“Paano ba natin malalaman kung mahusay ang isang sulatin, o ang isang manunulat?”
Naimbitahan ako para magturo sa isang journalism training event sa Quezon City noong ikalawang linggo ng Mayo, at ‘yan ang tanong na talagang sinubukan kong masagot.
Sa unang tingin kasi, simple lang naman. Parang teknikal na tanong lang ito. Marahil inaasahan ng mga dumalong batang mamamahayag na magsasalita ako tungkol sa gramatika, estruktura, estilo, o paggamit ng malalalim na salita. Aaminin ko, mahalaga naman talaga ang mga iyon. Gayunpaman, habang iniisip ko ang sagot ko sa tanong na ‘yon, mas napagtanto kong mas makabuluhan ito kaysa sa isang simpleng usapin ng teknikalidad. Bago kasi natin matatanong kung maganda bang basahin ang isang piyesa, dapat muna nating siyasatin: anong klaseng lipunan ba ang sinusubukang harapin at baguhin ng sulating ito?
Matagal ko nang pinanghahawakan ang prinsipyong hinding-hindi maaaring ihiwalay ang pagsusulat sa lipunang pinagmumulan nito. Walang manunulat ang umuusbong mula sa kawalan. Ang bawat pangungusap at talata na isinusulat natin ay hinuhubog ng mga krisis na nasasaksihan natin, ng mga taong nakasasalamuha natin, ng mga kontradiksyong natututuhan nating pangalanan, at ng mga pangarap na hinaharaya nating maabot.
Sa ganitong pananaw, madaling maunawaan kung bakit ang mga pinakadakilang manunulat sa kasaysayan ay sila ring mga manunulat na pinakalapat ang mga paa sa lupa. Hindi nila pinanood ang lipunan mula sa malayo. Hindi sila nagsusulat para lang sa palakpak. Aktwal at aktibo ang kanilang paglusong sa reyalidad ng masa.
Ito rin ang dahilan kung bakit, katulad ng ginawa ko sa lektura ko, palagi kong sinasabi sa mga kabataang manunulat na nagsisimula lang magbago ang mundo ng isang manunulat sa sandaling magsimula siyang maglakad. Maglakad sa mga komunidad. Maglakad sa hanay ng mga manggagawa sa pagawaan at mga magsasaka sa sakahan. Maglakad sa mga lansangang lubog sa tubig-baha, sa mga pampublikong paaralang kulang sa kagamitan, at sa mga palengke kung saan araw-araw pinagtatagpi-tapi ng mga mamamayan ang kanilang kabuhayan.
Naniniwala kasi akong tanging sa kalikasan, sa lipunan, sa aktibong pakikibaka, at sa pakikipagkaisa sa masa tayo makakukuha ng makabuluhang ideya na maaari nating gawing rebolusyonaryong piyesa.
Marami pa rin kasing taong may tendensiyang romantisahin ang pagsusulat bilang isang hamak na intelektwal na gawain. Noong bata pa ako sa pamamahayag, gano’n din ang pagtingin ko. May punto ring naniwala akong umuusbong ang husay sa pagsulat mula sa simpleng pagbabasa. Ngunit gaano man karami ang teoryang alam ng isang manunulat, mananatiling hungkag iyon kung wala siyang tunay na danas at buong-pusong pagsisikap upang unawain ang lipunan.
Sabi nga, “theory without practice is just as incomplete as practice without theory.” Kailangang magkasabay ang dalawa. Ang manunulat na hindi nag-aaral ng teorya ay nanganganib maging malabnaw, ngunit ang manunulat na hindi lumulubog sa reyalidad ng masa ay nanganganib maging inutil sa sambayanan.
Totoo naman ang sinasabing mahalaga ang magbasa nang magbasa—hindi lamang ng literatura kundi pati ng balita, sanaysay, testimonya, pagsusuring pampulitika, at maging ‘yung tila ordinaryong usapan ng mga tao. Hinahasa kasi ng pagbabasa ang ating kakayahang makita ang mga kontradiksyon sa lipunan. Natututuhan natin ang ritmo, lawak ng pananaw, at disiplina sa pagsusuri.
Gayunpaman, hindi sapat ang pagbabasa kung mananatili lamang itong nakakulong sa pahina. Ang tunay na hamon ay kung paano iuugnay ang ating natutuhan sa aktwal na karanasan ng mga mamamayan.
Kasabay nito, mahalaga ring matutuhan ng isang manunulat kung paano pumili ng paksa. Sa palagay ko kasi, hindi lang dapat nakasentro ang tanong sa “ano ang gusto kong isulat?” kundi sa “ano ang kailangang maisulat?” May mga paksang tila payak sa unang tingin, ngunit naglalaman ng napakalalalim na katotohanan. Sa karanasan ko, kadalasa’y mas marami pang naibubunyag tungkol sa lipunan ang isang simpleng byahe sa jeep kaysa sa isang mahabang talumpati ng politiko sa Senado. Kadalasa’y sapat na ang pagod ng isang manggagawa upang ilantad ang kabuuang kalagayan ng ekonomiya labas sa hambog na suri ng mga ekonomista.
