DAPAT MONG MALAMAN
- Ang istoryang “Para sa Thesis,” na isa sa tatlong dula na bumubuo sa Nawawala 2026: Time Machine ay isang kuwentong mapagpamulat, kung saan idinidiin ang mga danas at sinasapit ng mga indibidwal na aktibong lumalaban sa tiwaling estado kasama ang mga biktima ng red-tagging at pasismo.
- Itinampok sa dula ang maduming sistema sa ilalim ng pasistang estado kung saan patuloy na minamarkahan ng pula ang mga aktibista at inosenteng mamamayan.
Hindi pa man nakararating sa purgatoryo, hinatulan na ng mga huwad na husgado ang kapalaran mo. Sapilitang nilalako at paulit-ulit na ginagawang parausan ang mga walang imik. Sa puntong mga halakhak na lamang ng mga sakim ang maririnig—sapagkat ibinabaon na lamang sa limot ang mga daing hanggang sa wala nang mamutawi.
Sa muling pagbubukas ng telon, binigyang-buhay ng Umalohokan, Inc. ang istoryang pilit na pinagtatakpan.
Itinampok ng “Para sa Thesis,” isa sa tatlong dula ng Nawawala 2026: Time Machine, ang reyalidad sa lipunan, kung saan ang mga kumikitil ay sinasamba at ang mga walang sala ay tinatarakan ng bala.
Sa daloy ng banghay, ipinakilala ang apat na thesismates: si Gabbie bilang lider ng thesis; si Denise, na numero uno sa kapalpakan; si Daryl na hari ng tsismis at pang-aalaska; at si Manny na laging missing in action sa mga kaganapan.
Simple lang naman ang hangad nila: matapos na ang kanilang thesis upang maka-graduate na. Kung titingnan, mga normal lamang na mga estudyante.
Sila ‘yung tipong nagkakabardagulan kapag may butaw na groupmates, nagkakantyawan, nag-aalaskahan, at sila rin ‘yung mga crammer kapag malapit na ang deadlines.
Ngunit lingid sa mata ng lahat, hindi normal ang thesis ng grupong ito.
Ang thesis nila ay umiikot sa pagkolekta ng mga datos sa pag-torture ng mga dinadakip nilang “komunista.” Ginagawa nila itong mga sample at sinusubukan nila sa mga ito ang iba’t ibang “experiment.”
Ito kasi ang utos ni Dra. Jean, ang kanilang thesis adviser.
Para maging “Best Thesis” si Gabbie, kinakailangan nilang suungin ang butas ng karayom.
Kahit pa ang kapalit nito ay pagkitil ng buhay.
Kahit pa ang kapalit nito ay pagdanak ng dugo sa kanilang mga kamay.
Sa larong ito, ikaw ang taya
Saksak puso tulo ang dugo
Patay, buhay
Hindi ka na makakaalis sa kinaroroonan mo.
Pilitin mang magpumiglas, hindi pa rin makatatakas.
Ganito kung ilalarawan ang naging kalagayan ni Sample 5, isa sa mga pinagbintangang “komunista” upang ikatwiran ang malagim na sinapit nito sa kamay ng grupo. Iba’t ibang paraan ng torture ang tinamo niya. Mga halinghing na lamang ng sakit ang umuugong sa apat na sulok ng silid. Hanggang sa ang nakabibinging katahimikan na lamang ang maririnig.
Sapagkat binawian na ito ng hininga.
Binigyang-diin ni Ashley Caballero, ang gumanap na Sample 5, na ang karakter nito ay hindi lamang sa dula nakikita sapagkat ito ay nangyayari sa lipunan. “Sa pinakamalinaw na manipestasyon ni Sample 5 ay ang mga naging biktima ng pasistang estado para lamang mapanatili ang kapangyarihan nila,” ani Caballero.
Dagdag pa niya, sa pagsasakatawan niya ng karakter ni Sample 5, dala niya ang mga panawagan ng hustisya para sa mga tulad nito na biktima ng mapanupil na sistema habang isinasabuhay ang diwa ng pakikibaka sa kabila ng pambubusal.
“Magsilbing babala na rin sa mga manonood na tunay na may ganitong nangyayari sa panahon natin, at tunay rin na ito ang maaaring kahinatnan natin kung hindi pa tayo kumilos ngayon para gumawa ng pagbabago.”
Lupon ng makasalanan
Mga bulag na taga-sunod ang grupo nila Gabbie, Denise, Manny, at Daryl. Hindi nila alintana na makapinsala ng iba, basta makuha ang inaasam nila.
Mga bahag din ang buntot—tila asong naglalaway at sabik na sabik na mapuri ng amo nila.
Halos sambahin na kasi ng mga ito si Dra. Jean. Kulang na lang ay luhuran at dasalan ng Ama Namin upang maging certified kulto. Ito raw kasi ang susi para maka-graduate na sila. Upang mapunan din ang pagkagutom ni Gabbie sa inaasam niyang “Best Thesis.“
Mga sakim at ganid. Kibit-balikat na gumagawa ng inhustisya at paglabag sa karapatang pantao ang paulit-ulit na ginagawa ng mga ito. Ginagawa na lamang nilang laruan ang mga katawang walang sawa nilang pinahihirapan.
Ginagawa na lamang nilang playground ang silid kung saan sila ang naghahari-harian habang binibilanggo nila ang kanilang mga binibiktima.
Wala pa man sa impyerno ang mga ito, tiyak na sinusunog na ang mga halang nilang kaluluwa.
Sa mata ng isang paslit
Ang laruang baril na bitbit niya ay ang parehong baril na hawak-hawak ng nambiktima sa kaniya.
