lipunan hanggang sa pagbabansag sa atin bilang terorista at kaaway ng bansa. Makikita na patuloy pa ring nagwawagi ang mapanlinlang na salita ng mga opisyal laban sa atin.
Sinasalamin din ng padalos-dalos at mapagsantabing mga polisiya ng estado ang tunay nitong intensyon. Walang pasubali, kung ating pagtutuunan ng pansin, na ang mga akusasyon at pagbabanta sa mga maralita ay sapat na upang sila ay makulong, multahan, o patayin ng kapulisan—kahit gaano pa kasukdulan ito sa kalapastanganan.
Hindi magsisilbing daan ang programa ng “Safer Cities” initiatives upang mas maging payapa ang Pilipinas kung ang kapalit din naman nito ay ang karapatang pantao ng mga maralita. Dahil mula sa mga naging bunga ng mapang-abusong pamamalakad at pamamaraan, sinasakripisyo at nilalagay sa pinsala ang mga maralita sa likod ng pag-unlad ng bansa.
Samakatuwid, ang ganitong klaseng wika mismo ang nagbubunyag sa tunay na layunin ng isang pasista, dito natin makikita kung paano nila tinitingnan ang mga mahihirap—mga kriminal, walang silbi, at mangmang.
Ngunit ito ang dapat nating tandaan, hindi petty crimes ang magsisilbing breeding grounds ng mas malaking mga krimen. Dahil ang mga taong tunay na kaaway ng masa ay ang mga tiwali at pasista na walang habas sa pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagkitil sa buhay ng mga mamamayang Pilipino.
At sa pag-alala ng mapait na kahapon, patuloy nating tibagin ang mga mapanupil na retorika upang tumigil na ang pagdanak ng dugo at pagyurak sa karapatan ng mga biktima sa ilalim ng pasista at kapitalistang sistema.
Kalampagin natin ang estado at ipaalala na ang tunay na “Safer Cities” initiative ay matatamasa lamang kung ang bawat maralita ay pinapahalagahan at kinikilala bilang tao—na may dignidad, karapatan, at kalayaang mamuhay na walang takot sa sariling bansa. Dahil sa pag-igting ng pwersa ng masa, magwawagi rin ang kinabukasang matagal nang hinahangad ng taumbayan. ■
DISENYO NI CLARE MARPURI, TANGLAW APPRENTICE