Sa madaling sabi, tungkulin nating mga manunulat na hanapin kung saan nagtatagpo ang personal na danas at mas malawak na reyalidad ng lipunan.
Marahil sa mismong mga nabanggit din mas malinaw na natutugunan ang tanong hinggil sa pagsukat ng husay sa pagsulat. Hindi nagiging makapangyarihan ang isang piyesa dahil lamang sa nagtutunog itong matalino sa burges na pamantayan. Sa katunayan, kadalasa’y ang pinakasimpleng sulatin ang siyang pinakamalalim. Mahirap kayang maging simple sapagkat nangangailangan ito ng malinaw na pag-iisip. Kahit sino naman, maaaring magkubli ng kalituhan sa likod ng malalalim na salita, ngunit kakaunti lamang ang kayang magpaliwanag ng masalimuot na reyalidad sa paraang tunay na nadadama at nauunawaan ng mga mambabasa.
Walang rason para ilayo ng isang manunulat ang kanyang piyesa sa mga taong nais nitong pagsilbihan.
‘Yung isa pang magandang batayan ng ganda ng isang sulatin ay yaong bersyon nito bago mailathala. Kapag kasi nagsusulat ako, lagi kong ipinapaalala sa sarili ko na hindi kailangang perpekto ang unang draft. Sabi nga, “just make it exist first; you can make it great later.” Maraming manunulat ang napaparalisa dahil sa takot na hindi magiging mahusay ang kanilang gawa. Sa sobrang paghahangad ng perpeksyon, wala silang natatapos. Ngunit kailangan nating tanggapin ang reyalidad na ang pagsusulat ay proseso ng paulit-ulit na rebisyon.
Nagiging matibay lamang ang isang sanaysay matapos ang maraming paulit-ulit na pagbabasa, pagrerebisa, at masinsing pagpuna sa sarili.
Ito rin ang dahilan kung bakit mahalagang balikan maging ang mga nailathala na nating akda. Masakit minsan dahil doon natin nakikita ang ating mga kahinaang nasa plataporma na para sa mga mambabasa—may mga argumentong kulang pa, mga pangungusap na p’wede pa sanang hasain, at mga emosyon na maaari pang gawing mas sinsero. Gayunpaman, bahagi kasi ito ng paglago. Ang manunulat na tumitigil sa pagkatuto ay manunulat na unti-unti na ring tumitigil sa pagsusulat nang may lalim at saysay.
‘Di rin dapat nakukulong sa pagsusulat ang isang manunulat. Kailangan niyang magkaro’n ng iba pang malikhaing gawain, katulad ng pakikinig sa at paglikha ng musika. Kailangan niyang manood ng mga pelikula. Kumuha ng mga litrato. Gumuhit. Makipagdiskurso sa mga komunidad. Higit sa lahat, matutong magpahinga.
Hindi nabubuhay ang pagkamalikhain sa paulit-ulit na siklo ng pagsusulat. Madalas, ang pinakamahalagang ideya ay hindi dumarating habang nakaharap tayo sa papel o nakaupo sa computer kundi sa mga pagkakataong aktibo nating dinaranas ang buhay.
Ito rin ang rason kung bakit hindi kailanman magiging hiwalay sa politika ang peryodismo. Sa isang banda, lahat ng mamamahayag ay aktibista rin sapagkat ang pamamahayag ay paghahanap ng katotohanan. Ang tapat na pagsusulat tungkol sa lipunan ay matapang na pagtunggali sa mga sistemang nakikinabang sa katahimikan. Ang tinatawag na “neutrality” ay isang huwad na instrumentong nagpapanatili sa umiiral na bulok na kaayusan.
At kung may isang bagay mang pinakamahalaga para sa gaya nating mga manunulat, sa palagay ko, ito ay ang manatiling punong-puno ng pag-ibig. Hindi ‘yung mababaw na pag-ibig na umiiral lamang sa mga salita, kundi radikal na pagmamahal na nakaugat sa tunay na pakikiisa sa masa at aktibong pakikibaka kasama nila. Ang pinakamahuhusay na sulatin ay hindi nagmumula sa kahambugan kundi sa kolektibong paglaban. Nagsisimula ito sa pagnanais na gawing nauunawaan ang pagdurusa, gawing lantad ang inhustisya, at gawing posible sa isip ng malawak na masa ang paglaya.
Sa huli, hindi naman talaga nasusukat ang husay sa pagsulat sa dami ng parangal, engagements sa social media, publication count, o teknikal na husay lamang. Nagkakaroon ng tunay na kabuluhan ang pagsusulat kapag nilalayon nitong mapalalim ang kamulatan ng masa sa kanilang reyalidad at maging inspirasyon para sa hangaring magkaro’n ng isang mas mabuti at mas makatarungang lipunan.
Ang tunay na mahusay na manunulat ay iyong natututong magmartsa kasama ng sambayanang nakikibaka. Sila iyong mga manunulat na, kapag lumipas na ang buhay kasabay ng mga salita, dadakilain bilang mga taong nagpasyang ilapat ang kanilang mga paa sa lupa upang makiisa sa laban ng masa para sa paglaya.■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