Isa sa mga karakter ng dula si Benben, siya ang kapatid ni Manny. Isa lamang siyang musmos na bata. Kagaya ng ibang kaedaran niya, iisa ang hilig ng mga ito: ang maglaro at magsaya.
‘Yung tipong makikipaghabulan sa kalye, nakikipagtayaan, baka nga pwede pa siyang maging mother sa Chinese garter o ‘di naman kaya ay nagtutumbang preso sa kanto.
Ganito dapat ang buhay ng isang paslit na tulad niya. Pangarap pa nga niyang maging sundalo kaya palaging bitbit niya ang kaniyang laruang baril.
Dahil wala pa siyang alam.
Dahil wala pa man siyang muwang, binawi na ang karapatan niyang mabuhay.
Sa banghay ng dula, ipinakita na si Manny ang dahilan kung bakit naging palpak ang naging eksperimento nila kay Sample 5.
Paulit-ulit na sisihan ang naging daloy ng sitwasyon ng apat. Ngunit nang makatanggap ng tawag kay Dra. Jean, mas lalong lumala ang udyok sa damdamin ng mga ito na maging ganid.
Ayon kay Dra. Jean, hindi naman kailangang maging komunista bago isalang sa walang-awang pag-eksperimento ng mga ito.
Doon dumaloy ang kasakiman at desperadong damdamin. Dahil halang na ang mga bituka, si Benben ang napagdiskitahan nila.
Ultimo ang walang muwang ay hindi pinalampas.
Dahil alam nilang walang kalaban-laban kaya kanila itong pinagsamantalahan.
Binigyang-punto ni Isabel Macalalad, ang gumanap na Benben, na ang karakter nito ay isang representasyon ng isang papausbong na paslit. Ayon kay Macalalad, “Sinusubukan pa lamang nyang [Benben] intindihin ang mga nangyayari sa paligid nya.”
Dagdag pa niya, ang karakter ni Benben ay isang batang maaaring naimpluwensyahan ng mga taong tumuturing sa mga aktibista bilang kalaban ng estado.
Pugad-halimaw
Wala mang kabilugan ng buwan at hindi pa man sumasapit ang dilim ay naglipana na ang mga kapugaran ng mga sakim.
Malaya silang pasuray-suray at naghahasik ng lagim.
Patuloy na humahanap ng mabibiktima.
Tulad ng “Para sa Thesis,” hindi nananatiling kathang-isip ang dula. Dahil ito ang totoong kaganapan sa lipunan.
Ang mga kamay ng totoong salarin ay pilit na hinuhugasan, paulit-ulit na kinukuskos at pinipinturahan ng puti upang pagtakpan ang madugong krimen.
Wala raw silang kasalanan. Para daw kasi ito sa bayan.
Hibang na pangangatwiran ng mga kumikitil ng buhay.
Ngunit sa kabila nito, pinapatungan pa rin ng korona ang kanilang mga ulo.
Habang ang mga aktibistang nakikibaka sa lansangan ay hinuhuli, minamarkahan ng pula, at tinatawag na komunista. Ang mga namartir ay hindi na nabibigyang-hustisya, patuloy na hinahamak at kinukutya. Hanggang sa libingan ay ganito ang natatamo nila.
Tulad nina Sample 5 at Benben na biktima ng pasistang estado, ganito rin ang sinapit nila Alyssa, Errol, Rj, Maureen, Kai, at Lyle ng Toboso 19.
Binabansagang “NPA” o hindi naman kaya ay “corned beef” upang gawing katatawanan ang kanilang mapait na sinapit. Ganito na lamang ang kawalan ng moralidad sa lipunan.
Hinahalintulad ang buhay ng tao sa isang “corned beef” kung saan binabalagbag, ginigiling nang pino hanggang wala nang matira, inilalagay sa lata kung saan wala nang kawala, at saka mamarkahan kung kailan hindi na makakaalma.
Ganito ang naging kinahinatnan ng Toboso 19 sa piling ng berdugong estado. Inihalintulad lamang sila sa isang bagay na madaling idispatya. Hindi pa man nakararating sa husgado, agad na kinitil at hinukuman na ang magiging kapalaran ng mga ito.
Sa wakas ng dula
Gaya ng isang lipunang nasa piling ng bulok na sistema, hindi rin kaibahan ang naging wakas ng dula.
Pinatay nang walang kaawa-awa si Benben, pagtangis ng kaniyang kapatid na si Manny, at tuluyang pagdispatya kay Sample 5. Ito ang naging dulo ng banghay.
Masaklap man ang pagtatapos, nag-iwan naman ito ng mensaheng dapat maipabatid sa mga manonood.
Binigyang-diin ni Macalalad, na isa rin sa mga direktor ng dula, ang nais ipahiwatig ng “Para sa Thesis.”
“Gawin sana nating gabay ang mensahe ng piyesa para sa mga susunod nating mga desisyon; mag-urge sana ito na mas sikhayan pa natin ang pag-e-encourage sa mga tao na maging kritikal sa pagtingin at pagtrato sa mga isyung panlipunan.”
Mapait, mahirap lunukin, at mahirap tanggapin.
Ito ang naging wakas ng dula.
Ngunit sa kabila man ng masakit na pagtatapos, isa itong panawagan na paalabin ang apoy ng pakikibaka.
Na kahit nananatiling nasa ilalim at bihag sa kamay ng mga berdugong mapang-alipin, sabay-sabay na iangat ang kamao, patalsikin at hawiin ang mahigpit na pagkakahawak nito.
Isa rin itong pag-asa, na sa kabila ng madilim na kasalukuyan, mamumutawi pa rin ang silab ng pakikibaka, at ang sidhi ng liwanag na nanggagaling dito ay pupuksain ang sistemang mapanupil. ■
DIBUHO NI CLARE MARPURI



